Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kayo “Ngayon ay Bayan Na ng Diyos”

Kayo “Ngayon ay Bayan Na ng Diyos”

“Dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.”—1 PED. 2:10.

1, 2. Anong pagbabago ang naganap noong Pentecostes 33 C.E., at sino-sino ang naging miyembro ng bagong bayan ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

ANG Pentecostes 33 C.E. ay mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng bayan ni Jehova sa lupa. Isang malaking pagbabago ang naganap nang araw na iyon. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, si Jehova ay nagtatag ng isang bagong bansa—ang espirituwal na Israel, o “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong panahon ni Abraham, hindi na pagtutuli sa laman ang pagkakakilanlan ng bayan ng Diyos. Tungkol sa bawat miyembro ng bagong bansang iyon, isinulat ni Pablo: “Ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.”—Roma 2:29.

2 Ang unang miyembro ng bagong bansa ng Diyos ay ang mga apostol at ang mahigit sandaang iba pang alagad ni Kristo na nagtipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:12-15) Binuhusan sila ng banal na espiritu, kaya sila ay naging mga pinahirang anak ng Diyos. (Roma 8:15, 16; 2 Cor. 1:21) Patunay ito na gumana na ang bagong tipan, na si Kristo ang nagsilbing tagapamagitan at binigyang-bisa ng kaniyang dugo. (Luc. 22:20; basahin ang Hebreo 9:15.) Sa gayon, ang mga alagad na iyon ay naging miyembro ng bagong bansa, o bayan, ni Jehova. Dahil sa banal na espiritu, nakapangaral sila sa iba’t ibang wika ng mga Judio at mga proselitang nagpunta sa Jerusalem mula sa buong Imperyo ng Roma para ipagdiwang ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes. Narinig at naunawaan ng mga taong ito sa kanilang sariling wika ang “mariringal na mga bagay ng Diyos” na ipinangaral ng mga pinahirang Kristiyano.—Gawa 2:1-11.

ANG BAGONG BAYAN NG DIYOS

3-5. (a) Ano ang sinabi ni Pedro sa mga Judio noong araw ng Pentecostes? (b) Anong sunod-sunod na hakbang ang umakay sa paglago ng bagong bansa ni Jehova noong unang mga taon nito?

3 Ginamit ni Jehova si apostol Pedro para anyayahan ang mga Judio at mga proselita na maging miyembro ng bagong-silang na bansang ito, ang kongregasyong Kristiyano. Noong araw ng Pentecostes, buong-tapang na sinabi ni Pedro sa mga Judio na dapat nilang tanggapin si Jesus, ang taong “ipinako [nila] sa tulos,” dahil “ginawa siya ng Diyos bilang kapuwa Panginoon at Kristo.” Nang magtanong ang mga tao kung ano ang dapat nilang gawin, sinabi ni Pedro: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gawa 2:22, 23, 36-38) Nang araw na iyon, mga 3,000 ang nadagdag sa bagong bansa ng espirituwal na Israel. (Gawa 2:41) Pagkatapos nito, patuloy na nagbunga ang masigasig na pangangaral ng mga apostol. (Gawa 6:7) Lumalago na ang bagong bansa!

4 Nang maglaon, ang mga alagad ni Jesus ay nangaral din sa mga Samaritano, at naging matagumpay ito. Maraming nabautismuhan ang ebanghelisador na si Felipe, pero hindi agad tumanggap ng banal na espiritu ang mga iyon. Isinugo ng lupong tagapamahala na nasa Jerusalem ang mga apostol na sina Pedro at Juan sa nakumberteng mga Samaritano, at “ipinatong nila sa kanila ang kanilang mga kamay, at nagsimula silang tumanggap ng banal na espiritu.” (Gawa 8:5, 6, 14-17) Kaya ang mga Samaritanong iyon ay naging mga pinahirang miyembro ng espirituwal na Israel.

Nangaral si Pedro kay Cornelio at sa sambahayan nito (Tingnan ang parapo 5)

5 Noong 36 C.E., muling ginamit si Pedro para anyayahan ang iba pa na maging bahagi ng bagong bansa ng espirituwal na Israel. Nangyari ito nang mangaral siya sa Romanong senturyon na si Cornelio at sa mga kamag-anak at kaibigan nito. (Gawa 10:22, 24, 34, 35) Iniulat ng Bibliya: “Samantalang nagsasalita pa si Pedro . . . , ang banal na espiritu ay bumaba sa lahat [ng di-Judiong iyon na] nakikinig sa salita. At ang mga tapat na sumama kay Pedro na kabilang sa mga tuli ay namangha, sapagkat ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu ay ibinubuhos din sa mga tao ng mga bansa.” (Gawa 10:44, 45) Mula noon, ang di-tuling mga Gentil ay inanyayahan ding maging bahagi ng espirituwal na Israel.

“ISANG BAYAN UKOL SA KANIYANG PANGALAN”

6, 7. Ano ang ginawa ng mga miyembro ng bagong bansa bilang ‘bayan ukol sa pangalan ni Jehova’?

6 Sa isang pagpupulong ng lupong tagapamahala ng unang-siglong mga Kristiyano noong 49 C.E., sinabi ng alagad na si Santiago: “Inilahad ni Symeon [Pedro] nang lubusan kung paanong sa unang pagkakataon ay ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Mga mananampalatayang Judio at di-Judio ang bubuo sa bagong bansang iyon na nagtataglay ng pangalan ni Jehova. (Roma 11:25, 26a) Nang maglaon, isinulat ni Pedro: “Dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” Ipinaliwanag din ni Pedro ang layunin ng bagong bansang ito: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Ped. 2:9, 10) Hayagan nilang pupurihin si Jehova at luluwalhatiin ang kaniyang pangalan. Walang-takot silang magpapatotoo para kay Jehova, ang Soberano ng Sansinukob.

7 Gaya ng likas na Israel, ang mga miyembro ng espirituwal na Israel ay tinawag ni Jehova na “ang bayan na inanyuan ko para sa aking sarili, upang isalaysay nila ang aking kapurihan.” (Isa. 43:21) Buong-tapang nilang sinabi sa mga tao na si Jehova ang tanging tunay na Diyos at na ang lahat ng iba pang diyos ay huwad. (1 Tes. 1:9) Nagpatotoo sila tungkol kay Jehova at kay Jesus “sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; Col. 1:23.

8. Anong babala ang ibinigay ni apostol Pablo sa bayan ng Diyos noong unang siglo?

8 Si apostol Pablo ay isang matapang na miyembro ng unang-siglong ‘bayan ukol sa pangalan ni Jehova.’ Sa harap ng mga paganong pilosopo, ipinagtanggol niya ang soberanya ni Jehova, “ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, yamang ang Isang ito nga ay Panginoon ng langit at lupa.” (Gawa 17:18, 23-25) Sa pagtatapos ng ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, binabalaan niya ang mga miyembro ng bayan ng Diyos: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) Bago matapos ang unang siglo, ang inihulang apostasya ay kitang-kita na.—1 Juan 2:18, 19.

9. Pagkamatay ng mga apostol, ano ang nangyari sa ‘bayan ukol sa pangalan ni Jehova’?

9 Pagkamatay ng mga apostol, lumaganap ang apostasya, kung kaya nagkaroon ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip na patunayang sila ay ‘isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova,’ inalis pa nga ng mga apostatang Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa maraming salin nila ng Bibliya. Tinularan nila ang paganong mga ritwal at nilapastangan ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang di-makakasulatang mga doktrina, “banal na mga digmaan,” at imoral na paggawi. Kaya sa loob ng daan-daang taon, iilan lang ang tapat na mananamba ni Jehova sa lupa at wala siyang organisadong “bayan ukol sa kaniyang pangalan.”

MULING PAGSILANG NG BAYAN NG DIYOS

10, 11. (a) Ano ang inihula ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo? (b) Paano natupad ang ilustrasyon ni Jesus pagkatapos ng 1914? Ano ang resulta?

10 Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo, inihula ni Jesus ang isang yugto ng espirituwal na kadiliman na ibubunga ng apostasya. Sinabi niya na “habang natutulog ang mga tao,” ang Diyablo ay maghahasik ng panirang-damo sa bukid kung saan naghasik ng binhi ng trigo ang Anak ng tao. Lálaking magkasama ang mga ito hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ipinaliwanag ni Jesus na ang “mainam na binhi” ay lumalarawan sa “mga anak ng kaharian” at ang “panirang-damo” ay ang “mga anak ng isa na balakyot.” Sa panahon ng kawakasan, isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang “mga manggagapas,” ang mga anghel, para ihiwalay sa panirang-damo ang makasagisag na trigo. Sa gayon, ang mga anak ng Kaharian ay titipunin. (Mat. 13:24-30, 36-43) Paano ito natupad, at ano ang kaugnayan nito sa pagkakaroon ni Jehova ng isang bayan sa lupa?

11 Ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nagsimula noong 1914. Sa panahon ng digmaan nang taóng iyon, ang iilang libong pinahirang Kristiyano, ang “mga anak ng kaharian,” ay nasa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila. Noong 1919, pinalaya sila ni Jehova, at malinaw na nakita ang kaibahan nila sa “panirang-damo,” o huwad na mga Kristiyano. Tinipon niya ang “mga anak ng kaharian” at inorganisa bilang isang bayan, kaya natupad ang hula ni Isaias: “Ang isang lupain ba ay iluluwal na may mga kirot ng pagdaramdam sa isang araw? O ang isang bansa ba ay ipanganganak sa isang pagkakataon? Sapagkat ang Sion ay nagkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam at nagsilang din ng kaniyang mga anak.” (Isa. 66:8) Ang Sion, ang organisasyon ni Jehova ng mga espiritung nilalang, ay nagsilang ng kaniyang pinahirang mga anak at inorganisa ang mga ito bilang isang bansa.

12. Paano ipinakita ng mga pinahiran na sila ay ‘isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova’ ngayon?

12 Tulad ng unang mga Kristiyano, ang pinahirang “mga anak ng kaharian” ay magiging mga saksi ni Jehova. (Basahin ang Isaias 43:1, 10, 11.) Makikitang ibang-iba sila dahil sa kanilang Kristiyanong paggawi at pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14; Fil. 2:15) Sa ganitong paraan, natutulungan nila ang milyon-milyon na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova.—Basahin ang Daniel 12:3.

“YAYAON KAMING KASAMA NINYO”

13, 14. Para tanggapin ni Jehova ang kanilang pagsamba, ano ang dapat gawin ng mga hindi pinahiran? Paano ito inihula sa Bibliya?

13 Nakita natin sa naunang artikulo na sa sinaunang Israel, tinatanggap ni Jehova ang pagsamba ng mga banyaga kapag sumasamba silang kasama ng kaniyang bayan. (1 Hari 8:41-43) Sa ngayon, ang mga hindi pinahiran ay dapat ding sumambang kasama ng bayan ni Jehova, ang “mga anak ng kaharian,” o ang kaniyang pinahirang mga Saksi.

14 Ang pagdagsa ng mga tao para sumamba kay Jehova kasama ng kaniyang bayan sa panahong ito ng kawakasan ay inihula ng dalawang propeta. Inihula ni Isaias: “Maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem.” (Isa. 2:2, 3) Inihula rin ni propeta Zacarias na “maraming bayan at makapangyarihang mga bansa ang paroroon upang hanapin si Jehova ng mga hukbo sa Jerusalem at upang palambutin ang mukha ni Jehova.” Inilarawan niya sila bilang “sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa” na tatangan sa damit ng espirituwal na Israel at magsasabi: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.”—Zac. 8:20-23.

15. Sa anong gawain ‘yumayaong kasama’ ng espirituwal na mga Israelita ang “ibang mga tupa”?

15 Ang “ibang mga tupa” ay ‘yumayaong kasama’ ng espirituwal na mga Israelita sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mar. 13:10) Bahagi rin sila ng bayan ng Diyos, “isang kawan” kasama ng mga pinahiran, sa ilalim ng “mabuting pastol,” si Kristo Jesus.—Basahin ang Juan 10:14-16.

TUMANGGAP NG PROTEKSIYON KASAMA NG BAYAN NI JEHOVA

16. Ano ang gagawin ni Jehova na hahantong sa huling bahagi ng “malaking kapighatian”?

16 Kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, ang bayan ni Jehova ay daranas ng matinding pagsalakay. Kakailanganin natin sa panahong iyon ang proteksiyon ni Jehova. Yamang ang pagsalakay na ito ay hahantong sa huling bahagi ng “malaking kapighatian,” si Jehova mismo ang magmamaniobra kung paano at kung kailan magaganap ang labanang ito. (Mat. 24:21; Ezek. 38:2-4) Sa panahong iyon, sasalakayin ni Gog ang “bayan na tinipon mula sa mga bansa,” ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:10-12) Ang pagsalakay na ito ang magiging hudyat para ilapat ni Jehova ang hatol laban kay Gog at sa mga alipores nito. Dadakilain ni Jehova ang kaniyang soberanya at pababanalin ang kaniyang pangalan, dahil sinabi niya: “Tiyak na . . . ipakikilala ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezek. 38:18-23.

Sa panahon ng “malaking kapighatian,” kailangan nating manatiling malapít sa ating kongregasyon (Tingnan ang parapo 16-18)

17, 18. (a) Kapag sinalakay na ni Gog ang bayan ni Jehova, anong mga tagubilin ang ibibigay sa kanila? (b) Kung gusto nating tumanggap ng proteksiyon ni Jehova, ano ang dapat nating gawin?

17 Kapag sinimulan na ni Gog ang pagsalakay, sasabihin ni Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” (Isa. 26:20) Sa kritikal na panahong iyon, bibigyan tayo ni Jehova ng mga tagubilin para sa kaligtasan natin, at posibleng ang “mga loobang silid” ay may kaugnayan sa ating mga kongregasyon.

18 Kaya kung gusto nating tumanggap ng proteksiyon ni Jehova sa malaking kapighatian, dapat nating kilalanin na si Jehova ay may bayan sa lupa, na inorganisa bilang mga kongregasyon. Dapat tayong patuloy na manindigang kasama nila at manatiling malapít sa ating kongregasyon. Gaya ng salmista, buong-puso rin nating ihayag: “Ang kaligtasan ay kay Jehova. Ang iyong pagpapala ay sumasaiyong bayan.”—Awit 3:8.