Magwawakas ang Traumatic Stress!
Magwawakas ang Traumatic Stress!
MARAHIL ay isa kang beterano ng digmaan at pinahihirapan ka ng masasamang panaginip at mga pagbabalik-gunita na para bang hindi pa tapos ang digmaan para sa iyo. Marahil ay isa kang biktima ng malupit na karahasan gaya ng panghahalay at sa iyong palagay ay namatay na ang isang bahagi mo sa kakilabutan ng karanasang iyon. O baka isang mahal sa buhay ang namatay sa isang likas na sakuna o aksidente at lubhang napakasakit ang magpatuloy na mabuhay nang wala ang isang iyon.
Iniisip mo ba kung mababago pa ang gayong mga damdamin? Makasasagot tayo nang may pagtitiwala: Oo, mababago pa ito! Samantala, lahat ng dumaranas ng trauma ay makasusumpong ng kaaliwan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
Natulungan Upang Mabata ang Trauma
Halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, nakaranas si apostol Pablo ng kakila-kilabot at nagsasapanganib sa buhay na mga karanasan. Ang kaniyang paglalarawan sa ilan sa mga ito ay naingatan sa Bibliya. “Hindi namin nais na wala kayong alam,” ang sulat ni Pablo, “tungkol sa kapighatian ng nangyari sa amin sa distrito ng Asia, na kami ay napasailalim ng sukdulang panggigipit na higit sa aming lakas, anupat lubha kaming walang katiyakan maging sa aming mga buhay. Sa katunayan, aming nadama sa loob namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan.”—2 Corinto 1:8, 9.
Bagaman hindi eksaktong nalalaman kung ano ang nangyari sa okasyong iyon, tiyak na ito 2 Corinto 11:23-27) Paano ito naharap ni Pablo?
ay traumatiko. (Sa pagbubulay-bulay sa kaniyang mahirap na karanasan sa Asia, siya’y sumulat: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian, upang maaliw namin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa amin ng Diyos.”—2 Corinto 1:3, 4.
Oo, ang tulong para sa mga nakaligtas sa trauma ay makukuha mula sa “Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” Paano mo makukuha ang gayong kaaliwan?
Kung Paano Tatanggap ng Tulong
Una—humingi ng tulong. Kung inaakala mong ikaw ay paralisado sa emosyonal na paraan, tandaan na gayundin ang nadama ng iba. Yaong mga nakapanagumpay sa gayong mga damdamin ay karaniwang nalulugod na tumulong sa iba. Gaya ni apostol Pablo, kadalasang nadarama nila na ang kaaliwang tinanggap nila mula sa Diyos noong panahon ng kanilang pagsubok ay kailangang ibahagi sa “mga nasa anumang uri ng kapighatian.” Huwag mag-atubiling lumapit sa isa sa mga Saksi ni Jehova—sinuman sa kanila na palagay ang loob mo—at humingi ng tulong upang makamit ang tulong mula kay Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan.”
Magmatiyaga sa panalangin. Kung mahirap sa iyo ang manalangin dahil sa nakadarama ka ng galit, humiling sa isang kuwalipikado sa espirituwal na manalanging kasama mo. (Santiago 5:14-16) Kapag nakipag-usap ka sa Diyos na Jehova, tandaan na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’ (1 Pedro 5:7) Paulit-ulit na idiniriin ng Kasulatan ang personal na pagmamalasakit ng Diyos sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod.
Ang manunulat ng Awit 94 ay malamang na nakaranas ng isang bagay na lubhang traumatiko, sapagkat siya’y sumulat: “Malibang tinulungan ako ni Jehova, kaunting panahon na lamang at ang aking kaluluwa ay tumahan na sa katahimikan. Nang sabihin ko: ‘Ang aking paa ay tiyak na susuray-suray,’ ang iyong maibiging-kabaitan, O Jehova, ay umalalay sa akin. Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”—Awit 94:17-19.
Ang ilang pinahihirapan ng traumatic stress ay lalo nang nababagabag ng “mga nakababalisang kaisipan,” na kung minsan ay maaaring bugso ng pagkataranta o galit. Gayunman, ang taos-pusong panalangin ay makatutulong na “umalalay” sa iyo hanggang sa lumipas ang mga damdaming iyon. Isipin mo si Jehova bilang isang maibiging magulang at ang iyong sarili bilang isang munting anak na maibigin niyang ipinagsasanggalang. Tandaan ang pangako ng Bibliya na “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:7.
Ang paggaling—ito man ay sa pisikal, mental, o espirituwal—ay isang unti-unting proseso. Kaya magiging di-makatotohanan na umasang ang panalangin ay magdudulot ng kagyat na kapayapaan sa mga lubhang napinsala ng traumatikong mga karanasan. Gayunman, mahalaga ang walang-humpay na pananalangin. Tutulong ito upang ang nagdurusa ay huwag madaig at humantong sa kabiguan na dulot ng post-traumatic na mga damdamin.
Basahin at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. Kung mahirap ang magtuon ng pansin, hilingan ang isa na basahin sa iyo ang nakaaaliw na mga ulat ng Bibliya. Maaari mong piliin ang mga talata na nagsisiwalat sa lalim ng magiliw na pagkabahala ni Jehova sa mga tapat sa kaniya, gaano man ang nadarama nilang panlulumo o pagkasiphayo.
Si Jane, na nabanggit sa naunang mga artikulo, ay nakasumpong ng kaaliwan mula sa maraming talata ng Bibliya sa Mga Awit. Kabilang dito ang Awit 3:1-8; 6:6-8; 9:9, 10; 11:1-7; 18:5, 6; 23:1-6; 27:7-9; 30:11, 12; 31:12, 19-22; 32:7, 8; 34:18, 19; 36:7-10; 55:5-9, 22; 56:8-11; 63:6-8; 84:8-10; 130:1-6. Huwag mong sikaping bumasa ng napakaraming talata sa Bibliya sa isang pagkakataon. Sa halip, maglaan ng panahon na bulay-bulayin ang mga ito at manalangin.
Wala Pang Katulad na Kabagabagan sa Ngayon
Nakalulungkot, hindi nakapagtataka na ang mga panghahalay, pagpaslang, digmaan, at walang-kabuluhang karahasan ay laganap sa ngayon. Bakit? Sapagkat inilarawan ni Jesu-Kristo ang ating panahon na isa na kakikitaan ng “paglago ng katampalasanan.” Sinabi pa niya: “Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:7, 12.
Nitong nakaraang mga taon ang traumatic stress ay naging totoong pangkaraniwan—kadalasan ay bunga ng mismong mga pangyayari na inihula ni Jesus. Gaya ng nakaulat sa Bibliya Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21, sinabi ni Jesus na sa panahong ito ng kawakasan ng sanlibutan, magkakaroon ng mga digmaan sa buong mundo, likas na mga kasakunaan, at paglago ng katampalasanan at kawalan ng pag-ibig. Gayunman, gaya rin ng sinabi ni Jesus, malapit na ang kaginhawahan.
saPagkatapos ilarawan ang pambuong-daigdig na epidemya ng trauma at ang pasimula ng “malaking kapighatian” na kasunod nito, pansinin kung ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng mga tao: “Tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Mateo 24:21-31; Lucas 21:28) Oo, habang lumalala ang mga kalagayan sa daigdig, makatitiyak tayo na ang malaking kapighatian sa sistemang ito ng mga bagay na nagdudulot ng kabagabagan ay hahantong sa sukdulan ng katapusan ng lahat ng kabalakyutan at pagpapasimula ng isang matuwid na bagong sistema.—1 Juan 2:17; Apocalipsis 21:3, 4.
Hindi tayo dapat magtaka na ang ating katubusan ay darating lamang pagkatapos umabot sa sukdulan nito ang kabalakyutan at ang karahasan. Gayundin ang paghatol ng Diyos noong nakaraan laban sa sanlibutan nang kapanahunan ni Noe at ng buktot na mga naninirahan sa Sodoma at Gomorra. Ipinakikita ng nakalipas na paggawad ng mga kahatulan ng Diyos kung ano ang mangyayari sa hinaharap.—2 Pedro 2:5, 6.
Ang Wakas ng Traumatic Stress
Kung ikaw ay pinahihirapan ng post-traumatic stress disorder (PTSD), maaaring maitanong mo kung maililibing pa ba sa limot kailanman ang iyong masasaklap na alaala. Gayunman, ang sagot ay tiyak: Oo, magiging gayon nga! Sa Isaias 65:17, ipinahayag ng Diyos na Jehova: “Lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” Bagaman ang mga pilat sa isipan ng nakaraang trauma ay tila permanente, tinitiyak sa atin ng kasulatang ito na balang araw ang kapangyarihan nito na lumigalig ay lubusan nang mawawala.
Sa ngayon, mahigit na isang taon pagkaraan ng tangkang panghahalay, si Jane ay naglilingkod bilang isang ministrong payunir (buong-panahong ebanghelisador) ng mga Saksi ni Jehova. “Noon lamang matapos ang paglilitis at mabilanggo ang sumalakay sa akin—mahigit na walong buwan pagkatapos ng pagsalakay—na talagang nadama kong nakabalik na ako sa dati kong pagkatao,” ang sabi niya kamakailan. “Noong nakaraang taon sa ganito ring oras, hindi ko maisip ang kapayapaan at kaligayahan na tinatamasa ko ngayon. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa magandang pag-asa ng buhay na walang hanggan at sa pagkakataon na ibahagi ang pag-asang iyon sa iba.”—Awit 27:14.
Kung ikaw ay nakikipagpunyagi sa kawalan ng pag-asa at pamamanhid ng damdamin dahil sa PTSD, ang pag-asang iyon ay makatutulong upang alalayan ka.
[Larawan sa pahina 8]
Ang pagdalo sa mga pagpupulong Kristiyano ay makatutulong sa iyo na maharap ito
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at pananalangin ay makatutulong upang alalayan ka
[Larawan sa pahina 10]
Malapit nang maging lipas na bagay ang lahat ng trauma