Isang Traidor na Kaibigan
Isang Traidor na Kaibigan
Bata ka pa lang, “kaibigan” mo na siya. Dahil sa kaniya, pakiramdam mo’y malaki ka na at “in” ka sa mga kaedad mo. Kapag nai-stress ka, sa kaniya ka lumalapit para “guminhawa.” Talagang lagi mo siyang maaasahan.
Pero nang maglaon, lumabas din ang kaniyang tunay na kulay. Ang gusto niya, lagi mo siyang kasama, kahit mangahulugan pa ito na hindi ka maging katanggap-tanggap sa ilang lugar. Maaari ngang naipadama niya sa iyo na malaki ka na, pero ang totoo, unti-unti ka niyang pinapatay. At hindi lang iyan. Hinuhuthot pa niya ang suweldo mo.
Kamakailan, sinubukan mong kumalas sa kaniya, pero ayaw ka niyang pakawalan. Para bang alipin ka na niya. Sising-sisi ka na nakilala mo siya.
GANIYAN ang ugnayan sa pagitan ng sigarilyo at ng maraming naninigarilyo. Matapos maging alipin ng sigarilyo sa loob ng 50 taon, naalala ng babaing si Earline: “Mas nakakatulong pa sa akin ang sigarilyo kaysa ang ibang tao. Hindi lang siya isang matagal nang kaibigan—minsan, siya lang ang kaibigan ko.” Pero gaya ng napag-isip-isip ni Earline, ang sigarilyo ay isa palang traidor at malupit na kaibigan. Talagang tamang-tama sa kaniya ang nakasulat sa itaas. Ang ipinagkaiba lang, nang matutuhan niya na masama sa paningin ng Diyos ang paninigarilyo dahil dinurumhan nito ang katawang ibinigay Niya sa atin, inihinto niya ang kaniyang bisyo.—2 Corinto 7:1.
Isang lalaking nagngangalang Frank ang nagpasiya ring huminto sa paninigarilyo dahil gusto niyang mapaluguran ang Diyos. Pero mahigit isang araw pa lang siyang humihinto, heto’t gumagapang na siya sa ilalim ng kaniyang bahay para maghanap ng mga upos ng sigarilyo na nahulog sa mga siwang ng sahig. “Noon ako natauhan,” ang sabi ni Frank. “Isipin mo, nagkakalkal ako ng dumi para lang maghanap ng mga upos. Nakakadiri talaga. Mula noon, hindi na ako nanigarilyo.”
Bakit kaya napakahirap huminto sa paninigarilyo? Natuklasan ng mga mananaliksik ang ilang dahilan: (1) Tulad ng ipinagbabawal na gamot, ang mga produktong may tabako ay nakakaadik. (2) Ang nalalanghap na nikotina ay nakakarating sa utak sa loob lang ng pitong segundo. (3) Ang paninigarilyo ay kadalasan nang nagiging bahagi ng buhay ng isang tao—lagi itong kasama sa kainan, inuman, kuwentuhan, at iba pa; ginagawa pa nga itong pantanggal ng stress.
Pero gaya ng naging karanasan nina Earline at Frank, posibleng ihinto ang bisyong ito. Kung naninigarilyo ka at gusto mo nang huminto, maaari kang matulungan ng sumusunod na mga artikulo na makalaya sa bisyong ito.