Ayon kay Lucas 5:1-39

5  Sa isang pagkakataon, sinisiksik ng maraming tao si Jesus habang nakikinig sila sa pagtuturo niya ng salita ng Diyos sa tabi ng lawa ng Genesaret.+  At may nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa, pero nakababa na ang mga mangingisda at naghuhugas ng mga lambat nila.+  Sumakay siya sa bangka na pag-aari ni Simon, at sinabi niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa pampang. Pagkatapos, umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka.  Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumunta ka sa malalim, at ibaba ninyo ang inyong mga lambat para makahuli.”  Sumagot si Simon: “Guro, magdamag kaming nangisda pero wala kaming nahuli.+ Pero dahil sa sinabi mo, ibababa ko ang mga lambat.”  Nang gawin nila ito, napakarami nilang nahuling isda. Ang totoo, nagsimulang mapunit ang kanilang mga lambat.+  Kaya sinenyasan nila ang mga kasamahan nila sa isa pang bangka para tulungan sila. Pumunta ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, kaya nagsimulang lumubog ang mga ito.  Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus at sinabi niya: “Panginoon, lumayo ka sa akin dahil makasalanan ako.”  Nasabi niya iyon dahil siya at ang mga kasama niya ay manghang-mangha sa dami ng nahuli nilang isda, 10  gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan,+ na mga kasosyo ni Simon. Pero sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag ka nang matakot. Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.”+ 11  Kaya ibinalik nila sa lupa ang mga bangka at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.+ 12  Minsan, habang si Jesus ay nasa isa sa mga lunsod, nakita siya ng isang lalaking punô ng ketong. Sumubsob ito at nagmakaawa: “Panginoon, kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 13  Kaya hinipo niya siya at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” Nawala agad ang ketong ng lalaki.+ 14  Pagkatapos, inutusan niya ang lalaki na huwag itong sabihin kahit kanino.+ At sinabi niya: “Humarap ka sa saserdote at maghain para sa paglilinis sa iyo, gaya ng iniutos ni Moises,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 15  Gayunman, patuloy na kumalat ang balita tungkol sa kaniya, at napakaraming tao ang nagtitipon para makinig sa kaniya at para mapagaling ang mga sakit nila.+ 16  Pero madalas siyang pumunta sa liblib na mga lugar para manalangin. 17  Isang araw habang nagtuturo siya, ang mga Pariseo at mga guro ng Kautusan mula sa bawat nayon ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem ay nakaupo rin doon; at sumakaniya ang kapangyarihan ni Jehova para makapagpagaling siya.+ 18  At may dumating na mga lalaking buhat ang isang paralitiko na nasa higaan, at sinisikap nilang makapasok at mailapit siya kay Jesus.+ 19  Pero nahihirapan silang maipasok siya dahil sa dami ng tao, kaya umakyat sila sa bubong, inalis ang mga tisa nito, at ibinaba ang higaan ng lalaki sa gitna ng mga tao, sa harap ni Jesus. 20  Nang makita niya ang pananampalataya nila, sinabi niya: “Lalaki, pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 21  Kaya nag-usap-usap ang mga eskriba at mga Pariseo. Sinasabi nila: “Sino ang taong ito na namumusong?* Sino ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”+ 22  Pero dahil alam ni Jesus kung ano ang tumatakbo sa isip nila, sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng ganiyan? 23  Alin ba ang mas madali, ang sabihing ‘Pinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing ‘Bumangon ka at lumakad’? 24  Pero para malaman ninyo na ang Anak ng tao ay may awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—” sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, buhatin mo ang higaan mo, at umuwi ka.”+ 25  At bumangon siya sa harap nila, binuhat ang higaan niya, at umuwi na pinupuri ang Diyos. 26  Manghang-mangha ang lahat,+ at pinuri nila ang Diyos, at sinasabi nila: “Nakakita kami ngayon ng kahanga-hangang mga bagay!” 27  Pagkatapos nito, lumabas siya at nakita ang maniningil ng buwis na si Levi na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito: “Maging tagasunod kita.”+ 28  Kaya tumayo si Levi, iniwan ang lahat ng bagay, at sumunod sa kaniya.+ 29  Pagkatapos, naghanda si Levi ng isang malaking salusalo sa bahay niya para kay Jesus, at maraming maniningil ng buwis at iba pa ang kumakaing kasama nila.+ 30  Dahil dito, nagbulong-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba nila at sinabi sa mga alagad niya: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”+ 31  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.+ 32  Dumating ako hindi para tawagin ang mga matuwid, kundi para akayin sa pagsisisi ang mga makasalanan.”+ 33  Sinabi nila sa kaniya: “Ang mga alagad ni Juan ay madalas mag-ayuno at manalangin nang marubdob,* pati na ang mga alagad ng mga Pariseo, pero ang mga alagad mo ay kumakain at umiinom.”+ 34  Sinabi ni Jesus: “Hindi ninyo mapag-aayuno ang mga kaibigan ng lalaking ikakasal hangga’t kasama nila ang lalaking ikakasal, hindi ba? 35  Pero darating ang panahon na kukunin nga sa kanila ang lalaking ikakasal,+ at sa panahong iyon sila mag-aayuno.”+ 36  Nagbigay rin siya ng isang ilustrasyon sa kanila: “Walang sinuman ang gumugupit ng panagpi mula sa isang bagong damit at itinatahi ito sa isang lumang damit. Kung gagawin ito ng isa, matatastas ang panagpi; isa pa, hindi rin ito babagay sa luma.+ 37  Wala ring taong naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlang balat. 38  Kaya sa bagong sisidlang balat dapat ilagay ang bagong alak. 39  Kung nakatikim na ng lumang alak* ang isang tao, hindi na niya gugustuhing uminom ng bago, dahil sasabihin niya, ‘Masarap ang luma.’”

Talababa

O “mapalilinis.”
Malamang na tumutukoy sa mga saserdote.
Tingnan sa Glosari, “Pamumusong.”
O “at magsumamo.”
Alak na matagal nang inimbak.

Study Notes

Lawa ng Galilea, o Tiberias: Ang Lawa ng Galilea ay tinatawag kung minsan na Lawa ng Tiberias dahil nasa kanlurang baybayin nito ang lunsod ng Tiberias, na kinuha sa pangalan ng Romanong emperador na si Tiberio Cesar. (Ju 6:23) Ang Lawa ng Tiberias ay binanggit dito at sa Ju 21:1.—Tingnan ang study note sa Mat 4:18.

Genesaret: Isang maliit na kapatagan na may lawak na 5 por 2.5 km (3 por 1.5 mi) at umaabot sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea. Sa Luc 5:1, ang Lawa ng Galilea ay tinawag na “lawa ng Genesaret.”

lawa ng Genesaret: Iba pang tawag sa Lawa ng Galilea, tubig-tabang sa hilagang bahagi ng Israel. (Mat 4:18) Tinawag din itong Lawa ng Kineret (Bil 34:11) at Lawa ng Tiberias. (Tingnan ang study note sa Ju 6:1.) Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat. May haba itong 21 km (13 mi) mula hilaga hanggang timog at lapad na 12 km (8 mi) mula silangan hanggang kanluran, at ang pinakamalalim na bahagi nito ay mga 48 m (160 ft). Genesaret ang pangalan ng maliit na kapatagan na umaabot sa hilagang-kanlurang baybayin ng lawa. Sinasabi ng ilang iskolar na ang Genesaret ay posibleng anyong Griego ng sinaunang pangalang Hebreo na Kineret.​—Tingnan ang study note sa Mat 14:34 at Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea.”

sa dalampasigan: Sa dalampasigan ng Lawa ng Galilea malapit sa Capernaum, may lugar na parang ampiteatro. Lumalakas dito ang boses ng nagsasalita, kaya naririnig si Jesus ng maraming tao nang magsalita siya mula sa bangka.

nagturo sa mga tao mula sa bangka: Tingnan ang study note sa Mat 13:2.

Mataas ang lagnat: Parehong sinabi nina Mateo at Marcos na “nakahiga at nilalagnat” ang biyenang babae ni Pedro. (Mat 8:14; Mar 1:30) Si Lucas lang, malamang na dahil isa siyang doktor, ang nagsabi na “mataas ang lagnat” ng biyenang babae ni Pedro, na nagpapakitang malala ang kalagayan nito.​—Tingnan ang “Introduksiyon sa Lucas.”

isang lalaking punô ng ketong: Sa Bibliya, ang ketong ay isang malubhang sakit sa balat, pero hindi lang ito tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya. (Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”) Sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos, tinawag lang nila ang lalaki na isang “ketongin.” (Mat 8:2; Mar 1:40) Pero ipinakita ni Lucas, na isang doktor, na lumalala ang sakit na ito. (Col 4:14) Sinabi niya na ang lalaki ay “punô ng ketong,” na nagpapakitang malala na ang kondisyon ng lalaki.​—Tingnan ang study note sa Luc 4:38, kung saan ipinakita ni Lucas kung gaano kalubha ang isa pang sakit.

hinipo niya ang lalaki: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat na nakabukod ang mga ketongin para hindi mahawa ang iba. (Lev 13:45, 46; Bil 5:1-4) Pero nagdagdag ng mga tuntunin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Halimbawa, sinasabi nilang dapat na apat na siko, o mga 1.8 m (6 ft), ang layo ng isang tao sa isang ketongin, pero kapag mahangin, dapat na 100 siko ang layo, o mga 45 m (150 ft). Dahil diyan, naging malupit ang pagtrato sa mga ketongin. Sa sinaunang akda ng mga Judio, pinuri pa ang isang rabbi na nagtago sa mga ketongin at ang isa pa na pinagbabato ang mga ketongin para hindi sila makalapit. Pero ibang-iba si Jesus. Nahabag siya sa ketongin kaya ginawa niya ang isang bagay na talagang ikinagulat ng mga Judio—hinipo niya ang lalaki. Ginawa niya iyan kahit kaya niya namang pagalingin ang ketongin sa pamamagitan lang ng salita.—Mat 8:5-13.

Gusto ko: Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang kahilingan kundi sinabi niyang gusto niyang gawin ito. Ipinapakita nitong hindi niya ito ginawa dahil lang sa obligasyon.

hinipo niya siya: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.

Gusto ko: Tingnan ang study note sa Mat 8:3.

humarap ka sa saserdote: Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at maghandog ng mga bagay na iniutos ni Moises, gaya ng binabanggit sa Lev 14:2-32.

Humarap ka sa saserdote: Tingnan ang study note sa Mar 1:44.

Habang nananalangin siya: Sa Ebanghelyo ni Lucas, nagtuon siya ng pansin sa panalangin. Si Lucas lang ang bumanggit ng marami sa mga panalangin ni Jesus. Halimbawa, si Lucas lang ang nagsabi na nanalangin si Jesus noong bautismo niya. Lumilitaw na iniulat ni Pablo nang maglaon ang ilang mahahalagang sinabi ni Jesus sa panalanging iyon. (Heb 10:5-9) Ang iba pang pagkakataong nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang nag-ulat ay mababasa sa Luc 5:16; 6:12; 9:18, 28; 11:1; 23:46.

para manalangin: Si Lucas lang ang bumanggit ng detalyeng ito may kaugnayan sa pagbabagong-anyo ni Jesus. Binanggit din sa sumunod na talata na “nananalangin” si Jesus. (Luc 9:29) Ang iba pang pagkakataon na nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang nag-ulat ay mababasa sa Luc 3:21; 5:16; 6:12; 9:18; 11:1; 23:46.

madalas siyang pumunta sa liblib na mga lugar para manalangin: Isa ito sa mga pagkakataong nanalangin si Jesus na si Lucas lang ang bumanggit. (Tingnan ang study note sa Luc 3:21; 9:28.) Ang anyo ng mga pandiwang Griego na ginamit sa talatang ito ay nagpapakitang laging nananalangin si Jesus. Ang salitang Griego na isinaling “liblib na mga lugar” (eʹre·mos) ay madalas na tumutukoy sa isang disyerto o ilang, pero puwede rin itong tumukoy sa anumang “liblib na lugar.” (Mat 14:13; Mar 1:45; 6:31; Luc 4:42; 8:29) Hindi naman mapagsarili si Jesus; gustong-gusto nga niyang may kasama. (Mat 9:35, 36; Luc 8:1; 19:7-10; Ju 11:5) Pero madalas siyang bumubukod dahil mas gusto niyang kasama ang kaniyang Ama. Gusto niyang mapag-isa para malaya niyang makausap si Jehova sa panalangin.​—Mat 14:23; Mar 1:35.

kapangyarihan ni Jehova: Kyʹri·os (Panginoon) ang mababasa sa mga manuskritong Griego, pero may makatuwirang mga dahilan para gamitin sa mismong teksto ang pangalan ng Diyos. Malinaw sa konteksto na ang Kyʹri·os ay tumutukoy sa Diyos, at ang salitang Griego na dyʹna·mis, na puwedeng isaling “kapangyarihan” o “lakas,” ay ginamit sa Septuagint, kung saan ang tekstong Hebreo ay tumutukoy sa kapangyarihan, o lakas, ni Jehova at makikita ang Tetragrammaton sa konteksto.​—Aw 21:1, 13; 93:1; 118:15; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Luc 5:17.

inalis nila ang bubong . . . ibinaba nila sa butas: Ang bubong ng maraming bahay noong unang siglo sa Israel ay patag at naaakyat sa pamamagitan ng hagdan sa labas ng bahay. Hindi sinabi ni Marcos kung saan gawa ang bubong ng bahay. Pero ang mga bubong noon ay kadalasang gawa sa bigang kahoy na pinatungan ng mga sanga, tambo, at lupa, na pinalitadahan. Ang ilang bahay ay may tisa; ayon kay Lucas, “inalis ang mga tisa” ng bubong para maibaba ang lalaki. (Tingnan ang study note sa Luc 5:19.) Madali lang para sa mga kaibigan ng paralitiko na gumawa ng butas sa bubong na kasya ang higaan niya para maibaba siya sa mga tao.

inalis ang mga tisa nito, at ibinaba ang higaan ng lalaki: Ang ulat tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking paralitiko ay mababasa sa mga Ebanghelyo nina Mateo (9:1-8), Marcos (2:1-12), at Lucas. Magkakaibang detalye ang ipinapakita sa mga ulat nila. Hindi sinabi ni Mateo na idinaan sa bubong ang lalaki, pero ipinaliwanag ni Marcos na inalis ng mga kaibigan ng lalaki ang bubong, binutas ito, at ibinaba ang higaan ng lalaki. Sinabi naman ni Lucas na “inalis ang mga tisa” ng bubong para maibaba ang lalaki. (Tingnan ang study note sa Mar 2:4.) Ang salitang Griego na keʹra·mos ay puwedeng tumukoy sa “luwad,” ang materyal na ginagamit sa paggawa ng tisa, pero ang anyong pangmaramihan na ginamit dito ay posibleng tumutukoy sa mismong “tisa ng bubong.” May ebidensiya na ginagamit sa Israel noon ang mga tisa para sa bubong. Hindi natin masasabi kung ano talagang klase ng bubong ang tinutukoy sa mga ulat nina Marcos at Lucas, pero posibleng ang mga tisa ay nakalagay sa luwad na bubong o nakabaon dito. Alinman diyan ang totoo, ipinapakita lang ng mga ulat na nagsikap nang husto ang mga kaibigan ng lalaking paralitiko para madala siya kay Jesus. Ipinapakita ng mga ginawa nila kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya dahil binanggit sa tatlong ulat na ‘nakita ni Jesus ang pananampalataya nila.’​—Luc 5:20.

Nang makita ni Jesus ang pananampalataya nila: Ang paggamit ng panghalip na pangmaramihan na “nila” ay nagpapakitang nakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pananampalataya ng buong grupo, hindi lang ng paralitiko.

makita niya ang pananampalataya nila: Tingnan ang study note sa Mat 9:2.

Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.

magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—: Ipinapakita ng gatlang na huminto si Jesus sa kalagitnaan ng sinasabi niya. Pagkatapos, pinatunayan niyang totoo ang sinasabi niya sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaki sa harap ng maraming tao.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa—: Tingnan ang study note sa Mat 9:6.

Levi: Sa kaparehong ulat sa Mat 9:9, tinawag na Mateo ang alagad na ito. Kapag tinutukoy siya na dating maniningil ng buwis, ginagamit nina Marcos at Lucas ang pangalang Levi (Luc 5:27, 29), pero Mateo ang ginagamit nila kapag tinutukoy siya bilang isang apostol (Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13). Hindi sinasabi ng Kasulatan kung dati nang pangalan ni Levi ang Mateo bago pa siya maging alagad ni Jesus. Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nagsabing si Mateo Levi ay anak ni Alfeo.​—Tingnan ang study note sa Mar 3:18.

tanggapan ng buwis: Puwede itong tumukoy sa isang maliit na gusali o puwesto kung saan umuupo ang isang maniningil ng buwis para sa mga kalakal na iniluluwas o inaangkat at sa mga panindang idinaraan ng mga mangangalakal sa isang bayan. Ang tanggapan ng buwis ni Levi, na tinatawag ding Mateo, ay nasa Capernaum o malapit dito.

Maging tagasunod kita: Ang pandiwang Griego na ginamit sa paanyayang ito ay literal na nangangahulugang “lumakad sa likuran, sumunod,” pero dito, nangangahulugan itong “sumunod bilang isang alagad.”

Levi: Sa kaparehong ulat sa Mat 9:9, tinawag na Mateo ang alagad na ito. Kapag tinutukoy siya na dating maniningil ng buwis, ginagamit nina Marcos at Lucas ang pangalang Levi (Mar 2:14), pero Mateo ang ginagamit nila kapag tinutukoy siya bilang isang apostol (Mar 3:18; Luc 6:15; Gaw 1:13). Hindi sinasabi ng Kasulatan kung dati nang pangalan ni Levi ang Mateo bago pa siya maging alagad ni Jesus.​—Tingnan ang study note sa Mar 2:14.

tanggapan ng buwis: Tingnan ang study note sa Mar 2:14.

Maging tagasunod kita: Tingnan ang study note sa Mar 2:14.

maniningil ng buwis: Marami sa mga Judio ang naniningil ng buwis para sa pamahalaang Romano. Galít ang mga tao sa mga Judiong ito dahil hindi lang sila kumakampi sa mananakop nila; sobra-sobra din ang sinisingil nilang buwis. Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwan nang iniiwasan ng mga kapuwa nila Judio at itinuturing na gaya ng mga makasalanan at babaeng bayaran.—Mat 11:19; 21:32.

kumain siya: O “humilig siya sa mesa.” Ang pagkain nang sama-sama sa iisang mesa ay nagpapahiwatig ng malapít na ugnayan. Kaya noong panahon ni Jesus, halos imposibleng humilig sa mesa, o kumain, ang mga Judio kasama ng mga di-Judio.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

kumakaing: Tingnan ang study note sa Mar 2:15.

nag-aayuno: Ibig sabihin, hindi kumakain sa loob ng maikling panahon. (Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”) Hindi iniutos ni Jesus sa mga alagad niya na mag-ayuno, pero hindi rin niya sila pinagbawalan na gawin ito. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nag-aayuno ang mga Judio para ipakita ang kanilang taimtim na pagsisisi at pagpapakumbaba sa harap ni Jehova.—1Sa 7:6; 2Cr 20:3.

mag-ayuno: Tingnan ang study note sa Mat 6:16.

mga kaibigan ng lalaking ikakasal: Lit., “mga anak na lalaki ng silid-kasalan,” isang idyomang tumutukoy sa mga bisita sa kasal, lalong-lalo na sa mga kaibigan ng lalaking ikakasal.

mga kaibigan ng lalaking ikakasal: Tingnan ang study note sa Mat 9:15.

alak sa . . . sisidlang balat: Karaniwan lang noong panahon ng Bibliya na maglagay ng alak sa sisidlang gawa sa balat ng hayop. (1Sa 16:20) Gawa ito sa buong balat ng hayop, gaya ng tupa o kambing. Ang mga lumang sisidlang balat ay lumulutong at hindi na nababanat. Pero ang mga bagong sisidlang balat ay nababanat at lumalaki kaya nakakayanan nito ang pressure na dulot ng gas na inilalabas ng bagong alak habang tumatagal ito.—Tingnan sa Glosari, “Sisidlang balat.”

alak sa . . . sisidlang balat: Tingnan ang study note sa Mat 9:17.

Masarap: O posibleng “Mas masarap,” ayon sa ilang manuskrito.

Media

Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea
Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea

Dahil sa tagtuyot noong 1985/1986, bumaba ang tubig sa Lawa ng Galilea kaya lumitaw ang katawan ng isang sinaunang bangka na nakabaon sa putik. Ang labí ng bangka ay 8.2 m (27 ft) ang haba at 2.3 m (7.5 ft) ang lapad at ang pinakamataas na bahagi ay 1.3 m (4.3 ft). Ayon sa mga arkeologo, ang bangka ay mula pa noong mga unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang bangkang ito ay nakadispley sa isang museo sa Israel. Makikita sa video ang posibleng hitsura ng bangka habang naglalayag mga 2,000 taon na ang nakakalipas.

Mga Isda sa Lawa ng Galilea
Mga Isda sa Lawa ng Galilea

Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang isda, pangingisda, at mangingisda may kaugnayan sa Lawa ng Galilea. Mga 18 uri ng isda ang makikita sa Lawa ng Galilea, pero mga 10 uri lang ang hinuhuli ng mga mangingisda. Ang 10 uri na ito ay maikakategorya sa tatlong grupo kapag ibinebenta. Ang isang grupo ay ang binny, na tinatawag ding barbel (makikita rito ang Barbus longiceps) (1). Ang tatlong uri ng binny ay may balbas sa gilid ng bibig nito; kaya ang Semitikong pangalan nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Kumakain ito ng mga mollusk, susô, at maliliit na isda. Ang longheaded barbel ay umaabot nang 75 cm (30 in) at maaaring tumimbang nang mahigit 7 kg (15 lb). Ang ikalawang grupo ay tinatawag na musht (makikita rito ang Tilapia galilea) (2), na nangangahulugang “suklay” sa Arabiko, dahil ang limang uri nito ay may tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay umaabot nang mga 45 cm (18 in) at maaaring tumimbang nang mga 2 kg (4.5 lb). Ang ikatlong grupo ay ang Kinneret sardine (makikita rito ang Acanthobrama terrae sanctae) (3), na mukhang maliit na herring. Noon pa man, pinepreserba na ang isdang ito sa pamamagitan ng pagbababad sa sukà.

Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo
Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo

Ang larawang ito ay batay sa bangkang pangisda noong unang siglo na nakitang nakabaon sa putik malapit sa pampang ng Lawa ng Galilea at batay sa moseyk na nakita sa isang unang-siglong bahay sa Migdal, isang bayan na nasa baybayin. Ang ganitong bangka ay may palo at (mga) layag at malamang na may limang tripulante—apat na tagasagwan at isang timonero, na nakatayo sa maliit na kubyerta sa likurang bahagi ng bangka. Mga 8 m (26.5 ft) ang haba ng bangka, at ang gitna ay may lapad na mga 2.5 m (8 ft) at lalim na 1.25 m (4 ft). Posibleng kaya nitong magsakay ng 13 tao o higit pa.