Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Banal na Espiritu?

Ano ang Banal na Espiritu?

Ano ang Banal na Espiritu?

MINSAN ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sinong ama sa inyo, na kapag ang kaniyang anak ay humingi ng isda, ang marahil ay magbibigay sa kaniya ng serpiyente sa halip na isda? O kapag humingi rin siya ng itlog ay magbibigay sa kaniya ng alakdan?” (Lucas 11:11, 12) Alam na alam ng mga bata sa Galilea ang gusto nila​—itlog at isda.

Sinabi ni Jesus na dapat nating paulit-ulit na hingin ang banal na espiritu, gaya ng gutóm na batang humihingi ng pagkain. (Lucas 11:9, 13) Kapag nalaman natin kung ano talaga ang banal na espiritu, tutulong ito sa atin na maunawaan kung gaano ito kahalaga sa ating buhay. Kaya suriin muna natin kung ano ang itinuturo sa atin ng Bibliya tungkol sa banal na espiritu.

“Ang Kapangyarihan ng Kataas-taasan”

Malinaw na sinasabi ng Kasulatan na ang banal na espiritu ay puwersa na ginagamit ng Diyos para isakatuparan ang kaniyang kalooban. Ganito ang sinabi ng anghel Gabriel sa birheng si Maria nang ipahayag niya na magkakaanak ito: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Gabriel na may kaugnayan ang banal na espiritu sa “kapangyarihan ng Kataas-taasan.”

Makikita rin natin sa ibang bahagi ng Bibliya ang ideyang iyan. Sinabi ni propeta Mikas: “Ako naman ay napuspos ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng espiritu ni Jehova.” (Mikas 3:8) Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.” (Gawa 1:8) At binanggit ni apostol Pablo ang “kapangyarihan ng banal na espiritu.”​—Roma 15:13, 19.

Kung gayon, ano ang ating magiging konklusyon? May malapít na kaugnayan ang banal na espiritu at ang kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, naipakikita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan. Sa maikli, ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos. At napakalakas ng puwersang ito! Hindi kayang abutin ng ating isip ang kapangyarihang ginamit ng Diyos para malalang ang uniberso. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova na pag-isipan natin ito: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”​—Isaias 40:26.

Kaya ipinakikita ng Bibliya na dahil sa “dinamikong lakas,” o kapangyarihan, ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, maayos at organisado ang uniberso. Maliwanag, napakalakas ng aktibong puwersa ng Diyos, at nakadepende rito ang ating pag-iral.​—Tingnan ang kahong “Ang Pagkilos ng Banal na Espiritu.”

Maaaring gamitin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa paglalang ng pagkarami-raming bagay, gaya ng uniberso. Pero maaari din niya itong gamitin alang-alang sa mga tao. Maraming halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang pinalakas ng aktibong puwersa ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa lupa.

“Ang Espiritu ni Jehova ay Sumasaakin”

Makikita sa ministeryo ni Jesus kung paano maaaring palakasin ng banal na espiritu ng Diyos ang kaniyang mga lingkod. “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin,” ang sinabi ni Jesus sa mga taga-Nazaret. (Lucas 4:18) Ano ang nagawa ni Jesus dahil sa “kapangyarihan ng espiritu”? (Lucas 4:14) Pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit, pinahupa ang nagngangalit na dagat, nagpakain ng libu-libo sa pamamagitan ng ilang tinapay at isda, at bumuhay pa nga ng patay. Inilarawan ni apostol Pedro si Jesus bilang “isang lalaki na hayagang ipinakita ng Diyos . . . sa pamamagitan ng mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya.”​—Gawa 2:22.

Sa ngayon, hindi na ginagamit ng Diyos ang banal na espiritu upang gumawa ng gayong mga himala. Gayunpaman, malaki ang nagagawa nito para sa atin. Kusang ibinibigay ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga mananamba niya, gaya ng tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Lucas 11:13) Kaya nasabi ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Makatutulong kaya sa iyong buhay ang banal na espiritu? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Kung Bakit Hindi Isang Persona ang Banal na Espiritu

Inihahambing ng Bibliya ang banal na espiritu sa tubig. Nang mangako ang Diyos sa kaniyang bayan tungkol sa mga pagpapala sa hinaharap, sinabi niya: “Bubuhusan ko ng tubig ang nauuhaw, at ng mga umaagos na batis ang tuyong dako. Ibubuhos ko sa iyong binhi ang aking espiritu, at sa iyong mga inapo ang aking pagpapala.”​—Isaias 44:3.

Nang ibuhos ng Diyos ang kaniyang espiritu sa mga lingkod niya, sila ay ‘napuspos ng banal na espiritu.’ Sina Jesus, Juan Bautista, Pedro, Pablo, Bernabe, at mga alagad na nagtipun-tipon noong Pentecostes 33 C.E. ay inilarawan na napuspos ng banal na espiritu.​—Lucas 1:15; 4:1; Gawa 4:8; 9:17; 11:22, 24; 13:9.

Isaalang-alang ito: Maaari bang ‘ibuhos’ ang isang persona sa maraming indibiduwal? Posible bang “mapuspos” ng isang persona ang buong grupo ng mga tao? Malabo yata iyan. Binabanggit ng Bibliya na ang mga tao ay maaaring mapuspos ng karunungan, kaunawaan, o ng tumpak na kaalaman pa nga, pero hinding-hindi nito inilalarawan ang sinuman na napuspos ng isa pang persona.​—Exodo 28:3; 1 Hari 7:14; Lucas 2:40; Colosas 1:9.

Ang salitang Griego na isinaling “espiritu” ay pneuʹma, na nangangahulugan ding di-nakikitang puwersa. Ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, ang salitang pneuʹma ay “pangunahin nang tumutukoy sa hangin . . . o hininga; at lalo na sa espiritu, na gaya ng hangin ay hindi nakikita, di-pisikal, at may puwersa.”

Maliwanag kung gayon, hindi isang persona ang banal na espiritu. *

[Talababa]

^ par. 19 Para sa higit pang impormasyon, tingnan “Ang Katotohanan Tungkol sa Ama, sa Anak, at sa Banal na Espiritu,” pahina 201-204, sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Credit Line]

Photodisc/SuperStock