Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Tinutustusan ang Lahat ng Ito?

Papaano Tinutustusan ang Lahat ng Ito?

Kabanata 21

Papaano Tinutustusan ang Lahat ng Ito?

MALIWANAG na ang gawaing isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay nangangailangan ng salapi. Ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, tanggapang pansangay, pagawaan, at tahanang Bethel ay nangangailangan ng salapi, at higit pa ang kailangan upang panatilihing maayos ang mga iyon. Gumagastos din sa paglalathala at pamamahagi ng mga literatura para sa pag-aaral ng Bibliya. Papaano tinutustusan ang lahat ng ito?

Ang mga taong salungat sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay naglathala na ng walang-batayang pala-palagay hinggil dito. Subalit ang pagsusuring muli ng ebidensiya ay sumusuporta sa sagot na ibinibigay mismo ng mga Saksi. Ano ba iyon? Halos lahat ng gawain ay ginagawa ng mga boluntaryo, na hindi umaasa ni naghahangad ng kabayaran sa kanilang mga paglilingkod, at ang mga gastusing pang-organisasyon ay natutugunan ng kusang-loob na mga donasyon.

“Walang Bayad ang mga Upuan. Walang Koleksiyon”

Noon pa mang ikalawang isyu ng Watch Tower, noong Agosto 1879, sinabi ni Brother Russell: “Naniniwala kami na si JEHOVA ang sumusuporta sa ‘Zion’s Watch Tower’, at dahil nga rito kung kaya hindi ito kailanman manghihingi ni makikiusap sa mga tao upang tumustos. Kapag Siya na nagsasabing: ‘Lahat ng ginto at pilak ng mga kabundukan ay akin,’ ay nabigong maglaan ng kinakailangang pondo, mauunawaan natin na panahon na upang ihinto ang paglalathala.” Kaayon nito, walang mababasa sa mga literatura ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa panghihingi ng salapi.

Kung papaano sa kanilang mga literatura ay gayundin sa kanilang mga pulong. Walang nagmamakaawang mga pagsusumamo para sa mga pondo sa kanilang mga kongregasyon o sa kanilang mga kombensiyon. Walang ipinapasang mga pinggan para sa koleksiyon; walang ipinamimigay na mga sobre upang lagyan ng salapi; walang ipinadadalang mga sulat upang mangilak ng salapi sa mga miyembro ng kongregasyon. Ang mga kongregasyon ay hindi kailanman nagpapabinggo o nagpaparipa upang magkapondo. Sing-aga ng 1894, nang magpadala ang Samahang Watch Tower ng naglalakbay na mga tagapagsalita, naglathala ito ng ganitong patalastas para sa kapakinabangan ng bawat isa: “Ngayon pa lamang ay ipinauunawa na sa lahat na hindi pinahihintulutan ni sinasang-ayunan man ng Samahang ito ang paniningil o ano pa mang pangingilak ng salapi.”

Kaya nga, sa pasimula pa lamang ng kanilang modernong-panahong kasaysayan, taglay na ng mga pulyeto at iba pang nakaimprentang mga imbitasyon para sa madla upang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ang sawikaing “Walang Bayad ang mga Upuan. Walang Koleksiyon.”

Simula noong kaagahan ng 1914, umarkila ang mga Estudyante ng Bibliya ng mga teatro gayundin ng ibang mga awditoryum at inanyayahan ang madla rito upang panoorin ang “Photo-Drama of Creation.” Ito ay isang apat-na-bahaging presentasyon, walong oras lahat-lahat, na binubuo ng mga slide at pelikula na kasabay ang tunog. Noong unang taon lamang, milyun-milyong mga tao ang nakapanood nito sa Hilagang Amerika, Europa, Australia, at New Zealand. Bagaman naningil ang ilang may-ari ng teatro para sa mga reserbang upuan, hindi kailanman humiling ng bayad ang mga Estudyante ng Bibliya. At walang tinanggap na koleksiyon.

Nang dakong huli, sa mahigit na 30 taon, pinangasiwaan ng Samahang Watch Tower ang istasyon ng radyo na WBBR sa New York City. Ginamit din ng mga Saksi ni Jehova ang iba pang daan-daang istasyon upang isahimpapawid ang mga programa ng pagtuturo ng Bibliya. Subalit kailanman ay hindi nila ginamit ang gayong mga pagsasahimpapawid upang humingi ng salapi.

Papaano, kung gayon, nakukuha ang mga donasyon na tumutustos sa kanilang gawain?

Tinutustusan sa Pamamagitan ng Kusang-Loob na mga Donasyon

Nagbigay ang Bibliya ng huwaran. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, may ilang pagbibigay na kusang-loob. Ang iba ay hinihiling mismo sa mga tao. Ang pagbibigay ng ikapu, o ikasampung bahagi, ay isa rito. (Exo. 25:2; 30:11-16; Bil. 15:17-21; 18:25-32) Ngunit ipinakikita rin ng Bibliya na tinupad ni Kristo ang Batas, at niwakasan na ito ng Diyos; kaya ang mga Kristiyano ay hindi na sakop ng mga alituntunin nito. Hindi sila nagbibigay ng ikapu, ni wala sila sa ilalim ng pananagutan na magbigay ng iba pang mga kontribusyon na may takdang halaga o sa isang takdang panahon.​—Mat. 5:17; Roma 7:6; Col. 2:13, 14.

Sa halip, sila’y hinihimok na paunlarin ang espiritu ng pagkabukas-palad at pagkamatulungin bilang pagtulad sa kahanga-hangang halimbawa na ipinakita ni Jehova mismo at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (2 Cor. 8:7, 9; 9:8-15; 1 Juan 3:16-18) Sa gayon, kung tungkol sa pagbibigay, ganito ang sulat ni apostol Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.” Nang pagsabihan hinggil sa pangangailangan, ito ay nagharap sa kanila ng ‘isang pagsubok sa kadalisayan ng kanilang pag-ibig,’ gaya ng paliwanag ni Pablo. Sinabi rin niya: “Kung mayroon munang pagkukusa, iyon ay lalo nang tinatanggap ayon sa kung ano mayroon ang isang tao, hindi ayon sa kung ano ang wala sa isang tao.”​—2 Cor. 8:8, 12; 9:7.

May kinalaman dito, kapansin-pansin ang komento ni Tertullian hinggil sa mga pulong na idinaos ng mga taong nagsisikap na maging Kristiyano noong kapanahunan niya (c.155–​pagkaraan ng 220 C.E.). Sumulat siya: “Bagaman may kahon, ang laman nito ay hindi galing sa ibinayad na salapi upang makapasok, na para bang ang relihiyon ay isang kontrata. Ang bawat isa minsan isang buwan ay nagdadala ng isang katamtamang halaga​—o kung kailanman na gustuhin niya, at kung gusto lamang niya, at kung makakaya niya; dahil walang sinuman ang pinipilit; ito ay kusang-loob na paghahandog.” (Apology, XXXIX, 5) Gayunman, sa paglipas ng mga siglo mula noon, ang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan ay nagsagawa na ng bawat maisipang paraan ng pangingilak ng salapi upang matustusan ang kanilang mga gawain.

Tumanggi si Charles Taze Russell na tularan ang mga iglesya. Sumulat siya: “Ipinalalagay namin na ang salaping napangilak sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng paghingi sa pangalan ng ating Panginoon ay nakahihiya at di-nakalulugod sa kaniya, at hindi nagdadala ng kaniyang pagpapala maging sa mga nagbigay o sa gawaing natapos.”

Sa halip na magtangkang makuha ang pabor ng mayayaman, maliwanag na binanggit ni Brother Russell, kaayon ng Kasulatan, na ang karamihan sa magiging bayan ng Panginoon ay salat sa mga ari-arian ng sanlibutang ito ngunit sagana sa pananampalataya. (Mat. 19:23, 24; 1 Cor. 1:26-29; Sant. 2:5) Sa halip na idiin ang pangangailangan sa salapi upang mapalaganap ang katotohanan ng Bibliya, itinuon niya ang pansin sa kahalagahan ng pagpapaunlad ng espiritu ng pag-ibig, ng pagnanais na magbigay, at ng pagnanais na makatulong sa iba, lalo na sa pamamahagi ng katotohanan sa kanila. Para roon sa mga may abilidad na kumita ng salapi at nagpapahiwatig na kung iuukol nila ang kanilang sarili lalo na sa kapakanan ng negosyo ay mas malaki ang kanilang maibibigay, sinabi niya na mas makabubuti kung lilimitahan ang gayong gawain at ibigay ang sarili at ang kanilang panahon sa pagpapalaganap ng katotohanan. Iyan pa rin ang pangmalas na sinusunod ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. a

Sa aktuwal na kaugalian, magkano ang ibinibigay ng mga tao? Ang kanilang ginagawa ay isang personal na desisyon. Gayunman, sa pagbibigay, pansinin na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang nag-iisip ng hinggil sa materyal na tinatangkilik. Sa kanilang mga pandistritong kombensiyon noong 1985-86, tinalakay nila ang paksang “Parangalan si Jehova ng Ating Mahahalagang Ari-arian.” (Kaw. 3:9) Idiniin na hindi lamang materyal na tinatangkilik ang kasali sa mahahalagang ari-ariang ito kundi pati pisikal, mental, at espirituwal na mga bagay.

Noong 1904, ipinaliwanag ni Brother Russell na ang isang tao na lubusang nagtalaga na (o, nag-alay, gaya ng sinasabi natin sa ngayon) sa Diyos “ay ibinigay na sa Panginoon ang lahat ng nasa kaniya.” Kaya, ngayon ay dapat na “ituring na niya ang kaniyang sarili bilang hinirang ng Panginoon na katiwala ng kaniyang sariling panahon, impluwensiya, salapi, atb., at bawat isa ay dapat maghangad na gamitin ang mga talentong ito sa abot ng kaniyang makakaya, sa ikaluluwalhati ng Panginoon.” Idinagdag pa niya na, dahil sa pag-akay ng karunungan mula sa itaas, “kasukat ng paglago ng kaniyang pag-ibig at sigasig para sa Panginoon sa araw-araw sa pamamagitan ng pagkaalam ng Katotohanan at sa pagtatamo ng espiritu nito, masusumpungan niyang siya’y nagbibigay ng higit at higit na panahon, higit at higit na impluwensiya niya, at higit at higit na mga tinatangkilik niya, alang-alang sa paglilingkuran sa Katotohanan.”​—Studies in the Scriptures, “The New Creation,” p. 344-5.

Noong kaagahan ng mga taóng iyon, ang Samahang Watch Tower ay mayroong tinatawag na Tower Tract Fund. Ano iyon? Ang sumusunod na kawili-wiling mga detalye ay mababasa sa likod ng sulatang papel na paminsan-minsan ay ginagamit ni Brother Russell: “Ang pondong ito ay mula sa kusang-loob na mga paghahandog niyaong mga napakain at napalakas ng ‘pagkain sa tamang panahon’ na inihaharap ngayon ng mga publikasyong nasa itaas [na inilaan ng Samahang Watch Tower], bilang mga kasangkapan ng Diyos, sa nakatalagang mga banal, sa buong daigdig.

“Ang pondong ito ay malimit na ginugugol sa pagpapadala, nang libre, ng libu-libong kopya ng ZION’S WATCH TOWER at OLD THEOLOGY TRACTS na pinakaangkop para sa mga baguhang mambabasa. Tumutulong din ito sa pagpapalaganap ng papel-ang-pabalat na mga edisyon ng mga serye ng DAWN, sa pamamagitan ng pagtulong sa mga handang magpalaganap niyaon​—ang mga colporteur at iba pa. Naglalaan din ito ng ‘pondo sa mahihirap’ anupat ang sinumang anak ng Panginoon na, dahil sa edad, o sakit, o dahil sa iba pang kadahilanan, ay hindi makasuskribe ng WATCH TOWER ay pinadadalhan nang libre, sa kondisyon na magpapadala muna sila ng liham o poskard sa pagpapasimula ng bawat taon, na binabanggit ang kanilang pagnanais at kawalan ng kakayahan.

“Walang sinuman ang pinagsabihan na magbigay sa pondong ito: lahat ng donasyon ay dapat na kusang-loob. Ipinaaalaala namin sa mga mambabasa ang mga salita ng Apostol (1 Cor. 16:1, 2) at pinatutunayan ang mga ito sa pagsasabing yaong mga makapagbibigay at nagbibigay upang palaganapin ang katotohanan ay makatitiyak na gagantihan sa espirituwal na paraan.”

Ang pangglobong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon. Bukod sa mga Saksi mismo, itinuturing ng maraming mapagpahalaga, interesadong mga tao na isang pribilehiyo ang sumuporta sa Kristiyanong gawaing ito sa pamamagitan ng kanilang kusang-loob na kontribusyon.

Pagtustos sa Lokal na Pulungang-Dako

Bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay may angkop na mga kahon para sa kontribusyon na doo’y makapaghuhulog ang mga tao ng anumang donasyon na ibigin nila​—kung kailan nila gusto at kung makakaya nila. Iyon ay ginagawa sa paraang pribado upang hindi mapansin ng iba ang ginagawa ng isang tao. Iyon ay sa pagitan lamang niya at ng Diyos.

Walang sinusuwelduhan, subalit nangangailangan ng salapi upang tustusan ang isang pulungang-dako. Upang mapagtakpan ang pangangailangang iyan, kinailangang pasabihan ang mga miyembro ng kongregasyon. Gayunman, mahigit na 70 taon ang nakalilipas, niliwanag ng The Watch Tower na kung tungkol sa mga kontribusyon, walang makikiusap o pipilit​—wala kundi isang maliwanag, tapat na paglalahad ng mga katotohanan. Kaugnay ng pangmalas na ito, hindi palagiang isinasama sa pag-uusap sa mga pulong sa kongregasyon ang mga bagay may kinalaman sa pananalapi.

Gayunman, paminsan-minsan, may pantanging mga pangangailangan. Maaaring may mga plano na baguhin o palakihin ang isang Kingdom Hall o baka kailangang magtayo ng bago. Upang matiyak kung magkano ang magiging pondo, maaaring hilingin ng matatanda sa mga nasa kongregasyon na isulat sa kapirasong papel kung magkano ang kanilang maiaabuloy o, kung maaari, ay maipauutang sa loob ng ilang taon. Karagdagan pa, maaaring hilingan ng matatanda ang bawat isa o mga pamilya na isulat sa kapirasong papel ang maaari nilang iabuloy linggu-linggo o buwanan, taglay ang pagpapala ni Jehova. Walang pangalang ipipirma. Hindi ito mga kasulatan ng pagbabayad ng utang, subalit ito’y naglalaan ng isang batayan para sa matalinong pagpaplano.​—Luc. 14:28-30.

Sa Tarma, Liberia, nakukuha ng kongregasyon ang kinakailangang pondo sa medyo naiibang paraan. Ang ilan sa kongregasyon ay nagtanim ng palay sa bukid para sa isang Saksi samantalang siya’y nag-ukol ng isang buong taon sa pagputol ng mga punungkahoy at sa paglalagare ng mga tabla, na ipinagbibili pagkatapos upang magkapera para sa kanilang proyekto sa pagtatayo. Sa Paramaribo, Suriname, bagaman kinailangang bilhin ang mga materyales, hindi na nangailangan ng pera ang kongregasyon para sa lupa, sapagkat ibinigay ng isang Saksi ang kaniyang lupa para sa Kingdom Hall at hiniling lamang na ang kaniyang bahay ay ilipat sa likod ng lote. Napakahirap para sa mga kongregasyon sa Tokyo, Hapón na makabili ng lupa para tayuan ng mga Kingdom Hall dahil sa napakamahal na presyo ng mga lupain. Upang matulungang lutasin ang problemang ito, maraming pamilya ang nagkusang ipagamit ang kanilang lupa na kinatatayuan ng kanilang sariling mga bahay. Ipinakiusap lamang nila na pagkatapos na palitan ng Kingdom Hall ang kanilang bahay, sila’y paglaanan naman ng isang kuwarto sa itaas.

Habang lumalaki ang mga kongregasyon at nahahati, yaong mga nasa isang lugar ay madalas na tumutulong sa isa’t isa upang magkaroon ng nababagay na mga Kingdom Hall. Sa kabila ng espiritung iyon ng pagkabukas-palad, may iba pang pangangailangan. Ang halaga ng mga lupa at pagpapatayo ay tumaas, at nakita ng isahang kongregasyon na hindi nila ito makakayanan. Ano ang maaaring gawin?

Sa “Pagkakaisa ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon noong 1983, bumalangkas ang Lupong Tagapamahala ng isang kaayusan na nananawagang ikapit ang prinsipyong binanggit sa 2 Corinto 8:14, 15, na humihimok na ibigay ang anumang labis na taglay ng mga mayroon sa kakulangan ng iba upang “magkaroon ng pagkakapantay-pantay.” Sa gayon, yaong may kakaunti ay hindi magkukulang anupat nahahadlangan sila sa kanilang pagsisikap na maglingkod kay Jehova.

Ang bawat kongregasyon ay inanyayahan na maglagay ng isang kahon na may nakasulat na “Contributions for Society Kingdom Hall Fund.” Ang lahat ng makukuha sa kahong iyon ay gagamitin lamang sa layuning iyon. Ang salaping iniabuloy mula sa lahat ng dako ng bansa ay ilalaan sa mga kongregasyong kailangang-kailangan ang Kingdom Hall ngunit hindi makayanan ang mga kondisyong hinihiling ng lokal na mga bangko. Pagkatapos ng isang maingat na pagsusuri upang matiyak kung saan talaga ang may pinakamahigpit na pangangailangan, nagsimulang magpahiram ng salapi ang Samahan sa mga kongregasyon na kailangang makapagpatayo o kaya’y makakuha ng bagong mga Kingdom Hall. Habang tumatanggap ng higit na mga abuloy at (sa mga lupain na iyo’y maaaring gawin) nababayaran ang mga utang, marami pang mga kongregasyon ang natutulungan.

Ang kaayusang ito ay unang ginawa sa Estados Unidos at Canada, at mula noon ay kumalat na sa mahigit na 30 lupain sa Europa, Aprika, Latin Amerika, at sa Dulong Silangan. Noong 1992, sa walo lamang ng mga lupaing ito, ang salapi ay ipinahiram upang tumulong sa paglalaan ng 2,737 Kingdom Hall, para sa 3,840 kongregasyon.

Kahit sa mga lupaing wala namang ganitong kaayusan, subalit kailangang-kailangan ang mga Kingdom Hall na hindi naman makakayanan ng mga tagaroon, nagsikap ang Lupong Tagapamahala na gumawa ng ibang kaayusan upang makatulong. Sa gayon ay nagkaroon ng pagkakapantay-pantay, upang yaong may kakaunti ay hindi magkulang.

Pag-aasikaso sa Pagpapalawak ng Pandaigdig na Punong-Tanggapan

Kinailangan ang pondo para sa pagpapatakbo ng pandaigdig na punong-tanggapan. Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, nang maisipan ng Watch Tower Bible and Tract Society na mas magaling kung sila mismo ang mag-iimprenta at gagawa ng sariling mga aklat, isinaayos na ang kinakailangang makinarya ay bilhin sa pangalan ng pribadong mga tao​—kapuwa mga lingkod ni Jehova. Sa halip na magbayad ng tubò sa isang komersiyal na kompanya dahil sa paggawa ng mga aklat, ibinayad ng Samahan ang halagang ito buwan-buwan para mabawasan ang utang sa makinarya. Nang makuwenta ang mabuting resulta nito, ang halaga ng karamihan sa literatura para sa madla ay binabaan nang kalahati. Ang gawain ay upang mapalawak ang pangangaral ng mabuting balita, hindi upang payamanin ang Samahang Watch Tower.

Sa loob ng ilang taon, maliwanag na kailangan ang mas malalaking pasilidad sa pandaigdig na punong-tanggapan upang asikasuhin ang pangglobong gawain ng pangangaral ng Kaharian. Ulit at ulit, nang lumaki na ang organisasyon at pinag-ibayo na ang gawaing pangangaral, kinailangan na magdagdag sa mga pasilidad na ito. Sa halip na umutang sa bangko ng kinakailangang halaga upang mapalaki at masangkapan ang mga opisina at ang mga pagawaan ng punong-tanggapan gayundin ang suportang mga pasilidad sa loob at sa palibot ng New York, ipinaliwanag ng Samahan sa mga kapatid ang pangangailangan. Ito’y ginawa, hindi madalas, kundi 12 ulit lamang sa loob ng 65 taon.

Kailanman ay hindi nagkaroon ng pangingilak. Ang sinuman na nagnanais mag-abuloy ay inanyayahang gawin iyon. Tiniyak sa mga nagpautang ng salapi na kung babangon ang di-inaasahan at madaliang pangangailangan, babayaran sa kanila ang inutang pagkatanggap nila ng kahilingan dito. Sa gayon sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, ang Samahan ay nagsikap na maiwasang mabigatan ang mga indibiduwal at mga kongregasyon na nagpautang ng salapi. Ang pagsuporta na ibinigay ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng kanilang mga abuloy ay nagpangyaring mabayaran ng Samahan ang lahat ng pagkakautang. Ang gayong mga abuloy na ipinadadala sa Samahan ay palagiang pinasasalamatan. Hangga’t maaari, ito’y kinikilala sa pamamagitan ng sulat at iba pang mga pagpapahayag ng pasasalamat.

Ang gawain ng organisasyon ay hindi tinutustusan ng mga donasyon ng isang grupo ng mayayamang tagapagkaloob. Karamihan sa mga donasyon ay mula sa mga taong may katamtamang kakayahan​—marami sa kanila, may kakaunti lamang na tinatangkilik. Kasama ang maliliit na bata na nagnanais na makibahagi sa paraang ito ng pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian. Ang mga puso ng lahat ng nagkakaloob na ito ay pinakilos ng labis na pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova at ng pagnanais na makatulong sa iba na matutuhan ang kaniyang mapagmahal na mga paglalaan.​—Ihambing ang Marcos 12:42-44.

Pagtustos sa Pagpapalawak ng mga Pasilidad ng Sangay

Habang lumalaki ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa iba’t ibang dako ng daigdig, kinakailangan na palakihin ang mga pasilidad ng sangay ng organisasyon. Ito’y isinasagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala.

Sa gayon, pagkatapos na marepaso ang mga rekomendasyon mula sa sangay sa Alemanya, nagbigay ng mga tagubilin noong 1978 na humanap ng angkop na lupa at pagkatapos ay magtayo ng lubusang bagong gusali. Kaya bang balikatin ng mga Saksing Aleman ang nakapaloob na gastusin? Ang pagkakataon ay ibinigay sa kanila. Sa pagtatapos ng proyekto noong 1984, sa Selters, sa kanluraning hangganan ng Taunus Mountains, ganito ang ulat ng tanggapang pansangay: “Sampu-sampung libo ng mga Saksi ni Jehova​—mayayaman at mahihirap, bata at matanda​—ang nag-abuloy ng milyun-milyong dolyar upang makatulong na mabayaran ang bagong mga pasilidad. Dahil sa kanilang pagkabukas-palad, ang buong proyekto ay maaaring matapos nang hindi na kailangang umutang ng salapi mula sa makasanlibutang mga ahensiya o magkautang man.” Karagdagan pa, mga 1 sa bawat 7 Saksi sa Republika Pederal ng Alemanya ang nakibahagi sa aktuwal na gawaing pagtatayo sa Selters/Taunus.

Sa ibang mga lupain, ang lokal na ekonomiya o kalagayan ng pananalapi ng mga Saksi ni Jehova ay naging dahilan upang maging napakahirap, imposible pa nga, na sila’y makapagpatayo ng kinakailangang tanggapang pansangay upang mangasiwa sa gawain o sa mga pagawaan na maglalathala ng literatura sa Bibliya sa lokal na mga wika. Ang mga Saksi sa bansa ay binigyan ng pagkakataon na gawin ang kanilang makakaya. (2 Cor. 8:11, 12) Subalit hindi pinahihintulutan na ang kakulangan ng pondo sa isang bansa ay humadlang sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian doon kung mayroon namang makukuhang kinakailangang salapi sa ibang lugar.

Sa gayon, habang ginagawa ng lokal na mga Saksi ang kanilang makakaya, sa maraming dako sa daigdig ang isang malaking bahagi ng salapi na kailangan para sa mga gusali ng sangay ay inilalaan sa pamamagitan ng mga donasyon na ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova sa ibang mga lupain. Iyan ay totoo may kaugnayan sa pagtatayo ng malalaking gusaling natapos sa Timog Aprika noong 1987, sa Nigeria noong 1990, at sa Pilipinas noong 1991. Totoo rin ito sa Zambia, kung saan ang potensiyal na mga pasilidad sa pag-iimprenta ay kasalukuyan pang ginagawa noong 1992. Totoo rin ito sa maraming maliliit na proyekto, gaya ng natapos sa India noong 1985; sa Chile noong 1986; sa Costa Rica, Ecuador, Guyana, Haiti, at Papua New Guinea noong 1987; sa Ghana noong 1988; at sa Honduras noong 1989.

Gayunman, sa ibang mga lupain, nagugulat ang mga kapatid sa kanilang nagagawa sa kanilang lugar taglay ang pagpapala ni Jehova sa kanilang nagkakaisang pagsisikap. Halimbawa, noong kaagahan ng dekada ng 1980, ang sangay sa Espanya ay naghanda para sa lalong malalaking pasilidad nito. Hiniling ng sangay sa Lupong Tagapamahala na paglaanan sila ng kinakailangang panustos. Subalit dahilan sa iba pang napakalalaking gastusin nang panahong iyon, ang gayong tulong ay hindi maibigay noon. Kung bibigyan ng pagkakataon, ang mga Saksing Kastila ba, na may mabababang suweldo, ay makapaglalaan ng sapat na pondo para sa gayong proyekto?

Ipinaliwanag sa kanila ang situwasyon. Sila’y malugod na nagbigay ng kanilang mga hiyas, mga singsing, at mga pulseras upang ang mga ito ay maipagbili. Nang tanungin ang isang matanda nang Saksi kung talagang ibig niyang iabuloy ang mabigat na gintong pulseras na kaniyang ibinigay, sumagot siya: “Kapatid, mas makabubuti na ibayad ito para sa isang bagong Bethel kaysa sa ito’y nakasuot lamang sa aking braso!” Isang matanda nang sister ang nagdala ng isang salansan ng inaamag nang salaping papel na itinago niya sa ilalim ng sahig ng kaniyang bahay nang kung ilang taon na. Ang mga mag-a-mag-asawá ay nag-abuloy ng salapi na tinipon nila para sa paglalakbay. Ipinadala ng mga bata ang kanilang naiipon. Isang kabataang lalaki na nagbabalak bumili ng gitara ang sa halip ay nag-abuloy ng salapi para sa proyekto ng sangay. Gaya ng mga Israelita noong panahon na itinatayo ang tabernakulo sa ilang, ang mga Saksing Kastila ay napatunayang bukas-palad at sabik na mag-abuloy ng lahat ng kinakailangan sa materyal na paraan. (Exo. 35:4-9, 21, 22) Pagkatapos ay inihandog nila ang kanilang mga sarili​—nang buong-panahon, kung bakasyon, kung dulong-sanlinggo​—upang magtrabaho mismo. Sila’y dumating mula sa lahat ng dako ng Espanya​—libu-libo sa kanila. Ang iba pang mga Saksi mula sa Alemanya, Sweden, Gran Britanya, Gresya, at Estados Unidos, bilang pagbanggit sa ilan, ay sumama sa kanila upang tapusin ang isang proyekto na noong una’y inakala nilang imposibleng magawa.

Tumutubo ba sa Literatura?

Noong 1992, ang literatura sa Bibliya ay inilalathala sa pandaigdig na punong-tanggapan at sa 32 na sangay sa buong-daigdig. Napakaraming bilang ng mga ito ang inilalaan upang ipamahagi ng mga Saksi ni Jehova. Subalit walang isa man dito ang pinagtubuan. Ang mga desisyong gaya ng kung anong wika lilimbagin ang literatura at kung saang bansa ito ipadadala ay ginagawa hindi para sa anumang komersiyal na pakinabang kundi para lamang maisagawa ang gawaing iniatas ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod.

Noon pang kaagahan ng Hulyo 1879, nang ilathala ang kauna-unahang isyu ng Watch Tower, ito’y may notisya na nagsasabing yaong nahihirapang makabayad para sa isang suskrisyon (noo’y 50¢ U.S. lamang bawat taon) ay tatanggap nang walang bayad kung sila’y liliham lamang upang humiling. Ang pangunahing tunguhin ay ang tulungan ang mga tao na makaalam ng tungkol sa dakilang layunin ni Jehova.

Sa layuning iyan, mula noong 1879 napakaraming bilang ng mga literatura sa Bibliya ang naipamahagi sa madla nang walang bayad. Noong 1881 at pagkatapos, humigit-kumulang na 1,200,000 kopya ng Food for Thinking Christians ang naipamahagi nang libre. Marami rito ay nasa anyong isang 162-pahinang aklat; ang iba naman, sa anyong pahayagan. Kung ilang bilang ng mga tract na may iba’t ibang laki ang inilathala noong sumunod na mga taon. Ang karamihan sa mga ito (sa aktuwal ay daan-daang milyong kopya) ay ipinamahagi nang walang bayad. Ang bilang ng mga tract at ng iba pang mga publikasyon na ipinamamahagi ay patuloy na lumalaki. Noong 1915 lamang, ipinakita ng ulat na 50,000,000 kopya ng mga tract sa mga 30 wika ang inilaan para sa pandaigdig na pamamahagi nang walang bayad. Saan nanggagaling ang salapi para sa lahat ng ito? Ang kalakhan ay mula sa kusang-loob na mga donasyon sa Tract Fund ng Samahan.

May literatura rin na iniaalok nang may kontribusyon noong unang mga dekada ng kasaysayan ng Samahan, subalit ang hinihiling na kontribusyon ay pinananatiling mababa hangga’t maaari. Kasali sa literaturang ito ang mga aklat na may 350 hanggang 744 pahina. Nang ialok ang mga ito sa madla ng mga colporteur ng Samahan (gaya ng tawag noon sa buong-panahong mángangarál), binanggit nila ang halagang iminungkahi bilang kontribusyon. Gayunman, ang kanilang tunguhin ay hindi upang kumita ng salapi kundi upang ipaabot sa mga tao ang mahahalagang katotohanan ng Bibliya. Ibig nila na basahin ng mga tao ang literatura at makinabang mula rito.

Handa nilang ipamigay ang literatura sa isang tao (na sila mismo ang nagbibigay ng kontribusyon) kung ang maybahay ay mahirap. Subalit napansin na maraming tao ang mas nagnanais na basahin ang isang publikasyon kung mayroon silang naibigay bilang kapalit nito, at sabihin pa, ang kanilang iniabuloy ay magagamit upang maglimbag ng higit pang literatura. Gayunman, bilang pagdiriin sa bagay na hindi hinangad ng mga Estudyante ng Bibliya ang pinansiyal na pakinabang, ang patalastasan ng Samahan hinggil sa mga instruksiyon sa paglilingkod, ang Bulletin, ng Oktubre 1, 1920, ay nagsabi: “Sampung araw pagkaraan na maibigay ang buklet [yaong nagtataglay ng 128 pahina], balikang muli ang mga tao at tiyakin kung nabasa na nila iyon. Kung hindi pa, hilingin na ibalik ang aklat at isauli ang kanilang pera. Sabihin mo sa kanila na hindi ka ahente ng aklat, kundi ikaw ay interesado sa pagbibigay ng mensaheng ito ng kaaliwan at kaluguran sa bawat isa, at na kung sila’y walang sapat na interes sa isang bagay na totoong nagsasangkot sa kanila . . . , nanaisin mong ipasakamay ang aklat sa isa na magiging interesado.” Hindi ipinagpatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang pamamaraang iyan, sapagkat nakita nila na kung minsan ay kinukuha ng iba pang miyembro ng pamilya ang literatura at nakikinabang mula roon; subalit ang ginawa noon ay totoong nagtampok ng tunay na layunin ng mga Saksi.

Sa loob ng maraming taon tinukoy nila bilang “pagtitinda” ang kanilang pamamahagi ng literatura. Ngunit ang terminong ito ay nagdulot ng ilang kalituhan, kung kaya simula noong 1929, ito’y unti-unting inalis. Tunay na hindi angkop ang terminong iyon sa kanilang gawain, sa dahilang ang kanilang gawain ay hindi pang-komersiyo. Ang kanilang layunin ay hindi upang kumita ng salapi. Ang kabuuang motibo nila ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Dahil dito, noong 1943 ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagsabi na hindi na dapat pang hilingan ang mga Saksi ni Jehova na kumuha ng isang lisensiya sa paglalako bago sila mamahagi ng mga literatura. At ang hukuman ng Canada pagkaraan ay sumipi nang may pagsang-ayon sa pangangatuwiran na iniharap ng Korte Suprema ng E.U. sa desisyong iyan. b

Sa maraming lupain ang mga Saksi ni Jehova ay regular na nag-aalok ng kanilang literatura kapalit ng abuloy. Ang hinihiling na abuloy ay napakababa, kung ihahambing sa ibang mga aklat at mga magasin, kung kaya maraming tao ang nagbigay ng higit pang abuloy. Subalit malaking pagsisikap ang nagawa sa bahagi ng organisasyon na mapanatiling mababa ang iminungkahing abuloy upang ito’y makayanan ng milyun-milyong tao na walang gaanong tinatangkilik ngunit nagagalak na tanggapin ang Bibliya o literatura sa Bibliya. Gayunman, ang layunin ng paghiling ng abuloy ay hindi upang yumaman ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Kung ipinangangahulugan ng isang bansa na ang pamamahagi ng literatura ng Bibliya ay pagkokomersiyo yamang humihiling ng abuloy sa literatura ang tagapamahagi, nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na iwan iyon sa isa na nagpapamalas ng tunay na interes at nangangakong babasahin iyon. Yaong nagnanais na mag-abuloy sa ikasusulong ng gawaing pagtuturo ng Bibliya ay maaaring magbigay ng anumang ibigin nila. Halimbawa, iyan ang ginagawa sa Hapón. Sa Switzerland, kamakailan, tinanggap ang pag-aabuloy sa literatura, ngunit hanggang sa itinakdang halaga lamang; kaya kung nais magbigay ng higit doon ang isang maybahay, isinasauli iyon ng mga Saksi o dili-kayâ ay binibigyan pa ng karagdagang lathalain ang maybahay. Hindi nila nais na mangulekta ng salapi, kundi mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Noong 1990, dahilan sa labis na napabalita ang mga iskandalo hinggil sa pinansiyal ng ilan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, kasabay ng pagtuturing ng mga pamahalaan na ang gawaing panrelihiyon ay pagnenegosyo, gumawa ng ilang pagbabago sa kanilang gawain ang mga Saksi ni Jehova upang maiwasan ang anumang di-pagkakaunawaan. Nag-atas ang Lupong Tagapamahala na sa Estados Unidos, lahat ng lathalain na ipinamamahagi ng mga Saksi​—mga Bibliya, gayundin ang mga tract, buklet, magasin, at pinabalatang aklat na nagpapaliwanag sa Bibliya​—ay ilaan sa mga tao sa isang kondisyon lamang na babasahin nila iyon, walang hinihiling na abuloy. Kailanman ay hindi pangongomersiyo ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, at ang kaayusang ito ay nagpapakita ng higit pang pagkakaiba nila sa ibang mga grupo ng relihiyon na ginagawang negosyo ang relihiyon. Sabihin pa, karamihan sa mga tao ay nakababatid na kailangan ang salapi upang makapagpalimbag ng gayong mga lathalain, at yaong nagpapahalaga sa paglilingkod na ginagawa ng mga Saksi ay maaaring mag-abuloy ng anuman upang makatulong sa gawain. Ipinaliliwanag sa mga taong ito na ang pandaigdig na gawain ng pagtuturo ng Bibliya na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga abuloy. Ang mga abuloy ay malugod na tinatanggap, subalit hindi ito pangingilak.

Yaong mga nakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay hindi ginagawa iyon para sa sariling kapakinabangan sa pinansiyal. Iniaabuloy nila ang kanilang panahon, at binabayaran nila ang kanilang sariling pamasahe. Kung may magpakita ng interes, sila’y nagsasaayos ng pagbabalik na muli bawat linggo, walang bayad, upang magbigay ng personal na instruksiyon mula sa Bibliya. Tanging ang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa ang makapagpapakilos sa kanila upang magpatuloy sa pakikibahagi sa ganitong gawain, kadalasan sa harap ng isa na walang interes at hayagang sumasalansang.

Ang tinatanggap na salapi sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova o sa mga tanggapang pansangay nito ay ginagamit, hindi upang payamanin ang organisasyon o sinumang indibiduwal, kundi upang paunlarin ang pangangaral ng mabuting balita. Noong 1922, ang The Watch Tower ay nag-ulat na dahilan sa kalagayan ng pananalapi sa Europa, ang mga aklat na inililimbag doon para sa Samahan ay karaniwang binabayaran ng tanggapan ng Amerika at madalas na iniiwan sa mga tao sa mas mababang halaga kaysa sa pagkakaimprenta. Bagaman sa ngayon ay may mga palimbagan na ang mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain, ang ilang bansa na pinagdadalhan ng mga lathalain ay hindi nakapagpapadala ng pondo palabas sa bansa upang mabayaran ang halaga. Ang bukas-palad na kusang-loob na pag-aabuloy ng mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing sagana ang tumutulong upang punuan ang kakulangan ng bansang mahihirap.

Noon pa man ay nagsisikap na ang Samahang Watch Tower na gamitin ang lahat ng tinatangkilik upang itaguyod ang pangangaral ng mabuting balita. Noong 1915, bilang presidente ng Samahan, sinabi ni Charles Taze Russell: “Ang ating Samahan ay hindi nag-iimpok ng makalupang kayamanan, kundi sa halip, ay isang gumagastos na institusyon. Anumang paglalaan ng Diyos na dumarating sa atin nang kusang-loob ay ating ginugugol nang may katalinuhan hangga’t maaari kaugnay ng Salita at Espiritu ng Panginoon. Noon ay ipinahayag natin na kung mawawala ang pondo, ang mga gawain ng Samahan ay hihinto batay roon; at na habang lumalaki ang pondo, ang gawain ng Samahan ay lalawak.” Ganiyang-ganiyan ang patuloy na ginagawa ng Samahan.

Magpahanggang sa kasalukuyan, ginagamit ng organisasyon ang taglay na pondo sa pagpapadala ng naglalakbay na mga tagapangasiwa upang patibayin ang mga kongregasyon at upang palakasin sila sa kanilang pangmadlang ministeryo. Patuloy itong nagpapadala ng mga misyonero at mga nagtapos sa Ministerial Training School sa mga lupaing may pantanging pangangailangan. Ginagamit din nito ang anumang makukuhang pondo upang magpadala ng mga special pioneer sa mga dakong babahagya pa lamang o kaya’y hindi pa naipangangaral ang mensahe ng Kaharian. Gaya ng iniulat sa 1993 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, noong nakaraang taon ng paglilingkod, $45,218,257.56 (U.S.) ang ginugol sa ganitong mga paraan.

Hindi Naglilingkod Para sa Personal na Pakinabang

Hindi nakikinabang sa pinansiyal ang sinumang miyembro ng Lupong Tagapamahala, mga opisyal ng legal na mga korporasyon, o iba pang mga prominenteng tao na kaugnay sa organisasyon bilang bunga ng gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Tungkol kay C. T. Russell, naglingkod bilang presidente ng Samahang Watch Tower nang mahigit na 30 taon, isa sa kaniyang mga kasamahan ang sumulat: “Upang matiyak kung ang kaniyang hakbangin ay kaayon ng Kasulatan, gayundin upang ipakita ang kaniyang sariling kataimtiman, ipinasiya niya na subukin ang pagsang-ayon ng Panginoon gaya ng sumusunod: (1) Italaga ang kaniyang buhay sa itinataguyod niyang paniniwala; (2) Puhunanin ang kaniyang kayamanan sa pagpapalaganap ng gawain; (3) Ipagbawal ang pangingilak sa lahat ng pagpupulong; (4) Manangan sa kusang-loob na abuloy upang ipagpatuloy ang gawain kapag naubos na ang kaniyang kayamanan.”

Sa halip na gamitin ang gawaing panrelihiyon upang magtamo ng materyal na kayamanan para sa sarili, ginugol ni Brother Russell ang lahat ng kaniyang tinatangkilik para sa gawain sa Panginoon. Pagkaraan ng kaniyang kamatayan iniulat sa The Watch Tower: “Itinalaga niya ang kaniyang sariling kayamanan tangi lamang sa layuning pinagbuwisan niya ng kaniyang buhay. Tumanggap siya ng maliit na halagang $11.00 bawat buwan para sa kaniyang personal na mga gastusin. Namatay siyang wala man lamang anumang pag-aari.”

Tungkol naman sa mga magpapatuloy sa gawain ng Samahan, itinakda ni Brother Russell sa kaniyang testamento: “Kung tungkol sa kabayaran, sa palagay ko’y isang katalinuhan na panatilihin ang naging hakbangin ng Samahan noong nakaraan kung tungkol sa suweldo​—na walang sinuman ang babayaran; na bibigyan lamang ng kaunting panggastos yaong naglilingkod sa Samahan o sa gawain nito sa anumang paraan.” Yaong mga maglilingkod sa mga tahanang Bethel ng Samahan, mga opisina, at mga pagawaan, gayundin ang naglalakbay na mga kinatawan nito, ay paglalaanan lamang ng pagkain, tuluyan, at isang katamtamang panggastos​—na sapat para sa kagyat na pangangailangan subalit “walang paglalaan . . . para sa pag-iimpok ng salapi.” Ang ganiyang pamantayan ay kapit pa rin sa ngayon.

Yaong mga natanggap para sa pantanging pambuong-panahong paglilingkuran sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay pawang lumalagda sa isang panata ng karalitaan, gaya ng ginawa ng lahat ng miyembro ng Lupong Tagapamahala at ng lahat ng iba pang miyembro ng pamilyang Bethel doon. Hindi ito nangangahulugan na sila’y may malungkot na pamumuhay, na walang anumang kaginhawahan. Kundi iyon ay nangangahulugan na pinagsasaluhan nila, nang walang pagtatangi, ang katamtamang paglalaan ng pagkain, tuluyan, at panggastos na inihahanda para sa lahat sa gayong paglilingkuran.

Sa gayon ang organisasyon ay nagpapatuloy sa gawain nito na may lubusang pagtitiwala sa tulong na ibinibigay ng Diyos. Walang pamimilit kundi bilang isang tunay na espirituwal na pagkakapatiran na nakaaabot sa lahat ng panig ng daigdig, buong-galak na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang tinatangkilik upang ganapin ang gawain na ibinigay sa kanila ni Jehova, ang kanilang dakilang Ama sa langit.

[Mga talababa]

a Tingnan ang Ang Bantayan, Setyembre 1, 1944, pahina 269 (sa Ingles); Disyembre 15, 1987, pahina 19-20.

b Murdock v. Commonwealth of Pennsylvania, 319 E.U. 105 (1943); Odell v. Trepanier, 95 C.C.C. 241 (1949).

[Blurb sa pahina 340]

“Hindi pinahihintulutan ni sinasang-ayunan man ng Samahang ito ang pangingilak ng salapi”

[Blurb sa pahina 342]

Ang pangunahing itinatampok ay ang kahalagahan ng pamamahagi ng katotohanan sa iba

[Blurb sa pahina 343]

Isang maliwanag, tapat na paglalahad ng mga katotohanan

[Blurb sa pahina 344]

Nagtutulungan sa isa’t isa ang mga kongregasyon upang magkaroon ng kinakailangang mga Kingdom Hall

[Blurb sa pahina 345]

Marami sa mga kontribusyon ay galing sa mga indibiduwal na may katamtamang kakayahan lamang

[Blurb sa pahina 348]

Maraming lathalain ang ipinamahagi nang walang bayad​—sino ang nagbabayad nito?

[Blurb sa pahina 349]

Nagagalak silang iwanan ng literatura ang sinumang nagpapakita ng interes at nangangakong babasahin iyon

[Blurb sa pahina 350]

Ano ang ginagawa sa salaping iniabuloy?

[Blurb sa pahina 351]

“Itinalaga niya ang kaniyang sariling kayamanan tangi lamang sa layuning pinagbuwisan niya ng kaniyang buhay”

[Kahon sa pahina 341]

Hindi Nagpapalimos ang Diyos

“Siya na nagsabi, ‘Kung ako’y magutom ay hindi ko sasabihin sa iyo, sapagkat ang sanlibutan ay akin at lahat ng naririto. . . . Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalaki sa iyong kawan; sapagkat bawat mailap na hayop sa gubat ay akin, pati ang hayop sa sanlibong mga bundok’ (Awit 50:12, 9, 10), ay may kakayahang ipagpatuloy ang kaniyang dakilang gawain nang hindi nagpapalimos ng salapi maging sa sanlibutan o sa kaniyang mga anak man. Ni pipilitin man niya ang kaniyang mga anak na magsakripisyo ng anuman ukol sa kaniyang paglilingkuran, ni tatanggap man ng anuman mula sa kanila maliban kung inihahandog nang may kagalakan at may pagkukusang-loob.”​—“Zion’s Watch Tower,” Setyembre 1886, p. 6.

[Kahon sa pahina 347]

Hindi Palaging Salapi ang mga Donasyon

Ang mga Saksi sa dulong hilaga ng Queensland ay naghanda at nagpadala sa dako ng konstruksiyon ng Watch Tower sa Sydney, Australia, ng apat na semitrailer na punô ng primera klaseng mga kahoy na noo’y nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa pagitan ng A$60,000 at A$70,000.

Nang pinalalakihan ang pagawaan ng Watch Tower sa Elandsfontein, Timog Aprika, isang kapatid na Indian ang tumelepono at hiniling na pakisuyong hakutin ang isang donasyon ng 500 sako (50 kilo ang bawat isa) ng semento​—sa panahon na nagkakaubos ito sa bansa. Ang iba ay nagpagamit sa Samahan ng kanilang mga trak. Binayaran ng isang kapatid na Aprikana ang isang kompanya upang maghatid ng 15 metro kubiko ng buhangin.

Sa Netherlands nang ang bagong pasilidad ng sangay ay itinatayo sa Emmen, napakaraming mga kasangkapan at mga damit na pantrabaho ang iniabuloy. Ang isang sister, bagaman may malubhang karamdaman, ay naggantsilyo ng tig-iisang pares na medyas na lana para sa bawat manggagawa sa panahon ng taglamig.

Upang makapagtayo ng isang bagong tanggapang pansangay at potensiyal na palimbagan sa Lusaka, Zambia, ang mga materyales para sa konstruksiyon ay binili mula sa pondo na inilaan ng mga Saksi sa ibang mga lupain. Ang mga materyales at mga kagamitan na hindi nabibili sa lugar na iyon ay ibiniyahe sa Zambia bilang mga donasyon sa gawain doon.

Isang Saksi sa Ecuador, noong 1977, ang nag-abuloy ng 34-na-ektaryang lupa. Dito ay itinayo ang isang Assembly Hall at mga bagong pasilidad ng sangay.

Binuksan ng lokal na mga Saksi sa Panama ang kanilang mga tahanan upang patuluyin ang mga boluntaryong manggagawa; ang ilang may-ari ng mga bus ay naglaan ng transportasyon; ang iba ay nakibahagi sa paglalaan ng 30,000 pagpapakain na inihain sa dako ng konstruksiyon.

Ang isang kongregasyon ay nagluto at nagpadala ng 4,500 tinapay para sa mga manggagawa sa proyekto sa Arboga, Sweden. Ang iba ay nagpadala ng pulot-pukyutan, prutas, at jam. Ang isang magsasaka na malapit sa dako ng pinagtatayuan, bagaman hindi isang Saksi, ay naglaan ng dalawang tonelada ng carrot.