Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Paano Ako Magiging Matalino sa Paggamit ng Pera?

Paano Ako Magiging Matalino sa Paggamit ng Pera?

“Habang paliit nang paliit ang kita ko, palaki naman nang palaki ang mga bayarin. Hindi ako napagkakatulog sa gabi sa kaiisip kung paano ko tutustusan ang pamilya ko.”​—James.

“Para akong lumulubog sa kumunoy at hindi na makaahon.”​—Sheri.

SA HIRAP ng buhay, pangkaraniwan na lang ang ganitong mga sentimyento. Ganito ang obserbasyon ni Juan Somavia, director-general ng International Labour Office, sa kamakailang pagbagsak ng ekonomiya sa buong daigdig: “Hindi lang ito krisis sa Wall Street, krisis ito sa buong daigdig.”

Maaaring labis na mabalisa ang isa o mawalan pa nga ng pag-asa dahil sa biglang pagkawala ng trabaho o kakulangan ng badyet para sa pangunahing pangangailangan ng pamilya. May pagkakataong nadama rin ito ng manunulat ng Bibliya na si David. Nanalangin siya: “Ang mga kabagabagan ng aking puso ay dumami; mula sa aking mga kaigtingan O ilabas mo ako.” (Awit 25:17) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating panahon? Matutulungan ba tayo ng karunungang mula sa Diyos na makadama ng kapanatagan?

Karunungan sa mga Panahong Mapanganib

Inihula sa Bibliya na sa “mga huling araw” ng daigdig na ito, magkakaroon ng “mga hapdi ng kabagabagan” at sasapit ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1; Mateo 24:8) Totoong-totoo ang mga salitang iyan! Gayunman, hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Sa tulong ng Banal na Bibliya, nagbibigay ang Diyos ng karunungang kailangan natin sa panahong ito na mahirap ang buhay.

Halimbawa, tinutulungan tayo ng Bibliya na magkaroon ng tamang pangmalas sa pera. Sinasabi ng Eclesiastes 7:12: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” Oo, pananggalang ang pera, pero tanging ang karunungang mula sa Diyos, na nasa Bibliya, ang makapagbibigay ng tunay na kapanatagan sa lahat ng panahon. Tingnan ang ilang halimbawa.

Kung Paano Haharapin ang Hirap ng Buhay

Maging masikap. “Ang tamad ay nagnanasa, ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman. Gayunman, ang kaluluwa ng mga masikap ay patatabain.” (Kawikaan 13:4) Ang aral? Maging tapat at masipag na manggagawa. Ang mahuhusay na manggagawa ay pinangangalagaan ng kanilang pinagtatrabahuhan at kadalasan nang sila ang unang natatanggap at huling natatanggal sa trabaho.​—Efeso 4:28.

Tuusin ang gastusin bago bumili. Sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Bagaman tungkol ito sa ‘pagtuos sa gastusin’ ng pagiging tagasunod ni Jesus, totoo rin ito sa literal na paraan. Kaya magbadyet. Gumawa ng listahan ng mga talagang kailangan mo at ng magagastos mo.

Umiwas sa bisyo. Ang pagsusugal, paninigarilyo, pag-abuso sa droga at alkohol, at iba pang bisyo ay masama sa paningin ng Diyos.​—Kawikaan 23:20, 21; Isaias 65:11; 2 Corinto 7:1.

Iwasan ang “pag-ibig sa salapi.” (Hebreo 13:5) Ang mga umiibig sa salapi ay nagiging alipin ng kalungkutan at kahibangan. Sa diwa, ‘napagsasasaksak nila ng maraming kirot ang kanilang sarili.’ (1 Timoteo 6:9, 10) Bukod diyan, nagiging alipin sila ng sakim na pagnanasa, dahil hindi sila nakokontento gaano man karami ang taglay nila.​—Eclesiastes 5:10.

Maging kontento. “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:7, 8) Kapag kontento sa kaunti ang isa, maaaring hindi siya labis na mabalisa kapag bumagsak ang ekonomiya. Kaya mamuhay ayon lang sa kaya mo.​—Tingnan ang kahon sa kanan.

Hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat,” ang sabi ng Eclesiastes 9:11. Kaya ang matalino ay ‘naglalagak ng kaniyang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos,’ na nangangako sa mga matapat sa kaniya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”​—1 Timoteo 6:17; Hebreo 13:5.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

● Paano inilalarawan ng Bibliya ang ating panahon?​—2 Timoteo 3:1-5.

● Saan tayo makakahanap ng maaasahang payo?​—Awit 19:7.

● Paano ko mabibigyan ng matatag na kinabukasan ang aking pamilya?​—Eclesiastes 7:12.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

KUNG PAANO MAKAKATIPID

Pamimili: Gumawa ng listahan. Iwasang maging padalus-dalos sa pagbili. Magkambas. Gamitin ang mga kupon at rebates. Bumili ng mga kailangan mong gamit kapag sale o hindi mabili ang mga ito. Kung posible, bumili nang maramihan.

Gastusin sa bahay: Magbayad sa oras para makaiwas sa dagdag na singil. Magluto sa halip na kumain sa labas, at maging katamtaman sa pagkain at pag-inom ng alak. Patayin ang ilaw at iba pang appliance kapag hindi ginagamit. Hangga’t maaari, gumamit ng mga kagamitang matipid sa kuryente. Lagyan ng insulasyon ang iyong bahay. Baka makabubuti ring lumipat sa mas maliit na bahay.

Transportasyon: Mamasahe, maglakad, o magbisikleta. Kung bibili ka ng sasakyan, pumili ng matibay at matipid sa gas. Hindi naman ito kailangang bago. Kung posible, magsakay ng iba. Gawing isahan na lang ang lakad kung maraming pupuntahan. Magbakasyon kapag mura ang pamasahe at sa lugar na hindi masyadong malayo.

Telepono at paglilibang: Pareho mo bang kailangan ang telepono at cellphone? Kung may cellphone ang iyong mga anak, maaari ba nilang bawasan ang paggamit nito, o baka naman puwedeng hindi na sila mag-cellphone? Kung naka-cable kayo, puwede bang bawasan ang channel? * Manghiram ng aklat sa aklatan at umarkila ng pelikula sa halip na bumili.

[Talababa]

^ par. 26 Para sa higit pang mungkahi, tingnan ang mga artikulong “Maging Matalino sa Paggamit ng Iyong Pera” sa Gumising!, isyu ng Marso 2009, at “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makokontrol ang Aking Paggastos?” sa Gumising!, isyu ng Hunyo 2006.