Puwede Kang Magtagumpay!
Puwede Kang Magtagumpay!
PANAHON na para “magpakalakas-loob ka at kumilos.” (1 Cronica 28:10) Anu-ano pang hakbang ang puwede mong gawin para lumaki ang tsansa mong magtagumpay?
Magtakda ng petsa. Inirerekomenda ng U.S. Department of Health and Human Services na kapag desidido ka nang huminto sa paninigarilyo, dapat na hindi lalampas sa dalawang linggo ang itatakda mong petsa ng paghinto. Sa gayo’y hindi hihina ang determinasyon mo. Markahan ang petsang iyon sa kalendaryo, sabihin sa mga kaibigan, at pangatawanan ito kahit magbago pa ang mga kalagayan.
Gumawa ng nota sa maliit na papel. Puwedeng isulat dito ang sumusunod na mga impormasyon, pati na ang iba pang bagay na magpapasidhi sa iyong determinasyon:
● Mga dahilan kung bakit ka hihinto
● Numero ng telepono ng mga taong tatawagan mo kapag natutukso kang manigarilyo
● Mga simulain—kasama na marahil ang mga teksto sa Bibliya gaya ng Galacia 5:22, 23—na tutulong sa iyo na maabot ang tunguhin mo
Dalhin lagi ang papel na ito, at basahin nang ilang beses bawat araw. Kahit huminto ka na, repasuhin ang notang ito tuwing natutukso kang manigarilyo.
Unti-unting kumalas. Bago pa ang itinakda mong petsa ng paghinto, unti-unti nang alisin ang mga bagay na nauugnay sa paninigarilyo mo. Halimbawa, kung naninigarilyo ka pagkagising sa umaga, ipagpaliban nang isang oras o higit pa ang paninigarilyo. Kung naninigarilyo ka habang kumakain o agad-agad pagkakain, iwasan na ito. Umiwas sa mga lugar na may naninigarilyo. At sabihin nang malakas kapag nag-iisa ka: “Salamat, pero hindi na ako naninigarilyo.” Ang gayong mga hakbang ay malaking tulong habang hinihintay mo ang petsa ng paghinto mo. Magsisilbi rin itong paalaala na kaunting panahon na lang at malaya ka na sa bisyong ito.
Maghanda. Habang papalapit ang petsa ng paghinto mo, maghanda ng mga pamalit sa sigarilyo: karot, gum, mani, at iba pa. Ipaalaala sa iyong mga kaibigan at kapamilya ang petsa ng paghinto mo at kung paano ka nila matutulungan. Isang araw bago ang petsang iyon, itapon ang mga ashtray, lighter, at iba pang bagay na maaaring makatukso sa iyo na manigarilyo—gaya ng sigarilyo sa iyong bahay, kotse, bulsa, o sa iyong pinagtatrabahuhan. Siyempre pa, mas madali kang matutuksong manigarilyo kung nasa drower lang ang sigarilyo kaysa kung manghihingi ka pa o bibili! Bukod diyan, huwag magsawa sa pananalangin sa Diyos, lalo na kapag huminto ka na.—Lucas 11:13.
Napakarami nang “kumalas” sa kanilang traidor at malupit na kaibigan, ang sigarilyo. Magagawa mo rin iyan. Mas mabuting kalusugan at maginhawang pakiramdam ang naghihintay sa iyo.
[Larawan sa pahina 9]
Dalhin lagi ang papel na ito, at basahin nang madalas sa maghapon