Ayon kay Marcos 12:1-44

12  Pagkatapos, nagturo siya sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid.+ Binakuran niya ang ubasan, gumawa siya rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang tore;+ pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain.+ 2  Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa inaning ubas. 3  Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. 4  Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya.+ 5  At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila. 6  May isa pa siyang puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak.+ Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ 7  Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana.+ Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ 8  Kaya sinunggaban nila siya at pinatay at kinaladkad palabas ng ubasan.+ 9  Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.+ 10  Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok.+ 11  Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?”+ 12  Alam nilang sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyon kaya gusto nilang dakpin siya. Pero natatakot sila sa mga tao. Kaya iniwan nila siya at umalis.+ 13  Pagkatapos, pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo at ang mga tagasuporta ni Herodes para hulihin siya sa pananalita niya.+ 14  Pagdating nila, sinabi nila sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? 15  Dapat ba kaming magbayad o hindi?” Nahalata niya ang pagkukunwari nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denario.” 16  Nagdala sila ng isang denario, at sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay Cesar.”+ 17  Kaya sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ At namangha sila sa kaniya. 18  Ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 19  “Guro, isinulat ni Moises na kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang asawa niya, pakakasalan ito ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.+ 20  May pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa pero namatay nang walang anak. 21  Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda, pero namatay ang lalaki nang walang anak, at ganoon din ang nangyari sa ikatlo. 22  At namatay ang pito nang walang anak. Bandang huli, namatay rin ang babae. 23  Dahil napangasawa niya ang pitong magkakapatid, sino sa kanila ang magiging asawa niya kapag binuhay silang muli?” 24  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo.+ 25  Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit.+ 26  Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman,* na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’?+ 27  Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.”+ 28  Ang pagtatalo nila ay narinig ng isa sa mga eskriba na dumating. Alam niyang mahusay ang sagot ni Jesus sa kanila, kaya tinanong niya si Jesus: “Anong utos ang pinakamahalaga* sa lahat?”+ 29  Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova, 30  at dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’+ 31  Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.” 32  Sinabi sa kaniya ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’;+ 33  at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip,* at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng buong handog na sinusunog at mga hain.”+ 34  Nakita ni Jesus na tama ang sinabi ng lalaki, kaya sinabi niya rito: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” Pero wala nang sinuman ang may lakas ng loob na magtanong sa kaniya.+ 35  Habang patuloy na nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na ang Kristo ay anak ni David?+ 36  Sa pamamagitan ng banal na espiritu,+ sinabi mismo ni David, ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’+ 37  Si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon, kaya paano siya naging anak ni David?”+ Maraming tao ang nakikinig sa kaniya at nasisiyahan. 38  Habang nagtuturo, sinabi pa niya: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong magpalakad-lakad na nakasuot ng mahahabang damit. Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan,+ 39  at gusto rin nilang umupo sa pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga at sa mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan.*+ 40  Kinakamkam nila ang mga pag-aari* ng mga biyuda at nananalangin nang mahaba para pahangain ang iba. Tatanggap sila ng mas mabigat na hatol.” 41  At umupo siya sa lugar na abot-tanaw ang mga kabang-yaman+ at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng pera sa mga kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malaking halaga.+ 42  Isang mahirap na biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.+ 43  Kaya tinawag niya ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.+ 44  Dahil silang lahat ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos,* inihulog niya ang lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.”+

Talababa

O “palumpong.”
Lit., “una.”
Lit., “unawa.”
O “hapunan.”
Lit., “Nilalamon nila ang mga bahay.”
O “mahirap.”

Study Notes

ilustrasyon: Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

tore: Tingnan ang study note sa Mat 21:33.

pinaupahan: Tingnan ang study note sa Mat 21:33.

ang kasulatang ito: Ang pang-isahang anyo ng salitang Griego dito na gra·pheʹ ay tumutukoy sa isang teksto, Aw 118:22, 23.

pangunahing batong-panulok: Tingnan ang study note sa Mat 21:42.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:22, 23, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

mga tagasuporta ni Herodes: Tingnan sa Glosari.

buwis: Tingnan ang study note sa Mat 22:17.

Cesar: Tingnan ang study note sa Mat 22:17.

denario: Ang baryang pilak na ito ng mga Romano, na may nakasulat na pangalan ni Cesar, ang “buwis” na sinisingil ng mga Romano sa mga Judio. (Mar 12:14) Noong panahon ni Jesus, ang mga manggagawa sa bukid ay karaniwang sinusuwelduhan ng isang denario para sa 12-oras na trabaho sa isang araw, at karaniwang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang denario sa pagkalkula ng halaga ng ibang pera. (Mat 20:2; Mar 6:37; 14:5; Apo 6:6) Iba’t ibang klase ng baryang tanso at pilak ang ginagamit sa Israel, kasama na ang baryang pilak na ginawa sa Tiro na ginagamit na pambayad ng buwis sa templo. Pero sa pagbabayad ng buwis sa Roma, lumilitaw na ang pilak na denario na may larawan ni Cesar ang ipinambabayad ng mga tao.​—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

larawan at pangalan: Tingnan ang study note sa Mat 22:20.

Ibayad: Tingnan ang study note sa Mat 22:21.

kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar: Ang eksenang ito, na mababasa rin sa Mat 22:21 at Luc 20:25, ang nag-iisang nakaulat na pagkakataong binanggit ni Jesus ang Romanong emperador. Kasama sa “mga bagay na kay Cesar” ang pagbabayad para sa serbisyo ng gobyerno at ang pagbibigay ng karangalan at relatibong pagpapasakop sa mga awtoridad.​—Ro 13:1-7.

sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos: Tingnan ang study note sa Mat 22:21.

Saduceo: Dito lang binanggit ang mga Saduceo sa Ebanghelyo ni Marcos. (Tingnan sa Glosari.) Malamang na may kaugnayan ang pangalang ito (sa Griego, Sad·dou·kaiʹos) kay Zadok (madalas na isulat na Sad·doukʹ sa Septuagint), na ginawang mataas na saserdote noong mga araw ni Solomon at na ang mga inapo ay lumilitaw na naglingkod bilang saserdote sa loob ng daan-daang taon.​—1Ha 2:35.

pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:23, 31; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang anyong pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa pariralang “ang iyong mga patay ay mabubuhay.”​—Tingnan sa Glosari.

Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda: Sa mga Hebreo noon, kung mamatay ang isang lalaki nang wala pang anak na lalaki, pakakasalan ng kapatid niya ang nabiyuda niyang asawa para magkaroon ito ng anak na magdadala ng pangalan ng namatay nitong asawa. (Gen 38:8) Ang kaayusang ito, na naging bahagi ng Kautusang Mosaiko nang maglaon, ay tinatawag na pag-aasawa bilang bayaw. (Deu 25:5, 6) Ginagawa ito noong panahon ni Jesus, gaya ng makikita sa sinabi rito ng mga Saduceo. Ayon sa Kautusan, puwede namang tumanggi ang isang lalaki na pakasalan ang naiwang biyuda, pero kahihiyan ito sa kaniya dahil ayaw niyang “itayo ang sambahayan ng kapatid niya.”​—Deu 25:7-10; Ru 4:7, 8.

ang Kasulatan: Tingnan ang study note sa Mat 22:29.

sa aklat ni Moises: Ang mga isinulat lang ni Moises ang tinatanggap ng mga Saduceo. Ayaw nilang paniwalaan ang turo ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli, maliwanag na dahil iniisip nilang wala itong basehan sa Pentateuch. Maraming teksto ang puwede niyang sipiin, gaya ng Isa 26:19, Dan 12:13, at Os 13:14, para patunayang mabubuhay muli ang mga patay. Pero dahil alam ni Jesus kung anong mga akda lang ang tinatanggap ng mga Saduceo, ginamit niya ang mga sinabi ni Jehova kay Moises para patunayan ang punto niya.​—Exo 3:2, 6.

sinabi ng Diyos sa kaniya: Ang tinutukoy rito ni Jesus ay ang pag-uusap ni Moises at ni Jehova noong mga 1514 B.C.E. (Exo 3:2, 6) Noong panahong iyon, 329 na taon nang patay si Abraham, 224 si Isaac, at 197 si Jacob. Pero hindi sinabi ni Jehova: ‘Ako ang Diyos nila noon,’ kundi sinabi niya: ‘Ako ang Diyos nila.’—Tingnan ang study note sa Mar 12:27.

kundi ng mga buháy: Sa kaparehong ulat sa Luc 20:38, sinabi ni Jesus: “Dahil silang lahat ay buháy sa kaniya [o, “para sa kaniya”].” Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong malayo sa Diyos ay para na ring patay sa kaniya, kahit buháy sila. (Efe 2:1; 1Ti 5:6) Pero ang mga lingkod ni Jehova na may pagsang-ayon niya ay nananatiling buháy sa paningin niya kahit patay na sila, dahil siguradong bubuhayin niya silang muli.​—Ro 4:16, 17.

Makinig kayo, O Israel: Dito, mas mahaba ang sinipi mula sa Deu 6:4, 5 kaysa sa mga kaparehong ulat nina Mateo at Lucas. Kasama rito ang simula ng tinatawag na Shema, na itinuturing na kapahayagan ng pananampalataya ng mga Judio na nakaulat sa Deu 6:4-9; 11:13-21. Ang salitang Shema ay nagmula sa unang salita ng Deu 6:4 sa Hebreo, shemaʽʹ, na nangangahulugang “Makinig!”

si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova: O “si Jehova ang ating Diyos; iisa lang si Jehova.” Sa tekstong Hebreo ng Deu 6:4, na sinipi rito, ang salitang “iisa” ay maaaring nagpapahiwatig ng pagiging natatangi, kaisa-isa. Si Jehova lang ang tunay na Diyos; walang huwad na diyos na maikukumpara sa kaniya. (2Sa 7:22; Aw 96:5; Isa 2:18-20) Sa aklat ng Deuteronomio, ipinaalala ni Moises sa mga Israelita na si Jehova lang ang dapat nilang sambahin. Hindi nila dapat tularan ang mga bayang nakapaligid sa kanila, na sumasamba sa iba’t ibang diyos at diyosa. Ang ilan sa huwad na mga diyos na iyon ay pinaniniwalaang namamahala sa espesipikong mga bahagi ng kalikasan. Ang iba naman ay ibang anyo lang ng isang partikular na bathala. Ang salitang Hebreo para sa “iisa” ay nagpapahiwatig din ng pagkakaisa at pagkakaroon ng iisang layunin at gawain. Ang Diyos na Jehova ay hindi pabago-bago. Sa halip, lagi siyang maaasahan, tapat, totoo, at nakapokus sa kaniyang layunin. Ang ulat na ito ng Mar 12:28-34 ay mababasa rin sa Mat 22:34-40, pero si Marcos lang ang bumanggit ng panimulang bahagi: “Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova.” Ang utos na ibigin ang Diyos ay ibinigay pagkatapos sabihing iisa lang si Jehova. Ipinapakita nito na hindi rin dapat mahati ang pag-ibig ng mga mananamba ni Jehova sa kaniya.

Jehova . . . Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:4, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw nang dalawang beses sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Deu 6:5, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

puso: Kapag ginagamit sa makasagisag na diwa, ang terminong ito ay karaniwang tumutukoy sa buong panloob na pagkatao. Pero kapag binabanggit kasama ng “kaluluwa” at “pag-iisip,” nagiging mas espesipiko ang kahulugan nito at pangunahin nang tumutukoy sa emosyon, kagustuhan, at damdamin ng isang tao. May pagkakapareho sa kahulugan ang apat na terminong ito (puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas); ang paggamit sa mga ito nang sama-sama ang pinakamapuwersang paraan para idiin na kailangang ibigin ang Diyos nang buong-buo.​—Tingnan ang study note sa pag-iisip at lakas sa talatang ito.

kaluluwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:37.

pag-iisip: Tumutukoy sa kakayahang mag-isip. Dapat gamitin ng isang tao ang kakayahan niyang mag-isip para makilala ang Diyos at mahalin Siya. (Ju 17:3; Ro 12:1) Sa Deu 6:5, na sinipi rito, ang orihinal na tekstong Hebreo ay gumamit ng tatlong termino, ‘puso, kaluluwa, at lakas.’ Pero sa ulat ni Marcos, na isinulat sa Griego, apat na konsepto ang binanggit, puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. May ilang posibleng dahilan sa pagkakaibang ito. Ang salitang “pag-iisip” ay posibleng idinagdag para makumpleto sa Griego ang kahulugan ng mga konsepto sa wikang Hebreo. Walang espesipikong salita sa sinaunang Hebreo para sa “pag-iisip,” pero ang kahulugan nito ay karaniwan nang saklaw ng salitang Hebreo para sa “puso,” na puwedeng tumukoy sa buong panloob na pagkatao ng isa, kasama ang iniisip, nadarama, saloobin, at motibo niya. (Deu 29:4; Aw 26:2; 64:6; tingnan ang study note sa puso sa talatang ito.) Dahil dito, kapag ginagamit ang salitang Hebreo para sa “puso,” madalas na itinutumbas dito ng Griegong Septuagint ang salitang Griego para sa “pag-iisip.” (Gen 8:21; 17:17; Kaw 2:10; Isa 14:13) Posibleng ipinapakita rin ng paggamit ni Marcos sa salitang pag-iisip na may pagkakapareho sa kahulugan ang terminong Hebreo para sa “lakas” at ang terminong Griego para sa “pag-iisip.” (Ihambing ang pananalita sa Mat 22:37, na gumamit ng “pag-iisip” sa halip na “lakas.”) Ang pagkakapareho sa kahulugan ng mga terminong ito ay isang posibleng dahilan kung bakit “pag-iisip” ang isinagot ng eskriba sa tanong ni Jesus. (Mar 12:33) Makakatulong din ito para maintindihan natin kung bakit magkakaiba ang pananalitang ginamit ng mga manunulat ng Ebanghelyo nang sipiin nila ang Deu 6:5.​—Tingnan ang study note sa lakas sa talatang ito at study note sa Mat 22:37; Luc 10:27.

lakas: Sa Deu 6:5 na sinipi sa talatang ito, tatlong termino ang ginamit sa orihinal na tekstong Hebreo, ‘puso, kaluluwa, at lakas,’ gaya ng binanggit sa study note sa pag-iisip. Ang salitang Hebreo para sa “lakas” ay puwedeng tumukoy sa pisikal na lakas at kakayahang mag-isip. Posibleng isa rin ito sa mga dahilan kung bakit idinadagdag ang konsepto ng “pag-iisip” kapag sinisipi ang tekstong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makakatulong din ito para maintindihan kung bakit ang ginamit ng Mat 22:37 sa pagsipi sa Deuteronomio ay “pag-iisip” sa halip na “lakas.” Anuman ang dahilan, nang sipiin ng isang eskriba (ayon sa ulat ni Lucas [10:27] na isinulat sa Griego) ang tekstong iyon, apat na konsepto ang binanggit niya: puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip. Maliwanag na ipinapakita nito na noong panahon ni Jesus, tinatanggap ng mga tao na ang apat na konseptong ito sa Griego ang katumbas ng tatlong salitang Hebreo sa tekstong sinipi.

Ang ikalawa: Sa Mar 12:29, 30, mababasa ang direktang sagot ni Jesus sa eskriba. Pero sa tekstong ito, higit pa sa itinatanong ang sinabi ni Jesus. Sumipi siya ng isa pang utos. (Lev 19:18) Idiniin niya na ang “dalawang utos” na ito ay laging magkaugnay at ito ang saligan ng buong Kautusan at mga Propeta.​—Mat 22:40.

kapuwa: Tingnan ang study note sa Mat 22:39.

buong handog na sinusunog: Tatlong beses lang lumitaw ang salitang Griego na ho·lo·kauʹto·ma (mula sa salitang hoʹlos, na nangangahulugang “buo,” at kaiʹo, “sunugin”) sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Heb 10:6, 8. Ginagamit ang terminong ito sa Septuagint para tumbasan ang salitang Hebreo para sa mga handog na lubusang sinusunog sa apoy at inihahandog nang buo sa Diyos—walang bahagi nito ang puwedeng kainin ng mananamba. Lumitaw ang salitang Griego na ito sa Septuagint sa 1Sa 15:22 at Os 6:6, na malamang na naisip ng eskriba noong kausap niya si Jesus. (Mar 12:32) Bilang makasagisag na “handog na sinusunog,” inihandog ni Jesus nang buo ang sarili niya.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 110:1, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

pamilihan: Tingnan ang study note sa Mat 23:7.

pinakamagagandang puwesto: Tingnan ang study note sa Mat 23:6.

kabang-yaman: Ayon sa sinaunang mga akdang Judio, ang mga hulugan ng kontribusyon ay kahugis ng trumpeta, o sungay, at lumilitaw na may maliit na butas ito sa ibabaw. Naghuhulog ng pera ang mga tao dito para sa iba’t ibang handog. Ang salitang Griego na ginamit dito ay makikita rin sa Ju 8:20, kung saan isinalin itong “ingatang-yaman.” Lumilitaw na ito ay nasa Looban ng mga Babae. (Tingnan ang study note sa Mat 27:6 at Ap. B11.) Ayon sa mga akda ng mga rabbi, 13 kabang-yaman ang makikita sa paligid ng loobang iyon, malapit sa pader. Sinasabing ang templo ay mayroong pangunahing kabang-yaman at doon dinadala ang perang nakukuha sa iba pang kabang-yaman.

pera: Lit., “tanso,” o baryang tanso, pero ang salitang Griego na ito ay ginagamit din para tumukoy sa lahat ng klase ng pera.​—Tingnan ang Ap. B14.

dalawang maliliit na barya: Lit., “dalawang lepton.” Ang salitang Griego na le·ptonʹ ay nangangahulugang isang bagay na maliit at manipis. Ang isang lepton ay katumbas ng 1/128 ng isang denario, at lumilitaw na ito ang pinakamaliit na baryang tanso o bronse na ginagamit sa Israel.​—Tingnan sa Glosari, “Lepton,” at Ap. B14.

napakaliit ng halaga: Lit., “katumbas ng isang quadrans.” Ang salitang Griego na ko·dranʹtes (mula sa salitang Latin na quadrans) ay tumutukoy sa tanso o bronseng barya ng mga Romano na ang halaga ay 1/64 ng isang denario. Gumamit si Marcos dito ng perang Romano para ipaliwanag ang halaga ng mga barya na karaniwang ginagamit ng mga Judio.​—Tingnan ang Ap. B14.

Media

Pisaan ng Ubas
Pisaan ng Ubas

Sa Israel, nag-aani ng ubas sa buwan ng Agosto at Setyembre, depende sa klase ng ubas at sa klima sa rehiyon. Kadalasan nang inilalagay ito sa mga tangkeng gawa sa batong-apog o sa mga labangan na inuka sa bato. Karaniwang tinatapak-tapakan ito ng mga lalaki nang nakapaa habang kumakanta.—Isa 16:10; Jer 25:30; 48:33.

1. Bagong-pitas na ubas

2. Pisaan ng ubas

3. Daluyan

4. Mas mababang tipunan

5. Luwad na banga ng alak

Tiberio Cesar
Tiberio Cesar

Ipinanganak si Tiberio noong 42 B.C.E. Noong 14 C.E., naging ikalawang emperador siya ng Roma. Namatay si Tiberio noong Marso 37 C.E. Siya ang emperador sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, kaya si Tiberio ang Cesar na tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya tungkol sa baryang pambayad ng buwis: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.”—Mar 12:14-17; Mat 22:17-21; Luc 20:22-25.

Ang Pamilihan
Ang Pamilihan

Ang ilang pamilihan, gaya ng makikita rito, ay nasa mga lansangan. Ang mga nagtitinda ay karaniwan nang naglalagay ng maraming paninda sa lansangan kaya sumisikip ang daan. Ang mga residente ay makakabili roon ng mga kailangan nila sa bahay, kagamitang luwad, at mamahaling gamit na babasagín, pati ng sariwang prutas at gulay. Dahil wala pang refrigerator noon, kailangan nilang pumunta sa pamilihan araw-araw para bumili ng suplay. Dito, maraming masasagap na balita galing sa mga mangangalakal o iba pang dayo. Puwedeng maglaro dito ang mga bata at mag-abang ng trabaho ang mga tao. Nagpagaling si Jesus ng maysakit at nangaral si Pablo sa mga pamilihan. (Gaw 17:17) Gustong-gusto naman ng mayayabang na eskriba at Pariseo na pumunta sa ganitong pampublikong lugar para mapansin at batiin ng mga tao.

Upuan Para sa Importanteng mga Bisita sa Handaan
Upuan Para sa Importanteng mga Bisita sa Handaan

Noong unang siglo, karaniwan nang humihilig sa mesa ang mga tao kapag kumakain. Ipinapatong ng mga tao ang kaliwang siko nila sa kutson at kumakain gamit ang kanang kamay nila. Ayon sa tradisyon ng mga Griego at Romano, karaniwan nang may tatlong mahahabang upuan na nakapalibot sa mababang mesa sa silid-kainan. Ang ganitong silid-kainan ay tinatawag ng mga Romano na triclinium (Latin ng salitang Griego na nangangahulugang “silid na may tatlong mahahabang upuan”). Noong una, siyam lang ang nakakaupo rito, tigtatatlo sa bawat mahabang upuan, pero nang maglaon, gumamit na ang mga tao ng mas mahahabang upuan para mas marami ang makaupo. Ang importansiya ng isang bisita ay makikita sa puwesto niya sa silid-kainan. May upuan para sa mga di-gaanong importanteng bisita (A), mayroon para sa mas importante (B), at mayroon din para sa pinakaimportante (C). Nakadepende rin ang importansiya ng isang bisita sa puwesto niya sa upuan. Mas mahalaga siya kaysa sa nasa kanan niya, at mas mahalaga naman sa kaniya ang nasa kaliwa niya. Pero sa isang pormal na handaan, karaniwan nang umuupo ang punong-abala sa unang puwesto (1) sa upuan para sa mga di-gaanong importante. Ang pinakaprominenteng posisyon ay ang ikatlong puwesto (2) sa gitnang upuan. Hindi malinaw kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng tradisyong ito sa mga Judio, pero lumilitaw na ito ang tinutukoy ni Jesus nang turuan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kahalagahan ng kapakumbabaan.

Pinakamagandang Puwesto sa Sinagoga
Pinakamagandang Puwesto sa Sinagoga

Makikita rito ang posibleng hitsura ng sinagoga batay sa natirang bahagi ng unang-siglong sinagoga sa Gamla, isang lunsod na mga 10 km (6 mi) sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea. Wala nang sinagoga mula noong unang siglo ang buo pa rin hanggang ngayon, kaya hindi sigurado kung ano ang eksaktong hitsura nito. Nasa paglalarawang ito ang ilang bahagi na malamang na makikita sa maraming sinagoga noong panahong iyon.

1. Ang mga upuan sa unahan, o pinakamagagandang puwesto, ay posibleng nasa plataporma ng tagapagsalita o malapit dito.

2. Ang plataporma kung saan binabasa ang Kasulatan. Posibleng iba-iba ang puwesto ng plataporma depende sa sinagoga.

3. Ang mga upuan sa tabi ng pader ay posibleng para sa mga may katayuan sa lipunan, at ang iba naman ay umuupo sa sapin sa lapag. Ang sinagoga sa Gamla ay posibleng may apat na hilera ng upuan.

4. Ang kaban kung saan inilalagay ang sagradong mga balumbon ay posibleng nasa pader sa likod.

Laging ipinapaalaala ng mga upuan sa sinagoga na ang ilan ay nakakataas sa iba, ang usapin na madalas pagtalunan ng mga alagad ni Jesus.—Mat 18:1-4; 20:20, 21; Mar 9:33, 34; Luc 9:46-48.

Ang Kabang-Yaman at ang Biyuda
Ang Kabang-Yaman at ang Biyuda

Ayon sa akda ng mga rabbi, ang templong itinayo ni Herodes ay may 13 kabang-yaman na tinatawag na kabang shofar. Ang salitang Hebreo na shoh·pharʹ ay nangangahulugang “sungay ng barakong kambing,” na nagpapakitang may bahagi ng kaban na posibleng kahugis ng tambuli, o trumpeta. Posibleng sa pagkalansing ng mga baryang inihuhulog ng mga tao sa hugis-trumpetang kabang-yaman, naaalala ng mga tao ang pagtuligsa ni Jesus sa mga makasagisag na humihihip ng kanilang trumpeta kapag gumagawa ng mabuti sa mahihirap. (Mat 6:2) Malamang na halos hindi kumalansing ang dalawang maliliit na baryang inihulog ng biyuda, pero ipinakita ni Jesus na ang biyuda at ang kontribusyon nito ay parehong mahalaga kay Jehova.