Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Maging Isang Mabuting Ama

Kung Paano Maging Isang Mabuting Ama

Kung Paano Maging Isang Mabuting Ama

ISANG artikulo tungkol sa pagkasira ng buhay pampamilya sa magasing Economist ang may ganitong nakatatawag-pansing pambungad: “Madaling gumawa ng mga anak, ngunit hindi madaling maging isang mabuting ama.”

Bagaman maraming bagay sa buhay ang mahirap gawin, ang isa sa pinakamahirap​—at pinakamahalaga​—ay ang maging isang mabuting ama. Dapat naisin ng bawat ama na maging isang mabuting ama, yamang nakataya ang kapakanan at kaligayahan ng kaniyang pamilya.

Kung Bakit Hindi Ito Madali

Sa madaling salita, ang isang pangunahing dahilan kung bakit hindi madaling maging isang mabuting ama ay ang minanang di-kasakdalan​—kapuwa ng mga magulang at ng kanilang mga anak. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 8:21) Kaya naman, inamin ng isang manunulat sa Bibliya: “Sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5; Roma 5:12) Ang hilig na gumawa ng masama dahil sa minanang kasalanan ay isa lamang sa mga hadlang kung bakit mahirap maging isang mabuting ama.

Ang sanlibutan, o sistema ng mga bagay, na ito ay isa ring malaking hadlang. Bakit? Dahil gaya ng ipinaliliwanag ng Bibliya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” na ipinakikilala bilang “ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” Tinatawag din ng Bibliya si Satanas na “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” Hindi nakapagtataka na sinabi ni Jesus na gaya niya, ang kaniyang mga alagad ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan”!​—1 Juan 5:19; Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4; Juan 17:16.

Ang pagiging mapagbantay sa ating minanang di-kasakdalan, kay Satanas na Diyablo, at sa sanlibutang ito na nasa ilalim ng kaniyang kontrol ay mahalaga sa pagiging isang mabuting ama. Hindi guniguni ang mga hadlang na ito. Totoo ang mga ito! Ngunit saan makababaling ang isang lalaki upang malaman kung paano mapagtatagumpayan ang mga ito at kung paano magiging isang mabuting ama?

Mga Halimbawa ng Diyos

Bilang tulong upang mapagtagumpayan ang mga hadlang na nabanggit na, maaaring bumaling sa Bibliya ang isang ama. Isinasaad dito ang mahuhusay na halimbawa. Tinukoy ni Jesus ang pinakamahusay na halimbawa nang turuan niyang manalangin ang kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa langit.” Sa paglalarawan sa ating makalangit na Ama, simple lamang ang sabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Paano dapat tumugon ang isang amang tao sa maibiging halimbawang ito? “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos,” ang paghimok ni apostol Pablo, “at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig.”​—Mateo 6:9, 10; 1 Juan 4:8; Efeso 5:1, 2.

Kung ikaw ay isang ama, isaalang-alang kung ano ang matututuhan mo mula sa isang halimbawa lamang, nang makitungo ang Diyos kay Jesus, ang kaniyang Anak. Sinasabi sa atin ng Mateo 3:17 na nang bautismuhan sa tubig si Jesus, narinig ang tinig ng Diyos mula sa langit, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” Ano ang matututuhan natin mula rito?

Una, isipin ang epekto sa isang bata kapag may-pagmamalaking sinabi ng isang ama sa isang tao, ‘Ito ang aking anak na lalaki’ o ‘Ito ang aking anak na babae.’ Sumusulong ang mga anak kapag napapansin sila ng kanilang magulang, lalo na kapag ang pinansin ay positibong bagay. Malamang na mauudyukan ang anak na lalong magsikap upang maging karapat-dapat sa papuring tinanggap.

Ikalawa, ipinahayag ng Diyos kung ano ang nadarama niya tungkol kay Jesus, anupat tinukoy siya bilang “ang minamahal.” Tiyak na nagpagalak sa puso ni Jesus ang kapahayagang iyan ng pagmamahal mula sa kaniyang Ama. Mapatitibay-loob din ang iyong mga anak kung ipakikita mo sa pamamagitan ng iyong sinasabi​—at ng iyong panahon, atensiyon, at pagmamalasakit​—na mahal na mahal mo sila.

Ikatlo, sinabi ng Diyos sa kaniyang Anak: “Ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Marcos 1:11) Iyan din ay isang mahalagang bagay na dapat gawin ng isang ama, samakatuwid nga, ang sabihin sa kaniyang mga anak na nalulugod siya sa kanila. Totoo, madalas na magkakamali ang isang anak. Tayong lahat ay nagkakamali. Ngunit bilang isang ama, humahanap ka ba ng mga pagkakataon upang ipahayag ang pagsang-ayon sa mabubuting bagay na ginagawa o sinasabi ng iyong mga anak?

Natutong mabuti si Jesus mula sa kaniyang makalangit na Ama. Samantalang nasa lupa, ipinakita niya sa pamamagitan ng salita at halimbawa kung ano talaga ang nadarama ng kaniyang Ama tungkol sa Kaniyang makalupang mga anak. (Juan 14:9) Kahit na noong abala at nakararanas ng kaigtingan si Jesus, gumugol siya ng panahon upang umupo at makipag-usap sa mga bata. “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata,” ang sabi niya sa kaniyang mga alagad, “huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” (Marcos 10:14) Matutularan ba ninyong mga ama nang lalong higit ang halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak?

Mahalaga ang Mabuting Halimbawa

Napakahalaga ng pagpapakita ng mabuting halimbawa sa iyong mga anak. Malamang na di-gaanong magkakabisa ang iyong mga pagsisikap na “patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” kung ikaw mismo ay hindi nagpapasakop sa disiplina ng Diyos at hindi nagpapahintulot na maugitan nito ang iyong buhay. (Efeso 6:4) Gayunman, sa tulong ng Diyos, mapagtatagumpayan mo ang anumang hadlang sa pagtupad sa kaniyang utos na pangalagaan ang iyong mga anak.

Isaalang-alang ang halimbawa ni Viktor Gutschmidt, isa sa mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet. Noong Oktubre 1957, sinentensiyahan siya ng sampung-taóng pagkabilanggo dahil sa pakikipag-usap tungkol sa kaniyang pananampalataya. Naiwan niya ang kaniyang dalawang kabataang anak na babae kasama ang asawa niya, si Polina. Samantalang nasa bilangguan, pinahintulutan siyang lumiham sa kaniyang pamilya ngunit pinagbawalang magbanggit ng anuman tungkol sa Diyos o sa anumang relihiyosong paksa. Sa kabila ng ganitong paghihirap, determinadong maging isang mabuting ama si Viktor, at alam niya na napakahalagang turuan ang kaniyang mga anak tungkol sa Diyos. Kaya ano ang ginawa niya?

“Nakasumpong ako ng materyales sa mga magasing Young Naturalist at Nature sa Unyong Sobyet,” ang paglalahad ni Viktor. “Sa mga postkard ay gumuhit ako ng mga larawan ng mga hayop at mga tao at naglakip ng isang kuwento o isang karanasan hinggil sa kalikasan.”

“Sa sandaling matanggap namin ang mga postkard na ito,” ang sabi ni Polina, “kaagad naming iniuugnay ang mga ito sa mga paksa sa Bibliya. Halimbawa, kapag kalakip sa mga ito ang kagandahan ng kalikasan, kagubatan, o mga ilog, binabasa ko ang Isaias kabanata 65,” na bumabanggit sa mga pangako ng Diyos na gagawing paraiso ang lupa.

Ganito ang paglalahad ng anak na babae ni Viktor na si Yulia: “Pagkatapos noon ay mananalangin si Inay kasama namin, at iiyak kami. Ang mga kard na ito ay gumanap ng malaking papel sa pagpapalaki sa amin.” Sinabi ni Polina na dahil doon, “labis na minahal ng mga bata ang Diyos mula pa sa kanilang pagkabata.” Ano ang situwasyon ng kanilang pamilya ngayon?

Nagpaliwanag si Viktor, “Ngayon ay pareho nang nakapag-asawa ng Kristiyanong matatanda ang aking mga anak na babae, at pareho silang may pamilyang matibay ang espirituwalidad at mga anak na tapat na naglilingkod kay Jehova.”

Hindi lamang pagkamapamaraan ang kadalasang kailangan sa pagpapakita ng mabuting halimbawa, kailangan din ang malaking pagsisikap. Malamang na maaantig ang puso ng mga anak kapag nakikita nilang talagang nagsisikap ang kanilang ama. Isang anak na lalaki na gumugol ng maraming taon sa buong-panahong ministeryo ang nagsabi nang may pagpapahalaga tungkol sa kaniyang ama, “Kung minsan ay pagod na pagod na si Itay sa trabaho anupat hindi halos makapanatiling gising, ngunit mag-aaral pa rin kami ng Bibliya sa kabila nito, at tumulong ito sa amin na maunawaan ang kahalagahan nito.”

Maliwanag, ang pagpapakita ng halimbawa​—kapuwa sa salita at sa gawa​—ay mahalaga sa pagiging isang mabuting ama. Kailangan mo itong gawin kung gusto mong magkatotoo ang kawikaan sa Bibliya na nagsasabi: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”​—Kawikaan 22:6.

Kaya tandaan, hindi lamang ang sinasabi mo ang mahalaga; lalo nang mahalaga ang iyong ginagawa​—ang halimbawang ipinakikita mo. Isang taga-Canada na eksperto sa pagtuturo sa mga batang nasa murang gulang ang sumulat: “Ang pinakamahusay na paraan upang gumawi ang ating mga anak [sa paraang gusto natin] ay ang ipakita natin mismo ang gusto nating paggawi.” Oo, kung gusto mong pahalagahan ng iyong mga anak ang espirituwal na mga bagay, mahalaga na gawin mo ito mismo.

Maglaan ng Panahon Para sa Kanila!

Dapat makita ng mga anak mo ang iyong mabuting halimbawa. Nangangahulugan ito na kailangan kang gumugol ng panahon na kasama nila​—maraming panahon, hindi lamang pakaunti-kaunti. May-katalinuhang sundin ang payo ng Bibliya na ‘bumili ng panahon,’ samakatuwid nga, talikuran ang di-gaanong mahahalagang bagay upang makasama sila. (Efeso 5:15, 16) Sa totoo lamang, ano ba ang mas mahalaga kaysa sa iyong mga anak? Malaking TV, pang-propesyonal na set ng mga pamalo sa golf, magandang bahay, ang iyong trabaho?

Kung hindi gugugol ng panahon ang mga ama upang pangalagaan ang kanilang mga anak habang bata pa ang mga ito, daranasin nila (ng mga ama) ang masasamang epekto nito. Madalas na labis na nagsisisi ang mga ama na may mga anak na nasadlak sa imoral na gawain o sa isang istilo ng pamumuhay na salat sa espirituwalidad. Ipinaghihinagpis nila na hindi nila nakasama nang mas madalas ang kanilang mga anak noong talagang kailangan nila ng isang ama.

Tandaan, ang panahon para pag-isipan ang mga kalalabasan ng iyong mga pasiya ay kapag bata pa ang iyong mga anak. Tinatawag ng Bibliya ang iyong mga anak na “mana mula kay Jehova,” isang bagay na ipinagkatiwala ng Diyos mismo sa iyo. (Awit 127:3) Kaya huwag kalilimutan kailanman na mananagot ka sa Diyos dahil sa kanila!

May Makukuhang Tulong

Ang isang mabuting ama ay sabik na tumanggap ng tulong na pakikinabangan ng kaniyang mga anak. Matapos sabihin ng isang anghel sa asawa ni Manoa na magsisilang siya ng anak, nanalangin sa Diyos si Manoa: “Pakisuyo, paparituhin mo siyang muli sa amin at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.” (Hukom 13:8, 9) Gaya ng mga magulang sa ngayon, anong uri ng tulong ang kinailangan ni Manoa? Tingnan natin.

Si Brent Burgoyne, isang guro sa University of Cape Town, Timog Aprika, ay nagsabi: “Ang isa sa pinakadakilang regalo na maibibigay ng isang tao sa kaniyang anak ay ang turuan siya ng mga simulain at pamantayan.” Ang pangangailangang ituro sa mga bata ang gayon ay makikita sa isang ulat sa Daily Yomiuri ng Hapon, na ganito ang sinasabi: “[Isang] surbey ang nagpapakita na 71 porsiyento ng mga batang Hapones ang hindi pa kailanman sinabihan ng kanilang ama na huwag magsinungaling.” Hindi ba’t nakalulungkot na komento iyon?

Sino ang makapaglalaan ng maaasahang simulain at pamantayan? Ang mismong nagbigay ng patnubay kay Manoa​—ang Diyos! Upang maglaan ng tulong, isinugo ng Diyos ang kaniyang minamahal na Anak, si Jesus, bilang Guro​—ang terminong karaniwang itinatawag sa kaniya. Ngayon, ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na naglalaman ng mga aral na hinango sa mga turo ni Jesus, ay makukuha sa maraming wika upang magamit mo kapag nagtuturo sa mga kabataan.

Hindi lamang ipinaliliwanag ng Matuto Mula sa Dakilang Guro ang mga simulain at pamantayan na salig sa Salita ng Diyos kundi inilalarawan din nito ang nakasulat na mga salita sa pamamagitan ng mahigit na 160 larawan na may kaugnay na mga tanong. Halimbawa, ang larawan sa pahina 32 ng magasing ito ay nasa kabanata 22, na pinamagatang “Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Magsinungaling.” Ang nakasulat na mga salita sa pahina kung saan makikita ang larawang ito ay nagsasabi: “Baka isang batang lalaki naman ang nagsabi sa kaniyang tatay: ‘Hindi po, hindi ko po sinipa ang bola sa loob ng bahay.’ Pero paano kaya kung talagang sinipa niya ito? Mali bang sabihing hindi niya ginawa iyon?”

Mabibisang aral ang itinuturo rin sa mga kabanata na pinamagatang “Proteksiyon sa Iyo ang Pagkamasunurin,” “Dapat Nating Labanan ang Tukso,” “Isang Aral sa Pagiging Mabait,” “Huwag Maging Magnanakaw Kahit Kailan!,” “Natutuwa ba ang Diyos sa Lahat ng Party?,” “Kung Paano Pasasayahin ang Diyos,” at “Kung Bakit Kailangan Tayong Magtrabaho,” bilang pagbanggit sa ilan sa 48 kabanata sa aklat.

Ang paunang salita ng aklat ay nagtatapos sa ganito: “Ang mga bata ay lalo nang kailangang mailapit sa Bukal ng lahat ng karunungan, ang ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Ito ang palaging ginagawa noon ni Jesus, ang Dakilang Guro. Taimtim kaming umaasa na ang aklat na ito ay makatutulong sa iyo at sa iyong pamilya na hubugin ang inyong buhay upang maging kalugud-lugod kay Jehova, para sa inyong walang-hanggang pagpapala.” *

Maliwanag, kasali sa pagiging isang mabuting ama ang pagpapakita ng mabuting halimbawa sa iyong mga anak, paggugol ng maraming panahon na kasama nila, at pagtulong sa kanila na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos gaya ng isinisiwalat niya sa Bibliya.

[Talababa]

^ par. 35 Ang iba pang mga aklat na inilalaan ng mga Saksi ni Jehova upang tumulong sa mga pamilya ay Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, at Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.

[Larawan sa pahina 8]

Bagaman nasa bilangguan, nagawa ni Viktor Gutschmidt na maging isang mabuting ama

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Habang nakabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya, iginuhit ni Viktor ang mga larawang ito upang turuan ang kaniyang mga anak

[Larawan sa pahina 9]

Ang mga anak na babae ni Viktor noong 1965

[Larawan sa pahina 10]

Dapat na aktibong nakikibahagi ang mga ama sa pagtuturo sa kanilang mga anak