Ayon kay Lucas 9:1-62
Talababa
Study Notes
Huwag kayong magdala ng anuman sa paglalakbay: Nang isugo ni Jesus ang mga apostol niya para ipangaral ang “Kaharian ng Diyos” (Luc 9:2), nagbigay siya ng mga tagubilin kung paano isasagawa ang napakahalagang gawaing ito. Mababasa ang mga tagubilin niya sa Mateo, Marcos, at Lucas. (Mat 10:8-10; Mar 6:8, 9; Luc 9:3) Kahit magkakaiba ang salitang ginamit, iisa lang ang ipinapahiwatig ng mga ito: Para makapagpokus ang mga apostol, hindi sila dapat magdala ng ekstrang gamit, dahil paglalaanan sila ni Jehova. Sinasabi ng tatlong ulat na ang mga apostol ay hindi dapat “magdala [o “magsuot” o “magkaroon”] ng . . . ekstrang damit,” bukod sa suot nila. Lumilitaw na karaniwan noon sa mga Hebreo na magdala ng baston, o tungkod, sa paglalakbay (Gen 32:10), at sinasabi ng Mar 6:8: “Huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay maliban sa isang tungkod.” Kaya ang tagubilin sa Luc 9:3 (“Huwag kayong magdala ng anuman . . . , kahit tungkod”) ay hindi nangangahulugang huwag silang magdala ng tungkod, kundi huwag silang magdala ng ekstrang tungkod. Kaya sinasabi ni Jesus sa mga alagad niya na hindi sila dapat magdala ng napakaraming gamit sa paglalakbay na magpapabigat lang sa kanila, dahil paglalaanan sila ni Jehova.—Tingnan ang study note sa Luc 10:4, kung saan nagbigay si Jesus ng katulad na mga tagubilin sa 70 alagad na isinugo niya sa ibang pagkakataon.
pera: Lit., “pilak,” o pilak na ginagamit bilang pera.
manatili kayo roon: Tingnan ang study note sa Mar 6:10.
ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa: Pagkagaling ng mga panatikong Judio sa teritoryo ng mga Gentil, ipinapagpag nila ang itinuturing nilang maruming alikabok sa sandalyas nila bago pumasok ulit sa teritoryo ng mga Judio. Pero maliwanag na hindi iyan ang ibig sabihin ni Jesus nang ibigay niya ang tagubiling ito sa mga alagad niya. Ang paggawa nito ay nangangahulugang wala nang pananagutan ang mga alagad sa anumang parusa na ibibigay ng Diyos sa mga tao. Ganito rin ang pananalitang ginamit sa Mat 10:14 at Mar 6:11. Pero idinagdag ni Marcos ang pananalitang “bilang patotoo sa kanila,” at ang idinagdag naman ni Lucas ay bilang patotoo laban sa kanila. Ginawa ito nina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Pisidia. (Gaw 13:51) Nang ipagpag ni Pablo ang damit niya sa Corinto, sinabi niya: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo. Ako ay malinis.”—Gaw 18:6.
Herodes: Tingnan ang study note sa Mat 14:1.
tagapamahala ng distrito: Tingnan ang study note sa Mat 14:1.
Bigyan ninyo sila ng makakain: Ito lang ang himala ni Jesus na pare-parehong iniulat ng apat na Ebanghelyo.—Mat 14:15-21; Mar 6:35-44; Luc 9:10-17; Ju 6:1-13.
pinagpira-piraso niya ang mga ito: Karaniwan nang lapád, manipis, at matigas ang mga tinapay noon. Kaya naman pinagpipira-piraso ito bago kainin.—Mat 14:19; 15:36; 26:26; Mar 6:41; 8:6.
basket: Tingnan ang study note sa Mat 14:20.
mag-isa siyang nananalangin: Nangyari ito malapit sa Cesarea Filipos. (Mat 16:13; Mar 8:27) Si Lucas lang ang nag-ulat na nananalanging mag-isa si Jesus.—Tingnan ang study note sa Luc 3:21.
Juan Bautista: Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
Elias: Tingnan ang study note sa Mat 11:14.
Ang Kristo ng Diyos: Tinukoy ni Pedro si Jesus bilang “ang Kristo ng Diyos” (sa Griego, ho Khri·stosʹ tou The·ouʹ). Ang “Kristo” ay katumbas ng “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Dito, ang “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.
matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Luc 20:1; 22:52, 66; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”
punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.
eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.
dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili: Ipinapakita nito ang pagiging handa ng isang tao na lubusang pagkaitan ang sarili o ibigay ang sarili niya sa Diyos. Ang pariralang Griego ay puwedeng isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya,” na angkop lang dahil posibleng kasama rito ang pagtanggi sa personal na mga kagustuhan, ambisyon, o ginhawa. (2Co 5:14, 15) Ginamit ni Lucas ang pandiwang Griego na ginamit dito at isa pang kaugnay na pandiwa nang iulat niya ang pagtanggi ni Pedro na kilala nito si Jesus.—Luc 22:34, 57, 61; tingnan ang study note sa Mat 16:24.
pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 16:24.
buong mundo: O “buong sanlibutan.” Ang pangunahing kahulugan ng terminong Griego na koʹsmos, na karaniwang isinasaling “mundo,” ay “kaayusan.” Sa sekular na mga literaturang Griego, puwede itong tumukoy sa sangkatauhan, at ganiyan ang madalas na pagkakagamit sa salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Ju 1:9, 10; 3:16.) Pero ang terminong koʹsmos ay hindi lang kasingkahulugan ng sangkatauhan. Sa Bibliya, saklaw pa rin ng salitang koʹsmos ang pangunahing kahulugan nito na “kaayusan,” dahil ang sangkatauhan ay mayroon ding kaayusan—binubuo ito ng iba’t ibang kultura, tribo, bansa, at may sinusunod itong sistemang pang-ekonomiya. (1Ju 3:17; Apo 7:9; 14:6) Iyan ang kahulugan ng terminong “mundo” sa kontekstong ito at sa iba pa. Sa paglipas ng panahon, ang sistema ng mga bagay na nakakaapekto sa buhay ng mga tao ay lumawak at naging mas komplikado dahil sa pagdami ng tao.—Tingnan ang study note sa Ju 16:21.
mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang mga ito: Ang sabi sa mga ulat nina Mateo at Marcos ay “pagkaraan ng anim na araw.” (Mat 17:1; Mar 9:2) Iba ang bilang na binanggit ni Lucas dahil lumilitaw na isinama niya ang araw kung kailan nangako si Jesus (Luc 9:27) at ang araw kung kailan nagbagong-anyo si Jesus. Ang iniulat nina Mateo at Marcos ay ang buong anim na araw sa pagitan ng dalawang pangyayaring ito. Kapansin-pansin na hindi eksaktong bilang ang binanggit ni Lucas sa pagkalkula niya. Ang sinabi niya ay “mga walong araw.”
para manalangin: Si Lucas lang ang bumanggit ng detalyeng ito may kaugnayan sa pagbabagong-anyo ni Jesus. Binanggit din sa sumunod na talata na “nananalangin” si Jesus. (Luc 9:29) Ang iba pang pagkakataon na nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang nag-ulat ay mababasa sa Luc 3:21; 5:16; 6:12; 9:18; 11:1; 23:46.
pag-alis ni Jesus: Ang salitang Griego na eʹxo·dos na ginamit dito ay ginamit din sa 2Pe 1:15 (nakaalis) at Heb 11:22 (pag-alis). Ang pag-alis ni Jesus ay maliwanag na tumutukoy sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli bilang espiritu.
isang tinig mula sa ulap: Ito ang ikalawa sa tatlong pagkakataong iniulat sa mga Ebanghelyo na direktang nakipag-usap si Jehova sa mga tao.—Tingnan ang study note sa Luc 3:22; Ju 12:28.
nag-iisang: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Ang terminong ito ay ginagamit para ilarawan ang kaugnayan ng anak na lalaki o babae sa mga magulang niya. Sa kontekstong ito, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa kaisa-isang anak. Ginamit din ang salitang Griego na ito para tumukoy sa “kaisa-isang anak” ng biyuda sa Nain at sa ‘nag-iisang’ anak na babae ni Jairo. (Luc 7:12; 8:41, 42) Ginamit ng Griegong Septuagint ang mo·no·ge·nesʹ para sa anak na babae ni Jepte. Mababasa doon: “Ito ang kaisa-isa niyang anak. Wala siyang ibang anak, lalaki man o babae.” (Huk 11:34) Sa mga ulat ni apostol Juan, limang beses niyang ginamit ang mo·no·ge·nesʹ para tukuyin si Jesus.—Para sa kahulugan ng terminong ito kapag ginagamit patungkol kay Jesus, tingnan ang study note sa Ju 1:14; 3:16.
dakilang kapangyarihan ng Diyos: O “kadakilaan ng Diyos.” Kapag nagpapagaling si Jesus, hindi niya inaangkin ang papuri. Sa halip, ipinapakita niya na dahil sa kapangyarihan ng Diyos ang mga himalang ito.
pag-akyat niya: Ang terminong Griego na a·naʹlem·psis ay dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pinaniniwalaan ng marami na tumutukoy ito sa pag-akyat ni Jesus sa langit. Ang kaugnay na pandiwa ay ginamit sa Gaw 1:2, 11, 22 at isinaling “umakyat sa langit” at “dalhin sa langit.”
determinado siyang pumunta: Lit., “ang mukha niya ay nakaharap.” (Ihambing ang Luc 9:51.) May katulad na mga ekspresyon sa Hebreong Kasulatan na tumutukoy sa pag-asam na makuha ang isang bagay o sa pag-abot sa isang tunguhin o layunin (1Ha 2:15; 2Ha 12:17) nang may matinding kagustuhan at determinasyon.—2Cr 20:3; Dan 11:17, tlb.
Panginoon: Hindi mababasa sa ilang manuskrito ang salitang ito, pero makikita ito sa maraming luma at maaasahang manuskrito.
ilibing ang aking ama: Lumilitaw na hindi ito nangangahulugang patay na ang ama ng lalaki at kailangan lang niyang isaayos ang paglilibing dito. Dahil kung ganito ang kalagayan, imposibleng makausap pa niya si Jesus sa panahong iyon. Sa sinaunang Gitnang Silangan, kapag namatay ang isang kapamilya, karaniwan nang inililibing ito sa araw ding iyon. Kaya malamang na ang ama ng lalaki ay may sakit lang o matanda na, hindi pa patay. At hindi naman sasabihin ni Jesus sa lalaki na iwan ang ama niya na may sakit at nangangailangan ng tulong kung wala siyang ibang kapamilya na puwedeng mag-alaga sa ama niya. (Mar 7:9-13) Kaya para bang sinasabi ng lalaki, ‘Susunod ako sa iyo, pero hindi muna hangga’t buhay pa ang ama ko. Hintayin mo ako hanggang sa mamatay ang ama ko at mailibing ko siya.’ Pero sa pananaw ni Jesus, pinapalampas ng lalaking ito ang pagkakataon na unahin ang Kaharian ng Diyos sa buhay niya.—Luc 9:60, 62.
Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 9:59, malamang na hindi pa patay ang ama ng lalaking kausap ni Jesus, kundi may sakit lang o matanda na. Kaya parang sinasabi ni Jesus: ‘Hayaan mong ilibing ng mga patay sa espirituwal ang kanilang mga patay.’ Ibig sabihin, hindi dapat ipagpaliban ng lalaki ang desisyon niyang sumunod kay Jesus, dahil lumilitaw na mayroon naman siyang mga kamag-anak na puwedeng mag-alaga sa ama niya. Kung susunod kay Jesus ang lalaki, magkakaroon siya ng pag-asang mabuhay magpakailanman, hindi tulad ng mga patay sa espirituwal sa paningin ng Diyos. Makikita sa sagot ni Jesus na ang pag-una sa Kaharian ng Diyos at pangangaral tungkol dito nang malawakan ay mahalaga para manatiling buháy sa espirituwal.
sinumang tumitingin sa mga bagay na nasa likuran habang nag-aararo: Ginamit ni Jesus ang pag-aararo para idiin ang kahalagahan ng buong-pusong paglilingkod. Inilalarawan niya rito ang isang tao na gustong maging alagad pero gusto munang magpaalam sa pamilya niya bago sumunod kay Jesus. (Luc 9:61) Kung hindi nakapokus ang nag-aararo, magiging tabingi ang tudling. O kung huminto siya sa pag-aararo para lumingon, hindi niya matatapos sa oras ang gawain sa bukid. Kapag ang isang tao na inanyayahang maging alagad ni Kristo ay nawala sa pokus sa pagganap sa atas niya, hindi siya magiging karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.
Media

Karaniwan nang may tungkod o baston ang mga Hebreo noon, at marami itong gamit, gaya ng pansuporta (Exo 12:11; Zac 8:4; Heb 11:21), pandepensa o pamprotekta (2Sa 23:21), panggiik (Isa 28:27), at pang-ani ng olibo (Deu 24:20; Isa 24:13). Ang lalagyan ng pagkain ay isang bag na karaniwan nang gawa sa katad at isinasabit sa balikat ng mga naglalakbay, pastol, magsasaka, at iba pa. Pinaglalagyan ito ng pagkain, damit, at iba pang bagay. Nang isugo ni Jesus ang mga apostol niya para mangaral, nagbigay siya ng mga tagubilin, kasama na ang tungkol sa pagdadala ng tungkod at lalagyan ng pagkain. Dapat na makontento ang mga apostol sa kung ano ang dala nila at huwag nang mag-alala dahil wala silang dalang ekstra; si Jehova ang maglalaan sa kanila.—Tingnan ang study note sa Luc 9:3 at 10:4 para sa ibig sabihin ng mga tagubilin ni Jesus.

Makikita sa larawan ang magkabilang panig ng baryang tanso na may halong ibang metal na ginawa noong mga panahong nangangaral si Jesus. Ang baryang ito ay ipinagawa ni Herodes Antipas, na tetrarka noon, o tagapamahala ng distrito, ng Galilea at Perea. Nang sabihin ng mga Pariseo kay Jesus na gusto siyang patayin ni Herodes, malamang na nasa Perea siya na sakop ni Herodes habang papunta sa Jerusalem. Nang sumagot si Jesus, tinawag niya si Herodes na “asong-gubat.” (Tingnan ang study note sa Luc 13:32.) Dahil karamihan ng sakop ni Herodes ay mga Judio, pumili siya ng disenyo ng barya na katanggap-tanggap sa mga Judio, gaya ng sanga ng palma (1) at putong (2).

Sa Bibliya, iba’t ibang salita ang ginamit para sa iba’t ibang klase ng basket. Halimbawa, ang salitang Griego para sa 12 lalagyan na ginamit para tipunin ang mga natirang pagkain pagkatapos na makahimalang pakainin ni Jesus ang mga 5,000 lalaki ay nagpapahiwatig na maliliit ang mga basket na ito. Pero ibang salitang Griego ang ginamit para sa pitong basket na pinaglagyan ng natirang pagkain matapos pakainin ni Jesus ang mga 4,000 lalaki. (Mar 8:8, 9) Ang salitang iyon ay tumutukoy sa isang malaking basket o kaíng, at iyon din ang salitang ginamit para sa basket na pinaglagyan kay Pablo nang ibaba siya mula sa isang butas sa pader ng Damasco.—Gaw 9:25.

Ang Bundok Hermon ay may taas na 2,814 m (9,232 ft) at malapit sa Cesarea Filipos. Ito ang pinakamataas na bundok sa Israel. Ang water vapor ay nagiging hamog dahil sa niyebe sa tuktok ng bundok, at ito ang dumidilig sa mga pananim sa panahon ng mahabang tagtuyot. (Aw 133:3) Ang natutunaw na niyebe mula rito ang pangunahing pinanggagalingan ng tubig sa Ilog Jordan. Ang Bundok Hermon ay isa sa posibleng lugar kung saan nagbagong-anyo si Jesus.—Mat 17:2.

Ang Bundok Hermon ay nasa hilagang hangganan ng Lupang Pangako. Marami itong kapansin-pansing taluktok, at ang pinakamataas ay 2,814 m (9,232 ft) mula sa lebel ng dagat. Ang mga taluktok na ito ay nasa timugang bahagi ng bulubundukin ng Anti-Lebanon. Posibleng sa Bundok Hermon nagbagong-anyo si Jesus.

Ikinumpara ni Jesus ang sitwasyon niya, na walang bahay, sa mga asong-gubat na may lungga at mga ibon na may pugad. Ang uri ng asong-gubat na nasa larawan (Vulpes vulpes) ay hindi lang sa Gitnang Silangan makikita, kundi pati sa Aprika, Asia, Europa, at Hilagang Amerika at mayroon na rin sa Australia. Karaniwan nang nakatira sila sa mga uka sa bato o hukay na ginawa ng ibang hayop pero napabayaan na o inagaw nila. Kung hindi naman, naghuhukay sila para gumawa ng sariling lungga. Ang ibon na makikita rito, ang Cetti’s Warbler (Cettia cetti), ay isa sa mga 470 uri ng ibon na makikita sa Israel bawat taon. Magkakaiba rin ang pugad ng mga ibon; may mga nasa puno, hungkag na katawan ng puno, at mga bangin. Gawa ito sa mga sanga, dahon, damong-dagat, balahibo ng tupa, dayami, lumot, at balahibo ng ibon. Dahil sa sari-saring likas na kapaligirang matatagpuan sa bansa, gaya ng matataas at malalamig na bundok, malalalim at maiinit na lambak, tuyot na mga disyerto, at mga baybayin sa timog-silangan ng Dagat Mediteraneo, gustong-gusto ng mga ibon na manirahan dito. May naninirahan dito nang permanente, at ang iba naman ay nandarayuhan.

Karaniwan nang ginagawa ang pag-aararo sa taglagas kapag napalambot na ng ulan ang lupa na tumigas dahil sa init ng araw sa panahon ng tag-init. (Tingnan ang Apendise B15.) Ang ilang araro ay may matulis na piraso ng kahoy, na malamang na metal ang dulo, at nakakabit sa isang pahabang kahoy na hinihila ng isang hayop o higit pa. Matapos araruhin ang lupa, inihahasik ang mga binhi. Sa Hebreong Kasulatan, madalas gamitin sa mga ilustrasyon ang pag-aararo dahil pamilyar dito ang mga tao. (Huk 14:18; Isa 2:4; Jer 4:3; Mik 4:3) Madalas gamitin ni Jesus ang mga gawaing pang-agrikultura para magturo ng mahahalagang aral. Halimbawa, ginamit niya ang pag-aararo para idiin ang kahalagahan ng buong-pusong paglilingkod. (Luc 9:62) Kung hindi nakapokus ang nag-aararo, magiging tabingi ang tudling. Kapag ang alagad ni Kristo ay hindi rin nakapokus o lumilihis sa atas niya, hindi siya magiging karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.