Ang Makukulay na “Hill Tribe” ng Thailand
Ang Makukulay na “Hill Tribe” ng Thailand
Buháy na buháy ang mga pamilihan sa Chiang Mai. Dinudumog ng mga tao ang mga eksotikong paninda sa bangketa. Sa gitna ng ingay ng mga sasakyan, maririnig ang pakikipagtawaran ng mga mamimili sa mga tindero’t tindera. Sa bahaging ito ng hilagang Thailand, makikita ang makukulay na “hill tribe” ng Thailand.
KABILANG sa 65 milyong mamamayan ng Thailand ang mga tao mula sa 23 maliliit na grupong etniko na tinatawag na mga “hill tribe.” Ang karamihan sa mga tribong ito ay naninirahan sa hilagang Thailand, isang rehiyong may mga bundok, ilog, at mabungang libis, na umaabot sa Myanmar at Laos.
Ang karamihan ng mga tribong ito ay dumating noong nakalipas na 200 taon. Ang Karen, ang pinakamalaki sa anim na pangunahing tribo, ay mula sa Myanmar. Ang Lahu, Lisu, at Akha naman ay galing sa Yunnan, sa bulubunduking lugar sa timog-kanluran ng Tsina. At ang mga Hmong at Mien ay mula sa gitnang Tsina. *
Nandayuhan ang mga tribong ito pangunahin na para takasan ang digmaan, panggigipit sa lipunan, at away sa lupa. * At tamang-tama naman ang hilagang Thailand, dahil ito’y liblib, mabundok, at wala pang masyadong nakatira. Isa pa, pinayagan sila ng Thailand na manatili roon. Di-nagtagal, dumami ang mga pamayanan ng mga tribo na magkakatabi at may iba’t ibang kultura at wika.
Iba’t Ibang Kultura at Istilo ng Pananamit
Bawat tribo ay may kani-kaniyang istilo ng pananamit. Halimbawa, ang mga babaing Akha ay nagsusuot ng pilak na putong, na parang toreng elegante ang disenyo—may mga palawit, burda, at mga barya. Ang iba pang panakip sa ulo ay mukhang helmet na gawa sa mga piraso ng metal, at napapalamutian ng makinang na butones,
abaloryo, at mga bola. Takaw-pansin naman ang mga babaing Mien sa kanilang suot na magarang pantalon na may mga burda, na inaabot nang mga limang taon bago magawa. Pinagarbo pa ito ng magagandang turbante, tunika na hanggang bukung-bukong at may mabalahibong kuwelyo na kulay pula, at pahang kulay indigo.Bukod sa kanilang magagarbong damit, ang mga babae mula sa mga tribong ito ay may mga alahas na pilak na kumakalansing at kumikinang. Dito nalalaman ng mga kabinataan at ng mga nagmamasid kung gaano sila kayaman at kung dalaga pa sila. Ang iba pang palamuti ay maaaring gawa sa salamin, kahoy, at makapal na sinulid.
Ipinagmamalaki ng karamihan sa kanila ang kanilang kultura. Halimbawa, mas maganda ang bihis ng mga tin-edyer na Karen kapag may libing kaysa sa ibang okasyon. Bakit? Marami kasing tin-edyer ang umaasang dito nila makikilala ang kanilang magiging kabiyak. Paglubog ng araw, ang mga kabataan—lalaki at babae—ay hawak-kamay na lumilibot sa bangkay, at magdamag na umaawit ng tradisyonal na mga awit ng pag-ibig.
Ang mga tin-edyer na Hmong naman ay nagliligawan habang naglalaro kapag kapistahan ng Bagong Taon. Isang hanay ang mga binatilyo at isang hanay ang mga dalagita. Ang nagkakagustuhan ang magkaharap, at ilang hakbang ang layo nila sa isa’t isa. Pagkatapos, naghahagisan sila ng malambot na bola na gawa sa tela. Kapag hindi nasalo ng isa ang bola—sinadya man o hindi—magbibigay siya ng isang maliit na palamuti sa kaniyang kapareha. Mababawi lang ito kapalit ng isang awit. Kapag maganda ang pag-awit, maaaring maglapitan ang mga tao at lumaki ang pag-asa niya sa nagugustuhan niya.
Pagharap sa mga Pagbabago
Noon, nagkakaingin ang karamihan ng mga tribo, at kinakalbo nila ang gubat para tamnan at doon mag-alaga ng mga hayop. Dahil dito, nasisira ang kalikasan. Pero ngayon, napapangalagaan na nilang mabuti ang lupain, at maganda ang naging resulta.
Gaya ng naging buhay nila sa Golden Triangle—isang lugar na sumasakop sa ilang bahagi ng Thailand, Laos, at Myanmar—marami sa mga tribo ang nagtatanim ng opyo. Pero ngayon, sa tulong ng mga programang inilunsad ng maharlikang pamilya ng Thailand at ng mga internasyonal na ahensiya, nagtatanim na sila ng kape, gulay, prutas, at bulaklak. Marami rin sa kanila ang nagtitinda, nag-aalok ng serbisyo, at nagbebenta ng mga produktong gawa sa kamay sa parami nang paraming turista na dumadayo roon.
Nakalulungkot, apektado ang marami ng kahirapan at di-ligtas na sanitasyon. Marami rin ang hindi nakakapag-aral. Ang iba pang problema ay ang papaubos nang likas na yaman, pagbabago ng kultura, pag-aaglahi, at pag-abuso sa droga at alkohol. Hindi na ito bago, yamang ito rin ang dahilan ng kanilang mga ninuno kung bakit sila nandayuhan sa Thailand. Pero sa ngayon, saan sila puwedeng manganlong?
Isang Maaasahang Kanlungan
Nasumpungan ng marami sa kanila ang pinakamaaasahang kanlungan sa lahat—ang tunay na Diyos, si Jehova. Sa Awit 34:8, sinasabi ng Bibliya: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.” Ikinuwento ni Jawlay, isang miyembro ng tribong Lahu: “Nang ikasal ako sa edad na 19, lasenggo na ako at adik sa droga. Kung walang droga, hindi ako makapagtrabaho, at kung walang trabaho, wala akong pera. Pakiramdam tuloy ng asawa kong si Anothai, pinababayaan ko siya at hindi ko siya mahal. Lagi kaming nagbabangayan.
“Pagkasilang sa anak naming babae na si Suphawadee, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova si Anothai. Pumupunta naman ako sa gubat kapag dumadalaw ang mga Saksi. Pero nagsimulang magbago ang pag-uugali ng asawa ko. Magalang na siya sa akin at naging mas responsable sa bahay. Kaya nang yayain niya akong mag-aral ng Bibliya, pumayag ako.
“Sa tulong ng Diyos at ng Bibliya, unti-unti akong nagbago. Sa wakas, napagtagumpayan ko ang pagkaadik ko. Ngayon, maligayang-maligaya na ang pamilya ko dahil nasumpungan na namin ang pinakamainam na daan ng buhay! Masaya rin kaming ibahagi sa iba pang kabilang sa mga hill tribe ang magagandang turo ng Bibliya.”
Ang pananalita ni Jawlay ay kaayon ng hula na makikita sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, na nagsasabing sa mga huling araw ng napakasamang daigdig ngayon, ang “walang-hanggang mabuting balita” ay ihahayag “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apocalipsis 14:6) Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na isang pribilehiyong makibahagi sa gawaing iyan, na isang katibayan ng pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao, pati na sa makukulay na hill tribe ng Thailand.—Juan 3:16.
[Mga talababa]
^ par. 4 May mga tribo na hindi lang isa ang pangalan. Halimbawa, ang Mien ay tinatawag sa ibang bansa bilang Lu Mien, Mian, Yao, Dao, Zao, o Man.
^ par. 5 Marami pa rin mula sa mga tribong ito ang naninirahan sa Tsina, Vietnam, Laos, at Myanmar. Kamakailan lang, may mga nagsulputang pamayanan ng mga “hill tribe” sa Australia, Pransiya, Estados Unidos, at iba pang bansa.
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
PINAHAHABA BA NG MGA LIKAW ANG LEEG?
Maraming babaing Kayan ang kakaibang magpalamuti sa kanilang katawan. Nagsusuot sila sa kanilang leeg ng makikinang na likaw na tanso na umaabot nang 38 sentimetro ang taas. * Nagsisimula silang magsuot nito kapag mga limang taóng gulang na sila. Habang lumalaki sila, pinapalitan ang mga ito ng mas mahaba at mas mabigat na mga likaw, hanggang umabot ito nang 25 argolya na halos 13 kilo ang bigat! Sa unang tingin, aakalain mong leeg ang humahaba. Pero ang totoo, itinutulak lang pababa ng mga likaw ang kanilang balagat, anupat sinisiksik ang mga tadyang.
[Talababa]
^ par. 25 Dumating ang mga Kayan sa Thailand mula sa Myanmar, kung saan mga 50,000 pang Kayan ang naninirahan. Tinatawag silang Padaung, na ang ibig sabihin ay “Mahahabang Leeg.”
[Credit Line]
Hilltribe Museum, Chiang Mai
[Kahon sa pahina 17]
MGA ALAMAT TUNGKOL SA PANGGLOBONG BAHA
Ang mga tribong Lisu at Hmong ay may mga alamat tungkol sa pangglobong baha. Ayon sa isang alamat ng mga Hmong, ang “Panginoon ng Kalangitan” ay nagbabala sa dalawang magkapatid na lalaki na lulubog sa baha ang buong lupa. Inutusan niya ang marahas na nakatatanda na gumawa ng bakal na bangka, at ang maamong nakababata na gumawa ng kahoy na bangka. Pagkatapos, sinabi niya sa nakababata na isama nito sa bangka ang kapatid nitong babae, at magsama rin ng lalaki’t babae ng bawat uri ng hayop at dalawang buto ng bawat uri ng halaman.
Nang dumating ang baha, lumubog ang bakal na bangka, pero lumutang ang kahoy na bangka. Pinatuyo ng isang dragong hugis-bahaghari ang lupa. Sa wakas, pinakasalan ng nakababata ang kaniyang kapatid na babae, at napuno ng kanilang mga anak ang lupa. Napansin mo ba ang pagkakahawig ng alamat na ito at ng aktuwal na kuwentong nakaulat sa Banal na Bibliya sa Genesis kabanata 6 hanggang 10?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga babae mula sa hill tribe na magarbo ang damit
[Credit Line]
Hilltribe Museum, Chiang Mai
[Mga larawan sa pahina 17]
Si Jawlay at ang kaniyang pamilya
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mga larawan: Hilltribe Museum, Chiang Mai