Liham sa mga Taga-Roma 3:1-31

3  Kaya ano ang kahigitan ng Judio o ang pakinabang ng pagtutuli?  Malaki! Una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang salita ng Diyos.+  Pero paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya?  Hindi nga! Kundi mapatunayan nawang tapat ang Diyos,+ kahit pa magsinungaling ang lahat ng tao,+ gaya ng nasusulat: “Para mapatunayan kang matuwid sa iyong mga salita at magwagi ka kapag hinahatulan ka.”+  Sinasabi ng iba na dahil sa kasamaan ng tao, lalong nakikita na matuwid ang Diyos. Pero nagbabangon ito ng tanong: Nagiging di-makatarungan ba ang Diyos kapag pinaparusahan niya tayo? (Iyan ang iniisip ng ilang tao.)+  Hindi nga! Dahil kung ganiyan ang Diyos, paano niya mahahatulan ang sanlibutan?+  Kung dahil sa kasinungalingan ko ay lalong napatitingkad ang pagiging tapat ng Diyos at naluluwalhati siya, bakit hinahatulan pa rin ako bilang makasalanan?  At bakit hindi natin sabihin, gaya ng may-kasinungalingang ipinaparatang ng iba sa atin na sinasabi raw natin, “Gumawa tayo ng masama para may magandang mangyari sa atin”? Makatarungan na hatulan ang mga taong iyon.+  Kaya mas mabuti ba ang kalagayan natin? Talagang hindi! Dahil gaya ng nasabi na natin, ang mga Judio at ang mga Griego ay parehong nasa ilalim ng kasalanan;+ 10  gaya ng nasusulat: “Walang taong matuwid, wala kahit isa;+ 11  walang sinumang may kaunawaan; walang sinumang humahanap sa Diyos. 12  Ang lahat ng tao ay lumihis, lahat sila ay naging walang silbi; walang sinumang nagpapakita ng kabaitan, kahit isa man lang.”+ 13  “Ang lalamunan nila ay bukás na libingan; nanlinlang sila gamit ang kanilang dila.”+ “Kamandag ng mga aspid* ang nasa bibig nila.”+ 14  “At ang bibig nila ay punô ng pagsumpa at mapait na pananalita.”+ 15  “Ang mga paa nila ay nagmamadali para pumatay.”+ 16  “Lagi silang nagdudulot ng kapahamakan at pagdurusa, 17  at hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”+ 18  “Hindi sila natatakot sa Diyos.”+ 19  Alam na natin ngayon na lahat ng bagay sa* Kautusan ay para sa mga nasa ilalim ng Kautusan, para mapatahimik ang lahat ng bibig at maipakita na ang buong sangkatauhan ay nararapat sa parusa ng Diyos.+ 20  Kaya walang sinuman ang maipahahayag na matuwid sa harap niya sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan,+ dahil malinaw na ipinapakita sa atin ng kautusan na makasalanan tayo.+ 21  Pero naging malinaw na ngayon na puwede tayong maging matuwid sa harap ng Diyos nang hindi tumutupad sa Kautusan,+ gaya ng sinasabi sa Kautusan at mga Propeta.+ 22  Oo, lahat ng may pananampalataya ay puwedeng maging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo.+ Dahil pantay-pantay ang lahat ng tao.+ 23  Ang lahat ay nagkakasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;+ 24  pero dahil sa kaniyang walang-kapantay* na kabaitan,+ nagbigay siya ng walang-bayad na regalo+—ipinahayag niya silang matuwid sa pamamagitan ng ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila.+ 25  Iniharap siya ng Diyos bilang handog na magsisilbing pampalubag-loob+ sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugo niya.+ Ginawa ito ng Diyos para ipakita ang katuwiran niya, dahil pinatawad niya ang mga kasalanan noon habang nagtitimpi siya. 26  Ginawa niya ito para ipakita ang katuwiran niya+ sa kasalukuyan, para maging matuwid pa rin siya kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.+ 27  May dahilan ba para magyabang? Wala. Batay sa anong kautusan? Kautusan ng mga gawa?+ Hindi nga, kundi sa kautusan ng pananampalataya. 28  Dahil alam natin na ipinahahayag na matuwid ang isang tao sa pamamagitan ng pananampalataya niya at hindi dahil sa pagsasagawa ng kautusan.+ 29  Siya ba ay Diyos lang ng mga Judio?+ Hindi ba Diyos din siya ng mga tao ng ibang mga bansa?+ Oo, ng mga tao rin ng ibang mga bansa.+ 30  Ang Diyos ay iisa,+ kaya ang mga tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ dahil sa pananampalataya nila at ang mga di-tuli ay ipahahayag niyang matuwid+ sa pamamagitan ng pananampalataya nila. 31  Kung gayon, pinawawalang-bisa ba natin ang kautusan dahil sa pananampalataya natin? Hinding-hindi! Ang totoo, pinagtitibay pa natin ang kautusan.+

Talababa

Isang uri ng ahas.
Lit., “na sinasabi ng.”
O “di-sana-nararapat.”

Study Notes

unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan: O “magmumula sa mga Judio ang kaligtasan.” Ipinapakita ng sinabi ni Jesus na ipinagkatiwala sa mga Judio ang Salita ng Diyos, dalisay na pagsamba, at katotohanang aakay sa kaligtasan. (Ro 3:1, 2) Sa kanila rin magmumula ang Mesiyas, gaya ng ipinangako ng Diyos tungkol sa “supling” ni Abraham. (Gen 22:18; Gal 3:16) Noong panahong kausapin ni Jesus ang Samaritana, sa mga Judio lang malalaman ng mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos, ang mga kahilingan niya, pati na ang mga detalye tungkol sa Mesiyas. Israel pa rin ang piniling bayan ng Diyos noon, at sinumang gustong paglingkuran si Jehova ay dapat na makiisa sa bayan Niya.

ipinagkatiwala sa kanila: Sa mga Judio. (Tingnan sa Glosari, “Judio.”) Sinabi ni Moises sa Deu 29:29: ‘Ang mga bagay na isiniwalat ay ipinagkatiwala sa atin [mga Israelita] at sa mga inapo natin magpakailanman.’ Sa Aw 147:19, 20, sinabing ‘inihayag ng Diyos ang kaniyang salita sa Israel,’ pero “hindi niya iyon ginawa sa ibang bansa.” Ipinahiwatig ni Jesus na sa mga Judio ipinagkatiwala ang mensahe ng pagliligtas ng Diyos at ang tunay na pagsamba nang sabihin niya: “Unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan.” (Ju 4:22; tingnan ang study note.) Dito, idinidiin ni Pablo na sa mga Judio nga ipinagkatiwala ni Jehova ang pagsulat sa bahaging Hebreo-Aramaiko ng Kasulatan. Isa pa, ang mga Judiong alagad din ni Jesus ang sumulat sa mga aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kaya ang mga Judio ang tagapag-ingat ng kaalaman mula sa Kasulatan, at pananagutan nilang isulat ang mga aklat na bubuo sa kanon ng Bibliya.​—Tingnan ang study note sa Luc Pamagat at 24:44.

salita: O “mga sagradong kapahayagan.” Apat na beses lang lumitaw ang ekspresyong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at salin ito ng anyong pangmaramihan ng salitang Griego na loʹgi·on (maikling salita), ang pangmaliit na anyo ng loʹgos (salita). Noong una, ang loʹgi·on ay tumutukoy lang sa isang maikling sagradong kapahayagan, pero nang maglaon, tumutukoy na ito sa anumang mensahe mula sa Diyos. Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang buong Hebreong Kasulatan at lumilitaw na pati ang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na naisulat na nang panahong iyon. Ang pagsulat sa buong Kasulatan ay ipinagkatiwala sa mga Judio “habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2Pe 1:20, 21) Sa Septuagint, ang salitang loʹgi·on ay karaniwang ipinanunumbas sa mga ekspresyong Hebreo na tumutukoy sa mga kapahayagan ng Diyos, gaya sa Aw 12:6 (11:6, LXX): “Ang mga salita ni Jehova ay dalisay.”

sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit: Maliwanag na hinati-hati ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa paraang tinatanggap at naiintindihan ng mga Judio. Ang “Kautusan” (sa Hebreo, Toh·rahʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” (sa Hebreo, Nevi·ʼimʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan, kasama na ang tinatawag na Unang mga Propeta (ang mga aklat ng Bibliya mula Josue hanggang Mga Hari). Ang “mga Awit” ay ang ikatlong seksiyon, na naglalaman ng natitira pang mga aklat sa Hebreong Kasulatan at tinatawag ding Mga Akda, o Kethu·vimʹ sa Hebreo. Tinawag itong “mga Awit” dahil ito ang unang aklat sa ikatlong seksiyon. Ang terminong “Tanakh,” na tawag ng mga Judio sa Hebreong Kasulatan, ay ang pinagsama-samang unang letra ng tatlong seksiyong ito (TaNaKh). Ang paggamit ni Jesus ng tatlong terminong ito ay nagpapakita na buo na ang kanon ng Hebreong Kasulatan noong nasa lupa siya at na tinatanggap niya ito.

Lucas: Sa Griego, Lou·kasʹ, mula sa Latin na Lucas. Si Lucas, ang manunulat ng Ebanghelyong ito at ng Mga Gawa ng mga Apostol, ay isang doktor at tapat na kasamahan ni apostol Pablo. (Col 4:14; tingnan din ang “Introduksiyon sa Lucas.”) Dahil sa Griegong pangalan niya at istilo ng pagsulat, ipinapalagay ng ilan na hindi Judio si Lucas. Gayundin, sa Col 4:10-14, nang banggitin ni Pablo ang “mga kabilang sa mga tuli,” hindi niya agad binanggit si Lucas. Pero ang ganiyang palagay ay hindi kaayon ng sinasabi sa Ro 3:1, 2, na sa mga Judio “ipinagkatiwala . . . ang salita ng Diyos.” Kaya malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at may Griegong pangalan.

Hindi nga!: Salin ito ng pariralang Griego na 10 beses na ginamit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma. Isinasalin din itong “Hinding-hindi!” at “Siyempre hindi!” (Ro 3:4, 6, 31; 6:2, 15; 7:7, 13; 9:14; 11:1, 11) Ang mas literal na salin nito ay “Huwag nawang mangyari iyon kahit kailan.” Isang ekspresyon ito na nagdiriin ng negatibong sagot sa isang tanong na karaniwan nang retorikal. Nagpapahiwatig ito ng matinding pagtanggi sa isang ideya, na para bang sinasabi, “Hindi man lang iyan sumagi sa isip ko.”

mapatunayan nawang tapat ang Diyos: Ang sinabi ni Pablo na “Hindi nga!” sa simula ng talatang ito ay sagot sa tanong niya sa naunang talata: “Paano kung hindi manampalataya ang ilan? Mababale-wala na ba ang katapatan ng Diyos dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya?” Hindi nanampalataya ang karamihan sa mga Judio noon. Kitang-kita iyan nang ayaw nilang tanggapin na natutupad kay Jesus ang mga hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas. (Ro 3:21) Dahil diyan, napagmukha nila—ng mga taong pinagkatiwalaan ng Diyos ng “salita” niya (Ro 3:2)—na hindi tinupad ni Jehova ang mga pangako niya. Pero ang totoo, tinupad ni Jehova ang mga pangako niya sa pamamagitan ni Kristo. Para idiin na mapagkakatiwalaan ang Diyos, sinipi ni Pablo mula sa Septuagint ang sinabi ni Haring David: “Para mapatunayan kang [ang Diyos] matuwid sa iyong mga salita.” (Aw 51:4 [50:6, LXX]) Sa talatang iyon, inamin ni David na nagkasala siya at kinilala na ang Diyos ay tapat at matuwid. Hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya at siniraan ang Diyos. Ginamit ni Pablo ang sinabi ni David para ipakita na laging tapat ang Diyos, sinuman o gaano man karami ang kumukuwestiyon sa Kaniya.

nasa ilalim ng kasalanan: Ibig sabihin, nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Dito, ang Griegong pang-ukol na hy·poʹ, “ilalim,” ay nagpapakita ng pagiging nasa kontrol ng isang tao o isang bagay. Sa Bibliya, ang kasalanan ay inilalarawan bilang isang panginoon na umaalipin sa mga tao. (Ju 8:34; Ro 6:16-20; 7:14) Ganiyan din ang pagkakalarawan dito ni Pablo nang sabihin niyang “naghari ang kasalanan.”​—Ro 5:21.

kasalanan: Ang pangunahing terminong Griego na ginagamit sa Kasulatan para sa “kasalanan” ay ha·mar·tiʹa. Ito ang unang paglitaw ng salitang ito sa aklat ng Roma. Ang kaugnay na pandiwa nito na ha·mar·taʹno (lit., “sumala”) ay nangangahulugang “sumala sa inaasinta” o “hindi maabot ang isang tunguhin.” Halimbawa, ginagamit ng mga sekular na Griegong manunulat ang ha·mar·taʹno para tumukoy sa isang maninibat na sumala sa inaasinta nito. Ganito rin ang kahulugan ng katumbas nitong mga terminong Hebreo na chat·taʼthʹ, “kasalanan,” at cha·taʼʹ, “magkasala.” Sa Huk 20:16, ang cha·taʼʹ ay sinamahan ng isang negatibong salita para ilarawan ang mga Benjaminita na “asintado sa pagpapahilagpos ng bato at hindi nagmimintis kahit gabuhok.” Ang mga terminong Hebreo at Griego ay parehong puwedeng tumukoy sa pagkabigong maabot ang anumang tunguhin, pisikal man, moral, o intelektuwal. Pero sa Kasulatan, pangunahin nang tumutukoy ang mga ito sa kasalanan ng tao, ang pagkabigong mamuhay o kumilos ayon sa moral na mga pamantayang itinakda ng Maylalang. (Gen 39:9; 1Sa 7:6; Aw 51:4; Dan 9:8; Luc 15:18; Ro 2:12; 5:12) Sa Septuagint, karaniwan nang ipinanunumbas ang pandiwang ha·mar·taʹno sa pandiwang Hebreo na cha·taʼʹ.​—Tingnan ang study note sa Ro 3:23.

Ang lahat ay nagkakasala: Ganito rin ang punto ni Pablo sa Ro 3:9, 12; 5:12. Ang salitang Griego na isinaling hindi nakaaabot ay puwede ring isaling “kinulang; kinapos.” Nilalang ng Diyos ang mga tao “ayon sa kaniyang larawan”; binigyan niya sila ng kakayahan na maipakita ang personalidad at mga katangian niya. (Gen 1:26, 27) Pero nang sumuway sa utos ng Diyos ang unang mga tao, sina Adan at Eva (Gen 2:15-17; 3:1-6), hindi sila nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos—hindi nila naipakita ang kahanga-hangang mga katangian niya. Dahil lahat ng supling ni Adan ay nagmana ng kasalanan at ng bunga nito na kamatayan, lahat ng tao ay nagkukulang; hindi nila lubos na naipapakita ang kahanga-hangang mga katangian ng Diyos.

gaya ng nasusulat: Sa talata 10 hanggang 18, maraming sinipi si Pablo mula sa Hebreong Kasulatan para patunayang “ang mga Judio at ang mga Griego ay parehong nasa ilalim ng kasalanan.” (Ro 3:9) Sa talata 10 hanggang 12, sumipi siya mula sa Aw 14:1-3 at Aw 53:1-3; ang Ro 3:13 ay kinuha sa Aw 5:9 at Aw 140:3; ang Ro 3:14, sa Aw 10:7; ang Ro 3:15-17, sa Kaw 1:16 at Isa 59:7, 8; at ang Ro 3:18, sa Aw 36:1.​—Tingnan ang study note sa Ro 1:17.

gaya ng nasusulat: Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito (sa Griego, ka·thosʹ geʹgra·ptai, anyo ng graʹpho, “sumulat”) bago sumipi mula sa Hebreong Kasulatan. (Ro 2:24; 3:10; 4:17; 8:36; 9:13, 33; 10:15; 11:26; 15:3, 9, 21; 1Co 1:31; 2:9; 2Co 8:15) Sa liham niya sa mga taga-Roma, mahigit 50 ekspresyon ang sinipi ni Pablo mula sa Hebreong Kasulatan, at maraming beses din siyang gumamit ng mga konsepto at kahawig na pananalita mula dito.

Kautusan: Tingnan ang study note sa Ro 2:12.

sa ilalim ng kautusan . . . batay sa kautusan: Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ang mga ito ang unang dalawang paglitaw ng salitang Griego para sa “kautusan” (noʹmos). Ang ekspresyong walang kautusan sa talatang ito ay salin para sa salitang Griego na a·noʹmos. Sa kontekstong ito, ang terminong “kautusan” ay tumutukoy sa Kautusang Mosaiko, gaya ng madalas na pagkakagamit dito sa aklat ng Roma. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong “kautusan” ay puwedeng tumukoy sa (1) isang partikular na utos, (2) Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, (3) buong Hebreong Kasulatan o mga bahagi nito, o (4) isang utos na nagsisilbing prinsipyo.​—Tingnan ang study note sa Mat 5:17; Ju 10:34; Ro 8:2.

Ang ipinanganak sa laman ay laman: Dito, ang salitang Griego para sa “laman” (sarx) ay tumutukoy sa isang buháy na nilalang na may katawang laman, isang tao na may mga limitasyon.—Tingnan ang study note sa Ju 17:2.

lahat ng tao: O “lahat ng laman.” Ang ekspresyong ito ay mababasa rin sa Luc 3:6, na sinipi mula sa Isa 40:5, kung saan ginamit ang isang terminong Hebreo na kasingkahulugan nito.—Ihambing ang study note sa Ju 1:14.

sinuman: Lit., “laman.” Dito, ang salitang Griego na sarx ay tumutukoy sa isang tao, na may laman at dugo.​—Tingnan ang study note sa Ju 3:6; 17:2.

Ang lahat ay nagkakasala: Ganito rin ang punto ni Pablo sa Ro 3:9, 12; 5:12. Ang salitang Griego na isinaling hindi nakaaabot ay puwede ring isaling “kinulang; kinapos.” Nilalang ng Diyos ang mga tao “ayon sa kaniyang larawan”; binigyan niya sila ng kakayahan na maipakita ang personalidad at mga katangian niya. (Gen 1:26, 27) Pero nang sumuway sa utos ng Diyos ang unang mga tao, sina Adan at Eva (Gen 2:15-17; 3:1-6), hindi sila nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos—hindi nila naipakita ang kahanga-hangang mga katangian niya. Dahil lahat ng supling ni Adan ay nagmana ng kasalanan at ng bunga nito na kamatayan, lahat ng tao ay nagkukulang; hindi nila lubos na naipapakita ang kahanga-hangang mga katangian ng Diyos.

pantubos: Ang salitang Griego na lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, na nangangahulugang “pakawalan; palayain”) ay ginagamit ng sekular na mga Griegong manunulat para tumukoy sa bayad para makalaya ang isang alipin o para pakawalan ang mga bihag sa digmaan. Dalawang beses itong ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa Mar 10:45. Ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron na ginamit sa 1Ti 2:6 ay isinalin ding “pantubos,” na nangangahulugang halaga na katumbas ng naiwala. Ang iba pang kaugnay na salita ay ly·troʹo·mai, na nangangahulugang “palayain; tubusin” (Tit 2:14; 1Pe 1:18; pati mga tlb.), at a·po·lyʹtro·sis, na karaniwang isinasalin na “palayain sa pamamagitan ng pantubos” (Efe 1:7; Col 1:14; Heb 9:15; 11:35; Ro 3:24; 8:23).​—Tingnan sa Glosari.

ipinahayag . . . silang matuwid: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang Griego na di·kai·oʹo at ang kaugnay na mga pangngalang di·kaiʹo·ma at di·kaiʹo·sis, na karaniwang isinasaling “ipagtanggol” o “pagtatanggol,” ay pangunahin nang nangangahulugang napawalang-sala ang isa kaya siya ay ipinahahayag at itinuturing nang matuwid. Halimbawa, isinulat ni apostol Pablo na ang taong namatay ay “napawalang-sala [isang anyo ng di·kai·oʹo] na,” dahil ang kabayaran sa kasalanan ay kamatayan. (Ro 6:7, 23) Pero bukod dito, may iba pang gamit sa Kasulatan ang mga salitang Griegong ito. Ang mga ito ay puwedeng mangahulugan na itinuturing ng Diyos na walang-sala ang di-perpektong mga tao na nananampalataya sa kaniya.​—Gaw 13:38, 39; Ro 8:33.

ibinayad na pantubos ni Kristo Jesus na nagpalaya sa kanila: O “pantubos na na kay Kristo Jesus.” Ang salitang Griego na a·po·lyʹtro·sis ay kaugnay ng iba pang mga salita na ginagamit para sa pantubos.​—Tingnan ang study note sa Mat 20:28.

pagtitimpi: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang Griego na a·no·kheʹ ay dito lang lumitaw at sa Ro 3:25. Literal itong nangangahulugang “pagpipigil.” Ang kaugnay nitong pandiwang Griego ay ginamit sa ilang talata, kung saan isinalin itong “nagtitiis” at “nagpapasensiya.” (Mat 17:17; 1Co 4:12; Efe 4:2) Ginamit din ng Griegong Septuagint ang pandiwang ito para tumukoy sa pagpipigil ni Jehova. (Isa 42:14; 64:12; LXX) Sa kasaysayan ng tao, nagpakita ang Diyos ng pambihirang kabaitan, pagtitimpi, at pagtitiis sa pamumusong sa pangalan niya, pagpapahirap at pagpatay sa Anak niya, at masamang pagtrato sa kaniyang tapat na mga mananamba. Ginawa ito ng Diyos dahil ‘sinisikap niyang akayin sa pagsisisi’ ang mga tao. Ganiyan din ang sinabi ni apostol Pedro.​—2Pe 3:9.

handog na magsisilbing pampalubag-loob: O “handog na pambayad-sala; handog para sa pakikipagkasundo.” Ang salitang Griego na hi·la·steʹri·on ay isinalin ditong “handog na magsisilbing pampalubag-loob,” at ang kaugnay na salitang hi·la·smosʹ ay isinalin namang “pampalubag-loob na handog” sa 1Ju 2:2 at 4:10. Sa Kasulatan, ang mga terminong ito ay ginagamit para tumukoy sa pagbabalik ng magandang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Nang lalangin si Adan bilang isang “anak ng Diyos” sa lupa, mayroon siyang mapayapang kaugnayan sa kaniyang Maylalang. (Luc 3:38) Pero nang sumuway si Adan sa Diyos at magkasala, naiwala niya ang magandang kaugnayang ito at ang perpektong buhay niya. Naipagbili niya rin sa kasalanan at kamatayan ang mga inapo niya. (Ro 5:12) Batay sa perpektong katarungan ng Diyos, ang naiwala ay kailangang mapalitan ng eksaktong katulad nito para maibalik ang kaugnayan ng tao sa Diyos. (Exo 21:23-25; Deu 19:21) Nang ibigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang tao, naging handog ito na pampalubag-loob, dahil nasapatan nito ang matuwid at makatarungang kahilingan ni Jehova para sa pagpapatawad ng kasalanan. Kaya naman, masasabing “matuwid pa rin [ang Diyos] kahit ipinahahayag niyang matuwid ang [makasalanang] taong may pananampalataya kay Jesus.” (Ro 3:26) Dahil sa handog ni Jesus, naging posible para sa mga tao na makipagkasundo kay Jehova at maibalik ang mapayapang kaugnayan sa Kaniya. (Efe 1:7) Sa Heb 9:4, 5, ang salitang Griego na hi·la·steʹri·on ay ginamit sa pantakip ng kaban na tinatawag na “kaban ng tipan,” at isinalin itong “panakip na pampalubag-loob” o gaya ng makikita sa talababa, “lugar ng katubusan.”

pinatawad niya ang mga kasalanan noon: Nagpapatawad na si Jehova ng mga kasalanan bago pa ihain ni Jesus ang buhay niya para matubos ang mga inapo ni Adan mula sa pagiging di-perpekto, sa kasalanan, at sa kamatayan. Naging posible ito mula nang isiwalat ni Jehova na maglalaan siya ng isang “supling” na magliligtas sa mga tao na mananampalataya. (Gen 3:15; 22:18; Isa 53:5, 6, 10-12; Mat 20:28; Gal 3:19) Para sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, para na ring naihain ang pantubos, dahil buo ang tiwala niya sa kaniyang Anak na ibibigay nito ang pantubos. (Aw 40:6-8; Heb 10:7-10) Walang makakahadlang sa Diyos sa pagsasakatuparan ng layunin niya. (Bil 23:19; Isa 46:10; Tit 1:2) Kaya mapapatawad ng Diyos ang nagsisising mga makasalanan nang hindi nalalabag ang sarili niyang katarungan. (Deu 32:4; Aw 32:1, 2, 5; Isa 1:18) Maipapahayag niya ring matuwid ang tapat na mga tao nang hindi ibinababa ang pamantayan niya ng pagiging matuwid. (Gen 15:1, 6; Eze 14:14; Mat 23:35; San 2:23-25) Noong nasa lupa si Jesus bilang kinatawan ng Diyos, nakakapagpatawad din siya ng kasalanan bago pa maihain ang pantubos. Ginamit niya ang halaga ng buhay na ihahain niya para mapatawad ang mga taong may pananampalataya.​—Mat 9:2-6; Luc 7:36-50; Heb 2:9; tingnan sa Glosari, “Pantubos,” “Katuwiran.”

nagtitimpi: Tingnan ang study note sa Ro 2:4.

Media