Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang “Patotoo sa Lahat ng mga Bansa”

Isang “Patotoo sa Lahat ng mga Bansa”

Isang “Patotoo sa Lahat ng mga Bansa”

“Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—GAWA 1:8.

1. Kailan at saan unang narinig ng mga alagad ang hula na nakaulat sa Mateo 24:14?

NAPAKAPAMILYAR ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:14 anupat saulado ng karamihan sa atin ang mga ito. At talaga ngang kagila-gilalas ang hulang ito! Gunigunihin na lamang kung ano ang maaaring sumagi sa isip ng mga alagad nang una nilang marinig ito! Taóng 33 C.E. noon. Mga tatlong taon nang kasama ni Jesus ang mga alagad, at ngayon ay sumama sila sa kaniya sa Jerusalem. Nakita na nila ang kaniyang mga himala at narinig ang kaniyang mga turo. Bagaman labis nilang ikinagalak ang mahahalagang katotohanang itinuro sa kanila ni Jesus, batid nila na hindi lahat ay natutuwa. Makapangyarihan at maimpluwensiya ang mga kaaway ni Jesus.

2. Anu-anong panganib at hamon ang mapapaharap sa mga alagad?

2 Sa Bundok ng mga Olibo, apat na alagad ang nakaupong kasama ni Jesus, matamang nakikinig habang nagsasalita siya hinggil sa mga panganib at mga hamon na mapapaharap sa kanila. Bago pa nito, sinabi sa kanila ni Jesus na siya ay papatayin. (Mateo 16:21) Ngayon naman ay niliwanag niya na makararanas din sila ng malupit na pagsalansang. “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo,” ang sabi niya. “At kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” Hindi lamang iyan. Ililigaw ng mga bulaang propeta ang marami. Ang ilan ay matitisod at magkakanulo at mapopoot sa isa’t isa. Hahayaan pa nga ng ilan, sa katunayan “ng nakararami,” na lumamig ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang Salita.​—Mateo 24:9-12.

3. Bakit talagang kagila-gilalas ang mga salita ni Jesus sa Mateo 24:14?

3 Matapos banggitin ni Jesus ang negatibong mga bagay na iyon, saka niya sinabi ang pananalitang maaaring ikinamangha ng mga alagad. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Oo, ang gawaing sinimulan ni Jesus sa Israel​—ang “magpatotoo sa katotohanan”​—ay magpapatuloy at isasagawa sa buong daigdig. (Juan 18:37) Talaga ngang isang kagila-gilalas na hula! Isa nang hamon ang isakatuparan ang gawaing ito sa “lahat ng mga bansa”; lalo na ang isagawa ito sa harap ng “pagkapoot ng lahat ng mga bansa.” Sa pagsasakatuparan sa napakalaking atas na ito, madadakila hindi lamang ang soberanya at kapangyarihan ni Jehova kundi gayundin ang kaniyang pag-ibig, awa, at pagkamatiisin. Bukod diyan, magbibigay ito ng pagkakataon sa kaniyang mga lingkod na ipakita ang kanilang pananampalataya at debosyon.

4. Sino ang mga inatasang magpatotoo, at anong kaaliwan ang ibinigay ni Jesus?

4 Niliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad na may napakahalagang atas silang kailangang gawin. Bago siya umakyat sa langit, nagpakita si Jesus sa kanila at nagsabi: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sabihin pa, di-magtatagal at makakasama nila ang iba pa. Gayunpaman, kakaunti lamang ang mga alagad. Tiyak ngang nakaaaliw malaman na palalakasin sila ng makapangyarihang banal na espiritu ng Diyos upang maisakatuparan nila ang atas na ito mula sa Diyos!

5. Ano ang hindi alam ng mga alagad noon tungkol sa gawaing pagpapatotoo?

5 Alam ng mga alagad na kailangan nilang mangaral ng mabuting balita at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Ngunit hindi nila alam kung hanggang sa anong antas aabot ang gawaing pagpapatotoo, at hindi nila alam kung kailan darating ang wakas. Gayundin naman tayo. Si Jehova lamang ang nakaaalam ng mga bagay na ito. (Mateo 24:36) Kapag naisakatuparan na ang gawaing pagpapatotoo sa antas na nais ni Jehova, wawakasan niya ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Pagdating ng panahong iyon, saka lamang mauunawaan ng mga Kristiyano na naisakatuparan na ang gawaing pangangaral sa antas na nilayon ni Jehova. Malamang na hindi naisip ng sinaunang mga alagad na magiging gayon kalawak ang ibibigay na patotoo sa panahong ito ng kawakasan.

Ang Pagpapatotoo Noong Unang Siglo

6. Ano ang nangyari noong Pentecostes 33 C.E. at di-nagtagal pagkatapos nito?

6 Noong unang siglo, lubhang kamangha-mangha ang naging resulta ng pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng mga alagad. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., mga 120 alagad ang nasa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Ibinuhos sa kanila ang banal na espiritu ng Diyos, nagbigay si apostol Pedro ng nakaaantig na pahayag na nagpapaliwanag sa kahulugan ng himalang ito, at mga 3,000 ang naging mga mananampalataya at nabautismuhan. Umpisa pa lamang iyon. Sa kabila ng puspusang mga pagsisikap ng mga lider ng relihiyon na pahintuin ang pangangaral ng mabuting balita, ‘patuloy na idinaragdag ni Jehova sa mga alagad sa araw-araw yaong mga naliligtas.’ Di-nagtagal, “ang bilang ng mga lalaki ay umabot ng mga limang libo.” Pagkatapos niyan, “ang mga mananampalataya sa Panginoon ay patuloy na napaparagdag, mga karamihan na kapuwa mga lalaki at mga babae.”​—Gawa 2:1-4, 8, 14, 41, 47; 4:4; 5:14.

7. Bakit isang mahalagang pangyayari ang pagkakumberte ni Cornelio?

7 Naganap noong taóng 36 C.E. ang isa pang mahalagang pangyayari​—nakumberte at nabautismuhan si Cornelio, isang Gentil. Nang isugo ni Jehova si apostol Pedro sa taong ito na may takot sa Diyos, ipinahiwatig Niya na ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa” ay hindi limitado sa mga Judio na nasa iba’t ibang lupain. (Gawa 10:44, 45) Ano ang naging reaksiyon ng mga nangunguna? Nang mapag-unawa ng mga apostol at matatandang lalaki sa Judea na ang mabuting balita ay dadalhin din sa mga bansa​—mga di-Judio​—niluwalhati nila ang Diyos. (Gawa 11:1, 18) Samantala, patuloy na nagbunga ang gawaing pangangaral sa mga Judio. Pagkalipas ng ilang taon, malamang mga 58 C.E. noon, naparagdag sa mga mananampalatayang Gentil ang ‘ilang libong mananampalatayang Judio.’​—Gawa 21:20.

8. Paano nakaaapekto sa mga indibiduwal ang mabuting balita?

8 Bagaman kahanga-kahanga ang pagtaas ng bilang ng mga Kristiyano noong unang siglo, huwag nating kaliligtaan na ang bilang na ito ay tumutukoy sa aktuwal na mga indibiduwal. Makapangyarihan ang narinig nilang mensahe mula sa Bibliya. (Hebreo 4:12) Napakalaking pagbabago ang idinulot nito sa buhay ng mga tumanggap dito. Nilinis ng mga indibiduwal ang kanilang buhay, isinuot ang bagong personalidad, at nakipagkasundo sa Diyos. (Efeso 4:22, 23) Gayundin sa ngayon. At ang lahat ng tumatanggap sa mabuting balita ay may kamangha-manghang pag-asa na mabuhay magpakailanman.​—Juan 3:16.

Mga Kamanggagawa ng Diyos

9. Anong pribilehiyo at pananagutan ang kinilala ng sinaunang mga Kristiyano na taglay nila?

9 Hindi inangkin ng sinaunang mga Kristiyano na naging matagumpay ang pangangaral dahil sa kanila. Kinilala nila na ang kanilang gawain bilang mga ministro ay sinusuportahan ng “kapangyarihan ng banal na espiritu.” (Roma 15:13, 19) Si Jehova ang dahilan ng espirituwal na paglago. Kasabay nito, alam ng mga Kristiyanong iyon na may pribilehiyo at pananagutan silang maging “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Corinto 3:6-9) Dahil dito, kasuwato ng payo ni Jesus, nagpunyagi sila nang buong lakas sa gawaing iniatas sa kanila.​—Lucas 13:24.

10. Anong pagsisikap ang ginawa ng ilang sinaunang Kristiyano upang makapagpatotoo sa lahat ng bansa?

10 Bilang “apostol sa mga bansa,” naglakbay si Pablo nang libu-libong kilometro sa lupa at sa dagat, at nagtatag ng maraming kongregasyon sa Asia, na probinsiya ng Roma, at sa Gresya. (Roma 11:13) Naglakbay rin siya sa Roma at maaaring hanggang sa Espanya. Samantala, si apostol Pedro, na pinagkatiwalaan ng “mabuting balita . . . para roon sa mga tuli,” ay naglakbay sa kabilang direksiyon upang maglingkod sa Babilonya, isang mahalagang sentro ng Judaismo noong panahong iyon. (Galacia 2:7-9; 1 Pedro 5:13) Kabilang sa maraming iba pa na nagpagal sa gawain ng Panginoon ang mga babaing tulad nina Trifena at Trifosa. Isa pang babae, na nagngangalang Persis, ang sinasabing ‘gumawa ng maraming pagpapagal sa Panginoon.’​—Roma 16:12.

11. Paano pinagpala ni Jehova ang pagsisikap ng mga alagad?

11 Mayamang pinagpala ni Jehova ang pagsisikap nila at ng iba pang masisigasig na manggagawa. Wala pang 30 taon mula nang ihula ni Jesus na may isasagawang pagpapatotoo sa lahat ng bansa, sumulat si Pablo na ang “mabuting balita” ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.’ (Colosas 1:23) Sumapit ba noon ang wakas? Sa isang diwa, gayon nga. Sumapit ito sa Judiong sistema ng mga bagay noong taóng 70 C.E. nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem pati na ang templo. Gayunman, itinakda ni Jehova na isang mas malawak na patotoo ang ibibigay bago niya wakasan ang pandaigdig na sistema ng mga bagay ni Satanas.

Ang Patotoo na Ibinibigay sa Ngayon

12. Ano ang naging pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya noon sa utos na mangaral?

12 Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, matapos mamayani sa mahabang panahon ang relihiyosong apostasya, muling naitatag ang dalisay na pagsamba. Malinaw na naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang utos na gumawa ng mga alagad sa buong lupa. (Mateo 28:19, 20) Noong taóng 1914, mga 5,100 ang aktibong nakibahagi sa pangangaral, at nakaabot ang mabuting balita sa mga 68 lupain. Gayunman, hindi lubusang naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya noon ang ganap na kahulugan ng Mateo 24:14. Pagsapit ng huling mga taon ng ika-19 na siglo, ang Bibliya, na naglalaman ng mabuting balita, o ebanghelyo, ay naisalin at nailimbag na sa maraming wika, ng mga samahan sa paglalathala ng Bibliya, at naipamahagi na sa buong daigdig. Kaya sa loob ng ilang dekada ay naniwala ang mga Estudyante ng Bibliya na naisakatuparan na ang gawaing pagpapatotoo sa mga bansa.

13, 14. Anong mas malinaw na pagkaunawa hinggil sa kalooban at layunin ng Diyos ang iniharap sa isang isyu ng The Watch Tower noong 1928?

13 Unti-unti, tinulungan ni Jehova ang kaniyang bayan na higit na maunawaan ang kaniyang kalooban at layunin. (Kawikaan 4:18) Ganito ang sinabi ng The Watch Tower ng Disyembre 1, 1928: “Masasabi ba natin na dahil sa pamamahagi ng Bibliya ay naisakatuparan na ang hula hinggil sa pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian? Talagang hindi! Sa kabila ng pamamahaging ito ng Bibliya, ang maliit na grupong ito ng mga saksi ng Diyos sa lupa ay kailangan pa ring maglathala ng mga literatura na nagpapaliwanag sa [layunin] ng Diyos at dumalaw sa tahanan ng mga taong nabigyan ng mga Bibliyang ito. Malibang gawin ito, mananatiling walang alam ang mga tao hinggil sa pagtatatag ng Mesiyanikong pamahalaan sa ating panahon.”

14 Sinabi pa ng isyung iyan ng The Watch Tower: “Noong 1920, . . . wastong naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang hula ng Panginoon na nasa Mateo 24:14. Pagkatapos ay natanto nila na ‘ang ebanghelyong ito’ na kailangang ipangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa mga Gentil o sa lahat ng bansa, ay hindi ebanghelyo hinggil sa isang kaharian na darating pa lamang kundi isang ebanghelyo na nagsasabing ang Mesiyanikong Hari ay nagsimula nang mamahala sa lupa.”

15. Paano lumawak ang gawaing pagpapatotoo mula noong dekada ng 1920?

15 Ang “maliit na grupong ito ng mga saksi” noong dekada ng 1920 ay hindi nanatiling maliit. Nang sumunod na mga dekada, “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ang nakilala at sinimulang tipunin. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Sa ngayon, mayroong mga 6,613,829 na tagapaghayag ng mabuting balita sa 235 lupain sa lupa. Isa nga itong kamangha-manghang katuparan ng hula! Ngayon lamang naipangaral nang gayon kalawak “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” Ngayon lamang nagkaroon ng ganito karaming tapat na mga lingkod si Jehova sa lupa.

16. Ano ang naisakatuparan noong nakalipas na taon ng paglilingkod? (Tingnan ang tsart sa pahina 27-30.)

16 Sama-samang naging abala ang malaking pulutong na ito ng mga Saksi noong 2005 taon ng paglilingkod. Mahigit sa isang bilyong oras ang ginugol sa paghahayag ng mabuting balita sa 235 lupain. Milyun-milyong pagdalaw-muli ang isinagawa, at milyun-milyong pag-aaral sa Bibliya ang idinaos. Ang gawaing ito ay naisakatuparan ng mga Saksi ni Jehova, na kusang-loob na naglaan ng kanilang panahon at mga tinataglay upang maibahagi sa iba ang Salita ng Diyos. (Mateo 10:8) Sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, patuloy na pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang maisakatuparan nila ang kaniyang kalooban.​—Zacarias 4:6.

Puspusang Nagsisikap Upang Magpatotoo

17. Paano tumutugon ang bayan ni Jehova sa mga salita ni Jesus hinggil sa pangangaral ng mabuting balita?

17 Bagaman halos 2,000 taon na ang nakalilipas mula nang sabihin ni Jesus na ipangangaral ang mabuting balita, hindi nabawasan ang sigasig ng bayan ng Diyos para sa gawaing ito. Alam natin na kapag nagbabata tayo sa paggawa ng mainam, ipinakikita natin ang mga katangian ni Jehova na pag-ibig, awa, at pagkamatiisin. Tulad niya, ayaw nating mapuksa ang sinuman kundi nais nating magsisi ang mga tao at makipagkasundo sila kay Jehova. (2 Corinto 5:18-20; 2 Pedro 3:9) Dahil maningas sa espiritu ng Diyos, patuloy ang mga Saksi ni Jehova sa masigasig na paghahayag ng mabuting balita hanggang sa mga dulo ng lupa. (Roma 12:11) Bilang resulta, tinatanggap ng mga tao sa lahat ng dako ang katotohanan at sumusunod sila sa maibiging patnubay ni Jehova. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

18, 19. Anu-anong karanasan ang mailalahad mo hinggil sa ilan na positibong tumugon sa mabuting balita?

18 Si Charles ay isang magsasaka sa kanlurang Kenya. Noong 1998, nakapagbenta siya ng mahigit na 8,000 kilo ng tabako at ginawaran ng isang sertipiko na nagtanghal sa kaniya bilang ang Pinakamahusay na Tagapagtanim ng Tabako. Nang panahong iyon, nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Di-nagtagal, naunawaan niya na ang isang taong kasangkot sa produksiyon ng tabako ay lumalabag sa utos ni Jesus na ibigin ang kaniyang kapuwa. (Mateo 22:39) Nang matanto niya na ang ‘pinakamahusay na tagapagtanim ng tabako’ ay siya palang ‘pinakamahusay na mamamatay-tao,’ inispreyan ni Charles ng lason ang kaniyang mga tanim na tabako. Sumulong siya tungo sa pag-aalay at bautismo at isa na ngayong regular pioneer at ministeryal na lingkod.

19 Walang-alinlangang inuuga ni Jehova ang mga bansa sa pamamagitan ng pangglobong pagpapatotoo, at ang mga kanais-nais na bagay​—mga tao​—ay dumarating. (Hagai 2:7) Si Pedro, na nakatira sa Portugal, ay pumasok sa seminaryo noong 13 taóng gulang siya. Tunguhin niyang maging misyonero at makapagturo ng Bibliya. Gayunman, di-nagtagal ay iniwan niya ang seminaryo dahil bihirang ituro ang Bibliya sa kanilang mga klase. Pagkalipas ng anim na taon, nag-aral siya ng sikolohiya sa isang unibersidad sa Lisbon. Nakitira siya sa kaniyang tiyahin, na isang Saksi ni Jehova, at pinasigla siya nitong mag-aral ng Bibliya. Nang panahong iyon, hindi makatiyak si Pedro kung talaga nga bang umiiral ang Diyos, at hindi rin siya makapagpasiya kung mag-aaral siya ng Bibliya o hindi. Nakipag-usap siya sa kaniyang propesor sa sikolohiya hinggil sa pagiging di-makapagpasiya. Sinabi ng propesor na ayon sa sikolohiya, ang mga taong hindi makapagpasiya ay may tendensiyang pinsalain ang kanilang sarili. Dahil dito, ipinasiya ni Pedro na mag-aral ng Bibliya. Nabautismuhan siya kamakailan at nagdaraos na rin siya ngayon ng mga pag-aaral sa Bibliya.

20. Bakit tayo magagalak na gayon na lamang kalawak ang ibinibigay na patotoo sa mga bansa?

20 Hindi pa rin natin alam kung hanggang sa anong antas isasakatuparan ang gawaing pagpapatotoo sa mga bansa, ni ang araw ni oras ng pagdating ng kawakasan. Ang alam lamang natin ay malapit na ito. Nagagalak tayo na ang pangangaral ng mabuting balita sa gayon kalawak na antas ay isa lamang sa maraming palatandaan na malapit nang palitan ng Kaharian ng Diyos ang mga gobyerno ng tao. (Daniel 2:44) Sa bawat lumilipas na taon, milyun-milyon ang binibigyan ng pagkakataon upang tumugon sa mabuting balita, at ito ay lumuluwalhati sa ating Diyos na si Jehova. Maging determinasyon nawa natin na manatiling tapat at abala kasama ng ating mga kapatid sa buong daigdig sa pagpapatotoo sa lahat ng bansa. Sa paggawa nito, ililigtas natin kapuwa ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin.​—1 Timoteo 4:16.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit isang kagila-gilalas na hula ang Mateo 24:14?

• Anong pagsisikap ang ginawa ng sinaunang mga Kristiyano sa pangangaral, at anu-ano ang mga resulta?

• Ano ang naging pagkaunawa ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa pangangailangan na magpatotoo sa lahat ng bansa?

• Sa pagsasaalang-alang sa gawain ng bayan ni Jehova noong nakalipas na taon ng paglilingkod, ano ang nagustuhan mo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 27-30]

ULAT SA 2005 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang publikasyon)

[Mapa/Mga larawan sa pahina 25]

Naglakbay si Pablo nang libu-libong kilometro sa lupa at sa dagat upang ipangaral ang mabuting balita

[Larawan sa pahina 24]

Isinugo ni Jehova si Pedro para magpatotoo kay Cornelio at sa pamilya nito