Maligaya Ako Kahit Baldado
Maligaya Ako Kahit Baldado
Ayon sa salaysay ni José Godofredo Várguez
Ipinanganak ako na malusog at lumaking normal. Sa edad na 17, nagtrabaho ako bilang isang welder. Makalipas ang dalawang taon, nagwewelding ako malapit sa high-tension wire nang biglang umulan. Nakuryente ako at nahulog mula sa taas na 14 na metro, anupat nawalan ako ng malay. Comatose ako sa loob ng tatlong buwan. Nang magising ako, ulo ko lang ang kaya kong igalaw. Naparalisa ang aking mga kamay at paa. Pakiramdam ko’y gumuho ang daigdig ko!
SA SIMULA, galít ako sa Diyos. Itinatanong ko sa kaniya kung bakit hinayaan pa niya akong mabuhay. Tinangka ko pa ngang magpakamatay. Ilang relihiyon ang pinasok ko para gumaan ang pakiramdam ko, pero wala ni isa mang nakatulong sa akin at nakasagot sa mga tanong ko tungkol sa Diyos. Ni hindi nga nila pinasisigla ang mga tao na mamuhay ayon sa mga turo at pamantayan ng Bibliya! Nang mamatay si Inay noong 1981, natuto akong maglasing at magsugal. Iniisip ko na maaawa sa akin ang Diyos at patatawarin niya ako. Nakipag-live-in din ako sa isang babae.
Nagbago ang Pangmalas Ko
Sa edad na 37, nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova. Laging sinasabi ni Inay na sila ang pinakamasama sa lahat ng relihiyon, palibhasa’y iyon ang naririnig niya. Pero pinatuloy ko pa rin sila sa aming bahay—para ipamukha sa kanila na mali ang paniniwala nila. Iniisip kong marami akong alam sa Bibliya. Pero nagulat ako, kasi kakaunti lang pala ang alam ko! Bukod diyan, humanga ako sa kanila dahil ginamit nila ang Bibliya sa pagsagot sa lahat ng tanong ko. Sa loob-loob ko, ito na ang katotohanan!
Nakakalungkot, ayaw ng kinakasama ko sa bago kong paniniwala, kaya naghiwalay kami. Patuloy kong binago ang aking buhay at iniayon ang aking saloobin at pag-iisip sa mga turo ng Bibliya. Sa tulong ng Diyos, nawala ang negatibong kaisipan at damdaming likha ng dinanas kong aksidente—anupat sa nakalipas na 20 taon, masayang-masaya ako sa paglilingkod bilang buong-panahong
ebanghelisador. Marami ang nagtataka kung bakit masaya pa rin ako at nakakaraos sa kabila ng kalagayan ko. Siyempre, hindi naman ako namumuhay na mag-isa. Kasama ko si Ubaldo, ang aking nakababatang kapatid na lalaki na may Down syndrome. Siya man ay nag-aral ng Bibliya, at kasama kong naglilingkod kay Jehova.Nagtutulungan kami at inaalagaan ang isa’t isa. Kapag nasa ministeryo, si Ubaldo ang tagatulak ng aking silyang de-gulong at tagakatok sa pinto. At kapag kausap ko na ang may-bahay, siya ang nagbubuklat ng Bibliya at nagbibigay ng literatura. Tinutulungan din niya ako sa iba ko pang pisikal na pangangailangan. Nagtitinda naman ako ng mga kosmetik para may panggastos kami. Isa pa, ang mga Saksi ni Jehova na kasama namin sa kongregasyon ay tumutulong sa amin sa pagluluto, paglilinis ng bahay, at pagpunta sa doktor—na talagang lubos naming pinasasalamatan ni Ubaldo!
Isa akong elder sa kongregasyong Kristiyano. Lagi akong tinutulungan ng mga kapatid kapag kailangan kong magsaliksik hinggil sa mga paksa sa Bibliya. Inilalagay ko ang lapis sa aking bibig para masalungguhitan ko ang mahahalagang punto sa pinag-aaralan naming mga publikasyon.
Kapag tinatanong ng mga tao kung maligaya ako, oo lagi ang sagot ko! Bakit naman hindi? Nasumpungan ko ang tunay na kahulugan ng buhay, at inaasam-asam ko ang kamangha-manghang pangako ng Diyos sa tapat niyang mga mananamba—isang sakdal na kalusugan sa Paraiso sa lupa.—Isaias 35:5, 6; Lucas 23:43.
[Larawan sa pahina 24]
Si José sa edad na 18, isang taon bago siya maaksidente
[Larawan sa pahina 25]
Habang nasa ministeryo sa Mexico, nagtutulungan kami ng kapatid kong si Ubaldo
[Larawan sa pahina 25]
Inililipat ng isang kapuwa Saksi ang mga pahina ng aking Bibliya habang nagpapahayag ako sa Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 25]
Mga miyembro ng aming kongregasyon na tumutulong sa pagluluto at paglilinis ng bahay