Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 5:1-21

5  Alam natin na kung masira ang makalupang bahay natin, ang toldang ito,+ bibigyan tayo ng Diyos ng isang gusali, isang bahay na hindi ginawa ng mga kamay+ at mananatili nang walang hanggan sa langit.  Talagang dumaraing tayo sa bahay na ito, at gustong-gusto nating isuot ang bahay mula sa langit na para sa atin,+  para kapag naisuot na natin iyon, hindi na tayo magiging hubad.  Ang totoo, tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan, hindi dahil sa gusto natin itong hubarin, kundi dahil gusto nating isuot ang isang iyon,+ para ang mortal ay mapalitan ng buhay.+  Ang naghanda sa atin para sa mismong bagay na ito ay ang Diyos,+ na nagbigay sa atin ng espiritu bilang garantiya ng darating.+  Kaya buo ang tiwala natin at alam natin na habang ang tahanan natin ay ang katawang ito, wala tayo sa harap ng Panginoon,+  dahil lumalakad tayo ayon sa pananampalataya,+ at hindi ayon sa nakikita natin.+  Wala tayong pagdududa, at mas gusto nating manirahan kasama ng Panginoon sa halip na sa katawang ito.+  Kaya naninirahan man tayong kasama niya o wala tayo sa harap niya, tunguhin natin na maging kalugod-lugod sa kaniya. 10  Dahil tayong lahat ay dapat humarap sa luklukan ng paghatol ng Kristo, para magantihan ang bawat isa ayon sa mga ginawa niya, mabuti man o masama,+ habang nasa katawang ito. 11  Kaya dahil alam naming dapat kaming matakot sa Panginoon, patuloy kaming nanghihikayat, pero kilalang-kilala kami ng Diyos. Pero sana ay kilalang-kilala rin kami ng inyong mga konsensiya. 12  Hindi namin muling inirerekomenda sa inyo ang sarili namin, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan para ipagmalaki kami, para may maisagot kayo sa mga nagmamalaki dahil sa panlabas na anyo+ at hindi dahil sa nasa puso. 13  Kung nasisiraan kami ng bait,+ para ito sa Diyos; kung matino ang isip namin, para ito sa inyo. 14  Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin,+ dahil ito ang naunawaan namin: isang tao ang namatay para sa lahat,+ dahil namatay ang lahat. 15  At namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila,+ kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli. 16  Kaya mula ngayon, hindi na namin tinitingnan ang sinuman ayon sa pananaw ng tao.+ Kung noon ay tiningnan namin si Kristo ayon sa pananaw ng tao, hindi na gayon ang tingin namin sa kaniya ngayon.+ 17  Kaya kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya ay isang bagong nilalang;+ lumipas na ang mga lumang bagay, at may mga bagong bagay na umiral. 18  Pero ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos; ipinagkasundo niya kami sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo+ at ibinigay niya sa amin ang ministeryo ng pakikipagkasundo,+ 19  ibig sabihin, sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa sarili niya+ at hindi na niya sila pananagutin sa mga kasalanan nila,+ at ipinagkatiwala niya sa amin ang mensahe ng pakikipagkasundo.+ 20  Kung gayon, mga embahador kami+ na humahalili kay Kristo,+ na para bang nakikiusap ang Diyos sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili ni Kristo, nakikiusap kami: “Makipagkasundo kayo sa Diyos.” 21  Ang isa na walang kasalanan+ ay ginawa niyang kasalanan alang-alang sa atin, para maging matuwid tayo sa harap ng Diyos sa pamamagitan niya.+

Talababa

Study Notes

masira: Sa ilustrasyon ni Pablo kung saan inihalintulad niya sa tolda ang katawan ng tao, ang terminong Griego na ka·ta·lyʹo ay puwede ring isaling “makalas; matumba.”

ang makalupang bahay natin, ang toldang ito: Dito, ginamit ni Pablo ang toldang gawa ng tao para tumukoy sa pisikal na katawan ng mga pinahirang Kristiyano. Gaya ng tolda na pansamantala lang ang gamit at madaling masira, ang pisikal na katawan ng mga pinahirang Kristiyano ay mortal, nasisira, at pansamantala lang din. Pero “bibigyan [sila] ng Diyos ng isang gusali,” isang espiritung katawan na di-nasisira at mananatili nang walang hanggan.—1Co 15:50-53; ihambing ang 2Pe 1:13, 14; tingnan ang study note sa 2Co 5:4.

bahay: O “tirahan.” Ang salitang Griego na oi·ke·teʹri·on ay dito lang lumitaw at sa Judas 6, kung saan isinalin itong “tahanan.”

ang bahay mula sa langit na para sa atin: O “ang makalangit na bahay natin.”—Tingnan ang study note sa 2Co 5:1.

hindi na tayo magiging hubad: Alam ni Pablo na siya at ang iba pang pinahirang Kristiyano na mamamatay bago ang presensiya ni Kristo ay pansamantalang magiging “hubad.” Patay na sila bilang tao at hindi rin sila buháy bilang espiritu; tulóg sila sa Libingan. Pero kung tapat sila habang nabubuhay sila, hindi sila mananatiling “hubad” sa kamatayan. Makakaasa silang bubuhayin silang muli; ‘magsusuot’ sila ng isang espiritung katawan at ‘maninirahang kasama ng Panginoon.’—2Co 5:1-8; tingnan ang study note sa 2Co 5:4.

gusto nating isuot ang isang iyon: “Gustong-gusto” na ni Pablo at ng iba pang pinahirang Kristiyano na mabuhay-muli tungo sa langit bilang imortal na mga espiritung nilalang. (2Co 5:2) Buhay na buhay sa kanila ang pag-asang ibinigay sa kanila ng Diyos na mabuhay sa langit, pero hindi naman ibig sabihin nito na gusto na nilang mamatay. Sinabi ni Pablo na hindi nila gustong hubarin ang pisikal na katawan nila, na tinawag niyang tolda. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:1.) Ibig sabihin, hindi nila gustong mamatay para lang makaiwas sa mga sakit, pati na rin sa mga pananagutan nila at hamon sa ministeryo. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:3.) Ang pananalita ni Pablo na “gusto nating isuot ang isang iyon” ay nagpapakita lang na nananabik ang mga pinahirang Kristiyano sa magiging buhay nila sa langit. Gustong-gusto nilang paglingkuran si Jehova magpakailanman, kasama ni Kristo Jesus.—1Co 15:42-44, 53, 54; Fil 1:20-24; 2Pe 1:4; 1Ju 3:2, 3; Apo 20:6.

garantiya ng darating: O “paunang bayad.”—Tingnan ang study note sa 2Co 1:22.

lumalakad tayo ayon sa pananampalataya, at hindi ayon sa nakikita natin: Sa Bibliya, ang ekspresyong “lumakad” ay madalas na nangangahulugang “mabuhay; kumilos; sumunod sa isang partikular na paraan ng pamumuhay.” Kaya ang ‘paglakad sa pananampalataya’ ay tumutukoy sa paraan ng pamumuhay na nagpapakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at sa mga isinisiwalat niya. Sa kabilang banda, ang ‘paglakad ayon sa nakikita’ ay ang paraan ng pamumuhay na nakadepende sa kung ano lang ang nakikita ng mata. Sa kontekstong ito, ang mga pinahirang Kristiyano ang nasa isip ni Pablo. Hindi nakikita ng kanilang literal na mga mata ang gantimpala nila sa langit, pero may matibay silang basehan para manampalataya. Dapat na makita sa paraan ng pamumuhay ng lahat ng Kristiyano ang pananampalataya.

luklukan ng paghatol ng Kristo: Sa Ro 14:10, may binanggit si Pablo na “luklukan ng paghatol ng Diyos.” Pero humahatol si Jehova sa pamamagitan ng Anak niya (Ju 5:22, 27), kaya tinawag ito dito na “luklukan ng paghatol ng Kristo.” Noong panahon ng sinaunang mga Kristiyano, ang luklukan ng paghatol (sa Griego, beʹma) ay kadalasan nang isang mataas na plataporma na nasa labas at may mga baytang kung saan umuupo ang mga opisyal para sabihin sa mga tao ang pasiya nila. (Mat 27:19; Ju 19:13; Gaw 12:21; 18:12; 25:6, 10) Posibleng naalala ng mga taga-Corinto sa ekspresyong ginamit ni Pablo ang kahanga-hangang luklukan ng paghatol sa Corinto.—Tingnan sa Glosari, “Luklukan ng paghatol,” at Media Gallery, “Luklukan ng Paghatol sa Corinto.”

masama: Ang salitang Griego na isinalin ditong “masama” ay phauʹlos. Sa ilang konteksto, tumutukoy ito sa pagkakaroon ng mababang moralidad. Ipinapakita dito ni Pablo na makakapili ang mga tao kung mabuti o masama ang gagawin nila, ibig sabihin, kung susunod sila sa pamantayan ng Diyos o babale-walain nila ito.

matakot sa Panginoon: Sa kontekstong ito, ang “Panginoon” ay maliwanag na tumutukoy kay Jesu-Kristo. Sa naunang talata, sinabi ni Pablo na “tayong lahat ay dapat humarap sa luklukan ng paghatol ng Kristo.” (Tingnan ang study note sa 2Co 5:10.) Inihula ni Isaias ang tungkol sa papel ni Jesus bilang Hukom. (Isa 11:3, 4) Nagkakaroon tayo ng ‘pagkatakot sa Panginoon’ dahil sa malalim na pag-ibig at matinding paggalang kay Jehova, na nag-atas kay Jesus bilang Hukom.—Ju 5:22, 27.

kilalang-kilala kami ng: O “nahayag kami sa.” Kumbinsido si Pablo na alam ng Diyos kung anong uri siya ng tao at ang mga kasama niya. Kaya dito, umaasa si Pablo na makita rin sana ng mga taga-Corinto na mabuti ang motibo at ginagawa nila.

mga nagmamalaki dahil sa panlabas na anyo: Ang pandiwang Griego para sa “magmalaki” (kau·khaʹo·mai ) ay madalas na nagpapahiwatig ng pagtataas sa sarili. Maraming beses itong ginamit sa mga liham ni Pablo para sa mga taga-Corinto. Ipinapakita ng Bibliya na walang dahilan ang isang tao na ipagmalaki ang sarili niya o ang mga nagagawa niya. (Jer 9:23, 24) Nagbigay ng matinding payo si apostol Pablo sa kongregasyon na wala silang ibang dapat ipagmalaki kundi ang Diyos na Jehova at ang mga ginawa Niya para sa kanila.—1Co 1:28, 29, 31; 4:6, 7; 2Co 10:17.

Kung nasisiraan kami ng bait, para ito sa Diyos: Ginamit dito ni Pablo ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “mawala sa sarili.” Posibleng ang tinutukoy lang dito ni Pablo ay ang mga pagmamalaki niya sa liham na ito para ipakitang kuwalipikado siya bilang isang apostol, na kinukuwestiyon ng mga kritiko niya. (2Co 11:16-18, 23) Kahit na kuwalipikado naman talaga si Pablo, hindi siya komportableng magmalaki. Hindi niya ipinagyayabang ang sarili niya. Sa halip, ‘para iyon sa Diyos,’ para maipagtanggol ang katotohanan at maprotektahan ang kongregasyon mula sa masasamang impluwensiya. Ang totoo, matino ang isip ni Pablo; balanse ang tingin niya sa sarili niya. (Ihambing ang Gaw 26:24, 25; Ro 12:3.) Dahil sa kaniyang katinuan ng isip, nakinabang nang husto ang mga tinuruan niya, kaya masasabi niyang para ito sa inyo.

Ang pag-ibig ng Kristo: Ang pariralang Griego dito ay puwedeng mangahulugang “ang pag-ibig sa atin ni Kristo” o “ang pag-ibig natin kay Kristo.” May mga nagsasabi na parehong tama ang dalawang saling ito. Pero ipinapakita ng konteksto na ang pokus dito ay ang pag-ibig sa atin ni Kristo.—2Co 5:15.

nagpapakilos sa amin: Ang pandiwang Griego dito ay literal na nangangahulugang “hawakan” at puwedeng mangahulugang “patuloy na kontrolin ang isang tao o isang bagay; mag-udyok.” Hindi matatawaran ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo nang ibigay niya ang buhay niya para sa atin, kaya habang lumalalim ang pagpapahalaga dito ng isang Kristiyano, nauudyukan din siyang kumilos. Sa ganitong paraan nakontrol si Pablo ng pag-ibig ni Kristo. Napakilos siya nitong talikuran ang makasariling mga hangarin niya at magpokus sa paglilingkod sa Diyos at sa kapuwa niya, sa loob man o labas ng kongregasyon.—Ihambing ang study note sa 1Co 9:16.

ayon sa pananaw ng tao: Lit., “ayon sa laman.” Sa kontekstong ito, ang “laman” (sa Griego, sarx) ay tumutukoy sa mga bagay na may kaugnayan sa limitasyon ng mga tao, kasama na ang pangangatuwiran nila at ang mga nagagawa nila. (Tingnan ang study note sa Ro 3:20; 8:4.) Sinasabi dito ni Pablo na hindi dapat tingnan ng mga Kristiyano ang isa’t isa ayon sa katayuan nila sa buhay, kayamanan, lahi, bansa, o iba pang bagay na gaya nito. Namatay si Kristo para sa lahat, kaya walang halaga ang mga pagkakaibang ito. Ang mahalaga ay ang espirituwal na kaugnayan ng magkakapananampalataya.—Mat 12:47-50.

hindi na gayon ang tingin namin sa kaniya ngayon: Kung may mga Kristiyano noon na tiningnan si Jesus ayon sa pananaw ng tao—at umasang ibabalik niya ang kaharian ng likas na mga Judio—nagbago na ang pananaw nila. (Ju 6:15, 26) Naintindihan ng mga Kristiyano na ibinigay ni Jesus ang pisikal na katawan niya bilang pantubos at na isa na siya ngayong espiritung nagbibigay-buhay.—1Co 15:45; 2Co 5:15.

kaisa ni Kristo: Lit., “kay Kristo.” Ang bawat pinahirang Kristiyano ay kaisa ni Jesu-Kristo. (Ju 17:21; 1Co 12:27) Nagkaroon sila ng ganiyang espesyal na kaugnayan kay Jesus dahil inilapit sila ng Diyos sa kaniyang Anak at ipinanganak silang muli sa pamamagitan ng banal na espiritu.—Ju 3:3-8; 6:44.

siya ay isang bagong nilalang: Ang bawat pinahirang Kristiyano ay isang bagong nilalang—naging anak siya ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu at may pag-asa siyang makasama ni Kristo sa Kaharian sa langit. (Gal 4:6, 7) Walang nilalang ang Diyos na bagong pisikal na mga bagay mula nang matapos ang ikaanim na araw ng paglalang (Gen 2:2, 3), pero lumalang siya ng bagong espirituwal na mga bagay.

may mga bagong bagay na umiral: Si Jesus ang naging unang “bagong nilalang” ng Diyos nang pahiran siya ng espiritu noong bautismo niya; sa pagkakataong iyon, ipinanganak siya sa pamamagitan ng espiritu at nagkaroon ng pag-asang mabuhay-muli sa langit. Isa ring bagong nilalang ang kongregasyong Kristiyano na binubuo ni Jesus at ng mga pinahiran na kasama niyang mamamahala.—1Pe 2:9.

ipinagkasundo niya kami sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Ro 5:12) Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala. (Ro 8:7, 8) Ang mga salitang Griego para sa “makipagkasundo” at “pakikipagkasundo” ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan,”at sa kontekstong ito, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng malapít at magandang kaugnayan sa Diyos mula sa pagiging kaaway niya. Ipinapakita dito ni Pablo na ang Diyos ang unang kumilos para maipagkasundo sila (si Pablo, ang mga kasama niya, at ang lahat ng pinahirang Kristiyano) sa sarili niya sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Kristo. Pagkatapos, sinabi ni Pablo na ibinigay ng Diyos sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—Tingnan ang study note sa Ro 5:10.

ministeryo ng pakikipagkasundo: Ginagawa ang ministeryong ito para maipagkasundo ang mga tao sa Diyos “sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Ro 5:10) Kasama dito ang agarang pagsasabi sa mga taong malayo sa Diyos ng mensaheng tutulong sa kanila na magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kaniya at maging kaibigan niya.—2Co 5:18-20; para sa impormasyon tungkol sa terminong “ministeryo” (sa Griego, di·a·ko·niʹa), tingnan ang study note sa Gaw 11:29; Ro 11:13.

sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos: Sa ilang Bibliya, isinalin ang pariralang ito na “ang Diyos ay nasa loob ni Kristo, at ipinakikipagkasundo niya.” Pero napakalawak ng kahulugan ng Griegong pang-ukol na en, at dapat itong unawain ayon sa konteksto. Maliwanag sa naunang talata (2Co 5:18) na ‘ipinagkasundo tayo ng Diyos sa sarili niya sa pamamagitan ni [sa Griego, di·aʹ] Kristo.’ Kaya angkop lang na isalin ang en dito na “sa pamamagitan ni.”

ipinakikipagkasundo . . . ang isang sanlibutan sa sarili niya: Kailangang makipagkasundo ng lahat ng tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:18.) Ginawa ng Diyos ang pakikipagkasundong ito sa pamamagitan ni Kristo, o ng haing pantubos ni Jesus. (Ro 5:10; 2Co 5:21; Col 1:21, 22) Inatasan ni Jehova ang mga kaisa ni Kristo na maging “mga embahador” sa masamang mundong ito at ibinigay sa kanila “ang ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2Co 5:18, 20.

mensahe ng pakikipagkasundo: O “salita ng pakikipagkasundo.” Ang salita, o mensahe, ng Diyos para sa mga tao ay tinukoy sa iba’t ibang paraan para ipakita ang lawak, kahulugan, at iba’t ibang aspekto ng nilalaman nito. Dito, tinawag itong “mensahe ng pakikipagkasundo.” Tinawag din itong “mensahe ng Kaharian” (Mat 13:19), “mensahe ng kaligtasang ito” (Gaw 13:26), “salita ng katotohanan” (Efe 1:13), at “salita ng katuwiran” (Heb 5:13). Ipinagpapasalamat ni Pablo ang pribilehiyong ihayag ang mensahe ng pakikipagkasundo nang sabihin niyang ang mensaheng ito ay ‘ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila’—kay Pablo at sa lahat ng pinahirang Kristiyano.

mga embahador kami: Tinawag dito ni Pablo ang sarili niya at ang mga kamanggagawa niya na “mga embahador . . . na humahalili kay Kristo.” Noong panahon ng Bibliya, nagpapadala ng mga embahador at iba pang mensahero sa iba’t ibang dahilan. Halimbawa, kapag may gulo, ipinapadala ang mga embahador para makita kung puwede pang maiwasan ang digmaan o para makipagpayapaan kapag may digmaan na. (Isa 30:1-4; 33:7) Noong panahon ni Pablo, ang mga bayan, lunsod, o lalawigan ng Imperyo ng Roma ay nagpapadala ng mga embahador sa Roma para patibayin ang kaugnayan nila dito, tumanggap ng tulong, o humingi ng pabor. Dalawang beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pandiwang Griego para sa “maging embahador” (pre·sbeuʹo), dito at sa Efe 6:19, 20, kung saan tinawag ni Pablo ang sarili niya na embahador ng mabuting balita. Sa Luc 14:32 at 19:14, ang kaugnay nitong pangngalan na pre·sbeiʹa ay isinaling “grupo ng mga embahador.” Ang dalawang terminong ito ay parehong kaugnay ng salitang pre·sbyʹte·ros, na nangangahulugang “matandang lalaki.”—Mat 16:21; Gaw 11:30.

na humahalili kay Kristo: O “sa ngalan ni Kristo.” Matapos buhaying muli si Kristo tungo sa langit, ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay inatasan bilang “mga embahador . . . na humahalili kay Kristo.” Isinugo sila sa mga taong hiwalay sa Kataas-taasang Diyos na si Jehova—una ay sa mga Judio at pagkatapos ay sa ibang mga bansa. Ang mga pinahirang Kristiyano na ito ay nagsisilbing embahador sa mga taong kaaway ng Diyos. (Ju 14:30; 15:18, 19; San 4:4) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Efeso, na isinulat niya noong unang beses siyang mabilanggo sa Roma (mga 59-61 C.E.), tinawag niya ang sarili niyang “nakatanikalang embahador.”—Efe 6:20.

Ang isa na walang kasalanan: Tumutukoy kay Jesus, na hindi kailanman nagkasala. Gayunman, ginawa siya ni Jehova na “kasalanan alang-alang sa atin.” Isinaayos ni Jehova na mamatay si Jesus bilang handog para sa kasalanan ng mga tao. (Ihambing ang Lev 16:21; Isa 53:12; Gal 3:13; Heb 9:28.) Ang pariralang “ginawa[ng] kasalanan alang-alang sa atin” ay puwede ring isaling “ginawang handog para sa kasalanan natin.” Sinabi ni apostol Juan tungkol kay Jesus: “Siya ay pampalubag-loob na handog [o, “handog na pambayad-sala”] para sa mga kasalanan natin, pero hindi lang para sa atin kundi para din sa buong sangkatauhan.” (1Ju 2:2) Nakakalapit lang ang mga Israelita noon sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na hayop, pero ang mga Kristiyano ay nakakalapit sa Diyos sa pamamagitan ng handog ni Jesu-Kristo, na di-hamak na nakahihigit sa mga handog noon.—Ju 14:6; 1Pe 3:18.

para maging matuwid tayo sa harap ng Diyos sa pamamagitan niya: Ibig sabihin, sa pamamagitan ni Jesus. Posibleng ang nasa isip dito ni Pablo ay ang hula ni Isaias tungkol sa lingkod ni Jehova, ang Mesiyas, na ‘aakay sa maraming tao para magkaroon sila ng matuwid na katayuan.’—Isa 53:11.

Media