Ayon kay Mateo 3:1-17
Talababa
Study Notes
Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.”
Bautista: O “Tagalubog”; tinatawag na “Tagapagbautismo” sa Mar 1:4; 6:14, 24. Lumilitaw na itinuturing itong apelyido, na nagpapakitang si Juan ay kilala sa pagbabautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Tinukoy siya ng Judiong istoryador na si Flavius Josephus bilang si “Juan, na may apelyidong Bautista.”
ilang ng Judea: Silangang dalisdis ng kabundukan ng Judea. Ang kalakhang bahagi nito ay di-tinitirhan at kalbo. Ito ay mga 1,200 m (3,900 ft) palusong sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan at Dagat na Patay. Sinimulan ni Juan ang ministeryo niya sa isang bahagi ng rehiyong ito sa hilaga ng Dagat na Patay.
nangaral: Ang salitang Griego para dito ay nangangahulugang “maghayag bilang isang mensahero sa publiko.” Itinatampok nito ang paraan ng paghahayag: karaniwan nang hayagan at sa publiko, sa halip na pagbibigay ng sermon sa isang grupo.
Magsisi: Ang salitang Griego ay puwedeng isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, gagawin ang ‘pagsisisi’ para magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 3:8, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”
Kaharian: Unang paglitaw ng salitang Griego na ba·si·leiʹa, na tumutukoy sa pamahalaan, pati na sa teritoryo at mga taong pinamamahalaan, ng isang hari. Sa 162 paglitaw ng salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 55 ang nasa Mateo at karamihan sa mga ito ay tumutukoy sa pamamahala ng Diyos mula sa langit. Dahil sa dalas ng paggamit ni Mateo sa terminong ito, matatawag ang Ebanghelyo niya na Ebanghelyo ng Kaharian.—Tingnan sa Glosari, “Kaharian ng Diyos.”
Kaharian ng langit: Ang ekspresyong ito ay lumitaw nang 31 beses at mababasa lang sa Ebanghelyo ni Mateo. Sa Ebanghelyo ni Marcos at ni Lucas, ginamit nila ang katulad na ekspresyong “Kaharian ng Diyos,” na nagpapakitang ang “Kaharian ng Diyos” ay nasa espirituwal na langit at namamahala mula roon.—Mat 21:43; Mar 1:15; Luc 4:43; Dan 2:44; 2Ti 4:18.
malapit na: Ibig sabihin, malapit nang dumating ang magiging Tagapamahala ng Kaharian ng langit.
Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 40:3, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ginamit ni Mateo ang hulang ito para tumukoy sa ginawa ni Juan Bautista na paghahanda ng daan para kay Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Sa Ebanghelyo ni Juan, sinabi ni Juan Bautista na siya ang tumutupad sa hulang ito.—Ju 1:23.
Patagin ninyo ang lalakaran niya: Posibleng ipinapaalala nito ang ipinapagawa ng mga tagapamahala noon para maihanda ang daraanan ng karwahe nila—ipinapaalis nila ang malalaking bato at nagpapagawa pa nga sila ng tulay at ipinapapatag ang mga burol.
damit . . . gawa sa balahibo ng kamelyo: Ang damit ni Juan na gawa sa hinabing balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyang gawa sa balat ng hayop, o katad, ay katulad ng damit ni propeta Elias.—2Ha 1:8; Ju 1:21.
balang: Insektong mayaman sa protina at itinuturing ng Kautusan na malinis at puwedeng kainin.—Lev 11:21, 22.
pulot-pukyutang galing sa gubat: Mula sa mga bahay-pukyutang nasa ilang, hindi mula sa mga bubuyog na inaalagaan ng tao. Karaniwan lang sa mga nakatira sa ilang ang kumain ng ganitong pulot-pukyutan at ng balang.
Binabautismuhan: O “Inilulubog.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:11.
hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan: Tumutukoy sa mga tao na hayagang nagtatapat o umaamin ng kasalanang nagawa nila laban sa tipang Kautusan.
Pariseo: Tingnan sa Glosari.
Saduceo: Tingnan sa Glosari.
Kayong mga anak ng ulupong: Ganoon ang itinawag sa kanila dahil sa kasamaan nila at masamang impluwensiya na gaya ng nakamamatay na lason sa mga taong walang kamalay-malay.
Ipakita muna ninyo na talagang nagsisisi kayo: Lit., “Magluwal kayo ng bungang angkop sa pagsisisi.” Ang “bungang angkop sa pagsisisi” ay tumutukoy sa mga patunay at mga gawa na nagpapakitang nagbago na ang kaisipan o saloobin ng mga nakikinig kay Juan.—Luc 3:8; Gaw 26:20; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 11 at Glosari, “Pagsisisi.”
Binabautismuhan ko kayo: O “Inilulubog ko kayo.” Ang salitang Griego na ba·ptiʹzo ay nangangahulugang “ilublob; ilubog.” Ipinapakita sa iba pang bahagi ng Bibliya na ang pagbabautismo ay lubusang paglulubog. Sa isang pagkakataon, nagbautismo si Juan sa isang lugar sa Lambak ng Jordan malapit sa Salim “dahil may malaking katubigan doon.” (Ju 3:23) Nang bautismuhan naman ni Felipe ang isang mataas na opisyal na Etiope, pareho silang “lumusong sa tubig.” (Gaw 8:38) Ang salitang ba·ptiʹzo rin ang ginamit ng Septuagint sa 2Ha 5:14 nang sabihin nitong “lumublob [si Naaman] sa Jordan nang pitong beses.”
nagsisisi: Lit., “nagbago ng isip.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8 at Glosari, “Pagsisisi.”
mas malakas: Ibig sabihin, “mas malaki ang awtoridad.”
sandalyas: Ang pag-aalis at pagdadala ng sandalyas ng iba o ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas ng iba (Mar 1:7; Luc 3:16; Ju 1:27) ay itinuturing na mababang atas at kadalasang ginagawa ng isang alipin.
magbabautismo . . . sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng apoy: Tumutukoy sa pagbubuhos ng banal na espiritu para maging pinahiran at sa pagpuksa sa pamamagitan ng apoy. Nagsimula ang pagbabautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Nangyari naman ang pagbabautismo sa pamamagitan ng apoy noong 70 C.E. nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at sunugin ang templo nito.
palang pantahip: Posibleng gawa sa kahoy at ginagamit na panghagis sa giniik na butil para tangayin ng hangin ang mga dayami at ipa.
ipa: Manipis na balot o balat ng mga butil, gaya ng sebada at trigo. Ang ipa ay kadalasang tinitipon at sinusunog para hindi ito tangayin ng hangin at humalo ulit sa bunton ng butil. Ginamit ni Juan ang pagtatahip para ilarawan ang gagawin ng Mesiyas na paghihiwalay ng makasagisag na trigo mula sa ipa nito.
apoy na hindi mapapatay: Nagpapakita na magiging lubusan ang pagkawasak ng sistemang Judio.
para magawa . . . ang lahat ng iniutos ng Diyos: O “para magawa . . . ang lahat ng matuwid.” Ang bautismo ni Jesus ay hindi sumasagisag sa pagsisisi dahil hindi naman siya nagkakasala at perpekto niyang nasusunod ang matuwid na kautusan ng Diyos. Hindi rin ito sagisag ng pag-aalay dahil kabilang na siya sa isang bansang nakaalay sa Diyos. Ipinapakita ng bautismo niya na handa na niyang gawin ang matuwid na kalooban ni Jehova may kinalaman sa papel niya bilang Mesiyas, kasama na ang paghahandog ng kaniyang sarili bilang pantubos. Tinupad ni Jesus ang hula tungkol sa kaniya sa Aw 40:7, 8 na ipinaliwanag sa Heb 10:5-9.
ang langit ay nabuksan: Lumilitaw na ipinaunawa ng Diyos kay Jesus ang mga bagay na nasa langit at ibinalik ang memorya niya noong nasa langit pa siya.
langit: Puwedeng tumukoy sa literal na langit, o himpapawid, o sa espirituwal na langit.
parang kalapati: Ang mga kalapati ay ginagamit noon sa pagsamba at may makasagisag na kahulugan. Ginagamit ang mga ito sa paghahandog. (Mar 11:15; Ju 2:14-16) Sumasagisag ang mga ito sa pagiging tapat at dalisay. (Mat 10:16) Ang kalapating pinalipad ni Noe ay bumalik sa arka na may tukang dahon ng olibo, na nagpapakitang medyo humupa na ang baha (Gen 8:11) at malapit na ang panahon ng kapahingahan at kapayapaan (Gen 5:29). Kaya noong bautismuhan si Jesus, posibleng ginamit ni Jehova ang kalapati para ipakita ang papel ni Jesus bilang ang Mesiyas, ang dalisay at di-nagkakasalang Anak ng Diyos na maghahandog ng sarili niya para sa sangkatauhan na siyang magbibigay-daan sa panahon ng kapahingahan at kapayapaan habang namamahala siya bilang Hari. Habang bumababa ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa niya, posibleng mukha itong kalapati na papunta sa dadapuan nito.
tinig . . . mula sa langit: Ito ang una sa tatlong pagkakataong iniulat sa Ebanghelyo na narinig ng mga tao na nagsalita si Jehova.—Tingnan ang study note sa Mat 17:5; Ju 12:28.
Ito ang Anak ko: Bilang espiritung nilalang, si Jesus ay Anak ng Diyos. (Ju 3:16) Mula nang isilang bilang tao, si Jesus ay “anak ng Diyos,” gaya ni Adan nang perpekto pa siya. (Luc 1:35; 3:38) Pero makatuwirang isipin na hindi lang iyan ang ibig sabihin ng Diyos sa pagkakataong ito. Nang sabihin niya ito, kasabay ng pagbubuhos ng banal na espiritu, maliwanag na ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng espiritu—“ipinanganak-muli” na may pag-asang mabuhay muli sa langit at pinahiran ng espiritu ng Diyos para maging Hari at Mataas na Saserdote.—Ju 3:3-6; 6:51; ihambing ang Luc 1:31-33; Heb 2:17; 5:1, 4-10; 7:1-3.
kinalulugdan: O “sinang-ayunan.” Ginamit din ang ekspresyong iyan sa Mat 12:18, na sinipi mula sa Isa 42:1 na isang hula tungkol sa ipinangakong Mesiyas, o Kristo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang sinabi ng Diyos tungkol sa kaniyang Anak ay malinaw na mga patunay na si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 12:18.
Media
Sa tigang na rehiyong ito sinimulan ni Juan Bautista ang ministeryo niya, at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.
Ang orihinal na mga salita sa Bibliya na isinasaling “ilang” (sa Hebreo, midh·barʹ at sa Griego, eʹre·mos) ay karaniwang tumutukoy sa lupaing kakaunti ang nakatira, hindi natamnan, at kadalasang madamo at madawag, at puwede rin itong tumukoy sa mga pastulan. Ang mga salitang ito ay puwede ring tumukoy sa tigang na mga rehiyon na matatawag na disyerto. Sa mga Ebanghelyo, ang ilang ay karaniwang tumutukoy sa ilang ng Judea. Sa ilang na ito tumira at nangaral si Juan at dito rin tinukso ng Diyablo si Jesus.—Mar 1:12.
Makikita sa larawan ang isang bahay-pukyutan (1) at isang piraso ng bahay-pukyutan na punô ng pulot-pukyutan (2). Ang pulot-pukyutang kinain ni Juan ay malamang na gawa ng bubuyog na tinatawag na Apis mellifera syriaca, na karaniwan sa lugar na iyon. Ang matapang na uring ito ng bubuyog ay nabubuhay sa mainit at tuyot na ilang ng Judea at hindi puwedeng alagaan. Pero noong mga ikasiyam na siglo B.C.E., nagsimulang mag-alaga ng mga bubuyog ang mga nakatira sa Israel, at inilalagay nila ito sa mga luwad na silindro. Maraming ganitong bahay-pukyutan na natagpuan sa sentro ng isang bayan (na tinatawag ngayong Tel Rehov) na nasa Lambak ng Jordan. Ang mga pulot-pukyutang mula sa mga bahay-pukyutang ito ay gawa ng mga bubuyog na lumilitaw na inangkat mula sa lugar na tinatawag ngayong Türkiye.
Ang terminong “balang” sa Bibliya ay puwedeng tumukoy sa anumang uri ng tipaklong na may maiiksing antena, partikular na ang mga nandarayuhan nang kulu-kulupon. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa sa Jerusalem, 75 porsiyento ng katawan ng mga balang sa ilang ay protina. Sa ngayon, iniihaw ito, pinapakuluan, piniprito, o binibilad. Karaniwan na, tinatanggal ang mga binti at pakpak nito. Sinasabing ito ay lasang hipon o alimango at mayaman sa protina.
Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo, at may sinturon siya na gawa sa balat ng hayop na puwedeng paglagyan ng maliliit na bagay. Ganiyan din ang suot ni propeta Elias. (2Ha 1:8) Magaspang ang tela na gawa sa balahibo ng kamelyo, at karaniwan itong isinusuot ng mahihirap. Ang malalambot na damit naman na gawa sa seda o lino ay isinusuot ng mayayaman. (Mat 11:7-9) Dahil Nazareo na si Juan mula pagkasilang, posibleng hindi kailanman nagupitan ang buhok niya. Dahil sa pananamit at hitsura niya, madaling makita na simple lang ang buhay niya at nakapokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos.
Literal ang intindi ng mga Pariseo sa Deu 6:6-8 at 11:18. Dahil sa kanilang pagmamatuwid sa sarili at mga pamahiin, nagtatali sila ng sisidlang naglalaman ng kasulatan sa kaliwang braso nila, at kung minsan, sa noo nila. Bukod diyan, hindi lang basta naglalagay ng palawit sa damit ang mga Pariseo bilang pagsunod sa Kautusan, kundi pinahahaba pa nila ito para mas madali silang mapansin.—Bil 15:38; Mat 23:5.
Tinawag ni Juan Bautista at ni Jesus na “mga anak ng ulupong” ang mga lider ng relihiyon nang panahong iyon dahil sa masamang impluwensiya nila na gaya ng nakamamatay na lason sa mga taong walang kamalay-malay. (Mat 3:7; 12:34) Makikita sa larawan ang horned viper, isang uri ng ulupong na may maliit na sungay sa ibabaw ng bawat mata. Ang iba pang mapanganib na ulupong na makikita sa Israel ay ang sand viper (Vipera ammodytes) sa Lambak ng Jordan at ang Palestine viper (Vipera palaestina).
Noong panahon ng Bibliya, ang sandalyas ay walang takong. Ang suwelas nito ay gawa sa katad, kahoy, o iba pang mahiblang materyales, at may sintas itong katad. May makasagisag na gamit ang sandalyas sa ilang transaksiyon, at ginagamit din ito sa mga paglalarawan. Halimbawa, aalisin ng isang biyuda na nasa ilalim ng Kautusan ang sandalyas ng bayaw niyang ayaw magpakasal sa kaniya. Hahamakin ang lalaking iyon, at ang pamilya niya ay tatawaging “Ang sambahayan ng taong hinubaran ng sandalyas.” (Deu 25:9, 10) Ang pagbibigay ng sandalyas sa isang tao ay puwedeng sumagisag sa pagbibigay sa kaniya ng isang pag-aari o ng karapatang tumubos. (Ru 4:7) Ang pagkakalag ng sintas ng sandalyas o pagbibitbit ng sandalyas ng iba ay itinuturing na mababang trabaho na karaniwang ginagawa ng mga alipin. Sinabi ni Juan Bautista na hindi man lang siya karapat-dapat na mag-alis ng sandalyas ni Kristo para ipakitang di-hamak na mas mababa siya kay Kristo.
Gumagamit ang mga magsasaka noon ng palang pantahip para ihagis sa hangin ang giniik na butil. Bumabagsak ang butil, at ang ipa naman ay tinatangay ng hangin. Paulit-ulit nila itong ginagawa hanggang sa wala nang matirang ipa.
Ang dalawang replika ng panggiik na kareta (1) na makikita rito ay nakabaligtad, at mayroon itong matatalas na bato sa ilalim. (Isa 41:15) Gaya ng nasa ikalawang larawan (2), ikakalat ng magsasaka ang mga tungkos ng butil sa giikan, tutuntong sa kareta, at magpapahila sa hayop, gaya ng toro, para madaanan ang mga tungkos. Dahil natatapakan ng mga hayop ang mga tungkos at nadadaanan ang mga ito ng matatalas na bato sa ilalim ng kareta, nabubuksan ang uhay at humihiwalay ang butil. Pagkatapos, gagamit ang magsasaka ng tinidor, o pala, na pantahip (3) para ihagis ang giniik na butil sa hangin. Tatangayin ng hangin ang ipa, at babagsak ang butil. Ginagamit ang paggiik sa Bibliya para sumagisag sa pagdurog ni Jehova sa mga kaaway niya. (Jer 51:33; Mik 4:12, 13) Ginamit ni Juan Bautista ang paggiik para ilarawan kung paano ihihiwalay ang mga matuwid sa masasama.
Binautismuhan ni Juan si Jesus sa Ilog Jordan; hindi alam kung saan siya dito eksaktong binautismuhan.