Makontento sa Kulay ng Iyong Balat
Makontento sa Kulay ng Iyong Balat
● Para sa ilang tao sa Aprika, Timugang Asia, Caribbean, at sa Gitnang Silangan, kapag maputi ka, ang tingin nila sa iyo ay mayaman at maganda. Dahil diyan, maraming kalalakihan at kababaihan sa mga lugar na ito ang gumagamit ng mga produktong pampaputi ng balat—pero kung minsan, isinasapanganib nito ang kanilang kalusugan.
Ang ilang cream na pampaputi ng balat ay may hydroquinone, isang uri ng kemikal na nagpapahinto sa produksiyon ng melanin. Dahil dito, nababawasan ang likas na pananggalang ng balat laban sa nakasasamang ultraviolet (UV) radiation. Nanunuot sa balat ang hydroquinone, at maaari itong magdulot ng permanenteng pinsala sa mga tisyu na nagdurugtong sa balat at himaymay ng laman. Ang resulta? Maagang pangungulubot ng balat. Nakakapagdulot din ng kanser ang kemikal na ito. Ang iba namang cream ay may mercury na nakakalason din.
Ang tuluy-tuloy na paggamit ng gayong mga produkto ay maaari ding maging sanhi ng rashes at mga markang nakakapangit ng balat. Nagiging marupok din ang balat kung kaya hindi ito puwedeng tahiin kapag nahiwa. At kapag ang kemikal na mga sangkap ng ganitong mga kosmetik ay humalo sa dugo, mapipinsala nito ang atay, bato, o ang utak—o sisirain pa nga ang mga internal organ.
Kung may mga taong maitim na gustong pumuti, maraming mapuputi ang sumusubok ng kung anu-ano para lang umitim. Totoo, mabuti sa kalusugan ang katamtamang pagkahantad sa araw. Halimbawa, tumutulong ito sa produksiyon ng bitamina D. Pero nakasasama ang sobrang pagkahantad dito, lalo na kung tirik ang araw. Sa katunayan, ang pag-itim ay nagpapahiwatig na napinsala na ang balat at pilit nitong pinoprotektahan ang balat mula sa nakasasamang UV rays. Pero hindi ito sapat. Halimbawa, kahit umitim na ang balat ng isang taong maputi, hanggang apat lamang ang sun protection factor na naibibigay nito. Bagaman nakakatulong ang regular na paggamit ng sunscreen, hindi pa rin ito garantisadong proteksiyon laban sa pagkasira ng balat at ilang uri ng kanser, pati na ang melanoma.
Dahil dito, inirerekomenda ng World Health Organization na “idiin sa lahat na kailangan silang makontento sa kulay ng kanilang balat,” na “isang mahalagang hakbang para pasiglahin ang mga tao na ingatan ang kanilang balat mula sa pinsala ng sikat ng araw.” Pero para sa matatalino, ang talagang mahalaga ay ang sinasabi ng Bibliya na “lihim na pagkatao ng puso,” na di-tulad ng kumukulubot na balat, ay gumaganda at nalilinang sa paglipas ng panahon!—1 Pedro 3:3, 4; Kawikaan 16:31.