Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dangal ng Tao—Posible Para sa Lahat

Dangal ng Tao—Posible Para sa Lahat

Dangal ng Tao​—Posible Para sa Lahat

“Dapat tayong gumawa ng bagong daigdig​—di-hamak na mas magandang daigdig​—kung saan igagalang ang walang-hanggang dangal ng tao.”​—PRESIDENTE NG ESTADOS UNIDOS NA SI HARRY TRUMAN, SAN FRANCISCO, CALIFORNIA, E.U.A., ABRIL 25, 1945.

KATULAD ng maraming tao na nabuhay matapos ang Digmaang Pandaigdig II, naniniwala si Presidente Truman na maaaring matuto ang mga tao sa kasaysayan at matamo nila ang isang “bagong daigdig” na magdudulot ng dangal para sa lahat. Nakalulungkot, iba ang ipinakikita ng makabagong kasaysayan. Ang “walang-hanggang dangal ng tao” ay patuloy na tinatapakan dahil ang ugat ng problema ay wala sa tao, kundi nasa pinakapangunahing kaaway ng tao.

Ang Ugat ng Problema

Ipinakikilala ng Bibliya ang kaaway na ito. Siya ay si Satanas na Diyablo, isang napakasamang espiritung nilalang na sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao ay humamon sa karapatan ng Diyos na mamahala. Mula noong makipag-usap si Satanas kay Eva sa hardin ng Eden, tunguhin na niyang hikayatin ang mga tao na huwag nang maglingkod sa kanilang Maylalang. (Genesis 3:1-5) Isip-isipin ang kapaha-pahamak na mga epekto kina Adan at Eva nang magpadala sila sa panghihikayat ng Diyablo! Ang kagyat na epekto ng kanilang pagsuway sa kautusan ng Diyos hinggil sa ipinagbabawal na bunga ay ‘ang pagtatago nila mula sa mukha ng Diyos na Jehova.’ Bakit? Ipinagtapat ni Adan: “Natakot ako sapagkat ako ay hubad kaya nagtago ako.” (Genesis 3:8-10) Nagbago ang kaugnayan ni Adan sa kaniyang makalangit na Ama pati na rin ang tingin niya sa kaniyang sarili. Nahiya siya at hindi na siya palagay sa presensiya ni Jehova.

Bakit nais ng Diyablo na mawala ang paggalang ni Adan sa sarili? Dahil ginawa ang tao ayon sa larawan ng Diyos, at nalulugod si Satanas na makita siyang kumikilos sa paraang makasisira sa ipinaaaninag niyang kaluwalhatian ng Diyos. (Genesis 1:27; Roma 3:23) Makatutulong ito sa atin na maunawaan kung bakit laganap sa kasaysayan ng tao ang pang-aalipusta. Bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” itinaguyod ni Satanas ang espiritung ito “sa panahong ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (2 Corinto 4:4; Eclesiastes 8:9; 1 Juan 5:19) Nangangahulugan ba ito na ang dangal na naaangkop sa tao ay nawala na magpakailanman?

Binibigyang-Dangal ni Jehova ang Kaniyang Nilalang

Muling pag-isipan ang mga kalagayan sa hardin ng Eden bago nagkasala sina Adan at Eva. Mayroon silang saganang pagkain, nakalulugod na trabaho, at pag-asang magkaroon ng malusog at walang-hanggang buhay para sa kanila at sa kanilang magiging supling. (Genesis 1:28) Itinatampok ng bawat pitak ng kanilang pag-iral ang maibigin at marangal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.

Nagbago ba ang pananaw ni Jehova sa dangal ng tao nang magkasala sina Adan at Eva? Hindi. Nagpakita siya ng konsiderasyon sa kahihiyang nadama nila sa pagiging hubad. Maibiging naglaan ang Diyos ng “mahahabang kasuutang balat” bilang pamalit sa mga panakip sa balakang na gawa sa mga dahon ng igos na tinahi nila para sa kanilang sarili. (Genesis 3:7, 21) Sa halip na pabayaan sila sa kanilang kahiya-hiyang kalagayan, pinakitunguhan sila ng Diyos nang may dangal.

Nang maglaon, nang makitungo siya sa bansang Israel, nagpakita si Jehova ng habag sa mga ulila, babaing balo, at mga naninirahang dayuhan​—mga miyembro ng lipunan na pinakamadalas abusuhin. (Awit 72:13) Halimbawa, kapag inaani ng mga Israelita ang kanilang mga pananim na butil, punong olibo, at ubasan, sinabihan sila na huwag balikan ang mga naiwang bunga. Sa halip, iniutos ng Diyos na ang mga naiwang bungang iyon ay “mananatili para sa naninirahang dayuhan, para sa batang lalaking walang ama at para sa babaing balo.” (Deuteronomio 24:19-21) Kapag ikinapit ang mga kautusang ito, hindi na kailangan pang mamalimos maging ang pinakamahirap na mga tao at nagbibigay ito ng marangal na trabaho para sa kanila.

Binigyang-Dangal ni Jesus ang Iba

Nang nasa lupa ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, pinahalagahan niya ang dangal ng iba. Halimbawa, nang nasa Galilea, nilapitan siya ng isang lalaking malala na ang ketong. Ayon sa Kautusang Mosaiko, upang hindi mahawa ang iba, ang ketongin ay kailangang sumigaw: “Marumi, marumi!” (Levitico 13:45) Subalit nang lapitan niya si Jesus, nalimutan ng lalaking ito na sumigaw para magbabala. Sa halip, isinubsob niya ang kaniyang mukha at nagsumamo kay Jesus: “Panginoon, kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” (Lucas 5:12) Paano tumugon si Jesus? Hindi sinaway ni Jesus ang lalaking ito sa paglabag sa Kautusan, ni binale-wala Niya o iniwasan ang lalaki. Sa halip, binigyang-dangal niya ang ketongin sa pamamagitan ng paghipo rito, na sinasabi: “Ibig ko. Luminis ka.”​—Lucas 5:13.

Sa ibang mga pagkakataon, ipinakita ni Jesus ang kaniyang kakayahang magpagaling kahit na hindi niya hawakan ang mga tao​—kung minsan ay mula sa malayo. Subalit sa kasong ito, hinipo niya ang lalaki. (Mateo 15:21-28; Marcos 10:51, 52; Lucas 7:1-10) Dahil ang lalaki ay “punô ng ketong,” tiyak na matagal na siyang hindi nahahawakan ng sinumang tao. Napakalaking kaaliwan nga na muling mahawakan ng iba! Tiyak na ang gusto lamang ng lalaki ay mapagaling ang kaniyang ketong. Pero, ang paraan ni Jesus ng pagpapagaling sa kaniya ang tiyak na nakatulong upang maibalik ang higit pa​—ang dangal ng lalaki. Makatotohanan bang maniwala na ang gayong pagpapahalaga sa dangal ng iba ay posibleng umiral sa lipunan sa ngayon? Kung gayon nga, paano ito ipinakikita?

Ang Tuntuning Nagbibigay-Dangal

Binanggit ni Jesus ang itinuturing ng marami na pinakatanyag na tagubiling ibinigay hinggil sa ugnayan ng tao: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang Gintong Aral na ito, na karaniwan nang tawag dito, ay nagpapakilos sa isa na igalang ang kaniyang kapuwa, na umaasang gayon din ang gagawin sa kaniya.

Gaya ng ipinakikita ng kasaysayan, ang pagkakapit sa tuntuning ito ay hindi likas sa tao​—napakadalas na kabaligtaran ang nangyayari. “Sa totoo lang, natutuwa akong hiyain ang iba,” ang sabi ng lalaking tatawagin nating Harold. “Sa ilang salita ko lamang, maaari na silang matulala, mapahiya, at kung minsan ay maiyak.” Pero may nangyari kay Harold kung bakit nagbago ang kaniyang pakikitungo sa iba. “Ilang beses akong dinalaw ng mga Saksi ni Jehova. Kapag binabalikan ko ang nakaraan, ikinahihiya ko ang mga pinagsasabi ko at ang di-magandang pakikitungo ko sa kanila kung minsan. Pero hindi sila nanghimagod, at unti-unti, sa pamamagitan ng mga katotohanan sa Bibliya, naantig ang puso ko at napakilos akong magbago.” Sa ngayon, naglilingkod si Harold bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano.

Buháy na patotoo si Harold na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) May lakas ang Salita ng Diyos na antigin ang puso ng isa at baguhin ang kaniyang pag-iisip at paggawi. Ito ang susi sa pagbibigay-dangal sa iba​—ang taos-pusong hangarin na makatulong sa halip na makasakit, parangalan ang iba sa halip na ipahiya sila.​—Gawa 20:35; Roma 12:10.

Pagsasauli sa Dangal na Naaangkop sa Tao

Ang hangarin ding ito ang nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa kamangha-manghang pag-asa na nasa Bibliya. (Gawa 5:42) Wala nang hihigit pang paraan para maipakita ang paggalang sa ating kapuwa at mabigyang-dangal sila kundi ang ibahagi sa kanila ang “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isaias 52:7) Kasama sa “bagay na mas mabuti” ang pagsusuot ng “bagong personalidad,” na siyang mag-aalis ng “nakasasakit na pagnanasa” na hamakin ang iba. (Colosas 3:5-10) Kasama rin dito ang layunin ni Jehova na di-magtatagal, aalisin na ang mga kalagayan at saloobin na nag-aalis sa tao ng kaniyang dangal, pati na ang nagsusulsol nito, si Satanas na Diyablo. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 20:1, 2, 10) Doon lamang sa wakas makakamit ng lahat ang dangal, kapag ang lupa ay ‘napuno ng kaalaman kay Jehova.’​—Isaias 11:9.

Inaanyayahan namin kayong alamin ang napakagandang pag-asang ito. Sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, makikita mo mismo na ang pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya ay nagbibigay-dangal sa iba. At matututuhan mo kung paanong di-magtatagal, paiiralin ng Kaharian ng Diyos ang ‘bago at di-hamak na mas magandang daigdig,’ isang daigdig kung saan makakamit ang “walang-hanggang dangal ng tao,” na hindi na muling yuyurakan pa.

[Kahon/​Larawan sa pahina 6]

Naingatan ang Kanilang Dangal Dahil Nanatili Silang Tapat

Noong Digmaang Pandaigdig II, mahigit 2,000 Saksi ni Jehova ang ipinadala sa mga kampong piitan ng mga Nazi dahil sa kanilang mga paniniwala. Sa pagbanggit sa kapansin-pansing paraan kung paano nila ipinakita ang kanilang katapatan, ganito ang inilahad ng dating bilanggo sa Ravensbrück na si Gemma La Guardia Gluck sa kaniyang aklat na My Story: “Minsan ay inianunsiyo ng Gestapo na ang sinumang Estudyante ng Bibliya na magtakwil sa kaniyang mga paniniwala at pumirma sa kapahayagan na nagpapatunay rito ay palalayain at hindi na uusigin pa.” Ganito ang kaniyang isinulat tungkol sa mga tumangging pumirma sa kapahayagan: “Pinili nilang magdusa at magtiis hanggang sa araw ng katubusan.” Bakit gayon ang naging paninindigan nila? Ganito ang paliwanag ni Magdalena, na binanggit sa pasimula ng naunang artikulo at mahigit 80 anyos na ngayon: “Ang manatiling tapat kay Jehova ay mas mahalaga kaysa sa manatiling buháy anuman ang maging kapalit. Ang pag-iingat sa aming dangal ay nangangahulugan ng pananatili naming tapat.” *

[Talababa]

^ par. 23 Para sa detalyadong ulat hinggil sa pamilyang Kusserow, tingnan ang The Watchtower ng Setyembre 1, 1985, pahina 10-15.

[Larawan sa pahina 5]

Binigyang-dangal ni Jesus ang mga pinagaling niya

[Larawan sa pahina 7]

Binibigyang-dangal ng mga Saksi ni Jehova ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti”