Takam na Takam sa Pizza

Takam na Takam sa Pizza

Takam na Takam sa Pizza

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA

AYON sa kuwento, nagkunwaring pangkaraniwang tao si Haring Ferdinand I (1751–1825) nang magpunta siya sa isang mahirap na lugar sa Naples. Bakit? Sa isang bersiyon ng kuwento, gustung-gusto kasi niyang makakain ng pagkaing ipinagbawal ng reyna sa maharlikang korte​—ang pizza.

Kung buháy ngayon si Ferdinand, hindi niya magiging problema ang pagkain ng pizza. Sa kasalukuyan, may mga 30,000 tindahan ng pizza sa Italya, at napakarami nilang ginagawang pizza taun-taon​—45 pizza para sa bawat isang tagaroon!

Pagkain ng Mahihirap Noon

Malamang na naimbento ang pizza sa Naples noong mga 1720. Nang panahong iyon, karaniwang pagkain ng mahihirap ang pizza, isang “fast food” na ipinagbibili at kinakain sa kalye. Ang mga nagtitinda ay lumilibot sa mga kalye at sumisigaw para ilako ang kanilang masarap na paninda. Para manatiling mainit, inilalagay ang pizza sa scudo, isang tansong mangkok na sunung-sunong ng mga nagtitinda.

Nang maglaon, inamin din ni Haring Ferdinand I sa maharlikang korte na takam na takam siya sa pizza. Biglang pumatok ang masarap na pagkaing ito na itinitinda sa kalye anupat dinumog maging ng mayayaman at maharlika ang mga tindahan ng pizza. Ang apo ni Ferdinand na si Haring Ferdinand II ay nagpatayo pa nga ng pugon sa hardin ng Palasyo ng Capodimonte noong 1832. Kaya naman napasasaya niya ang mga bisita niyang mayayaman.

Pizza​—Masustansiya?

Mahilig sa pizza ang mga kabataan sa ngayon, pero kailangan ang pag-iingat. Para masabing masustansiya ang pizza, dapat na gawa ito sa nakapagpapalusog na mga sangkap na balanse sa carbohydrate, protina, at taba at mayaman sa bitamina, mineral, at amino acid. Inirerekomendang sangkap ng pizza ang langis ng olibo. Tumutulong ito sa katawan para makagawa ng HDL, na tinatawag na “good cholesterol na nakatutulong sa paglilinis ng mga arterya.”

Bukod diyan, kapag husto ang pagkakaluto ng pizza, malayong hindi matunawan ang kakain nito. Ang isang dahilan ay sapagkat nakakakuha ng sapat na tubig ang carbohydrate ng harina sa panahon ng pagmamasa at pagpapaalsa. Bukod diyan, dahil mayroon itong complex carbohydrate, madaling mabubusog ang kumakain nito, kaya hindi masosobrahan ng kain maging ang mga taong napakahilig sa pizza.

Sa susunod na pagkakataong pagbigyan mo ang pananabik mo sa pizza, alalahanin na pagkain lamang ito ng mahihirap noon. Buti na lang, hindi pinanatiling sekreto ni Haring Ferdinand I na gustung-gusto niya ng pizza.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

◼ Ang pizza na niluto sa pugon ang pinakamasarap. Pinababango ito ng usok sa pugon, samantalang ang manipis na abo sa ilalim ng pizza ang nagpapasarap dito.

◼ Ang pinakamalaking bilog na pizza sa buong daigdig ay ginawa noong 1990. Mahigit 37 metro ang diyametro nito at tumitimbang nang mahigit 12,000 kilo!

◼ Ang napakatagal nang kaugalian na paghahagis ng minamasang harina ng pizza at pagpapaikot nito sa ere ay hindi lamang pagpapakitang-gilas. Dahil sa pagpapaikot na ito, ang masa ay nagiging hugis plato na medyo maumbok ang gilid​—tamang-tama para sa pizza!

[Buong-pahinang larawan sa pahina 26]