Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Langis Nais kong magpasalamat para sa serye ng Nobyembre 8, 2003, “Langis​—Mauubos Kaya Ito?” Hindi ko pa kailanman nakita ang nakatatakot na estadistika na sinipi ninyo hinggil sa natapong langis. Yamang gumagawa ang tao ng ganitong mga bagay, hindi nakapagtataka kung bakit nasa masamang kalagayan ang lupa! Dahil dito, talagang inaasam ko ang hinaharap kung kailan permanenteng lilinisin ni Jehova ang mga bagay-bagay at gagawing paraiso ang lupa!

T. T., Estados Unidos

Iniharap ang mga artikulo sa paraang lubhang kaakit-akit at walang kinikilingan. Bagaman doktorado ako sa pisika sa inhinyeriyang pamproseso (process engineering), hindi ko kailanman narinig ang teoriyang di-biyolohikal (abiogenic) hinggil sa pinagmulan ng petrolyo. Ang karaniwang itinuturo lamang ay ang teoriyang biyolohikal (biogenic), na ang langis ay produkto ng nabubulok na mga materyal na biyolohikal.

E. B., Pransiya

Nag-aaral ako sa isang teknikal na kolehiyo at nahirapan akong maghanap ng mga aklat-aralin na gumagamit ng mga tsart upang ipaliwanag ang mga mekanismo ng makina. Kaya humanga ako sa tsart na nagpapakita kung paano ginagawa ang petrolyo. Naging madaling intindihin ang artikulo dahil dito.

M. I., Hapon

Dapat sana’y mas lubusang sinaliksik ang inyong serye. Hindi ninyo binanggit na ang unang balon ng langis na pangkomersiyo sa Hilagang Amerika ay nahukay ni James Miller Williams sa Ontario, Canada​—isang taon bago ang balon ni Edwin Drake sa Titusville, Pennsylvania, E.U.A.

G. Y., Canada

Sagot ng “Gumising!”: Maraming debate tungkol sa bagay na ito. Sinabi sa “Gumising!” ng isang heologo sa petrolyo na sumulat ng kasaysayan ng langis na ang kinalalagyan ng unang balon ay “nakabalot sa misteryo.” Kaya sa ganitong paraan binuod ito ng “The Canadian Encyclopedia:” “Kapuwa sina Williams at E. L. Drake ng Pennsylvania ang inaangking naghukay ng unang balon ng langis sa H[ilagang] Amerika.”

Heograpiya Bilang isang pamilya, gustung-gusto namin ang mga artikulong may kinalaman sa heograpiya. Kaya natuwa kami sa artikulong “Ang Napakalaking Amazon​—Mahalagang Kawing sa Buhay ng Milyun-milyon.” (Nobyembre 8, 2003) Bagaman pinag-aralan namin sa paaralan ang Amazon, hindi namin natanto na “sa loob lamang ng 30 segundo, maaari nitong mapatid ang uhaw ng sangkatauhan sa loob ng isang araw”! Natutuwa kaming “makadalaw” sa malalayong lupain dahil sa gayong mga artikulo.

V. G., Slovakia

Maraming salamat sa magandang artikulo na “Prague​—Halina at Pumasyal sa Aming Makasaysayang Hiyas.” (Nobyembre 8, 2003) Nakalulugod basahin ang tungkol sa makasaysayang lunsod na ito​—para bang naroroon ako mismo! Salamat din sa magagandang larawan.

L. Z., Russia

Binigyan kami ng takdang-aralin sa paaralan na ilarawan ang isang lunsod sa paraang gugustuhin mong pumaroon. Ibinatay ko ang aking sanaysay sa artikulo hinggil sa Prague at nakakuha ako ng pinakamataas na marka sa klase. Maraming salamat!

O. C., Pransiya

Mga Kamag-anak na Di-sumasampalataya Maraming salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kapag Hindi Mo Kapananampalataya ang Iyong mga Mahal sa Buhay.” (Nobyembre 8, 2003) Bilang nag-iisang Kristiyano sa pamilya ng anim na magkakapatid, nagpunyagi ako sa loob ng maraming taon upang maging balanse sa kalagayang ito. Parang sinag ng liwanag ang mga kasulatan sa artikulong ito!

R. G., Estados Unidos

Hindi pa nagtatagal mula nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya. Subalit sinisikap kong ibahagi ang anumang natututuhan ko sa aking mga mahal sa buhay, na hindi naman mga mananampalataya. Yamang ako ay 16 na taóng gulang pa lamang, hindi ako pinahintulutan ng aking pamilya na magpabautismo, subalit umaasa ako na mababautismuhan ako balang-araw. Tutulungan ako ng artikulong ito na makitungo sa aking pamilya.

J. G., Estados Unidos