Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bahagi 5—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Bahagi 5—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Kabanata 22

Bahagi 5—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa

Noong 1975 mahahalagang desisyon ang ginawa hinggil sa paraan ng pangangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova mula sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan. Hindi nila alam noon kung anong mga teritoryo ang maaari pang mabuksan upang mabigyan ng malawakang patotoo bago magwakas ang kasalukuyang sistema sa daigdig o kung gaano pang pangangaral ang gagawin sa mga lupaing hayagang pinangangaralan nila sa loob ng maraming taon. Subalit ibig nilang samantalahing mabuti ang bawat pagkakataon hangga’t maaari. Ang mga pahina 502 hanggang 520 ay nagsasaad ng ilan sa nakapananabik na mga pangyayari.

MALALAKING pagbabago ang naganap sa Timog Amerika. Ilang taon lamang ang nakararaan nang ang mga Saksi ni Jehova sa Ecuador ay napaharap sa Katolikong mga mang-uumog, ang mga paring Katoliko sa Mexico ay namahala na mistulang mga hari sa maraming nayon, at ipinagbawal ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova sa Argentina at Brazil. Ngunit malaki ang ipinagbago ng mga kalagayan. Ngayon marami sa mga tinuruang matakot o mapoot sa mga Saksi ay naging mga Saksi ni Jehova mismo. Ang iba’y malugod na nakikinig kapag sila’y dinadalaw ng mga Saksi upang ibahagi ang mensahe ng kapayapaan mula sa Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala at iginagalang ng marami.

Ang laki ng kanilang mga kombensiyon at ang Kristiyanong paggawi ng mga nagsisidalo ay nakatawag-pansin. Dalawa sa gayong mga kombensiyon, na idinaos nang magkasabay sa São Paulo at Rio de Janeiro, Brazil, noong 1985, ay dinaluhan ng pinakamaraming bilang na 249,351. Pagkatapos nito, 23 karagdagang mga kombensiyong idinaos para sa interesadong mga tao sa ibang bahagi ng Brazil, ang nagpangyaring umabot sa 389,387 ang kabuuang bilang ng mga nagsidalo. Ang resulta ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil sa pagtuturo ng Salita ng Diyos ay maliwanag na nakita nang 4,825 katao ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig sa seryeng iyon ng mga kombensiyon. Limang taon lamang pagkaraan nito, noong 1990, kinailangang magdaos ng 110 kombensiyon sa buong Brazil upang pagkasiyahin ang 548,517 na dumalo. Nang panahong iyon 13,448 ang nagpabautismo sa tubig. Sa buong lupain ay daan-daang libong mga tao at mga pamilya ang malugod na tumatanggap ng pagtuturo sa Salita ng Diyos mula sa mga Saksi ni Jehova.

Kumusta naman ang Argentina? Pagkatapos ng ilang dekada ng paghihigpit mula sa gobyerno, ang mga Saksi ni Jehova roon ay muling binigyan ng kalayaang magtipun-tipon noong 1985. Kaylaking kagalakan ng 97,167 na nagsidalo sa unang serye ng mga kombensiyon! Sa ilalim ng ulong-paksang “Isang Kaharian na Lumalago​—Yaong sa mga Saksi ni Jehova,” ikinamangha ng lokal na pahayagang Ahora ang kaayusan ng mga pulutong sa kombensiyon sa Buenos Aires, ang lubos na kawalang pagtatangi nila sa lahi o sa lipunan, ang kanilang pagkamapagpayapa, at ang pag-ibig na kanilang ipinakita. Saka ito’y nagtapos nang ganito: “Sang-ayon man tayo o hindi sa kanilang mga idea at turo, ang buong pulutong na ito ay karapat-dapat na pag-ukulan natin ng pinakamataas na paggalang.” Subalit, maraming taga-Argentina ang gumawa nang higit kaysa riyan. Sila’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova, at dumalo sila sa mga pulong sa Kingdom Hall upang pagmasdan kung papaano ikinakapit ng mga Saksi ang mga simulain sa Bibliya sa kanilang mga buhay. Pagkatapos ang mga tagapagmasid na ito ay gumawa ng desisyon. Nang sumunod na pitong taon, sampu-sampung libo sa kanila ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, at ang bilang ng mga Saksi sa Argentina ay sumulong ng 71 porsiyento!

Higit na kapansin-pansin ang pagtugon sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa Mexico. Noong unang mga taon, ang mga Saksi ni Jehova roon ay madalas na sinalakay ng mga mang-uumog na sinulsulan ng mga pari. Subalit nang hindi lumaban o naghiganti ang mga Saksi ito’y nakatawag-pansin sa mga taong tapat-puso. (Roma 12:17-19) Napansin din nila na lahat ng mga paniniwala ng mga Saksi ay nakasalig sa Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos, sa halip na sa tradisyon ng tao. (Mat. 15:7-9; 2 Tim. 3:16, 17) Nakita nila na may pananampalataya ang mga Saksi na nagpapalakas sa kanila sa harap ng kagipitan. Lalong maraming mga pamilya ang malugod na tumanggap sa mga Saksi ni Jehova kapag nag-aalok ng walang-bayad na pag-aaral ng Bibliya sa kanila. Sa katunayan, noong 1992, 12 porsiyento ng mga pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig na idinaos ng mga Saksi ang nasa Mexico, at marami sa mga ito ay sa malalaking pamilya. Bunga nito, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico​—hindi lamang ang mga dumadalo sa kanilang mga pulong kundi yaong aktibong mga tagapaghayag sa madla ng Kaharian ng Diyos—​ay sumulong mula 80,481 noong 1975 tungo sa 354,023 noong 1992!

Sa Europa rin, pambihirang mga pangyayari ang nagdagdag sa higit na pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian.

Kamangha-manghang mga Pangyayari sa Polandya

Bagaman ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa Polandya mula 1939 hanggang 1945 (noong panahon ng pamamahala ng Nazi at Sobyet) at muli simula noong Hulyo 1950 (sa ilalim ng pamamahala ng Sobyet), hindi huminto sa pangangaral ang mga Saksi ni Jehova roon. Bagaman may bilang lamang sila na 1,039 noong 1939, noong 1950 ay may 18,116 na tagapaghayag ng Kaharian, at sila’y nagpatuloy bilang masisigasig (bagaman maiingat) na mga ebanghelisador. (Mat. 10:16) Gayunman, kung tungkol sa mga asamblea, ang mga ito’y idinaos sa kubling mga dako​—sa bukid, sa mga kamalig, sa kagubatan. Ngunit, simula noong 1982, pinahintulutan sila ng gobyerno sa Polandya na magdaos ng isang-araw na mga asamblea na hindi gaanong malaki sa arkiladong mga pasilidad.

Pagkatapos, noong 1985 ang pinakamalalaking istadyum sa Polandya ay ipinagamit sa mga Saksi ni Jehova para sa apat na malalaking kombensiyon noong buwan ng Agosto. Nang dumating ang isang delegado mula sa Austria sakay ng eroplano, nagtaka siya nang marinig niya ang isang patalastas sa loudspeaker na malugod na tinatanggap ang mga Saksi ni Jehova sa Polandya para sa kanilang kombensiyon. Yamang batid niyang ito’y nagpapahiwatig ng malaking pagbabago sa saloobin ng gobyerno, isang may-edad nang Saksing Polako na naroon upang salubungin ang bisita ay hindi nakapigil sa kaniyang luha ng kagalakan. Ang dumalo sa mga kombensiyong iyon ay 94,134 delegado, kabilang ang mga grupo mula sa 16 na lupain. Alam ba ng madla ang nagaganap? Tiyak iyon! Sa panahon ng kombensiyon at pagkatapos, nabasa nila ang mga ulat sa pangunahing mga pahayagan, napanood nila sa telebisyon ang mga pulutong sa kombensiyon, at narinig nila ang ilang bahagi ng programa sa pambansang radyo. Nagustuhan ng marami ang kanilang nakita at narinig.

Kasalukuyang nagpaplano ng mas malalaking kombensiyon sa Polandya nang, noong Mayo 12, 1989, ang gobyerno ay nagkaloob ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong samahan. Wala pang tatlong buwan, tatlong internasyonal na kombensiyon ang ginanap​—sa Chorzów, Poznan, at Warsaw—​na may kabuuang dumalo na 166,518. Ang nakapagtataka, libu-libong mga Saksi mula sa dating Unyong Sobyet (U.S.S.R.) at Czechoslovakia ang binigyan ng permisong maglakbay at sila’y nakadalo. Ang gawain ba ng paggawa ng alagad ng mga Saksi ni Jehova ay nagbubunga sa mga lupaing ito kung saan sa loob ng ilang dekada ang Estado ay hayagang nagtataguyod ng ateismo? Maliwanag ang naging sagot nang ang 6,093, marami’y mga kabataan, ang nagpabautismo sa tubig sa mga kombensiyong iyon.

Hindi maaaring hindi mapansin ng publiko na ang mga Saksi ay kakaiba​—sa isang kalugud-lugod na paraan. Sa mga pahayagan, nabasa nila ang mga salitang tulad ng sumusunod: “Yaong mga sumasamba sa Diyos na Jehova​—tulad ng sinasabi nila mismo—​ay talagang nagpapahalaga sa kanilang mga pagtitipon, na walang-alinlangang nagtatanghal ng pagkakaisa nila. . . . Kung tungkol sa pagiging maayos, payapa, at malinis, ang mga dumadalo sa kombensiyon ay mga huwarang dapat tularan.” (Życie Warszawy) Ang ilan sa mga taga-Polandya ay hindi lamang nagnais na magmasid sa mga kombensiyonista. Gusto nilang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Dahil sa gayong pagtuturo sa Salita ng Diyos, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Polandya ay sumulong mula 72,887 noong 1985 tungo sa 107,876 noong 1992; at sa huling binanggit na taon, sila’y gumugol ng mahigit sa 16,800,000 oras upang ibalita sa mga iba pa ang kamangha-manghang pag-asang nakalahad sa Kasulatan.

Subalit, hindi lamang sa Polandya nagaganap ang nakapananabik ng mga pagbabago.

Higit pa sa Silangang Europa ang Nagbukas ng Kani-kanilang Pintuan

Ang Hungarya ay nagkaloob ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova noong 1989. Binawi ng dating German Democratic Republic (GDR) ang 40-taóng pagbabawal nito sa mga Saksi noong 1990, mga apat na buwan pagkatapos buwagin ang Pader ng Berlin. Nang sumunod na buwan ang Kristiyanong Samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Romania ay opisyal na kinilala ng bagong gobyernong Romaniano. Noong 1991 ang Ministri ng Katarungan sa Moscow ay nagpahayag na ang Karta ng “Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa U.S.S.R.” ay opisyal na nakarehistro. Noong taon ding yaon ipinagkaloob ang legal na pagkilala sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria. Noong 1992, ang mga Saksi ni Jehova sa Albania ay pinagkalooban ng legal na karapatan.

Ano ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa kalayaang ipinagkaloob sa kanila? Isang peryodista ang nagtanong kay Helmut Martin, coordinator ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa GDR: “Mapapasangkot ba kayo sa pulitika?” Tutal, iyan ang ginagawa ng marami sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan. “Hindi,” ang tugon ni Brother Martin, “si Jesus ay nagbigay sa kaniyang mga alagad ng maka-Kasulatang atas, at ito ang itinuturing naming pinakamahalagang gawain namin.”​—Mat. 24:14; 28:19, 20.

Tiyak na hindi ito pasimula lamang ng pagganap ng mga Saksi ni Jehova sa pananagutang iyan sa bahaging ito ng daigdig. Bagaman napilitan silang gumawa sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayan sa loob ng maraming taon, sa karamihan ng mga lupaing ito ang mga kongregasyon (na nagpupulong sa maliliit na grupo) ay kumikilos, at ang pagpapatotoo ay ginagawa. Subalit ngayon isang bagong pagkakataon ang nabuksan. Maaari na silang magdaos ng mga pulong na puwedeng ipag-anyaya sa madla. Maaari na silang hayagang mangaral sa bahay-bahay, na walang takot na sila’y mabilanggo. Sa mga lupaing ito na may pinagsamang populasyon na mahigit sa 390,000,000, ay may malaking gawain na dapat pang isagawa. Yamang nabatid nilang nabubuhay tayo sa huling araw ng kasalukuyang pandaigdig na sistema ng mga bagay, kumilos agad ang mga Saksi ni Jehova.

Kahit bago pa man ipagkaloob ang legal na pagkilala, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay dumalaw na sa ilan sa mga lupain upang tingnan kung ano ang magagawa upang tulungan ang kanilang Kristiyanong mga kapatid. Nang alisin ang mga pagbabawal, naglakbay pa sila sa lalong marami sa mga lugar na ito upang tumulong sa pag-oorganisa ng gawain. Sa loob ng ilang taon, sila’y personal na nakipagkita at nakipag-usap sa mga Saksi sa Polandya, Hungarya, Romania, Czechoslovakia, Rusya, Ukraine, Estonia, at Belarus.

Isinaayos ang mga kombensiyon upang patibayin ang mga Saksing naninirahan sa mga lupaing ito at upang maitanghal sa madla ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Wala pang limang buwan matapos alisin ang pagbabawal sa dating GDR, may kombensiyong idinaos sa Olympia Stadium sa Berlin. Ang mga Saksi mula sa 64 na iba pang lupain ay tumugon sa imbitasyong dumalo. Itinuring nilang isang pribilehiyo na tamasahin ang pagkakataong iyon kasama ng Kristiyanong mga kapatid na sa loob ng ilang dekada ay nagpakita ng katapatan kay Jehova sa kabila ng matinding pag-uusig.

Kapuwa noong 1990 at 1991, may iba pang mga kombensiyon na idinaos sa Silangang Europa. Matapos idaos ang apat na lokal na asamblea sa Hungarya noong 1990, isinaayos ang isang internasyonal na pagtitipon sa Népstadion sa Budapest noong 1991. Ang dumalo ay 40,601 mula sa 35 bansa. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mahigit na 40 taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagdaos ng pangmadlang mga kombensiyon sa Romania noong 1990. Isang serye ng mga asamblea sa buong bansa, at nang dakong huli dalawang mas malalaking kombensiyon ang idinaos noong taóng iyon. Nagkaroon ng walo pang kombensiyon noong 1991, na dinaluhan ng 34,808. Noong 1990, sa tinatawag noon na Yugoslavia, may mga kombensiyong idinaos sa bawat isa sa mga republikang bumubuo sa bansang iyon. Nang sumunod na taon, bagaman ang lupain ay nasa bingit ng gera sibil, 14,684 sa mga Saksi ni Jehova ang nasiyahan sa isang internasyonal na kombensiyon sa Zagreb, ang kabisera ng Croatia. Namangha ang mga pulis nang makita nila ang mga Croat, Montenegrin, Serbiano, Sloveniano, at iba pa na mapayapang nagtipon upang makinig sa programa.

Sa noo’y Czechoslovakia rin, isinaayos kaagad ang mga kombensiyon. Isang pambansang kombensiyon sa Prague noong 1990 ay dinaluhan ng 23,876. Gayon na lamang ang katuwaan ng mga nangangasiwa sa istadyum sa kanilang nasaksihan kung kaya ipinagamit sa mga Saksi ang pinakamalaking pasilidad sa bansa para sa sumunod nilang kombensiyon. Sa makasaysayang okasyong iyon, noong 1991, pinunô ng 74,587 masisiglang kombensiyonista ang Strahov Stadium sa Prague. Ang mga delegadong Czech at Slovak ay natuwa at malakas na pinalakpakan ang patalastas hinggil sa paglabas ng kompletong New World Translation of the Holy Scriptures sa kanilang sariling mga wika, na gagamitin sa pangmadlang ministeryo at gayundin sa personal at pang-kongregasyong pag-aaral.

Noong 1991 rin, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, ang mga Saksi ni Jehova ay hayagang nakapagdaos ng mga kombensiyon sa mga dakong dati ay nasa loob ng Unyong Sobyet. Pagkatapos ng kombensiyon sa Tallinn, Estonia, nagkaroon ng isa sa Siberia. Apat ang idinaos sa malalaking lunsod sa Ukraine, at isa sa Kazakhstan. Ang kabuuang dumalo ay 74,252. At bilang bagong bunga ng gawaing paggawa ng alagad ng mga Saksi ni Jehova sa mga dakong ito, 7,820 ang nagpabautismo sa tubig. Ito’y hindi emosyonal na desisyong ginawa dahil sa simbuyo ng damdamin na likha ng kombensiyon. Ang mga kandidato sa bautismo ay buong-ingat na inihanda nang patiuna sa loob ng ilang buwan​—at kung minsan, ng ilang taon.

Saan nanggaling ang lahat ng mga taong ito? Maliwanag na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bahaging iyon ng lupa ay hindi lamang noon nagsisimula. Ang mga publikasyon ng Watch Tower ay ipinadala na sa pamamagitan ng koreo sa isang interesadong tao sa Rusya noon pang 1887. Ang unang presidente ng Samahang Watch Tower ay personal na dumalaw sa Kishinev (ngayo’y nasa Moldova) noong 1891. Ang ilang mga Estudyante ng Bibliya ay pumasok sa Rusya upang mangaral noong dekada ng 1920; subalit may malaking hadlang mula sa mga opisyal, at ang ilang mga grupong nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya ay maliliit lamang. Gayunman, nagbago ang situwasyon noong Digmaang Pandaigdig II at pagkatapos nito. Nagbago ang hangganan ng mga bansa, at maraming mga tao ang napapunta sa ibang lupain. Dahil dito, mahigit na isang libong Saksi na nagsasalita ng Ukrainyano mula sa dati’y silangang Polandya ang napapasok sa loob ng Unyong Sobyet. Ang ibang mga Saksi na nakatira sa Romania at Czechoslovakia ay nakasumpong na ang tinitirhan nila ay naging bahagi ngayon ng Unyong Sobyet. Karagdagan pa, ang mga Ruso na naging mga Saksi ni Jehova nang sila’y nasa mga kampong piitan ng Alemanya ay bumalik sa tinubuan nilang lupain, at dala nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Pagsapit ng 1946, may 4,797 aktibong mga Saksi sa Unyong Sobyet. Marami sa mga ito ang pinalipat ng gobyerno sa iba’t ibang mga lugar sa nagdaang mga taon. Ang ilan ay ibinilanggo sa mga kampong piitan. Saanman sila pumaroon sila’y nagpapatotoo. Lumaki ang bilang nila. Kahit bago pa sila pinagkalooban ng gobyerno ng legal na pagkilala, may aktibong mga grupo mula sa Lviv sa kanluran hanggang sa Vladivostok sa dulong silangan ng Unyong Sobyet, na nasa kabilang dagat mula sa Hapón.

Marami Na Ngayon ang Nais Makinig

Nang idaos ng mga Saksi ang mga kombensiyon sa dating U.S.S.R. noong 1991, nagkaroon ng pagkakataon ang publiko na mapagmasdan silang mabuti. Ano ang kanilang reaksyon? Sa Lviv, Ukraine, isang opisyal ng pulis ang nagsabi sa isang kombensiyonista: “Magaling kayo sa pagtuturo ng mabuti sa iba, nagsasalita kayo tungkol sa Diyos, at hindi kayo gumagawa ng karahasan. Pinag-uusapan namin kung bakit namin kayo pinag-uusig noon, at ang naging konklusyon namin ay na hindi kami nakinig sa inyo noon at wala kaming nalalaman tungkol sa inyo.” Ngunit ngayon marami na ang nakikinig, at gusto ng mga Saksi ni Jehova na tulungan sila.

Upang mabisang magampanan ang kanilang gawain sa mga lupaing ito, kailangan ang literatura sa Bibliya. Malaking pagsisikap ang ginawa upang ito’y mailaan kaagad. Sa Selters/Taunus, Alemanya, halos dinoble ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pasilidad sa paglilimbag. Bagaman hindi pa tapos noon ang pagpapalaking ito, mga dalawang linggo lamang matapos alisin ang pagbabawal sa dating Silangang Alemanya, 25 tonelada ng literatura ang ipinadala sa lugar na ito mula sa palimbagan sa Selters. Mula nang alisin ang mga pagbabawal sa mga lupain ng Silangang Europa hanggang 1992, halos 10,000 tonelada ng literatura sa 14 na pangunahing wika ang ipinadala sa iba’t ibang mga bansang ito mula sa Alemanya, 698 tonelada pa mula sa Italya, at karagdagan pa mula sa Pinlandya.

Palibhasa’y napahiwalay sila sa loob ng maraming taon, ang mga Saksi sa ibang lupain ay nangailangan ng tulong may kaugnayan sa pangangasiwa sa kongregasyon at pangasiwaan sa organisasyon. Upang tugunin ang apurahang pangangailangang ito, ang may-karanasang matatanda​—yaong makapagsasalita ng wika ng lupain hangga’t maaari​—ay kinausap sa Alemanya, Estados Unidos, Canada, at iba pang mga lugar. Sila ba’y handang lumipat sa isa sa mga lupaing ito sa Silangang Europa upang tugunin ang pangangailangan? Tunay na nakatutuwa ang naging tugon! Saanma’t magagawa, ang mga matandang sinanay sa Paaralang Gilead o sa Ministerial Training School ay isinugo rin.

Pagkatapos, noong 1992 isang kapansin-pansing internasyonal na kombensiyon ang idinaos sa St. Petersburg, pangalawa sa pinakamalaking lunsod sa Rusya. Mga 17,000 sa mga delegado ay mula sa 27 lupain sa labas ng Rusya. Malawakang inianunsiyo ang kombensiyon. Kabilang sa mga dumalo ay mga tao na noon lamang nakarinig tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ang bilang ng dumalo ay umabot sa pinakamataas na 46,214. Ang mga delegado ay naroon mula sa lahat ng bahagi ng Rusya, ang ilan ay mula sa dulong silangan sa Sakhalin Island, malapit sa Hapón. Malalaking grupo ang nanggaling sa Ukraine, Moldova, at sa iba pang mga bansa na dati ay bahagi ng U.S.S.R. Dala-dala nila ang mabubuting balita. Ipinakita ng mga ulat na sa bawat kongregasyon sa mga lunsod tulad ng Kiev, Moscow, at St. Petersburg, ang karaniwang dumadalo sa kanilang mga pulong ay doble o higit pa kaysa sa bilang ng mga Saksi. Maraming mga tao na gustong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kinailangang maghintay muna dahil sa dami. Mula sa Latvia, mga 600 delegado ang dumating, at mas marami pa mula sa Estonia. Isang kongregasyon sa St. Petersburg ang may mahigit sa isang daan na handang magpabautismo sa kombensiyon. Marami sa mga nagpapakita ng interes ay mga kabataan o mga taong may pinag-aralan. Tunay, isang dakilang espirituwal na pag-aani ang nagaganap sa napakalawak na teritoryong ito na malaon nang minalas ng daigdig bilang matibay na tanggulan ng ateismo!

Mga Bukid na Mapuputi Na Upang Anihin

Samantalang nagbabago ang mga saloobin hinggil sa relihiyosong kalayaan, may iba pa ring mga bansa ang nag-alis ng mga paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova o nagkaloob sa kanila ng legal na pagkilala na matagal nang ipinagkait. Sa marami sa mga dakong ito, isang saganang espirituwal na ani ang hinog na upang gapasin. Ang mga kalagayan ay katulad ng inilarawan ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang sabihin niya: “Itaas ninyo ang inyong mga mata at masdan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin.” (Juan 4:35) Isaalang-alang ang ilang mga dako kung saan naging totoo ito sa Aprika.

Ipinagbawal na ang ministeryo sa bahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia noon pang 1969. Bunga nito, ang mga Saksi roon ay gumugol ng higit na panahon sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Sinimulang hanapin din ng iba ang mga Saksi upang sila’y makatanggap ng pagtuturo. Unti-unting niluwagan ang mga paghihigpit ng gobyerno, at dumami ang mga dumadalo sa mga pulong. Noong 1992, may 365,828 na dumalo sa Hapunan ng Panginoon sa Zambia, 1 sa bawat 23 ng populasyon!

Sa bandang hilaga ng Zambia, sa Zaire, ibig matutuhan ng libu-libo pa kung ano ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa Kristiyanong pamumuhay at sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Noong 1990 nang pahintulutang buksan muli ng mga Saksi ang kanilang mga Kingdom Hall, umabot pa sa 500 katao ang dumagsa sa kanilang mga pulong sa ilang lugar. Sa loob ng dalawang taon ang 67,917 Saksi sa Zaire ay nagdaraos ng 141,859 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa gayong uri ng mga tao.

Totoong kagila-gilalas ang dami ng mga lupaing nabubuksan. Noong 1990, ang mga misyonero ng Watch Tower na pinalayas mula sa Benin 14 na taon ang nakalipas ay opisyal na binigyan ngayon ng pagkakataong makabalik, at bukás ang pintuan upang pumasok din ang iba. Noong taon ding iyon ang Ministro ng Katarungan sa Cape Verde Republic ay lumagda ng dokumento na sumang-ayon sa karta ng lokal na Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova, sa gayo’y pinagkakalooban sila ng legal na pagkilala. Pagkatapos, noong 1991 inalis ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Mozambique (kung saan malupit silang pinag-usig ng dating mga namamahala), sa Ghana (kung saan opisyal na hinigpitan ang kanilang gawain), at sa Ethiopia (kung saan hindi sila nakapangaral sa madla o nakapagdaos ng mga asamblea sa loob ng 34 na taon). Bago nagtapos ang taon, ang Niger at Congo ay nagkaloob din sa kanila ng legal na pagkilala. Sa unang bahagi ng 1992, inalis ang mga pagbabawal o ipinagkaloob ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova sa Chad, Kenya, Rwanda, Togo, at Angola.

Narito ang mga bukiring hinog na upang anihin. Sa Angola, halimbawa, nagkaroon kaagad ang mga Saksi ng 31-porsiyentong pagsulong; bukod pa rito, ang halos 19,000 tagapaghayag ng Kaharian doon ay nagdaraos ng halos 53,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Upang maglaan ng tulong sa pangangasiwa para sa malawakang programang ito ng edukasyon sa Bibliya sa Angola gayundin sa Mozambique (kung saan marami ang nagsasalita ng Portuges), kuwalipikadong matatanda mula sa Portugal at Brazil ang inanyayahang lumipat sa Aprika upang doon ipagpatuloy ang kanilang ministeryo. Mga misyonerong nagsasalita ng Portuges ang inatasan sa bagong bukás na teritoryo ng Guinea-Bissau. At may-kakayahang mga Saksi sa Pransya at sa ibang lupain ang inanyayahang tumulong sa apurahang gawaing pangangaral at paggawa ng alagad sa Benin, Chad, at Togo, kung saan marami ang nagsasalita ng Pranses.

Kabilang sa mga dako na doo’y di-pangkaraniwan ang dami ng inaning mga tagapuri kay Jehova ay yaong mga dating tanggulan ng Romano Katoliko. Bukod sa Latin Amerika, naging totoo ito sa Pransya (kung saan ang ulat noong 1992 ay nagpakitang may 119,674 ebanghelisador na Saksi), sa Espanya (kung saan may 92,282), sa Pilipinas (na may 114,335), sa Irlandya (kung saan ang pagdami ng mga Saksi ay 8 hanggang 10 porsiyento bawat taon), at sa Portugal.

Nang may 37,567 na dumalo sa isang kombensiyon ng Saksi sa Lisbon, Portugal, noong 1978, ang peryodikong Opção ay nagsabi: “Para sa sinuman na nakapunta sa Fátima sa panahon ng peregrinasyon, talagang malaki ang kaibahan nito. . . . Dito [sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova] nawawala ang mistisismo, at ito’y pinapalitan ng pagdaraos ng isang pulong kung saan may pagkakaisang tinatalakay ng mga mananampalataya ang kanilang mga problema, ang kanilang pananampalataya, at ang kanilang saloobing espirituwal. Nababanaag sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa ang maliwanag na tanda ng isang ugnayang may pagmamalasakitan.” Nang sumunod na dekada, ang bilang ng mga Saksi sa Portugal ay sumulong nang halos 70 porsiyento.

At kumusta naman ang Italya? Dahil sa kulang na kulang ang mga kandidato sa pagkaparing Katoliko ang ilang mga seminaryo ay kinailangang magsara. Maraming simbahan ang wala nang lokal na pari. Maraming pagkakataon na ang dating mga simbahan ay ginagamit bilang tindahan o opisina. Sa kabila ng lahat ng ito, nakipaglaban nang gayon na lamang ang iglesya upang pahintuin ang mga Saksi ni Jehova. Sa nakaraang mga taon ay ginipit nila ang mga opisyal na paalisin sa bansa ang mga misyonerong Saksi at hinilingan nila ang mga pulis na patigilin ang kanilang mga pulong. Sa ilang mga dako noong dekada ng 1980, ang lokal na mga pari ay nagpapaskil sa bawat pinto (pati sa iba na nagkataong mga Saksi ni Jehova), ng pananalitang: “Huwag Kayong Kumatok. Mga Katoliko Kami.” Ang ulong-balita sa mga pahayagan ay ganito ang sinabi: “Sigaw ng Pagkabahala ng Iglesya Laban sa mga Saksi ni Jehova” at “‘Banal na Digmaan’ Laban sa mga Saksi ni Jehova.”

Nang sikaping patahimikin ng unang-siglong mga saserdoteng Judio ang mga apostol, si Gamaliel, isang guro ng Kautusan, ay may-katalinuhang nagpayo: “Kung ang pakana o ang gawang ito ay mula sa mga tao, mawawasak ito; subalit kung ito’y sa Diyos, hindi ninyo sila mawawasak.” (Gawa 5:38, 39) Ano ang nangyari nang sikaping patahimikin ng pagkaparing Romano Katoliko sa ika-20 siglo ang mga Saksi ni Jehova? Ang gawain ng 120 Saksi sa Italya noong 1946 ay hindi nawasak. Sa halip, pagsapit ng 1992, nagkaroon ng 194,013 aktibong mga Saksing kaugnay ng 2,462 kongregasyon sa buong lupain. Halos pinunô nila ang Italya ng kanilang pagtuturo sa Salita ng Diyos. Mula noong 1946 ay gumugol sila ng mahigit sa 550 milyong oras sa pakikipag-usap sa kapuwa nila Italyano tungkol sa Kaharian ng Diyos. Habang ginagawa ito, nagpasakamay sila ng milyun-milyong kopya ng Bibliya mismo gayundin ng mahigit sa 400 milyong aklat, buklet, at magasin na nagpapaliwanag ng mga Kasulatan. Ibig nilang matiyak na ang mga tao sa Italya ay mabigyan ng lubos na pagkakataon na manindigan sa panig ni Jehova bago dumating ang Armagedon. Samantalang ginagawa ito, nasa isip nila ang isinulat ni apostol Pablo sa 2 Corinto 10:4, 5, alalaong baga’y: “Ang mga sandata ng aming pakikipagbaka ay hindi ukol sa laman, kundi may kapangyarihan mula sa Diyos upang gibain ang matitibay na bagay. Sapagkat ginigiba namin ang mga maling haka at bawat bagay na matayog na ipinagmamataas laban sa kaalaman ng Diyos.”

Hindi lamang ang dating mga tanggulan ng Katoliko ang binigyang-pansin ng mga Saksi ni Jehova. Alam nila na sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa lahat ng bansa ay kailangan munang maipangaral ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) At ito ang ginagawa ng mga Saksi. Noong 1992, may 12,168 sa kanila na abala sa pagbabalita sa mga tao sa India tungkol sa Kaharian ng Diyos. May 71,428 pa rin sa kanila na nangangaral sa Republika ng Korea. Sa Hapón, may 171,438, at lumalaki buwan-buwan ang bilang nila. Sila’y patuloy ring nagsikap upang abutin ang mga lupaing hindi pa gaano o sadyang di pa napangangaralan.

Kaya, sa huling bahagi ng dekada ng 1970, sa kauna-unahang pagkakataon, nahatdan nila ng mensahe ng Kaharian ang mga taong naninirahan sa Marquesas Islands at sa Kosrae​—kapuwa nasa Karagatang Pasipiko. Narating din nila ang Bhutan, na karatig ng timugang hangganan ng Tsina, at ang Comoros, di-kalayuan mula sa silangang baybayin ng Aprika. Noong dekada ng 1980 ang kauna-unahang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay iniulat mula sa Wallis at Futuna Islands, gayundin mula sa mga isla ng Nauru at Rota, lahat ay nasa timog-kanlurang Pasipiko. Ang ilan sa mga ito ay maliliit na lugar; ngunit may mga taong nakatira roon, at ang mga buhay ay totoong mahalaga. May lubos na kabatiran ang mga Saksi ni Jehova sa hula ni Jesus na bago dumating ang wakas, ang mensahe ng Kaharian ay ipangangaral “sa buong tinatahanang lupa.”​—Mat. 24:14.

Nakikipag-usap sa mga Tao Saanman at Kailanman Ito Magagawa

Bagaman ang pangangaral sa bahay-bahay ang pangunahing paraang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova upang abutin ang mga tao, napagtanto nila na kahit sa sistematikong paraang ito ay hindi nila nakakausap ang lahat ng tao. Taglay ang pagkaapurahan, patuloy nilang hinahanap ang mga tao saanman sila matatagpuan.​—Ihambing ang Juan 4:5-42; Gawa 16:13, 14.

Kapag dumaong ang mga barko sa mga daungan ng Alemanya at ng Netherlands, kahit panandalian lamang, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na ang mga ito’y puntahan, na nagpapatotoo muna sa kapitan saka sa mga tripulante. Nagdadala sila ng literatura sa Bibliya sa maraming wika para sa mga lalaking ito. Sa mga palengke ng Chad, sa kalagitnaang Aprika, madalas ay may nakikitang grupo ng 15 o 20 katao na nakapalibot sa isa sa mga Saksi ni Jehova na nagsasalita sa kanila hinggil sa pag-asa ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng halinhinang paggawa, ang mga Saksi ay nakikipag-usap sa mga tindero sa kanilang mga puwesto at sa libu-libong mga namimili tuwing Sabado ng umaga sa tiangge sa Auckland, New Zealand. Ang mga taong nasa mga terminal ng bus sa Guayaquil, Ecuador​—marami mula sa malalayong bahagi ng lupain—​ay nilalapitan doon ng mga Saksi na nag-aalok sa kanila ng isang napapanahong brosyur o La Atalaya at ¡Despertad! Yaong mga nagtatrabaho sa gabi sa 24-na-oras na mga groseri sa New York City ay dinadalaw ng mga Saksi sa kanilang trabaho upang sila man ay may pagkakataong makarinig ng mabuting balita.

Kapag naglalakbay sa mga eroplano, tren, bus, at subway, ibinabahagi ng marami sa mga Saksi ni Jehova ang mahahalagang katotohanan ng Bibliya sa kasama nilang mga pasahero. Sa panahon ng tanghalian sa kanilang sekular na trabaho at sa paaralan, gayundin kapag may negosyanteng nagsasadya sa kanilang tahanan, sinasamantala nila ang pagkakataon upang magpatotoo. Alam nila na marami sa mga taong ito ang maaaring wala sa bahay kapag regular na dumadalaw ang mga Saksi.

Samantalang nagpapatotoo sa iba, hindi nila kinaliligtaan ang malalapit na miyembro ng pamilya at iba pang mga kamag-anak. Ngunit nang si Maria Caamano, isang Saksi sa Argentina, ay nagsikap na sabihin sa kaniyang pamilya kung papaano naantig ang kaniyang damdamin dahil sa kaniyang natutuhan sa Bibliya, kinantiyawan nila siya o nagwalang-bahala. Hindi siya tumigil kundi naglakbay ng 1,900 kilometro upang magpatotoo sa iba pa sa kaniyang mga kamag-anak. Ang ilan ay malugod na tumugon. Unti-unti, nakinig din ang iba. Bunga nito, may mahigit na ngayong 80 maygulang at 40 bata sa kaniyang mga kamag-anak ang tumanggap ng katotohanan ng Bibliya at namamahagi nito sa iba.

Upang tulungan ang kaniyang mga kamag-anak, si Michael Regan ay bumalik sa kaniyang sariling bayan, sa Boyle, County Roscommon, sa Irlandya. Nagpatotoo siya sa kanilang lahat. Ang kaniyang pamangking babae ay natawagan ng pansin dahil sa masayang espiritu at malinis na paraan ng pamumuhay ng mga anak ni Michael. Di-nagtagal at silang mag-asawa ay pumayag na mag-aral ng Bibliya. Nang sila’y mabautismuhan, pinagbawalan siya ng kaniyang ama na dumalaw sa tahanan ng pamilya. Gayunman, unti-unting lumambot ang kaniyang saloobin, at siya’y tumanggap ng ilang literatura​—na may layuning ilantad ang “kamalian” ng mga Saksi. Subalit di-nagtagal at natalos niya na ang binabasa niya ay katotohanan, at nang maglaon siya’y nagpabautismo. Mahigit sa 20 miyembro ng pamilya ang nakikisama ngayon sa kongregasyon, at karamihan sa mga ito ay nabautismuhan na.

Kumusta naman ang mga nasa bilangguan? Maaari ba silang makinabang mula sa mensahe ng Kaharian ng Diyos. Hindi sila niwawalang-bahala ng mga Saksi ni Jehova. Sa isang piitan sa Hilagang Amerika, ang pagsasaayos ng personal na mga pag-aaral ng Bibliya sa mga bilanggo, kasabay ng pagdalo sa regular na mga pulong na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng bilangguan, ay nagkaroon ng napakahusay na bunga anupat pinapangyari ng pangasiwaan ng bilangguan na magdaos ng mga asamblea roon. Ang mga ito’y dinaluhan hindi lamang ng mga bilanggo kundi ng libu-libong Saksi mula sa labas. Sa ibang lupain din, taimtim na mga pagsisikap ang ginagawa upang magpatotoo sa mga lalaki at babae na nasa bilangguan.

Hindi naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na kayang baguhin ng pag-aaral sa Bibliya ang pamumuhay ng lahat ng mga bilanggo. Subalit alam nila mula sa kanilang karanasan na ang ilan ay maaaring matulungan, at nais nilang bigyan ang mga ito ng pagkakataong manghawakan sa pag-asa ng Kaharian ng Diyos.

Paulit-ulit na mga Pagsisikap na Abutin ang mga Puso

Paulit-ulit na dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao. Tulad ng ginawa ng naunang mga alagad ni Jesus, sila’y “patuluyang pumaparoon” sa mga tao sa kanilang iniatas na teritoryo upang sikaping pumukaw ng kanilang interes sa Kaharian ng Diyos. (Mat. 10:6, 7) Sa ilang dako nadadalaw nila ang lahat ng tahanan sa kanilang lugar minsan lamang sa isang taon; sa ibang dako, dumadalaw sila tuwing ilang buwan. Sa Portugal, sa palibot ng Lisbon, kung saan may proporsiyon na 1 Saksi sa bawat 160 katao, ang mga tao ay dinadalaw ng mga Saksi halos linggu-linggo. Sa Venezuela, may mga lunsod na doon ang mga teritoryo ay regular na ginagawa nang ilang beses bawat sanlinggo.

Kapag nagpapabalik-balik ang mga Saksi ni Jehova, hindi nila ipinipilit ang mensahe ng Bibliya sa mga tao. Sila’y nagsisikap lamang na bigyan sila ng pagkakataong gumawa ng matalinong pagpapasiya. Sa ngayon, maaaring sabihin ng ilan na sila’y hindi interesado; subalit dahil sa may nangyayaring masaklap na mga pagbabago sa kanilang buhay o sa mga kalagayan sa daigdig baka higit nila itong tanggapin sa susunod na pagkakataon. Dahil sa patiunang pagkiling o sapagkat sila’y masyadong abala upang makinig, hindi pa talagang naririnig ng maraming tao kung ano ang itinuturo ng mga Saksi. Ngunit ang paulit-ulit na palakaibigang mga pagdalaw ay maaaring makatulong sa kanila na magbigay-pansin. Madalas na natatawagan ng pansin ang mga tao dahil sa katapatan at kalinisang moral ng mga Saksi na kapitbahay nila o kasama nila sa trabaho. Dahil dito, sa kalaunan, ang ilan ay nagkakaroon ng sapat na interes upang alamin ang nilalaman at layunin ng kanilang mensahe. Sinabi ng isang babaing gayon sa Venezuela, matapos na malugod niyang tanggapin ang literatura at ang alok na isang walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya: “Kailanman ay walang nakapagpaliwanag sa akin ng ganitong mga bagay.”

Sa may-kabaitang paraan, sinisikap ng mga Saksi na abutin ang mga puso niyaong kinakausap nila. Sa Guadeloupe, kung saan may 1 Saksi sa bawat 57 ng populasyon noong 1992, ang naging pangkaraniwang komento ng mga maybahay ay, “Hindi ako interesado.” Sa komentong ito, si Eric Dodote ay sumasagot: “Naiintindihan ko kayo, at inuunawa ko ang inyong kalagayan.” Pagkatapos ay idinaragdag niya: “Subalit matanong ko kayo, Gusto ba ninyong mabuhay sa mas mabuting kalagayan kaysa sa umiiral ngayon?” Matapos pakinggan ang sinabi ng maybahay, ginagamit niya ang Bibliya upang ipakita kung papaano pangyayarihin ng Diyos ang gayong mga kalagayan sa Kaniyang bagong sanlibutan.

Higit Pang Masinsinang Paggawa sa Teritoryo

Sa nakalipas na ilang taon naging higit na mahirap na matagpuan ang mga tao sa kanilang tahanan. Madalas na kapuwa ang mag-asawa ay nagtatrabaho, at sa mga dulong sanlinggo sila’y naglilibang sa mga lugar na malayo sa kanilang tahanan. Upang harapin ang situwasyong ito, sa maraming lupain ang mga Saksi ni Jehova ay mas madalas na gumagawa ng kanilang pagpapatotoo sa bahay-bahay sa gabi. Sa Britanya, hindi lamang dinadalaw ng ilang Saksi ang mga dating wala sa bahay sa pagitan ng alas seis at alas otso ng gabi kundi ang iba naman, sa pagsisikap na maratnan ang mga tao bago sila pumasok sa trabaho, ay dumadalaw bago mag-alas otso sa umaga.

Kahit nasa bahay ang mga tao, maaaring maging mahirap na makapasok kung walang patiunang imbitasyon, dahil sa mahigpit na kaayusan nila sa seguridad dulot ng palasak na krimen. Ngunit sa Brazil kapag ang ilan na mahirap maratnan ay namamasyal sa madaling araw sa tabing-dagat sa Copacabana Beach, maaaring lapitan sila ng isang masigasig na Saksi na napakaaga ring nakikipag-usap sa iba tungkol sa kung papaano ang Kaharian ng Diyos ay lulutas sa mga problema ng sangkatauhan. Sa Paris, Pransya, kapag umuuwi ang mga tao sa kanilang mga apartment sa dakong hapon, maaaring may palakaibigang mag-asawang Saksi na naghihintay malapit sa pasukan ng kanilang gusali, upang makipag-usap sa mga naninirahan doon na sumasang-ayong gumugol ng ilang minuto upang mapakinggan ang hinggil sa paraan na gagamitin ng Diyos sa pagdadala ng tunay na katiwasayan. Sa Honolulu, New York City, at marami pang mga lugar, gumagawa rin ng mga pagsisikap na abutin ang mga nakatira sa mga gusaling may mahigpit na seguridad sa pamamagitan ng telepono.

Kahit na may nakausap sila sa bawat tahanan, hindi pa rin iniisip ng mga Saksi na tapos na ang kanilang gawain. Ang kanilang hangarin ay ang abutin ang pinakamaraming indibiduwal hangga’t maaari sa bawat bahay. Kung minsan naisasagawa ito sa pamamagitan ng pagdalaw sa iba’t ibang araw o sa iba’t ibang oras. Sa Puerto Rico nang sabihin ng isang maybahay na hindi siya interesado, ang isang Saksi ay nagtanong kung mayroon pang iba sa bahay na maaari niyang kausapin. Ito’y umakay sa pakikipag-usap sa ama ng tahanan, na 14 na taon nang may sakit at halos nakaratay sa banig. Naantig ang kaniyang puso dahil sa pag-asang inilalahad ng Salita ng Diyos. Palibhasa’y nagkaroon ng panibagong interes sa buhay, di-nagtagal at bumangon siya sa banig ng karamdaman, dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, at namahagi sa iba ng kaniyang bagong-tuklas na pag-asa.

Pinag-iibayo ang Pagpapatotoo Habang Nalalapit Na ang Katapusan

May isa pang salik na malaki ang nagagawa upang pag-ibayuhin ang pagpapatotoo sa nakaraang mga taon. Ito’y ang paglaki ng bilang ng mga Saksi na naglilingkod bilang mga payunir. Dahil sa masidhing pagnanais nila na gumugol ng maraming panahon hangga’t maaari sa paglilingkod sa Diyos, at taglay ang maibiging pagmamalasakit sa kanilang kapuwa-tao, isinasaayos nila ang kanilang pamumuhay upang gumugol ng 60, 90, 140 o higit pang oras bawat buwan sa ministeryo sa larangan. Gaya ni apostol Pablo nang siya’y nangangaral sa Corinto, Gresya, yaong mga naglilingkod bilang payunir ay “abalang-abala dahil sa salita,” na sinisikap na patotohanan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari tungkol sa Mesianikong Kaharian.​—Gawa 18:5.

Noong 1975 may 130,225 payunir sa buong daigdig. Pagsapit ng 1992 may aberids na 605,610 bawat buwan (kasali ang regular, auxiliary, at special pioneer). Kaya, sa panahong ang bilang ng mga Saksi sa buong daigdig ay sumulong ng 105 porsiyento, yaong mga gumawa ng paraan upang makibahagi sa buong-panahong ministeryo ay sumulong ng 365 porsiyento! Dahil dito, ang panahong ginugol mismo sa pagpapatotoo ay nag-ibayo mula sa mga 382 milyon hanggang sa mahigit na isang bilyong oras bawat taon!

‘Ang Munti ay Naging Isang Libo’

Inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na maging mga saksi niya hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. (Gawa 1:8) Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, inihula ni Jehova: “Ang munti mismo ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa kaniyang takdang kapanahunan.” (Isa. 60:22) Malinaw na ipinakikita ng ulat na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing inihula ni Jesus, at nararanasan nila ang uring pagsulong na ipinangako mismo ng Diyos.

Nang magtapos ang Digmaang Pandaigdig II, sila’y nasumpungan lalo na sa Hilagang Amerika at Europa; may ilan sa Aprika; at ang iba, sa mas maliliit na grupo, ay nakakalat sa palibot ng globo. Sa anumang paraan ay hindi pa nila nararating ang bawat lupain taglay ang mensahe ng Kaharian, ni narating man nila ang bawat sulok ng mga lupaing pinangangaralan nila noon. Gayunman, sa bilis na nakagigitla, nagbago ang kalagayang iyan.

Isaalang-alang ang Hilagang Amerika. Ito’y nagmumula sa Canada sa hilaga at umaabot hanggang sa Panama, na may siyam na lupain sa pagitan ng mga ito. Noong 1945 may 81,410 Saksi sa malawak na lugar na ito. Apat sa mga lupain ay nag-uulat ng kulang sa 20 Saksi bawat isa, at may isang lupain na walang anumang organisadong pangangaral na ginagawa. Mula noon, isang masinsinan at walang humpay na pagpapatotoo ang ibinigay sa lahat ng mga lupaing ito. Noong 1992, mayroon nang 1,440,165 Saksi ni Jehova sa bahaging ito ng lupa. Sa karamihan ng mga lupaing ito, ang bawat Saksi, sa aberids, ay mayroon lamang ilang daang tao na kailangang pangaralan. Ang karamihan ng mga tao ay dinadalaw ng mga Saksi bawat ilang buwan; marami ay dinadalaw linggu-linggo. Mahigit sa 1,240,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang regular na idinaraos sa interesadong mga indibiduwal at grupo.

Kumusta ang Europa? Ang bahaging ito ng globo ay nagmumula sa Scandinavia patimog hanggang sa Mediteraneo. Maliban sa karamihan sa mga dakong dating tinatawag na Unyong Sobyet, isang malawakang pagpapatotoo ang naibigay na sa Europa bago ang Digmaang Pandaigdig II. Mula noon, bagong mga sanlinlahi ang lumitaw, at sa kanila rin ay ipinakikita mula sa Kasulatan na malapit nang halinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pamahalaan ng tao. (Dan. 2:44) Mula sa ilang libong mga Saksi na nangaral sa ilalim ng matinding mga panggigipit noong panahon ng digmaan, ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa 47 lupaing may inilathalang ulat noong 1992 ay umabot na sa 1,176,259, kasali na rin ang mga lugar na dati’y bahagi ng U.S.S.R., kapuwa sa Europa at Asia. Sa bawat isa sa limang mga lupain​—Britanya, Pransya, Alemanya, Italya, at Polandya—​may mahigit sa 100,000 masisigasig na Saksi. At ano ang ginagawa ng lahat ng mga Saksing ito? Ipinakikita ng kanilang ulat sa 1992 na noong taóng iyon, sila’y gumugol ng mahigit sa 230,000,000 oras sa pangmadlang pangangaral, pagbabahay-bahay, at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa kanilang pag-eebanghelyo, hindi kinaligtaan ng mga Saksing ito kahit ang maliit na republika ng San Marino, ang mga prinsipalidad gaya ng Andorra at Liechtenstein, o ng Gibraltar. Tunay, ang inihulang pagpapatotoo ay ibinibigay.

Ang Aprika rin ay tumatanggap ng malawakang pagpapatotoo. Ipinakikita ng mga ulat na hanggang 1945, ang mabuting balita ay nakarating na sa 28 bansa sa kontinenteng iyan, subalit kaunti lamang ang aktuwal na pagpapatotoong ginawa sa karamihan ng mga bansang ito. Gayunman, simula noon, malaki ang naisagawa roon. Noong 1992, may 545,044 na masisigasig na Saksi sa kontinente ng Aprika, na ipinangangaral ang mabuting balita sa 45 bansa. Sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon noong taóng iyon, may 1,834,863 na dumalo. Kaya, hindi lamang kahanga-hanga ang paglago kundi ang potensiyal para sa higit na pagsulong ay kapansin-pansin!

Kapansin-pansin din ang ulat para sa Timog Amerika. Bagaman lahat ng 13 bansa nito maliban sa isa ay inabot na ng mensahe ng Bibliya bago ang Digmaang Pandaigdig II, noong panahong iyon mayroon lamang 29 na kongregasyon sa buong kontinente, at wala pang organisadong pangangaral na ginagawa sa ilan sa mga bansa. Karamihan ng gawaing pangangaral ng Kaharian ang nasa hinaharap pa noon. Mula pa noon ay masigasig na gumawa na ang mga Saksi roon. Yaong mga nagiginhawahan ng tubig ng buhay ay malugod na nag-aanyaya naman sa iba, na nagsasabi: ‘Pumarito kayo, at kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.’ (Apoc. 22:17) Noong 1992, may 683,782 mga lingkod ni Jehova sa 10,399 na kongregasyon sa Timog Amerika na maligayang nakikibahagi sa gawaing ito. Ang ilan sa kanila’y umaabot pa sa mga lugar na hindi pa lubusang napatotohanan. Ang iba’y paulit-ulit na dumadalaw sa mga dakong nabigyan na ng patotoo, upang himukin ang mga tao na “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Sila’y regular na nagdaraos ng 905,132 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya upang tulungan ang mga interesado na iayon ang kanilang pamumuhay sa mga daan ni Jehova.

Isaalang-alang din ang Asia at ang maraming mga isla at kapuluan sa palibot ng globo. Ano na ang naisagawa roon? Hanggang sa katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, halos hindi napagpahayagan tungkol sa Kaharian ang marami sa mga dakong ito. Subalit inihula ni Jesu-Kristo na ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Kaayon dito, sa mga dekada pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang pangangaral ng mabuting balita na dati’y nakaabot sa 76 sa mga bansa, mga isla, at mga kapuluang ito ay nakarating na sa karagdagang 40 at higit na pinag-ibayo sa mga dakong dating pinangaralan. Sa malawak na teritoryong ito, noong 1992 may 627,537 tapat na mga Saksi ang buong lugod na nagpapabatid ng “makapangyarihang mga gawa [ni Jehova] at ng kaluwalhatian ng karilagan ng kaniyang kaharian.” (Awit 145:11, 12) Hindi madali ang kanilang ministeryo. Sa ilang lugar kailangang maglakbay sila ng ilang oras sa bangka o eroplano upang abutin ang malalayong isla sa kanilang teritoryo. Ngunit noong 1992 sila’y gumugol ng mahigit sa 200,000,000 oras sa gawaing pag-eebanghelyo at nagdaos ng 685,211 regular na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.

Ang katuparan ng pangako na ‘ang munti ay magiging isang libo’ ay talagang naganap, at higit pa sa inaasahan! Sa bawat isa sa mahigit na 50 lupain na noo’y wala kahit isang ‘munti’​—kung saan wala pang mga Saksi ni Jehova noong 1919, at wala pang pangangaral na nagawa—​sa ngayon ay may mahigit na isang libong tagapuri kay Jehova. Sa ilan sa mga lupaing ito, mayroon na ngayong sampu-sampung libo, oo, mahigit na isang daang libo, ng mga Saksi ni Jehova na masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos! Sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay naging “isang makapangyarihang bansa”​—higit ang dami bilang pinagsamang pambuong-daigdig na kongregasyon kaysa indibiduwal na populasyon ng alinman sa di-kukulangin sa 80 lupain sa daigdig na may sariling pamahalaan.

Gaanong Kalaki ang Patotoo sa “Ibang Bansa”?

Kabilang sa lahat ng nabanggit sa itaas, noong 1992, mayroon pa ring 24 na “ibang bansa”​—kung saan matinding hinihigpitan ng mga gobyerno ang mga Saksi ni Jehova at walang inilathalang detalyadong mga ulat. Malaking pagpapatotoo ang nagawa sa ilan sa mga lupaing ito. Subalit sa ilang lupain limitado lamang ang bilang ng mga Saksi. Mayroon pang mga tao na hindi nakaririnig ng mensahe ng Kaharian. Ngunit may pagtitiwala ang mga Saksi ni Jehova na ang nararapat na pagpapatotoo ay ibibigay. Bakit?

Sapagkat ipinakikita ng Kasulatan na si Jesu-Kristo, mula sa makalangit niyang trono, ang siya mismong nangangasiwa sa gawain. (Mat. 25:31-33) Sa ilalim ng kaniyang patnubay isang “anghel na lumilipad sa gitna ng langit” ang pinagkatiwalaan ng pananagutan na ihayag ang walang-hanggang mabuting balita at himukin ang “bawat bansa at tribo at wika at bayan” na “matakot sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya.” (Apoc. 14:6, 7) Walang kapangyarihan sa langit o sa lupa ang makapipigil kay Jehova upang tipunin sa kaniyang sarili yaong mga “may matuwid na saloobin sa buhay na walang-hanggan.”​—Gawa 13:48; Juan 6:44.

Walang liblib na bahagi ng lupa na hindi maaabot ng mensahe ng Kaharian. Dumadalaw ang mga kamag-anak. Naghahatid ng balita ang mga telepono at ang koreo. Ang mga negosyante, mga manggagawa, mga estudyante, at mga turista ay nakikipag-usap sa mga tao sa ibang mga bansa. Tulad noong nakaraan, gayon din sa ngayon, ang mahalagang balita na iniluklok na ni Jehova ang kaniyang makalangit na Hari na may kapamahalaan sa mga bansa ay patuloy na inihahayag sa ganitong mga paraan. Matitiyak ng mga anghel na yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katotohanan at katuwiran ay maabot.

Kung kalooban ng Panginoon na may gagawing higit na tuwirang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa ilang mga lugar na hanggang ngayon ay hinihigpitan pa ng mga pamahalaan, kayang maneobrahin ng Diyos ang mga kalagayan na magpapangyari sa mga pamahalaang ito na baguhin ang kanilang mga patakaran. (Kaw. 21:1) At saanman mabubuksan pa ang mga pagkakataon, malugod na iuukol ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili upang tiyakin na ang mga tao sa mga lupaing iyon ay tumanggap ng lahat ng tulong na magagawa upang matutuhan ang maibiging layunin ni Jehova. Determinado silang magpatuloy na maglingkod nang walang-humpay hanggang sa sabihin ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na tapos na ang gawain!

Noong 1992, abala ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa 229 na lupain. Nang taóng iyan ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nakaabot na sa 235 lupain sa iba’t ibang paraan. Sampu sa mga ito ay unang inabot pagkatapos ng 1975.

Gaano kalaking patotoo ang ibinigay? Buweno, noong unang 30 taon pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng 4,635,265,939 na oras sa pangangaral at pagtuturo hinggil sa pangalan at Kaharian ni Jehova. Gayunman, palibhasa’y mas marami ang mga Saksi at mas marami ang nasa buong-panahong paglilingkod, nang sumunod na 15 taon (kalahati lamang ng mga taon), 7,858,677,940 oras ang ginugol sa pagpapatotoo sa madla at sa bahay-bahay gayundin sa pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. At patuloy na nag-ibayo ang pagsulong sa gawain, samantalang nag-ulat sila ng 951,870,021 karagdagang oras sa gawaing ito noong 1990/91 at mahigit sa isang bilyong oras noong sumunod na taon.

Ang dami ng literatura sa Bibliya na ipinamamahagi ng mga Saksi upang ihayag ang Kaharian, kasabay niyaong nasa iba’t ibang wika na maaaring makuha, ay hindi mapapantayan ng anumang larangang pinagsusumikapan ng tao. Hindi kumpleto ang mga rekord; subalit ang makukuha pang mga ulat ay nagpapakita na sa 294 na wika, 10,107,565,269 na aklat, buklet, brosyur, at magasin, bukod pa sa di-mabilang na bilyun-bilyong mga tract, ang naipasakamay sa mga taong interesado sa pagitan ng mga taóng 1920 at 1992.

Sa panahong isinusulat ito, hindi pa tapos ang pambuong-daigdig na pagpapatotoo. Subalit ang naisagawa na sa ilalim ng iba’t ibang mga kalagayan ay nakakukumbinsing patunay ng pagkilos ng espiritu ng Diyos.

[Blurb sa pahina 502]

Nakatawag ng pansin ang malalaking kombensiyon at Kristiyanong ugali ng mga delegado

[Blurb sa pahina 505]

“Kung tungkol sa pagiging maayos, payapa, at malinis, ang dumadalo sa kombensiyon ay mga huwarang dapat tularan”

[Blurb sa pahina 507]

Makasaysayang mga kombensiyon ang ginanap sa mga lugar na ang mga Saksi ay ipinagbawal nang kung ilang dekada

[Blurb sa pahina 508]

Libu-libong tonelada ng literatura sa Bibliya ang ipinadala sa mga lupain ng Silangang Europa

[Blurb sa pahina 509]

Kuwalipikadong matatanda ang nagboluntaryong lumipat sa mga lupaing may mahigpit na pangangailangan

[Blurb sa pahina 516]

Ang kanilang hangarin ay ang abutin ang pinakamarami hangga’t maaari sa bawat tahanan

[Blurb sa pahina 518]

Nakagugulat na paglaki at ang potensiyal para sa higit pang paglawak

[Graphs/Mga larawan sa pahina 513]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pagdami ng mga Tagapaghayag ng Kaharian sa Silangan

India

10,000

5,000

1950 1960 1970 1980 1992

Republika ng Korea

60,000

30,000

1950 1960 1970 1980 1992

Hapón

150,000

100,000

50,000

1950 1960 1970 1980 1992

[Larawan sa pahina 503]

Ang Morumbi Stadium, sa São Paulo, Brazil (makikita sa ibaba), at ang Maracanã Stadium, sa Rio de Janeiro, ay kailangang magkasabay na gamitin noong 1985 upang magkasiya ang mga pulutong na dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 504]

Ilan sa mga kandidato sa bautismo sa Chorzów, Polandya, noong 1989

[Mga larawan sa pahina 506]

Makasaysayang mga Kombensiyon ng 1991

Prague, Czechoslovakia

Tallinn, Estonia (kanan)

Zagreb, Croatia (kanan)

Budapest, Hungarya (sa itaas)

Baia-Mare, Romania (kanan)

Usolye-Sibirskoye, Rusya (sa ibaba)

Alma-Ata, Kazakhstan (sa itaas)

Kiev, Ukraine (kaliwa)

[Mga larawan sa pahina 511]

Internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, sa St. Petersburg, Rusya, noong 1992

Maraming kabataan ang naroroon

Mula sa Moldova

Mula sa Ukraine

ula sa Rusya

Isang magiliw na pambuong-daigdig na damdamin

Ipinakikipag-usap ni M. G. Henschel (kaliwa) ang programa kay Stepan Kozhemba (sa gitna), sa tulong ng isang tagapagsalin

Ang mga delegadong banyaga ay nagdala ng mga Bibliyang Ruso upang gamitin ng mga Saksi sa buong Rusya

[Mga larawan sa pahina 512]

Noong dekada ng 1980 ang Iglesya Katolika ay nakipaglaban sa mga Saksi, sang-ayon sa mga siniping lathalaing ito mula sa pahayagang Italyano

[Larawan sa pahina 514]

Kapag dumadaong ang mga bapor sa Rotterdam, Netherlands, naroon ang mga Saksi upang kausapin ang mga lalaki tungkol sa Kaharian ng Diyos

[Larawan sa pahina 515]

Kahit sa teritoryong madalas gawin, tulad dito sa Guadeloupe, patuloy na sinisikap ng mga Saksi na abutin ang puso ng kanilang mga kapitbahay ng mabuting balita