Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 24

Ano ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel?

Ano ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel?

Gusto ni Jehova na makilala natin ang pamilya niya sa langit, kasama na ang mga anghel na tinatawag ding mga “anak ng Diyos.” (Job 38:7) Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga anghel? Paano nila naiimpluwensiyahan ang mga tao? Lahat ba ng anghel ay bahagi ng pamilya ng Diyos?

1. Sino ang mga anghel?

Nilalang ni Jehova ang mga anghel bago pa niya gawin ang lupa. Gaya niya, sila rin ay mga di-nakikitang espiritu sa langit. (Hebreo 1:14) Milyon-milyon ang mga anghel, at iba-iba ang katangian nila. (Apocalipsis 5:11) Ang mga anghel ay “tumutupad sa salita” ni Jehova, at “nakikinig sa tinig niya.” (Awit 103:20) Noon, ginagamit ni Jehova ang mga anghel para magdala ng mensahe niya. Tumutulong din sila at inililigtas ang bayan ni Jehova. Ngayon, tinutulungan ng mga anghel ang mga Kristiyano na mahanap ang mga tao na gustong matuto tungkol sa Diyos.

2. Sino si Satanas at ang mga demonyo?

May ilang anghel na nagrebelde at hindi naging tapat kay Jehova. Ang una sa kanila ay tinatawag na “Diyablo at Satanas, na nagliligaw sa buong mundo.” (Apocalipsis 12:9) Gusto ni Satanas na pamunuan ang iba. Kaya inimpluwensiyahan niya ang unang mag-asawa, pati na ang ibang anghel, na sumuway sa Diyos. Mga demonyo ang tawag sa mga anghel na nagrebelde. Pinalayas sila ni Jehova sa langit at itinapon sa lupa, at pupuksain niya sila sa hinaharap.​—Basahin ang Apocalipsis 12:​9, 12.

3. Paano inililigaw ni Satanas at ng mga demonyo ang mga tao?

Inililigaw ni Satanas at ng mga demonyo ang mga tao gamit ang demonismo o espiritismo​—isang masamang gawain ng pakikipag-usap sa mga espiritu. Halimbawa, lumalapit ang mga tao sa mga astrologo, manghuhula, psychic, at albularyo. May ilan pa nga na nagpapagamot sa tulong ng espiritismo. Nadaya rin sila dahil naniniwala silang puwede nilang kausapin ang mga patay. Pero nagbabala si Jehova: “Huwag kayong hihingi ng tulong sa mga espiritista, at huwag kayong kokonsulta sa mga manghuhula.” (Levitico 19:31) Ibinigay niya ang babalang ito para protektahan tayo mula kay Satanas at sa mga demonyo. Kaaway sila ng Diyos, at gusto nila tayong ipahamak.

PAG-ARALAN

Alamin ang ginagawa ng tapat na mga anghel, ang panganib ng espiritismo, at ang magagawa natin para maprotektahan ang ating sarili mula kay Satanas at sa mga demonyo.

4. Tumutulong ang mga anghel para makilala ng mga tao si Jehova

Hindi direktang nangangaral ang mga anghel sa mga tao. Pero tinutulungan nila ang mga lingkod ng Diyos na mahanap ang mga tao na gustong makilala si Jehova. Basahin ang Apocalipsis 14:​6, 7. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Bakit kailangan natin ang tulong ng mga anghel sa pangangaral?

  • Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na puwede kang tulungan ng mga anghel na mahanap ang mga tao na gustong matuto tungkol sa Bibliya? Bakit iyan ang sagot mo?

5. Iwasan ang espiritismo

Kaaway ni Jehova si Satanas at ang mga demonyo kaya kaaway rin natin sila. Basahin ang Lucas 9:​38-42. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Ano ang ginagawa ng mga demonyo sa mga tao?

Hindi natin gustong maimpluwensiyahan ng mga demonyo. Basahin ang Deuteronomio 18:​10-12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Paano tayo sinusubukang impluwensiyahan at kausapin ng mga demonyo? Anong mga gawain na may kaugnayan sa espiritismo ang napapansin mong mayroon sa lugar ninyo?

  • Sa tingin mo, tama kayang ipagbawal ni Jehova ang gawain na may kaugnayan sa espiritismo? Bakit?

Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sa tingin mo, may masama bang epekto ang anting-anting na suot ng anak ni Palesa? Bakit?

  • Ano ang kailangang gawin ni Palesa para maprotektahan siya at ang pamilya niya mula sa mga demonyo?

Laging nilalabanan ng mga tunay na Kristiyano ang mga demonyo. Basahin ang Gawa 19:19 at 1 Corinto 10:21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Bakit mahalagang sirain ang anumang bagay na may kaugnayan sa espiritismo?

6. Kaya nating talunin si Satanas at ang mga demonyo

Si Satanas ang namumuno sa mga demonyo. Pero ang tapat na mga anghel ay pinamumunuan ni Miguel na arkanghel, na isa pang pangalan ni Jesus. Gaano kalakas ang kapangyarihan ni Miguel? Basahin ang Apocalipsis 12:​7-9. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sino ang mas makapangyarihan? Si Miguel at ang mga anghel o si Satanas at ang mga demonyo?

  • Sa tingin mo, dapat bang matakot ang mga tagasunod ni Jesus kay Satanas at sa mga demonyo?

Kaya mong talunin si Satanas at ang mga demonyo. Basahin ang Santiago 4:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Paano mo mapoprotektahan ang sarili mo mula sa impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo?

MAY NAGSASABI: “Wala namang masama sa paglalaro at panonood ng mga bagay na may espiritismo. Katuwaan lang naman ’yon.”

  • Bakit mapanganib ang ganitong kaisipan?

SUMARYO

Tinutulungan tayo ng tapat na mga anghel. Si Satanas at ang mga demonyo ay kaaway ni Jehova, at ginagamit nila ang espiritismo para iligaw ang mga tao.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Paano tinutulungan ng mga anghel ni Jehova ang mga tao na matuto tungkol sa kaniya?

  • Sino si Satanas at ang mga demonyo?

  • Bakit dapat mong iwasan ang espiritismo?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Tingnan ang mga ebidensiya na si Jesus ay si Miguel na arkanghel.

“Sino si Miguel na Arkanghel?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Iniisip ng ilan na ang Diyablo ay isa lang ideya ng kasamaan na nasa loob natin. Totoo ba ito?

“Umiiral Ba ang Diyablo?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Tingnan kung paano nakalaya ang isang babae sa impluwensiya ng mga demonyo.

“Siya’y Nakasumpong ng Layunin sa Buhay” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 1993)