Unang Liham sa mga Taga-Corinto 1:1-31
Talababa
Study Notes
Unang Liham sa mga Taga-Corinto: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga liham. Ipinapakita ng papirong codex na tinatawag na P46 na gumagamit noon ang mga eskriba ng pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya. Ang codex na ito ang pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng mga liham ni Pablo, na pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mababasa rito ang siyam sa mga liham niya. Sa simula ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto, makikita sa codex na ito ang pamagat na Pros Ko·rinʹthi·ous A (“Para sa mga Taga-Corinto 1”). (Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”) May ganito ring pamagat ang iba pang sinaunang manuskrito, gaya ng Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. Sa mga manuskritong ito, lumitaw ang pamagat sa simula at sa katapusan ng liham.
Sostenes na ating kapatid: Hindi karaniwan ang pangalang Sostenes. Dalawang beses lang itong lumitaw sa Bibliya, at ang isa ay nasa Gaw 18:17. Kaya posibleng ang punong opisyal ng sinagoga na binugbog ng mga mang-uumog sa Corinto ay naging Kristiyano at siya ang binabanggit dito na kasama ni Pablo sa Efeso. Sa 1Co 16:21, ipinahiwatig ni Pablo na hindi siya ang sumulat sa kalakhang bahagi ng liham na ito; posibleng ipinapahiwatig niya na si Sostenes ang tagasulat nito.
kongregasyon ng Diyos sa Corinto: Itinatag ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto noong mga 50 C.E. (Gaw 18:1-11) Habang nasa Efeso si Pablo noong mga 55 C.E., isinulat niya ang unang liham niya sa mga taga-Corinto. (Ihambing ang 1Co 5:9.) Kasusulat lang noon ng mga kapatid sa Corinto kay Pablo, at nagtatanong sila tungkol sa pag-aasawa at sa pagkain ng mga inihain sa idolo. (1Co 7:1; 8:1) Pero alam ni Pablo na may mas malala pa silang problema. Kinukunsinti ng kongregasyon ang isang malubhang kaso ng imoralidad. (1Co 5:1-8) Mayroon ding pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. (1Co 1:11-13; 11:18; 15:12-14, 33, 34) At posible ring hindi nila alam kung paano dapat idaos ang Hapunan ng Panginoon. (1Co 11:20-29) Sa patnubay ng Diyos, nagbigay si Pablo ng tagubilin tungkol sa mga bagay na ito, at idiniin niya na napakahalagang magpakita ng Kristiyanong pag-ibig.—1Co 13:1-13.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.
nakipagsamahan sila sa isa’t isa: O “ibinahagi nila sa isa’t isa ang taglay nila.” Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na koi·no·niʹa ay “pagbabahagi; pakikipagsamahan.” Ilang beses na ginamit ni Pablo ang salitang ito sa mga liham niya. (1Co 1:9; 10:16; 2Co 6:14; 13:14) Ipinapakita ng konteksto na ang tinutukoy dito ay hindi lang basta pagiging magkakilala kundi pagiging matalik na magkaibigan.
maging kaisa ng: O “makasama ninyo ang; maging kabahagi ng.” Maraming beses na ginamit ni Pablo ang salitang Griego na koi·no·niʹa sa mga liham niya. (1Co 10:16; 2Co 6:14; 13:14) Sa kontekstong ito, ipinapahiwatig ng salitang ito na ang pagiging kaisa ng Anak ng Diyos ay nangangahulugan ding pagiging matalik na kaibigan niya.—Tingnan ang study note sa Gaw 2:42.
magkabaha-bahagi: O “magkawatak-watak.” Ipinanalangin ni Jesus na magkaisa ang mga tagasunod niya (Ju 17:20-23), at tulad niya, gusto rin ni Pablo na magkaisa ang kongregasyong Kristiyano. Nang isulat ni Pablo ang unang liham niya sa mga taga-Corinto (mga 55 C.E.), may pagkakabaha-bahagi na sa kongregasyon. Si Apolos ang itinuturing na lider ng ilan, ang iba naman, si Pablo o si Pedro, pero may mga nagsasabing kay Kristo sila. (1Co 1:11, 12) Nagbabala si Pablo tungkol sa pagbibigay ng sobrang papuri sa mga tao, na mga lingkod lang ng Diyos at ni Kristo. (1Co 3:4-9, 21-23; 4:6, 7) Tatlong beses niyang ginamit sa unang liham niya sa mga taga-Corinto ang salitang Griego na skhiʹsma, na isinalin ditong “magkabaha-bahagi.”—1Co 1:10; 11:18; 12:25.
sambahayan ni Cloe: Sa Bibliya, dito lang binanggit ang babaeng nagngangalang Cloe. Posibleng nakatira siya sa Corinto o Efeso, kung saan isinulat ang 1 Corinto. Hindi espesipikong binanggit ni Pablo kung isa siyang Kristiyano na nakatira sa alinman sa mga lunsod na ito. Pero dahil binanggit ni Pablo ang sambahayan niya, lumilitaw na kung hindi man lahat, ang ilan sa kanila—kapamilya man o alipin—ay mga Kristiyano na kilala ng mga taga-Corinto.
Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.
Ikaw si Simon: May limang pangalan si Simon sa Kasulatan. (Tingnan ang study note sa Mat 4:18; 10:2.) Sa ulat na ito, lumilitaw na nakita ni Jesus si Simon sa unang pagkakataon at ibinigay sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (Ke·phasʹ), posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Ipinaliwanag din ng manunulat ng Ebanghelyo na si Juan na ang Cefas ay isinasaling “Pedro,” pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Bato.” Sa Kasulatan, si Simon lang ang may ganitong Semitiko at Griegong pangalan. Kung nakita ni Jesus na si Natanael ay isang lalaki na “walang anumang pagkukunwari” (Ju 1:47; 2:25), nakita rin niya ang pagkatao ni Pedro. Nang mamatay si Jesus at buhaying muli, mas nakapagpakita si Pedro ng mga katangiang gaya ng sa bato; pinalakas at pinatatag niya ang kongregasyon.—Luc 22:32; Gaw 1:15, 16; 15:6-11.
Apolos: Isang Judiong Kristiyano sa Alejandria na nagpunta sa Corinto mula sa Efeso at tumulong sa mga naging mánanampalatayá. (Gaw 18:24-28; 19:1; tingnan ang study note sa Gaw 18:24.) Si Apolos ang “nagdilig” sa mga binhing itinanim ni Pablo sa Corinto.—1Co 3:5, 6; tingnan ang study note sa 1Co 16:12.
Cefas: Isa sa mga pangalan ng apostol na si Simon Pedro. Noong unang makita ni Jesus si Simon, ibinigay niya sa kaniya ang Semitikong pangalan na Cefas (sa Griego, Ke·phasʹ). Posibleng kaugnay ito ng Hebreong pangngalan na ke·phimʹ (malalaking bato) na ginamit sa Job 30:6 at Jer 4:29. Sa Ju 1:42, ipinaliwanag ni Juan na ang pangalang ito ay “isinasaling ‘Pedro’” (Peʹtros, isang pangalang Griego na nangangahulugan ding “Isang Piraso ng Bato”). Ang pangalang Cefas ay ginamit lang sa Ju 1:42 at sa dalawang liham ni Pablo, ang 1 Corinto at Galacia.—1Co 1:12; 3:22; 9:5; 15:5; Gal 1:18; 2:9, 11, 14; tingnan ang study note sa Mat 10:2; Ju 1:42.
Apolos: Judiong Kristiyano na lumilitaw na lumaki sa lunsod ng Alejandria, ang kabisera ng Ehipto, na lalawigan ng Roma. Ang Alejandria ay sentro ng mataas na edukasyon, at kilalá ito sa malaking aklatan nito. Sa Imperyo ng Roma, ito ang ikalawang pinakamalaking lunsod, sumunod sa lunsod ng Roma, at maraming nakatirang Judio rito. Isa ito sa mga pinakaimportanteng sentro ng kultura at edukasyon ng mga Judio at Griego. Dito ginawa ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na tinatawag na Septuagint. Posibleng ito ang dahilan kaya sinabing maraming alam [lit., “makapangyarihan”] si Apolos sa Kasulatan, o sa Hebreong Kasulatan.
Kung tungkol sa kapatid nating si Apolos: Lumilitaw na nagpunta si Apolos sa Efeso o malapit sa lunsod na ito, kung saan isinulat ni Pablo ang 1 Corinto. Nangaral noon si Apolos sa Corinto (Gaw 18:24–19:1a), at mataas ang paggalang sa kaniya ng mga tagaroon. Pinakiusapan siya ni Pablo na dalawin ang kongregasyon sa Corinto, pero wala iyon sa plano ni Apolos nang mga panahong iyon. Posibleng natatakot siya na lalo pang magkabaha-bahagi ang kongregasyon (1Co 1:10-12), o posibleng may iba pa siyang kailangang gawin. Anuman ang dahilan, ang pagtawag ni Pablo kay Apolos na “kapatid” ay nagpapakitang hindi hinayaan ng dalawang masisigasig na misyonerong ito na sirain ng mga paksiyon sa kongregasyon sa Corinto ang pagkakaisa nila, gaya ng ipinapalagay ng ilang komentarista sa Bibliya.—1Co 3:4-9, 21-23; 4:6, 7.
ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.” Ito ang una sa mahigit 40 paggamit ng pandiwang Griego na stau·roʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ang pandiwa ng pangngalang Griego na stau·rosʹ, na isinasaling “pahirapang tulos.” (Tingnan ang study note sa Mat 10:38; 16:24; 27:32 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”) Ginamit ng Septuagint ang pandiwang ito sa Es 7:9, kung saan ipinag-utos na ibitin si Haman sa tulos na mahigit 20 m (65 ft) ang taas. Sa klasikal na Griego, nangangahulugan itong “bakuran o palibutan ng tulos o poste.”
ipinako sa tulos: O “ibinitin sa tulos.”—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”
isinugo ako ni Kristo, hindi para magbautismo: Awtorisadong magbautismo si Pablo (Mat 28:19), at paminsan-minsan, ginagawa niya iyon. Pero sa kontekstong ito, nililinaw niya na hindi pagbabautismo ang pangunahing atas na tinanggap niya mula kay Kristo. (1Co 1:14, 16) Ayaw niyang pagmulan ng pagkakabaha-bahagi ang pagbabautismo niya, na para bang mas mahalaga ang bautismo kapag isang apostol ang gumawa nito.
pahirapang tulos ng Kristo: Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay sumasagisag sa kamatayan ni Jesus sa tulos. Namatay si Jesus sa ganitong paraan para mapalaya ang sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasalanan at magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.
pahirapang tulos ng Kristo: Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay sumasagisag sa kamatayan ni Jesus sa tulos. Namatay si Jesus sa ganitong paraan para mapalaya ang sangkatauhan sa pagkaalipin sa kasalanan at magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos.
pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa 1Co 1:17.
eskriba: Eksperto sa Kautusang Mosaiko.
sistemang: O “panahong.” Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na ai·onʹ ay “panahon.” Puwede itong tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. (Tingnan sa Glosari, “Sistema.”) Ang ‘sistema’ sa talatang ito ay ang ‘sistema’ rin na binabanggit sa 2Ti 4:10, na tumutukoy sa kalakaran ng mundo sa pangkalahatan.
ipinangangaral na mensahe na kamangmangan para sa iba: Inilarawan ni Pablo ang pangangaral tungkol kay Kristo na “kamangmangan” dahil ito ang tingin dito ng mga tao ng ibang mga bansa. Hindi maintindihan ng mga Griego kung bakit kailangang dumanas ng kahiya-hiyang kamatayan bilang kriminal ang isang Judio para maligtas sila. (1Co 1:18, 25; tingnan ang study note sa 1Co 1:22.) Iniisip ng mga Judio na maliligtas sila sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, gaya ng pag-aabuloy, at dahil sa mga ninuno nila, partikular na si Abraham. Ayaw nila sa isang mesiyas na sa tingin nila ay mahina dahil namatay ito sa tulos.—1Co 1:23.
mga Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen, na ginamit dito, ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Sa kontekstong ito, makikita na magkasingkahulugan ang “mga Griego” at “ibang mga bansa” (1Co 1:23), kaya ang “mga Griego” ay kumakatawan sa lahat ng di-Judio (Ro 1:16; 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13). Siguradong dahil ito sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.—Tingnan ang study note sa Ro 1:16.
mga Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen, na ginamit dito, ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Sa kontekstong ito, makikita na magkasingkahulugan ang “mga Griego” at “ibang mga bansa” (1Co 1:23), kaya ang “mga Griego” ay kumakatawan sa lahat ng di-Judio (Ro 1:16; 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13). Siguradong dahil ito sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.—Tingnan ang study note sa Ro 1:16.
Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen (nangangahulugang “Griego”) ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Kaya nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong bawat isa na may pananampalataya at banggitin niya nang magkasama ang “Griego” at “Judio,” lumilitaw na ginamit niya ang terminong “Griego” para tumukoy sa lahat ng di-Judio. (Ro 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13) Siguradong ginawa niya ito dahil sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.
isang katitisuran para sa mga Judio: Sinasabi sa Kautusan na ang isang taong ibinitin sa tulos ay “isinumpa ng Diyos.” (Deu 21:22, 23; Gal 3:13) Kaya para sa mga Judio, kahiya-hiya ang paraan ng pagkamatay ni Jesus at hindi ito nababagay sa Mesiyas. Dahil diyan, ito ay naging “isang katitisuran” para sa kanila.
sa pananaw ng tao: Lit., “sa laman.”
ipinanganak na maharlika: O “mula sa prominenteng pamilya.” Naniniwala ang ilang iskolar na ang salitang Griego na ginamit dito ay tumutukoy sa mga nagmula sa mga pamilyang matagal nang prominente sa Corinto. Sa mga Griego at Romano noon, ang mga “ipinanganak na maharlika” ay may espesyal at mataas na katayuan sa lipunan. Ipinapakita ng paggamit ng terminong ito na posibleng may ilang Kristiyano sa Corinto na mataas ang katayuan sa lipunan.
sinuman: Lit., “laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy sa isang tao, na may laman at dugo.—Tingnan ang study note sa Ju 17:2; Ro 3:20; 1Co 1:26.
sa pananaw ng tao: Lit., “sa laman.”
sinuman: Lit., “laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy sa isang tao, na may laman at dugo.—Tingnan ang study note sa Ju 3:6; 17:2.
lahat ng tao: O “lahat ng laman.” Ang ekspresyong ito ay mababasa rin sa Luc 3:6, na sinipi mula sa Isa 40:5, kung saan ginamit ang isang terminong Hebreo na kasingkahulugan nito.—Ihambing ang study note sa Ju 1:14.
Media

Makikita rito ang isang pahina ng papirong codex na tinatawag na P46. Ang ilang bahagi nito (Papyrus Chester Beatty 2) ay iniingatan ngayon sa Dublin, Ireland, at ang iba naman (Papyrus Michigan Inv. 6238), sa Ann Arbor, Michigan, U.S.A. Ang pahinang ito ay nasa Chester Beatty Library sa Dublin. Ang codex ay pinaniniwalaang mula pa noong mga 200 C.E. Mayroon itong 86 na pahina na medyo sira na, at bahagi ito ng isang codex na 104 ang pahina. Mababasa rito ang siyam sa mga liham ni Pablo. Minarkahan dito ang pamagat, kung saan ang mababasa ay “Para sa mga Taga-Corinto 1.” Ang koleksiyong ito ay patunay na noon pa man, gumagamit na ang mga eskriba ng mga pamagat para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya.


Ilang beses na nagpunta si apostol Pablo sa Corinto sa mga paglalakbay niya bilang misyonero. Nanatili siya roon nang 18 buwan sa unang pagpunta niya. (Gaw 18:1, 11; 20:2, 3) Noong panahong iyon, maunlad na at sentro ng kalakalan ang lunsod ng Corinto, pangunahin nang dahil sa magandang lokasyon nito sa ismo, o isang makitid na lupa, na nagdurugtong sa Gresya at sa peninsula ng Peloponnese. Dahil dito, nakontrol ng lunsod ang pagpasok at paglabas ng mga produkto sa dalawang malapit na daungan, ang Lechaeum at Cencrea. Daanan ang Corinto ng mga negosyante at naglalakbay sa buong Imperyo ng Roma, kaya magandang lugar ito para mangaral. Sa video na ito, alamin ang kasaysayan ng Corinto, pati na ang mga natuklasan ng mga arkeologo, gaya ng inskripsiyon ng pangalan ni Erasto. Tingnan ang pamilihan (agora) ng lunsod, bema (luklukan ng paghatol), at ang posibleng hitsura ng isa sa mga teatro nito noong panahon ni Pablo.