Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Hain ng Papuri na Nakalulugod kay Jehova

Mga Hain ng Papuri na Nakalulugod kay Jehova

Mga Hain ng Papuri na Nakalulugod kay Jehova

“Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.”​—Roma 12:1.

1. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa relatibong halaga ng mga hain sa ilalim ng Batas Mosaiko?

“YAMANG ang Batas ay may anino ng mabubuting bagay na darating, ngunit hindi ang mismong kalamnan ng mga bagay, hindi kailanman magagawa ng mga tao taglay ang gayunding mga hain taun-taon na kanilang patuluyang inihahandog na gawing sakdal yaong mga lumalapit.” (Hebreo 10:1) Doon, sa isang tahasang pangungusap, tiniyak ni apostol Pablo na lahat ng mga haing inihandog sa ilalim ng Batas Mosaiko ay walang namamalaging halaga kung tungkol sa kaligtasan ng tao.​—Colosas 2:16, 17.

2. Bakit hindi nawawalan ng kabuluhan ang pagsisikap na maunawaan ang detalyadong impormasyon sa Bibliya hinggil sa mga handog at mga hain ng Batas?

2 Nangangahulugan ba ito na ang impormasyong nasa Pentateuch hinggil sa mga handog at mga hain ay wala nang halaga sa mga Kristiyano sa ngayon? Sa katunayan, nito lamang mahigit na isang taong nakalipas, ang mga indibiduwal na nakatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagbasa kamakailan ng unang limang aklat ng Bibliya. Ang ilan ay nagsikap nang husto na mabasa at maunawaan ang lahat ng detalye. Nawalan ba ng kabuluhan ang lahat ng kanilang pagsisikap? Tiyak na hindi mangyayari iyan, sapagkat “ang lahat ng mga bagay na isinulat nang una ay isinulat bilang tagubilin sa atin, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kung gayon, ang tanong ay, Anong “tagubilin” at “kaaliwan” ang matitipon natin mula sa kalipunan ng mga impormasyon sa Batas hinggil sa mga handog at mga hain?

Bilang Tagubilin at Kaaliwan sa Atin

3. Anong pangunahing pangangailangan ang taglay natin?

3 Bagaman hindi tayo hinihilingan na maghandog ng literal na mga hain sa paraang itinakda ng Batas, kailangang-kailangan pa rin natin ang nagawa ng mga hain sa isang antas sa mga Israelita, samakatuwid nga’y, ang mapatawad ang ating mga kasalanan at matamasa ang paglingap ng Diyos. Yamang hindi na tayo naghahandog ng literal na mga hain, paano tayo makatatanggap ng gayong mga pakinabang? Matapos tukuyin ang mga limitasyon ng mga haing hayop, nagpahayag si Pablo: “Nang [si Jesus] ay pumarito sa sanlibutan ay kaniyang sinasabi: ‘Hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin. Hindi mo sinang-ayunan ang buong sinunog na mga handog at ang handog sa kasalanan.’ Sa gayon ay sinabi ko, ‘Narito! Ako ay pumarito (sa rolyo ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.’ ”​—Hebreo 10:5-7.

4. Paano ikinapit ni Pablo ang Awit 40:6-8 kay Jesu-Kristo?

4 Sa pagsipi sa Awit 40:6-8, tinukoy ni Pablo na si Jesus ay hindi dumating upang panatilihin ang “hain at handog,” ang “buong sinunog na mga handog at ang handog sa kasalanan,” na pawang hindi na sinasang-ayunan ng Diyos noong panahon ng pagsulat ni Pablo. Sa halip, si Jesus ay dumating taglay ang isang katawan na inihanda ng kaniyang makalangit na Ama, isa na sa bawat pitak ay katumbas ng isa na inihanda ng Diyos nang lalangin Niya si Adan. (Genesis 2:7; Lucas 1:35; 1 Corinto 15:22, 45) Bilang ang sakdal na Anak ng Diyos, taglay ni Jesus ang papel ng “binhi” ng babae, gaya ng inihula sa Genesis 3:15. Siya ay gagawa ng hakbang upang ‘sugatan si Satanas sa ulo,’ bagaman si Jesus mismo ay ‘susugatan sa sakong.’ Sa ganitong paraan, si Jesus ang naging kasangkapan na inilaan ni Jehova para sa kaligtasan ng sangkatauhan, na malaon nang hinahanap ng mga lalaking may pananampalataya mula pa noong kapanahunan ni Abel.

5, 6. Anong nakahihigit na paraan ng paglapit sa Diyos ang taglay ng mga Kristiyano?

5 Sa pagbanggit tungkol sa pantanging papel na ito na ginampanan ni Jesus, sinabi ni Pablo: “Ang isa na hindi nakakilala ng kasalanan ay ginawa [ng Diyos na] kasalanan para sa atin, upang tayo ay maging ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan niya.” (2 Corinto 5:21) Ang pananalitang “ginawa[ng] kasalanan” ay maaari ring isaling ‘ginawa bilang isang handog sa kasalanan.’ Sinabi ni apostol Juan: “Siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi para sa atin lamang kundi para sa buong sanlibutan din naman.” (1 Juan 2:2) Kaya nga, bagaman ang mga Israelita ay may pansamantalang paraan ng paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga hain, ang mga Kristiyano naman ay may isang nakahihigit na saligan sa paglapit sa Diyos​—ang hain ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6; 1 Pedro 3:18) Kung tayo’y mananampalataya sa haing pantubos na inilaan ng Diyos at susunod sa Kaniya, tayo man ay patatawarin sa ating mga kasalanan at magtatamasa ng paglingap at pagpapala ng Diyos. (Juan 3:17, 18) Hindi ba’t iyan ay pinagmumulan ng kaaliwan? Gayunman, paano natin maipakikitang taglay nga natin ang pananampalataya sa haing pantubos?

6 Matapos ipaliwanag na ang mga Kristiyano ay may nakahihigit na saligan ng paglapit sa Diyos, binalangkas ni apostol Pablo, gaya ng mababasa natin sa Hebreo 10:22-25, ang tatlong paraan na doo’y maipakikita natin ang ating pananampalataya at pagpapahalaga sa maibiging paglalaan ng Diyos. Bagaman ang payo ni Pablo ay tuwirang ipinatutungkol lamang sa mga nagtataglay ng “daan ng pagpasok sa banal na dako”​—samakatuwid nga’y, ang mga pinahirang Kristiyano na may makalangit na pagtawag​—tiyak na ang buong sangkatauhan ay nangangailangang magbigay-pansin sa kinasihang mga salita ni Pablo kung nais nilang makinabang mula sa pampalubag-loob na hain ni Jesus.​—Hebreo 10:19.

Maghandog ng mga Hain na Malinis at Walang Dungis

7. (a) Paano ipinaaaninag ng Hebreo 10:22 ang ginagawa noon sa isang hain? (b) Ano ang dapat gawin upang matiyak na ang isang hain ay kaayaaya sa Diyos?

7 Una, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano: “Lumapit tayo na may totoong mga puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang ating mga puso ay nawisikan mula sa isang balakyot na budhi at ang ating mga katawan ay napaliguan ng malinis na tubig.” (Hebreo 10:22) Ang istilo ng pananalitang ginamit dito ay walang-pagsalang nagpapaaninag ng ginawa noon sa isang tipikong hain sa ilalim ng Batas. Angkop lamang ito sapagkat para maging kaayaaya ang isang hain, dapat na ihandog ito taglay ang tamang motibo at dapat na ito’y maging isang bagay na malinis at walang dungis. Ang hayop na ihahain ay mula sa bakahan o kawan, na ang ibig sabihin ay malilinis na hayop, at “malusog,” na walang kapintasan. Kung ang hain ay mula sa mga ibon, dapat na mula iyon sa mga batu-bato o mga inakay na kalapati. Kapag nasunod ang mga kondisyong iyon, “ito ay malugod na tatanggapin para sa kaniya upang magbayad-sala para sa kaniya.” (Levitico 1:2-4, 10, 14; 22:19-25) Ang handog na butil ay walang lebadura, na sagisag ng kasiraan; ni maglalaman ito ng pulot-pukyutan, na malamang na nangangahulugan ng arnibal ng prutas, na may tendensiyang maging dahilan ng pagkasim. Kapag ang mga hain​—hayop o butil​—ay inihandog sa altar, nilalagyan ito ng asin na pampreserba.​—Levitico 2:11-13.

8. (a) Ano ang kahilingan sa taong naghahandog? (b) Paano natin matitiyak na ang ating pagsamba ay kaayaaya kay Jehova?

8 Kumusta naman ang taong naghahandog? Sinasabi ng Batas na sinumang lumalapit kay Jehova ay dapat na maging malinis at walang-dungis. Ang sinumang naging marungis sa anumang dahilan ay dapat munang maghandog ng isang handog ukol sa kasalanan o pagkakasala upang mapanauli ang kaniyang malinis na katayuan sa harap ni Jehova nang sa gayon ay maging kaayaaya sa Kaniya ang kaniyang handog na sinusunog o haing pansalu-salo. (Levitico 5:1-6, 15, 17) Kung gayon, nauunawaan ba natin ang kahalagahan ng patuloy na pagkakaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova? Kung nais nating maging kaayaaya ang ating pagsamba sa Diyos, dapat na iwasto agad natin ang anumang paglabag sa mga batas ng Diyos. Dapat na maging mabilis tayo sa pagsasamantala sa bigay-Diyos na paraan ng pagtulong​—“ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon” at ang “pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan,” si Jesu-Kristo.​—Santiago 5:14; 1 Juan 2:1, 2.

9. Ano ang isang mahalagang pagkakaiba ng mga haing inihandog kay Jehova at niyaong mga inihandog sa huwad na mga diyos?

9 Sa katunayan, ang pagdiriin sa pagiging malaya sa anumang uri ng karungisan ang siyang mahalagang pagkakaiba ng mga haing inihandog kay Jehova at niyaong mga inihandog naman sa mga huwad na diyos ng mga mamamayan ng mga bansang nakapalibot sa Israel. Bilang komento sa pagkakakilanlang katangian ng mga hain sa Batas Mosaiko, isang reperensiya ang nagsabi: “Mapapansin natin na walang kaugnayan ang panghuhula o prediksiyon; walang pagkahibang sa relihiyon, paghiwa sa sarili, o sagradong prostitusyon, lubusang ipinagbabawal ang sensuwal at malalaswang seremonya sa pag-aanak; walang paghahain ng tao; walang paghahain para sa mga patay.” Lahat ng ito’y pawang tumatawag ng pansin sa isang katotohanan: Si Jehova ay banal, at hindi niya kinukunsinti o sinasang-ayunan ang anumang uri ng kasalanan o katiwalian. (Habakuk 1:13) Ang pagsamba at mga haing iniuukol sa kaniya ay dapat na malinis at walang dungis​—sa pisikal, sa moral, at sa espirituwal.​—Levitico 19:2; 1 Pedro 1:14-16.

10. Kasuwato ng payo ni Pablo na nakaulat sa Roma 12:1, 2, anong pagsusuri-sa-sarili ang kailangan nating gawin?

10 Dahil dito, dapat nating suriing mabuti ang ating mga sarili sa lahat ng pitak ng buhay upang matiyak na ang ating paglilingkod kay Jehova ay kaayaaya sa kaniya. Hindi natin dapat isipin kailanman na hangga’t nakikibahagi tayo sa mga pulong Kristiyano at sa ministeryo, hindi na mahalaga kung anuman ang ating ginagawa sa ating pribadong buhay. Hindi rin natin dapat isipin na yamang nakikibahagi naman tayo sa gawaing Kristiyano ay maaari na tayong hindi sumunod sa mga batas ng Diyos sa ibang pitak ng ating buhay. (Roma 2:21, 22) Hindi natin maaasahan ang pagpapala at paglingap ng Diyos kung hahayaan nating mabahiran ng anumang bagay na marumi o marungis sa kaniyang paningin ang ating pag-iisip o mga gawa. Tandaan ang mga salita ni Pablo: “Namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos, mga kapatid, na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:1, 2.

Buong-Pusong Maghandog ng mga Hain ng Papuri

11. Ano ang kalakip sa pananalitang “pangmadlang pagpapahayag,” na binabanggit sa Hebreo 10:23?

11 Sa pagliham sa mga taga-Hebreo, itinawag-pansin naman ni Pablo ang isang mahalagang pitak ng tunay na pagsamba: “Panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurung-sulong, sapagkat siya na nangako ay tapat.” (Hebreo 10:23) Ang pananalitang “pangmadlang pagpapahayag” ay literal na nangangahulugang “pagtatapat,” at may binabanggit din si Pablo tungkol sa “hain ng papuri.” (Hebreo 13:15) Nagpapagunita ito sa atin ng uri ng hain na inihandog ng mga lalaking gaya nina Abel, Noe, at Abraham.

12, 13. Ano ang kinikilala ng isang Israelita kapag siya’y naghahandog ng haing sinusunog, at ano ang maaari nating gawin upang maipamalas ang gayunding espiritu?

12 Kapag ang isang Israelita ay naghahandog ng isang haing sinusunog, ito ay ginagawa “nang kusang-loob sa harap ni Jehova.” (Levitico 1:3) Sa pamamagitan ng haing iyan, kusang-loob na gumagawa siya ng pangmadlang pagpapahayag, o pagkilala, sa saganang pagpapala at maibiging-kabaitan ni Jehova sa kaniyang bayan. Tandaan na ang isang pagkakakilanlang katangian ng haing sinusunog ay na ang buong handog ay inuubos sa altar​—isang angkop na sagisag ng lubos na debosyon at pag-aalay. Sa gayunding paraan, ipinakikita natin ang ating pananampalataya sa haing pantubos at ang ating pasasalamat sa paglalaang iyan kapag ating kusang-loob at buong-pusong inihahandog ang ating “hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi,” kay Jehova.

13 Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi naghahandog ng literal na mga hain​—hayop o gulay​—sila’y may pananagutan naman na magpatotoo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sinasamantala mo ba ang mga pagkakataon upang makibahagi sa pangmadlang pagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang sa gayon ay mas marami pang tao ang makaalam tungkol sa mga kamangha-manghang bagay na inilalaan ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan? Handa ka bang gamitin ang iyong panahon at lakas sa pagtuturo sa mga interesadong tao at sa pagtulong sa kanila upang maging mga alagad ni Jesu-Kristo? Ang ating masigasig na pakikibahagi sa ministeryo, gaya ng nakagiginhawang amoy ng isang handog na sinusunog, ay talagang nakalulugod sa Diyos.​—1 Corinto 15:58.

Magalak sa Pakikisama sa Diyos at sa mga Tao

14. Paano nakakatulad ng mga salita ni Pablo sa Hebreo 10:24, 25 ang ideya ng haing pansalu-salo?

14 Pinakahuli, itinawag-pansin ni Pablo ang ating kaugnayan sa mga kapuwa Kristiyano habang sumasamba tayo sa Diyos. “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Ang mga pananalitang “upang maudyukan sa pag-ibig at mabubuting gawa,” “ang ating pagtitipon,” at “nagpapatibayang-loob sa isa’t isa” ay pawang nagpapagunita sa atin ng nagawa noon sa bayan ng Diyos ng handog na pansalu-salo sa Israel.

15. Anong pagkakatulad ang nakikita natin sa haing pansalu-salo at sa mga pulong Kristiyano?

15 Ang terminong “mga handog na pansalu-salo” ay isinasalin kung minsan bilang “mga handog ukol sa kapayapaan.” Ang salitang Hebreo para sa “kapayapaan” dito ay nasa pangmaramihan, na nangangahulugan marahil na ang pakikibahagi sa gayong mga hain ay nagbubunga ng pakikipagpayapaan sa Diyos at pakikipagpayapaan sa mga kapuwa mananamba. Hinggil naman sa haing pansalu-salo, isang iskolar ang nagsabi: “Tunay na isa itong panahon ng maligayang pakikisama sa Diyos ng Tipan, na doo’y nagpakababa Siya upang maging Panauhin ng Israel sa pagkain ukol sa paghahain, bagaman Siya palagi ang kanilang Punong-Abala.” Nagpapagunita ito sa atin ng pangako ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlong nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang gitna.” (Mateo 18:20) Sa tuwing dadalo tayo sa pulong Kristiyano, nakikinabang tayo sa nakapagpapatibay na pagsasamahan, sa nakapagpapasiglang pagtuturo, at sa pagkabatid na ang ating Panginoong Jesu-Kristo ay naroroong kasama natin. Iyan ang dahilan kung kaya ang mga pulong Kristiyano ay nagiging tunay na isang masaya at nakapagpapatibay-pananampalatayang okasyon.

16. Taglay sa isipan ang haing pansalu-salo, ano ang pantanging nagpapasaya sa mga pulong Kristiyano?

16 Sa haing pansalu-salo, lahat ng taba​—na nasa palibot ng bituka, bato, lamad ng atay, at balakang, gayundin ang matabang buntot ng tupa​—ay inihandog kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunog, na pinauusok sa ibabaw ng altar. (Levitico 3:3-16) Ang taba ay itinuturing na pinakamasustansiya at pinakamainam na bahagi ng hayop. Ang paghahandog nito sa altar ay sumasagisag sa pagbibigay kay Jehova ng pinakamainam. Ang lalong nakapagpapasaya sa mga pulong Kristiyano ay na hindi lamang tayo tumatanggap ng turo kundi pumupuri rin tayo kay Jehova. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikibahagi​—taglay ang ating mapagpakumbaba ngunit pinakamaiging pagsisikap​—sa masiglang pag-awit, matamang pakikinig, at pagkokomento hangga’t maaari. “Purihin ninyo si Jah!” bulalas ng salmista. “Umawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng papuri sa kaniya sa kongregasyon ng mga matapat.”​—Awit 149:1.

Naghihintay sa Atin ang Saganang Pagpapala Mula kay Jehova

17, 18. (a) Anong malaking hain ang inihandog ni Solomon sa pagpapasinaya ng templo sa Jerusalem? (b) Anong mga pagpapala para sa mga tao ang ibinunga ng seremonya sa pagpapasinaya ng templo?

17 Sa pagpapasinaya ng templo sa Jerusalem, sa ikapitong buwan ng taóng 1026 B.C.E., naghandog si Haring Solomon ng “isang malaking hain sa harap ni Jehova,” na binubuo ng “haing sinusunog at ang handog na mga butil at ang matatabang piraso ng mga haing pansalu-salo.” Bukod pa sa inihandog sa handog na mga butil, isang kabuuang bilang na 22,000 baka at 120,000 tupa ang inihain sa okasyong iyon.​—1 Hari 8:62-65.

18 Naguguniguni mo ba ang gastos at ang dami ng trabahong nasangkot sa napakalaking seremonyang iyon? Subalit, ang mga pagpapala naman na natanggap ng Israel ay maliwanag na makapupong sulit sa nagastos. Sa pagtatapos ng pagdiriwang, “pinayaon [ni Solomon] ang bayan; at pinasimulan nilang pagpalain ang hari at umuwi sa kanilang mga tahanan, na nagsasaya at nagagalak ang puso dahil sa lahat ng kabutihang ipinakita ni Jehova para kay David na kaniyang lingkod at para sa Israel na kaniyang bayan.” (1 Hari 8:66) Tunay nga, gaya ng pagkakasabi ni Solomon, “ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”​—Kawikaan 10:22.

19. Ano ang maaari nating gawin upang tumanggap ng malaking pagpapala mula kay Jehova ngayon at magpakailanman?

19 Tayo’y nabubuhay sa panahong ang “anino ng mabubuting bagay na darating” ay napalitan ng “mismong kalamnan ng mga bagay.” (Hebreo 10:1) Si Jesu-Kristo, sa papel ng dakilang antitipikong Mataas na Saserdote, ay pumasok na sa langit mismo at inihandog ang halaga ng kaniyang sariling dugo upang ipambayad-sala para sa lahat ng sumasampalataya sa kaniyang hain. (Hebreo 9:10, 11, 24-26) Salig sa dakilang haing iyan at sa pamamagitan ng buong-pusong paghahandog sa Diyos ng ating mga hain ng papuri na malinis at walang bahid dungis, tayo man ay maaaring humayo na “nagsasaya at nagagalak ang puso,” na umaasam sa saganang pagpapala mula kay Jehova.​—Malakias 3:10.

Paano Mo Sasagutin?

• Anong turo at kaaliwan ang matitipon natin mula sa mga impormasyong nasa Batas hinggil sa mga hain at mga handog?

• Ano ang unang kahilingan upang maging kaayaaya ang isang hain, at ano ang kahulugan nito para sa atin?

• Ano ang ating maihahandog na kahambing ng isang boluntaryong handog na sinusunog?

• Sa anong mga paraan maitutulad ang mga pulong Kristiyano sa isang handog na pansalu-salo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Inilaan ni Jehova ang haing pantubos ni Jesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan

[Larawan sa pahina 20]

Upang maging kaayaaya ang ating paglilingkod kay Jehova, dapat na malaya tayo sa anumang uri ng karungisan

[Larawan sa pahina 21]

Hayagang kinikilala natin ang kabutihan ni Jehova kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo