Humingi ng Tulong
Humingi ng Tulong
“Kung may makapananaig sa nag-iisa, ang dalawang magkasama ay makapaninindigan laban sa kaniya.”—Eclesiastes 4:12.
KAPAG may tumutulong sa atin, malaki ang tsansa nating magtagumpay sa sinuman o anumang kalaban. Kaya kung gusto mong magtagumpay laban sa bisyo ng paninigarilyo, makabubuting humingi ng tulong sa iyong mga kapamilya at kaibigan—o sa sinumang tunay na nagmamalasakit.
Baka puwede kang humingi ng payo sa mga huminto na sa bisyong ito. Bukod sa mauunawaan ka nila, makakatulong din sila. “Malaking bagay sa akin ang suporta ng iba,” ang sabi ni Torben, isang Kristiyano sa Denmark. Si Abraham, na nagtatrabaho sa India, ay sumulat: “Ang tunay na pagmamahal na ipinakita ng pamilya ko at ng mga kapuwa Kristiyano ay nakatulong sa akin na huminto sa paninigarilyo.” Pero kung minsan, hindi pa rin sapat ang suporta ng mga kapamilya at kaibigan.
“Nanigarilyo ako sa loob ng 27 taon,” ang sabi ng lalaking si Bhagwandas, “pero dahil nalaman ko ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa maruruming bisyo, nagpasiya akong huminto. Una, binawasan ko ang hinihithit kong sigarilyo. Nagbago rin ako ng mga kasama. Pagkatapos, humingi ako ng payo. Pero walang umubra. Hanggang isang gabi, ibinulalas ko sa Diyos na Jehova ang laman ng puso ko at nagmakaawa sa kaniya na tulungan akong huminto. Sa wakas, nagtagumpay rin ako!”
Ang isa pang mahalagang bagay na dapat gawin ay maghanda para sa mga posibleng balakid. Anu-ano ang mga ito? Nasa susunod na artikulo ang sagot.
[Kahon sa pahina 5]
DAPAT KA BANG GUMAMIT NG GAMOT?
Bilyun-bilyong dolyar ang kinikita ng mga gumagawa ng gamot, gaya ng nicotine patch, na tumutulong sa mga naninigarilyo na huminto. Pero bago ka magpasiyang gumamit ng gamot, tingnan ang sumusunod na mga tanong:
Ano ang mga pakinabang? Maraming terapi ang sinasabing makakatulong nang malaki sa paghinto sa paninigarilyo dahil binabawasan nito ang mga withdrawal symptom. Pero hindi pa rin tiyak kung magiging pangmatagalan ang bisa ng mga ito.
Ano ang mga panganib? Ang ilang gamot ay maaaring may mga side effect gaya ng pagduduwal, depresyon, at pag-iisip na magpatiwakal. Tandaan din na ang mga nicotine-replacement therapy ay nagbibigay rin ng nikotina—sa ibang anyo nga lang—kaya naroon pa rin ang mga panganib sa kalusugan. Ang totoo, ang mga gumagamit nito ay naaadik pa rin.
Ano ang mga alternatibo? Sa isang surbey, 88 porsiyento ng mga nakahinto agad sa paninigarilyo ang nagsabing nagtagumpay sila nang hindi gumagamit ng gamot.