Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova”

“Ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova”

“Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—AWIT 144:15.

1. Bakit iniisip ng ilan na walang hiwalay na bayan ang Diyos sa ngayon?

NANINIWALA ang marami na ang prominenteng mga relihiyon, sa loob at labas ng Sangkakristiyanuhan, ay walang gaanong naitutulong sa mga tao. Iniisip ng ilan na ang mga relihiyong ito ay walang pagsang-ayon ng Diyos dahil sa paggawa ng masama at hindi pagtuturo ng katotohanan tungkol sa kaniya. Pero naniniwala sila na sa lahat ng relihiyon ay may mga taong taimtim; nakikita ng Diyos ang mga ito at tinatanggap niya sila bilang mga mananamba. Kaya para sa kanila, hindi na kailangang umalis sa mga huwad na relihiyon para sumamba bilang isang hiwalay na bayan. Pero ganiyan ba ang pananaw ng Diyos? Para malaman ang sagot, talakayin natin mula sa Bibliya ang kasaysayan ng mga tunay na mananamba ni Jehova.

ISANG KATIPANG BAYAN

2. Sino ang pinili ni Jehova na maging kaniyang bayan? Anong tanda ang nagpakitang naiiba sila sa mga bayan sa palibot nila? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

2 Mga 4,000 taon na ang nakararaan, pumili si Jehova ng isang grupo ng mga tao para maging bayan niya sa lupa. Si Abraham ay inilalarawan sa Bibliya bilang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya” at siya ang ulo ng isang sambahayan na may daan-daang lingkod. (Roma 4:11; Gen. 14:14) Nirerespeto siya ng mga tagapamahala sa Canaan at kinikilala bilang isang dakilang pinuno. (Gen. 21:22; 23:6) Nakipagtipan si Jehova kay Abraham at sa mga inapo nito. (Gen. 17:1, 2, 19) Sinabi ng Diyos kay Abraham: “Ito ang aking tipan na iingatan ninyo, sa pagitan ko at ninyo, maging ng iyong binhi na kasunod mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay dapat magpatuli. . . . At ito ay magsisilbing tanda ng tipan sa pagitan ko at ninyo.” (Gen. 17:10, 11) Sa gayon ay tinuli si Abraham at ang lahat ng lalaki sa kaniyang sambahayan. (Gen. 17:24-27) Ang pagtutuli ay panlabas na tanda na magpapakitang ang mga inapo ni Abraham ang tanging bayan na may pakikipagtipan kay Jehova.

3. Paano naging isang bayan ang mga inapo ni Abraham?

3 Ang apo ni Abraham na si Jacob, o Israel, ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki. (Gen. 35:10, 22b-26) Ang mga ito ang naging mga patriyarkang ulo ng 12 tribo ng Israel. (Gawa 7:8) Dahil sa taggutom, si Jacob at ang sambahayan niya ay nagpunta sa Ehipto, kung saan ang isa sa mga anak ni Jacob, si Jose, ay naging administrador ng pagkain ng bansa at kanang-kamay ni Paraon. (Gen. 41:39-41; 42:6) Nang maglaon, dumami ang mga inapo ni Jacob at naging “isang kongregasyon ng mga bayan.”—Gen. 48:4; basahin ang Gawa 7:17.

ISANG TINUBOS NA BAYAN

4. Sa umpisa, ano ang kalagayan ng mga inapo ni Jacob sa Ehipto?

4 Ang mga inapo ni Jacob ay nanirahan nang mahigit 200 taon sa isang bahagi ng Ehipto na tinatawag na Gosen. (Gen. 45:9, 10) Malugod silang tinanggap ni Paraon dahil kilala niya si Jose at nirerespeto niya ito. (Gen. 47:1-6) Sa loob ng mga 100 taon, ang mga Israelita ay namuhay nang payapa kasama ng mga Ehipsiyo. Nakatira sila sa maliliit na bayan at nagpapastol ng kanilang mga kawan. Bagaman namumuhi ang mga Ehipsiyo sa mga nagpapastol ng tupa, kailangan nilang sundin si Paraon at hayaang manatili roon ang mga Israelita.—Gen. 46:31-34.

5, 6. (a) Paano nagbago ang sitwasyon ng bayan ng Diyos? (b) Paano nailigtas ang sanggol na si Moises? Ano ang ipinasiyang gawin ni Jehova para sa Kaniyang bayan?

5 Pero nagbago ang sitwasyon. “Nang maglaon ay bumangon sa Ehipto ang isang bagong hari na hindi nakakakilala kay Jose. At sinabi niya sa kaniyang bayan: ‘Narito! Ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit na marami at mas malakas kaysa sa atin.’ . . . Dahil dito ay inalipin ng mga Ehipsiyo ang mga anak ni Israel nang may paniniil. At patuloy nilang pinapapait ang kanilang buhay sa mabigat na pagkaalipin sa argamasang luwad at mga laryo at sa lahat ng uri ng pagkaalipin sa bukid, oo, sa lahat ng uri ng pagkaalipin sa kanila na doon ay ginamit nila sila bilang mga alipin sa ilalim ng paniniil.”—Ex. 1:8, 9, 13, 14.

6 Iniutos din ni Paraon na patayin ang lahat ng bagong-silang na Hebreong sanggol na lalaki. (Ex. 1:15, 16) Noon isinilang si Moises. Nang tatlong buwan pa lang siya, itinago siya ng kaniyang inang si Jokebed sa mga halamang tambo ng Nilo at nakita siya roon ng anak na babae ni Paraon. Inampon siya nito nang maglaon. Pero minaniobra ng Diyos na ang kaniyang tapat na ina ang mag-alaga sa kaniya, at si Moises ay naging isang tapat na lingkod ni Jehova. (Ex. 2:1-10; Heb. 11:23-25) ‘Binigyang-pansin’ ni Jehova ang pagdurusa ng kaniyang bayan at ipinasiyang iligtas sila sa pamamagitan ni Moises. (Ex. 2:24, 25; 3:9, 10) Sa gayon, sila ay naging isang bayan na “tinubos” ni Jehova.—Ex. 15:13; basahin ang Deuteronomio 15:15.

ISANG BAYAN NA NAGING ISANG BANSA

7, 8. Paano naging isang banal na bansa ang bayan ni Jehova?

7 Bagaman hindi pa naoorganisa ni Jehova ang mga Israelita bilang isang bansa, kinikilala na niya sila bilang kaniyang bayan. Kaya naman tinagubilinan sina Moises at Aaron na sabihin kay Paraon: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Payaunin mo ang aking bayan upang makapagdiwang sila ng isang kapistahan sa ilang para sa akin.’”—Ex. 5:1.

8 Pero ayaw paalisin ni Paraon ang mga Israelita. Para mapalaya ang Kaniyang bayan, nagpasapit si Jehova ng sampung salot sa Ehipto at pinuksa niya si Paraon at ang hukbo nito sa Dagat na Pula. (Ex. 15:1-4) Wala pang tatlong buwan pagkaraan nito, nakipagtipan si Jehova sa mga Israelita sa Bundok Sinai at nangako siya: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, . . . isang banal na bansa.”—Ex. 19:5, 6.

9, 10. (a) Ayon sa Deuteronomio 4:5-8, paano napaiba ang mga Israelita sa mga bayan sa palibot nila dahil sa Kautusan? (b) Ano ang dapat gawin ng mga Israelita para maging “isang bayang banal kay Jehova”?

9 Sa loob ng maraming siglo, ang mga lingkod ni Jehova ay pinangasiwaan ng mga ulo ng pamilya na nagsilbing tagapamahala, hukom, at saserdote. Sa Ehipto, sinunod ng mga Israelita ang kaayusang ito bago sila naging mga alipin. (Gen. 8:20; 18:19; Job 1:4, 5) Pero nang mapalaya na sila mula sa pagkaalipin, binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng mga kautusan na magpapangyaring mapaiba sila sa mga bansa sa palibot. (Basahin ang Deuteronomio 4:5-8; Awit 147:19, 20.) Sa ilalim ng Kautusan, isang grupo ang inatasang maging mga saserdote ng bansa, at ang “matatandang lalaki,” na iginagalang dahil sa kanilang kaalaman at karunungan, ang nagsilbing mga hukom. (Deut. 25:7, 8) Ang Kautusan ay naglaan ng mga tagubilin para sa pagsamba at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Israelita.

10 Bago sila pumasok sa Lupang Pangako, inulit ni Jehova sa mga Israelita ang kaniyang mga kautusan. Sinabi ni Moises sa kanila: “Kung tungkol kay Jehova, naganyak ka niyang sabihin ngayon na ikaw ay magiging kaniyang bayan, isang pantanging pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, at na tutuparin mo ang lahat ng kaniyang mga utos, at na ilalagay ka niyang mataas kaysa sa lahat ng iba pang bansa na ginawa niya, na nagbubunga ng papuri at karangalan at kagandahan, habang pinatutunayan mong ikaw ay isang bayang banal kay Jehova na iyong Diyos.”—Deut. 26:18, 19.

TINANGGAP ANG MGA NANINIRAHANG DAYUHAN

11-13. (a) Sino ang nakisama sa piniling bayan ng Diyos? (b) Ano ang kailangang gawin ng isang di-Israelita kung gusto niyang sumamba kay Jehova?

11 Bagaman ang Israel ang piniling bansa ni Jehova, hindi niya pinagbawalan ang mga di-Israelita na makisama sa kanila. “Isang malaking haluang pangkat” ng mga di-Israelita, na kinabibilangan ng mga Ehipsiyo, ang hinayaan niyang sumama sa kaniyang bayan nang iligtas niya ang mga ito sa Ehipto. (Ex. 12:38) Malamang na kabilang sa grupong ito ang ilan sa “mga lingkod ni Paraon” na nakinig sa babala ni Moises bago sumapit ang ikapitong salot.—Ex. 9:20.

12 Bago tumawid sa Jordan ang mga Israelita para sakupin ang Canaan, sinabi ni Moises sa kanila na dapat nilang ‘ibigin ang naninirahang dayuhan’ na kasama nila. (Deut. 10:17-19) Kung ang isang di-Israelita ay handang sumunod sa pangunahing mga utos na ibinigay ni Moises, pahihintulutan siyang manirahan kasama ng mga Israelita. (Lev. 24:22) May mga naninirahang dayuhan na naging mananamba ni Jehova. Ang damdamin nila ay gaya ng sinabi ng Moabitang si Ruth sa Israelitang si Noemi: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Ang mga banyagang ito ay naging mga proselita, at ang mga lalaki ay nagpatuli. (Ex. 12:48, 49) Malugod silang tinanggap ni Jehova bilang bahagi ng kaniyang piniling bayan.—Bil. 15:14, 15.

Tinanggap at inibig ng mga Israelita ang mga naninirahang dayuhan (Tingnan ang parapo 11-13)

13 Nang ang templo ni Solomon ay ialay kay Jehova, binanggit niya sa panalangin ang isang pribilehiyo para sa mga di-Israelitang mananamba: “Sa banyaga na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at nagmula nga sa malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan at sa iyong malakas na kamay at sa iyong unat na bisig, at sila ay pumarito nga at manalangin tungo sa bahay na ito, kung gayon ay makinig ka nawa mula sa langit, mula sa iyong tatag na dakong tinatahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng ipinananawagan sa iyo ng banyaga; upang makilala ng lahat ng bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sila sa iyo gaya ng iyong bayang Israel, at malaman na ang iyong pangalan ay itinawag sa bahay na ito na aking itinayo.” (2 Cro. 6:32, 33) Kahit noong panahon ni Jesus, ang mga di-Israelita na gustong sumamba kay Jehova ay sumasama sa Kaniyang piniling bayan.—Juan 12:20; Gawa 8:27.

ISANG BANSA NG MGA SAKSI

14-16. (a) Ano ang dapat gawin ng mga Israelita bilang isang bansa ng mga saksi ni Jehova? (b) Ano ang pananagutan ng bayan ni Jehova ngayon?

14 Ang mga Israelita ay sumasamba sa kanilang Diyos na si Jehova, samantalang ang mga bansa naman sa palibot ay sumasamba sa kani-kanilang diyos. Noong panahon ni propeta Isaias, inihambing ni Jehova ang sitwasyon ng daigdig sa isang paglilitis sa korte. Hinamon niya ang mga diyos ng mga bansa na magharap ng mga saksi na magpapatunay na totoong diyos sila. Sinabi niya: “Mapisan sa isang dako ang lahat ng mga bansa, at matipon ang mga liping pambansa. Sino sa [mga diyos nila] ang makapagsasabi nito? O maiparirinig ba nila sa atin maging ang mga unang bagay? Iharap nila ang kanilang mga saksi, upang sila ay maipahayag na matuwid, o dinggin nila at sabihin, ‘Iyon ang katotohanan!’”—Isa. 43:9.

15 Hindi napatunayan ng mga diyos ng mga bansa na totoong diyos sila. Sila ay hamak na mga idolo na hindi nakapagsasalita at kailangan pang buhatin. (Isa. 46:5-7) Sa kabilang dako, sinabi ni Jehova sa kaniyang bayang Israel: “Kayo ang aking mga saksi, . . . ang akin ngang lingkod na aking pinili, upang malaman ninyo at manampalataya kayo sa akin, at upang maunawaan ninyo na ako pa rin ang Isang iyon. Walang Diyos na inanyuang una sa akin, at pagkatapos ko ay wala pa ring sinuman. Ako—ako ay si Jehova, at bukod pa sa akin ay walang tagapagligtas. . . . Kaya kayo ang aking mga saksi, . . . at ako ang Diyos.”—Isa. 43:10-12.

16 Katulad ng mga saksi sa isang paglilitis sa korte, ang bayan ni Jehova ay may pribilehiyong magpatotoo na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. Tinawag niya silang “ang bayan na inanyuan ko para sa aking sarili, upang isalaysay nila ang aking kapurihan.” (Isa. 43:21) Sila ang bayan na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Matapos silang tubusin ni Jehova mula sa Ehipto, pananagutan nilang itaguyod ang kaniyang soberanya sa harap ng ibang mga bayan sa lupa. Ang saloobin nila ay gaya ng sinabi ni propeta Mikas para sa bayan ng Diyos ngayon: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos . . . magpakailan-kailanman.”—Mik. 4:5.

ISANG SUWAIL NA BAYAN

17. Bakit ang Israel ay naging gaya ng “punong ubas na nabubulok” sa paningin ni Jehova?

17 Nakalulungkot, ang Israel ay hindi nanatiling tapat sa kanilang Diyos, si Jehova. Nagpaimpluwensiya sila sa mga bansang sumasamba sa mga diyos na kahoy at bato. Noong ikawalong siglo B.C.E., sumulat si propeta Oseas: “Ang Israel ay punong ubas na nabubulok. . . . Pinarami [niya] ang kaniyang mga altar. . . . Ang kanilang puso ay naging mapagpaimbabaw; ngayon ay masusumpungan silang may-sala.” (Os. 10:1, 2) Pagkaraan ng mga 150 taon, isinulat ni Jeremias ang mga salita ni Jehova sa Kaniyang di-tapat na bayan: “Itinanim kita bilang piling punong ubas na pula, na ang kabuuan nito ay tunay na binhi. Kaya paano ka nagbago sa akin at naging mababang-uring mga supang ng banyagang punong ubas? . . . Nasaan ang iyong mga diyos na ginawa mo para sa iyong sarili? Bumangon sila kung maililigtas ka nila sa panahon ng iyong kapahamakan. . . . Ang aking sariling bayan—nilimot nila ako.”—Jer. 2:21, 28, 32.

18, 19. (a) Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa isang bagong bayan para sa kaniyang pangalan? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Sa halip na magluwal ng mainam na bunga sa pamamagitan ng pagsamba kay Jehova sa tamang paraan at pagiging tapat na mga saksi niya, ang Israel ay nagluwal ng bulok na bunga ng idolatriya. Kaya naman sinabi ni Jesus sa mapagpaimbabaw na mga Judiong lider noong panahon niya: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat. 21:43) Tanging ang mga nasa “bagong tipan,” na inihula ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Jeremias, ang maaaring maging bahagi ng bagong bansang iyon, ang espirituwal na Israel. Tungkol sa mga espirituwal na Israelita na mapapabilang sa bagong tipan, inihula ni Jehova: “Ako ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan.”—Jer. 31:31-33.

19 Nang maging di-tapat ang likas na Israel, pumili si Jehova ng isang kapalit na bayan noong unang siglo, ang espirituwal na Israel. Pero sino ang kaniyang bayan sa lupa ngayon? Paano makikilala ng mga taong taimtim kung sino ang mga tunay na mananamba ng Diyos? Iyan ang paksa ng susunod na artikulo.