Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Kumpiyansa sa Sarili?

Paano Ako Magkakaroon ng Higit na Kumpiyansa sa Sarili?

OO | HINDI

Kapag tumitingin ka sa salamin, gusto mo ba ang nakikita mo?

Sa tingin mo ba’y may talento ka?

Kaya mo bang harapin ang mga panggigipit ng iba?

Tatanggapin mo ba ang makatuwirang mga puna sa iyo?

Kaya mo bang palampasin ang mga negatibong sinasabi ng iba tungkol sa iyo?

Pakiramdam mo ba’y minamahal ka?

Iniingatan mo ba ang kalusugan mo?

Masaya ka ba para sa iba kapag nagtatagumpay sila?

Sa tingin mo ba’y matagumpay ka sa buhay?

Kung hindi ang sagot mo sa ilang tanong sa itaas, baka hindi mo lang nakikita ang magaganda mong katangian dahil wala kang kumpiyansa sa sarili. Tutulungan ka ng artikulong ito na makita ang mga ito!

MARAMING kabataan ang insecure sa kanilang hitsura at kakayahan, pati na sa ibang tao. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, hindi ka nag-iisa!

“Nasisiraan ako ng loob kapag naiisip ko ang mga kapintasan ko. Kadalasan nga, ako ang pumupuna sa sarili ko.”​—Leticia. *

“Gaano ka man kaganda o kaguwapo, makakakita’t makakakita ka ng mas may hitsura sa iyo.”​—Haley.

“Ilang na ilang ako kapag kasama ng iba. Takót ako na magmukhang walang sinabi.”​—Rachel.

Kung ganiyan din ang nadarama mo, huwag mawalan ng pag-asa. May solusyon diyan. Tingnan ang tatlong bagay na tutulong sa iyo na maging positibo at magkaroon ng higit na kumpiyansa sa sarili.

1. Makipagkaibigan

Sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Ibig sabihin, malaki ang naitutulong ng isang mabuting kaibigan kapag may problema ka. (1 Samuel 18:1; 19:2) Kapag alam mong may nagmamalasakit sa iyo, lalakas ang loob mo. (1 Corinto 16:17, 18) Kaya maging malapít sa mga taong may positibong impluwensiya sa iyo.

“Ang mga tunay na kaibigan ay magpapalakas sa iyo.”​—Donnell.

“Kung minsan, napakahalagang malaman na may tunay na nagmamalasakit sa atin. Ito ang magpapadama sa atin na mahalaga tayo.”​—Heather.

Tandaan: Tiyaking ang pinipili mong mga kaibigan ay yaong tanggap kung ano ka​—at hindi mo kailangang magpanggap para lang tanggapin nila. (Kawikaan 13:20; 18:24; 1 Corinto 15:33) Kung gagawa ka ng hindi tama para lang pahangain ang iba, bababa lang ang tingin mo sa sarili at madaramang ginamit ka.​—Roma 6:21.

Ikaw naman. Isulat sa ibaba ang pangalan ng kaibigan mo na puwedeng tumulong sa iyo na magkaroon ng higit na kumpiyansa sa sarili.

․․․․․

Bakit hindi mag-iskedyul ng panahon para makasama mo siya? Pansinin: Hindi naman kailangang kaedad mo siya.

2. Tumulong sa Iba

Sabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Ibig sabihin, kapag tumutulong ka sa iba, tinutulungan mo ang sarili mo. Paano? “Ang taong mapagbigay ay uunlad; ang nagpapaginhawa sa iba ay magiginhawahan din.” (Kawikaan 11:25, Ang Biblia​Bagong Salin sa Pilipino) Tiyak na mas mapahahalagahan mo ang sarili mo kapag tumutulong ka sa iba! *

“Iniisip ko kung ano ang magagawa ko para sa iba at sinisikap kong makatulong sa mga nangangailangan sa kongregasyon. Mas maganda ang pakiramdam ko kapag tumutulong ako sa iba.”​—Breanna.

“Malaking tulong ang ministeryong Kristiyano kasi dahil dito, mas iniisip ko ang iba kaysa sa sarili ko.”​—Javon.

Tandaan: Huwag tumulong para lang may makuhang kapalit. (Mateo 6:2-4) Hindi ito makakatulong. Kadalasan nang nahahalata ng iba kapag may iba kang motibo!​—1 Tesalonica 2:5, 6.

Ikaw naman. May natulungan ka na ba noon? Sino ang taong iyon, at ano ang naitulong mo sa kaniya?

․․․․․

Ano ang nadama mo nang matulungan mo siya?

․․․․․

Sino pa ang puwede mong tulungan? Isulat kung ano ang maitutulong mo.

․․․․․

3. Huwag Masiraan ng Loob Kapag Nagkakamali

Sabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23.

Ibig sabihin, hindi ka sakdal. Talagang may panahong makakapagsalita ka o makakagawa ng mali. (Roma 7:21-23; Santiago 3:2) Bagaman hindi mo ito maiiwasan, makokontrol mo naman ang iyong reaksiyon sa mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Pitong beses mang bumagsak ang taong matuwid, tumatayo uli siya.”​—Kawikaan 24:16, Ang Biblia​Bagong Salin sa Pilipino.

“Kung minsan, bumababa ang tingin natin sa ating sarili kapag inihahambing natin ang ating mga kapintasan sa magagandang katangian ng iba.”​—Kevin.

“Lahat tayo ay may magagandang katangian at kapintasan. Dapat nating pahalagahan ang mabubuting bagay na nagagawa natin at ituwid ang mga kapintasan.”​—Lauren.

Tandaan: Huwag gawing dahilan ang di-kasakdalan para mamihasa sa paggawa ng mali. (Galacia 5:13) Kung sinasadya mong gumawa ng mali, maiwawala mo ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova​—na siyang pinakamahalaga sa lahat!​—Roma 1:24, 28.

Ikaw naman. Isulat sa ibaba ang isang katangian na gusto mo pang pasulungin.

․․․․․

Ilagay sa tabi ng katangiang isinulat mo ang petsa ngayon. Pag-aralan kung paano ito mapapasulong, at tingnan ang pagsulong mo sa loob ng isang buwan.

Ang Iyong Tunay na Halaga

Sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” (1 Juan 3:20) Ibig sabihin, nakikita niya ang magaganda mong katangian na baka hindi mo nakikita. Pero nawawala ba ang halaga mo dahil sa iyong mga kapintasan? Ipagpalagay nang mayroon kang 100 dolyar. Itatapon mo ba ito o iisiping walang halaga dahil may punit ito? Siyempre hindi! May punit man ito, 100 dolyar pa rin ito.

Katulad iyan ng tingin ng Diyos sa iyo. Nakikita niya ang pagsisikap mong paluguran siya at pinahahalagahan niya ito, kahit sa tingin mo’y kaunti lang ang nagagawa mo. Oo, tinitiyak sa atin ng Bibliya na “ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”​—Hebreo 6:10.

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 15 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 30 Kung isa kang Saksi ni Jehova, isipin ang malaking kagalakang nadarama mo kapag ibinabahagi mo sa iba ang mensahe ng Kaharian.​—Isaias 52:7.

PAG-ISIPAN

Ano ang gagawin mo kung nasisiraan ka ng loob dahil

● Pinupuna ka ng iba?

● Sa tingin mo, mas mahusay sa iyo ang iba?

● Mga pagkakamali mo lang ang nakikita mo?

[Blurb sa pahina 27]

“May taong napakaganda, pero pakiramdam niya’y pangit siya. May tao namang hindi masyadong maganda, pero pakiramdam niya’y siya ang pinakamaganda. Depende iyan sa attitude ng isa.”​—Alyssa

[Kahon/Mga larawan sa pahina 27]

ANG SINASABI NG IBANG KABATAAN

“Kahit ang pinakamatibay na gusali ay nangangailangan ng suporta at, kung minsan, ng pagkukumpuni. Kadalasan na, ang suporta ko ay nanggagaling sa maibiging pananalita ng isang kaibigan o kahit sa isang ngiti o yakap.”

“Sa halip na kainggitan ang magagandang katangian ng iba, matuto tayo sa mga ito​—kung paanong matututo rin sila sa magaganda nating katangian.”

[Mga larawan]

Aubrey

Lauren

[Larawan sa pahina 28]

Hindi nababawasan ang halaga ng pera dahil may punit ito. Hindi rin naman nababawasan ang halaga natin sa paningin ng Diyos dahil sa ating mga kapintasan