Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Ang Kahulugan Nito Para sa Atin

Ang Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Ang Kahulugan Nito Para sa Atin

“Ibinangon siya.”—MAT. 28:6.

1, 2. (a) Ano ang gustong malaman ng ilang lider ng relihiyon? Paano sila sinagot ni Pedro? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang nagpalakas ng loob ni Pedro?

HINDI pa natatagalan pagkamatay ni Jesus, napaharap si apostol Pedro sa isang galít na galít na pangkat. Sila ang maiimpluwensiyang lider ng relihiyong Judio, na siya mismong nagmaniobra para mapatay si Jesus. Hinihingan nila ng paliwanag si Pedro. Pinagaling ni Pedro ang isang lalaking isinilang na pilay, at gusto nilang malaman kung sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan niya ginawa iyon. Lakas-loob na sumagot ang apostol: “Sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay, sa pamamagitan ng isang ito kung kaya ang taong ito ay nakatayo rito at magaling na sa harap ninyo.”—Gawa 4:5-10.

2 Bago nito, tatlong beses na itinatwa ni Pedro si Jesus dahil sa takot. (Mar. 14:66-72) Pero bakit ngayon ay malakas ang loob niyang harapin ang mga lider ng relihiyon? Tinulungan siya ng banal na espiritu, pero nakatulong din kay Pedro ang katiyakan na binuhay-muli si Jesus. Bakit buong-buo ang tiwala ni Pedro na buháy si Jesus? At bakit ganoon din ang paniniwala natin?

3, 4. (a) Anong mga ulat ng pagkabuhay-muli ang naganap bago pa isilang ang mga apostol? (b) Sino ang mga binuhay-muli ni Jesus?

3 Hindi na bago sa mga apostol ni Jesus ang pagkabuhay-muli ng mga patay; may naganap nang mga pagkabuhay-muli bago pa sila isilang. Alam nila na ang mga propetang sina Elias at Eliseo ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang gumawa ng gayong himala. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37) At isang patay ang nabuhay nang ihagis ang bangkay nito sa isang libingan at masagi ang mga buto ni Eliseo. (2 Hari 13:20, 21) Naniniwala ang unang mga Kristiyano sa mga ulat na iyon sa Kasulatan, kung paanong naniniwala tayo na totoo ang Salita ng Diyos.

4 Malamang na lahat tayo ay naaantig sa mga ulat tungkol sa mga binuhay-muli ni Jesus. Nang buhayin niyang muli ang kaisa-isang anak ng isang balo, tiyak na halos hindi makapaniwala ang babaeng iyon. (Luc. 7:11-15) Sa isa pang pagkakataon, binuhay-muli ni Jesus ang isang 12-anyos na dalagita. Isip-isipin ang pagkagulat at katuwaan ng nagdadalamhating mga magulang nito nang muling mabuhay ang kanilang anak! (Luc. 8:49-56) At tiyak na labis-labis ang kagalakan ng mga nagmamasid nang makita nila si Lazaro na lumabas sa libingan!—Juan 11:38-44.

BAKIT NAMUMUKOD-TANGI ANG PAGKABUHAY-MULI NI JESUS?

5. Paano naiiba ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa mas naunang mga pagkabuhay-muli?

5 Alam ng mga apostol na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay naiiba sa mas naunang mga pagkabuhay-muli. Ang mga taong mas naunang binuhay ay muling nabuhay na may pisikal na katawan at namatay rin uli sa kalaunan. Pero si Jesus ay binuhay-muli sa isang katawang espiritu na walang kasiraan. (Basahin ang Gawa 13:34.) Sinabi ni Pedro na si Jesus ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” Bukod diyan, “siya ay nasa kanan ng Diyos, sapagkat pumaroon siya sa langit; at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.” (1 Ped. 3:18-22) Ang mas naunang mga pagkabuhay-muli ay kamangha-manghang mga himala, pero di-hamak na nakahihigit sa mga ito ang pagkabuhay-muli ni Jesus.

6. Paano nakaapekto sa mga alagad ni Jesus ang kaniyang pagkabuhay-muli?

6 Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay nakaapekto nang malaki sa kaniyang mga alagad. Hindi na siya patay, gaya ng iniisip ng mga kaaway niya. Buháy si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung persona at hindi na siya maaaring saktan ninuman. Pinatunayan ng kaniyang pagkabuhay-muli na siya ang Anak ng Diyos. Dahil sa kaalamang ito, ang kalungkutan at takot ng mga alagad ay napalitan ng malaking kagalakan at lakas ng loob. Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay may napakahalagang papel sa layunin ni Jehova at sa mabuting balita na buong-tapang nilang ipinahahayag sa lahat.

7. Ano ang ginagawa ni Jesus ngayon? Anong mga tanong ang bumabangon?

7 Bilang mga lingkod ni Jehova, alam natin na si Jesus ay hindi lang isang dakilang tao. Buháy siya ngayon at nangangasiwa sa isang gawaing nakakaapekto sa lahat ng tao sa lupa. Namamahala na si Jesu-Kristo sa langit bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Malapit na niyang alisin ang lahat ng kasamaan at gawing paraiso ang lupa na tatahanan ng mga tao magpakailanman. (Luc. 23:43) Hindi magiging posible ang lahat ng ito kung hindi binuhay-muli si Jesus. Pero ano ang mga dahilan kung bakit tayo naniniwalang ibinangon siya mula sa mga patay? At ano ang kahulugan sa atin ng kaniyang pagkabuhay-muli?

IPINAKITA NI JEHOVA ANG KAPANGYARIHAN NIYA SA KAMATAYAN

8, 9. (a) Bakit gustong pabantayan ng mga Judiong lider ng relihiyon ang libingan ni Jesus? (b) Ano ang nangyari nang magpunta sa libingan ang mga babae?

8 Pagkamatay ni Jesus, ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay nagpunta kay Pilato at nagsabi: “Ginoo, naalaala namin na sinabi ng impostor na iyon noong buháy pa, ‘Pagkatapos ng tatlong araw ay ibabangon ako.’ Kaya nga iutos mo na ang libingan ay mabantayang mabuti hanggang sa ikatlong araw, upang ang kaniyang mga alagad ay hindi pumunta at nakawin siya at sabihin sa mga tao, ‘Ibinangon siya mula sa mga patay!’ at ang huling pagpapanggap na ito ay magiging lalong masama kaysa sa una.” Kaya sinabi ni Pilato sa kanila: “Kayo ay may bantay. Humayo kayo at bantayan itong mabuti ayon sa alam ninyo.” Ganoon nga ang ginawa nila.—Mat. 27:62-66.

9 Ang katawan ni Jesus ay inilagay sa isang libingang inuka sa batong-limpak at sinarhan ng isang malaking bato. Gusto ng mga Judiong lider ng relihiyon na manatili roon ang walang-buhay na katawan ni Jesus magpakailanman. Pero iba ang gusto ni Jehova. Noong ikatlong araw, nang magpunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria, naigulong na ang nakatakip na bato at isang anghel ang nakaupo roon. Sinabi ng anghel sa mga babae na sumilip sila sa loob ng libingan at makikita nilang wala na itong laman. “Wala siya rito,” ang sabi ng anghel, “sapagkat ibinangon siya.” (Mat. 28:1-6) Buháy si Jesus!

10. Anong ebidensiya ng pagkabuhay-muli ni Jesus ang ibinigay ni Pablo?

10 Pinatutunayan ng mga nangyari nang sumunod na 40 araw na si Jesus ay binuhay-muli. Bilang sumaryo ng mga ebidensiya, sumulat si apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Ibinigay ko sa inyo, kasama ng mga unang bagay, yaong tinanggap ko rin, na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan; at na inilibing siya, oo, na ibinangon siya nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan; at na nagpakita siya kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos nito ay nagpakita siya sa mahigit sa limang daang kapatid sa iisang pagkakataon, na ang karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, ngunit ang ilan ay natulog na sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol; ngunit kahuli-hulihan sa lahat ay nagpakita rin siya sa akin tulad sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.”—1 Cor. 15:3-8.

KUNG BAKIT NANINIWALA TAYONG BINUHAY-MULI SI JESUS

11. Bakit masasabing naganap ang pagkabuhay-muli ni Jesus “ayon sa Kasulatan”?

11 Una, ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay naganap “ayon sa Kasulatan.” Inihula sa Bibliya ang kaniyang pagkabuhay-muli. Halimbawa, isinulat ni David na ang Isa na “matapat” sa Diyos ay hindi iiwan sa Sheol. (Basahin ang Awit 16:10.) Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ikinapit ni apostol Pedro kay Jesus ang hulang iyon, na sinasabi: “Nakita [ni David] nang patiuna at sinalita [niya] ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na hindi siya pinabayaan sa Hades [o, Sheol] ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman.”—Gawa 2:23-27, 31.

12. Sino-sino ang nakakita sa binuhay-muling si Jesus?

12 Ikalawa, maraming saksi ang nagpatotoo na binuhay-muli si Jesus. Sa loob ng 40 araw, ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa kaniyang mga alagad sa hardin na kinaroroonan ng libingan, pati na sa daan patungo sa Emaus at sa iba pang lugar. (Luc. 24:13-15) Sa mga pagkakataong iyon, nakipag-usap siya sa mga indibiduwal, gaya ni Pedro, at sa mga grupo ng tao. Minsan pa nga, nagpakita si Jesus sa mahigit 500 katao! Hindi maaaring bale-walain ang patotoo ng gayon karaming saksi.

13. Paano pinatunayan ng sigasig ng mga alagad na sigurado silang binuhay-muli si Jesus?

13 Ikatlo, gayon na lang ang sigasig ng mga alagad ni Jesus sa paghahayag tungkol sa kaniyang pagkabuhay-muli. Dahil sa masigasig na pagpapatotoo tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, nakaranas sila ng pag-uusig at pagpapahirap, at pinatay pa nga ang ilan. Kung hindi totoo ang pagkabuhay-muli ni Jesus—kung gawa-gawa lang iyon—bakit isasapanganib ni Pedro ang kaniyang buhay para maipahayag ito sa mga lider ng relihiyon, na napopoot kay Jesus at nagpakanang maipapatay siya? Maliwanag, sigurado si Pedro at ang iba pang mga alagad na si Jesus ay buháy at na pinangangasiwaan niya ang gawaing iniutos ng Diyos. At dahil binuhay-muli si Jesus, nakakatiyak ang kaniyang mga tagasunod na sila man ay bubuhaying muli. Halimbawa, namatay si Esteban na kumbinsidong magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga patay.—Gawa 7:55-60.

14. Bakit ka naniniwalang buháy si Jesus?

14 Ikaapat, may ebidensiya tayo na namamahala na si Jesus ngayon bilang Hari at gumaganap bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano. Bilang resulta, lumalago ang tunay na Kristiyanismo. Mangyayari ba ito kung hindi ibinangon si Jesus mula sa mga patay? Ang totoo, malamang na hindi natin malalaman kung sino si Jesus kung hindi siya binuhay-muli. Pero mayroon tayong matitibay na dahilan para maniwalang si Jesus ay buháy at na pinapatnubayan niya at pinangangasiwaan ang ating pangangaral ng mabuting balita sa buong lupa.

KUNG ANO ANG NAGAGAWA SA ATIN NG PAGKABUHAY-MULI NI JESUS

15. Bakit nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na mangaral ang pagkabuhay-muli ni Jesus?

15 Ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na mangaral. Sa nakalipas na 2,000 taon, iba’t ibang uri ng “sandata” ang ginamit ng mga kaaway ng Diyos para mapatigil ang pangangaral ng mabuting balita—apostasya, panunuya, pang-uumog, pagbabawal, pagpapahirap, at pagpatay. Pero walang anumang ‘sandata na inanyuan laban sa atin’ ang nakapagpatigil sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Isa. 54:17) Hindi tayo natatakot sa mga alipores, o mga alipin, ni Satanas. Kasama natin si Jesus, oo, inaalalayan niya tayo, gaya ng ipinangako niya. (Mat. 28:20) Wala tayong dapat ipangamba dahil anuman ang gawin ng mga kaaway, hinding-hindi nila tayo mapatatahimik!

Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob na mangaral (Tingnan ang parapo 15)

16, 17. (a) Paano pinatutunayan ng pagkabuhay-muli ni Jesus na totoo ang mga itinuro niya? (b) Ayon sa Juan 11:25, anong kapangyarihan ang ibinigay ng Diyos kay Jesus?

16 Pinatutunayan ng pagkabuhay-muli ni Jesus na totoo ang lahat ng itinuro niya. Sinabi ni Pablo na kung hindi binuhay si Kristo mula sa mga patay, walang kabuluhan ang pananampalataya at pangangaral ng mga Kristiyano. Isinulat ng isang iskolar ng Bibliya: “Kung hindi ibinangon si Kristo, . . . ang mga Kristiyano ay magiging kaawa-awang mga hangal, na biktima ng napakalaking pandaraya.” Kung hindi binuhay-muli si Jesus, ang mga ulat ng Ebanghelyo ay magiging isang malungkot na kuwento lang tungkol sa isang mabait at marunong na tao na pinatay ng kaniyang mga kaaway. Pero ibinangon si Kristo, na nagpapatunay na totoo ang lahat ng itinuro niya, pati na ang tungkol sa hinaharap.—Basahin ang 1 Corinto 15:14, 15, 20.

17 Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Ang kamangha-manghang pananalitang iyan ay tiyak na magkakatotoo. Binigyan ni Jehova si Jesus ng kapangyarihang buhaying muli ang mga mamamahala sa langit at ang bilyon-bilyon na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Ang haing pantubos ni Jesus at ang kaniyang pagkabuhay-muli ay nangangahulugang mawawala na ang kamatayan. Napapatibay ka ba ng kaalamang iyan na harapin ang anumang pagsubok, maging ang kamatayan?

18. Ano ang ginagarantiyahan ng pagkabuhay-muli ni Jesus?

18 Ginagarantiyahan ng pagkabuhay-muli ni Jesus na ang mga naninirahan sa lupa ay hahatulan ayon sa maibiging pamantayan ni Jehova. Sinabi ni Pablo sa isang grupo ng mga lalaki at babae sa sinaunang Atenas: “Nilalayon [ng Diyos na] hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.” (Gawa 17:31) Oo, si Jesus ang inatasan ng Diyos na maging Hukom natin, at makakatiyak tayo na magiging makatarungan at maibigin ang paghatol niya.—Basahin ang Isaias 11:2-4.

19. Paano nakakaapekto sa atin ang paniniwala sa pagkabuhay-muli ni Kristo?

19 Pinasisigla tayo ng pagkabuhay-muli ni Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos. Kung hindi dahil sa sakripisyong kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, mananatili tayo sa ilalim ng sumpa ng kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Kung hindi siya binuhay-muli, baka mabuti pang sabihin na lang natin: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (1 Cor. 15:32) Pero hindi tayo nakapokus sa pagpapalugod sa sarili. Mahalaga sa atin ang pag-asang pagkabuhay-muli at sinisikap nating sundin si Jehova sa lahat ng bagay.

20. Paano pinatototohanan ng pagkabuhay-muli ni Jesus ang kadakilaan ng Diyos?

20 Ang pagkabuhay-muli ni Kristo ay mapuwersang patotoo ng kadakilaan ni Jehova, ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb. 11:6) Ipinakikita ng pagkabuhay-muli ni Jesus tungo sa imortal na buhay sa langit ang kadakilaan ng kapangyarihan at karunungan ni Jehova. Bukod diyan, ipinakikita rin nito na kaya Niyang tuparin ang lahat ng Kaniyang pangako. Kasama na rito ang pangako ng Diyos na isang pantanging “binhi” ang gaganap ng napakahalagang papel para malutas ang isyu tungkol sa pansansinukob na soberanya. Para matupad ang pangakong iyan, si Jesus ay kailangang mamatay at buhaying muli.—Gen. 3:15.

21. Ano ang kahulugan ng pag-asang pagkabuhay-muli para sa iyo?

21 Hindi ba’t dapat tayong magpasalamat kay Jehova, na nagbigay sa atin ng pag-asang pagkabuhay-muli? Tinitiyak ng Kasulatan: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Ang napakagandang pag-asang iyan ay isiniwalat sa tapat na apostol na si Juan. Sinabi rin sa kaniya: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Sino ang nagsiwalat niyan kay Juan? Ang binuhay-muling si Jesu-Kristo!—Apoc. 1:1; 21:3-5.