Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Posible Bang Magkaroon ng Pananampalataya sa Maylalang?

Posible Bang Magkaroon ng Pananampalataya sa Maylalang?

 Posible Bang Magkaroon ng Pananampalataya sa Maylalang?

“KAPAG naiisip ko ang posibilidad na may isang Maylalang, nagagalit ako, kasi may kapangyarihan siyang alisin ang pagdurusa ng tao pero hindi niya ito ginagawa!” Ito ang sinabi ng isang dating ateista na namatayan ng kaniyang mga kapamilya sa Holocaust. Hindi lamang siya ang nakadarama ng ganito.

Kapag dumaranas ng kalupitan, nahihirapan ang marami na maniwala sa Diyos, o humahanap sila ng kaaliwan sa ideya na walang Diyos. Ano ang mga dahilan kung bakit ang ilan ay hindi naniniwalang may Diyos? Mas mapapabuti kaya ang tao kung walang Diyos o relihiyon? Posible bang magkaroon ng pananampalataya sa isang maibiging Maylalang ang isang ateista?

Pagkukulang ng Relihiyon

Hindi kapani-paniwala na ang pangunahing dahilan ng hindi paniniwala sa Diyos ay ang relihiyon. Ganito ang paliwanag ng istoryador na si Alister McGrath: “Naaakit ang mga tao sa ateismo dahil namumuhi sila sa pagmamalabis at pagkukulang ng organisadong relihiyon.” Ang relihiyon ay karaniwan nang dahilan ng mga digmaan at karahasan. Pinag-iisipan ni Michel Onfray, isang ateista at pilosopo, kung paano maaaring maimpluwensiyahan ng iisang aklat tungkol sa relihiyon ang dalawang uri ng tao​—isa na “naghahangad na maging santo,” at isa naman na “nagsasagawa ng labis na kalupitan” gaya ng terorismo.

Maraming tao ang may mapapait na alaala tungkol sa kanilang pagiging miyembro ng isang relihiyon. Noong sundalo pa si Bertil, isang kabataang Sweko, narinig niya na binibigyang-katuwiran ng kapilyan ng hukbo ang karahasan sa pagbanggit sa babala ni Jesus na ang humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak. Ikinatuwiran niya na dapat may isa na gumamit ng tabak na iyon, kaya ang sundalo ay tiyak na lingkod ng Diyos!​—Mateo 26:52. *

Natatandaan ni Bernadette, na ang ama ay namatay sa Pransiya noong ikalawang digmaang pandaigdig, na galít na galít siya sa sinabi ng pari sa libing ng kaniyang tatlong-taóng-gulang na pinsan: “Kinuha ng Diyos ang batang ito upang maging anghel.” Nang maglaon, si Bernadette ay nagsilang ng isang anak na may kapansanan, at kahit na sa kalagayang ito ay hindi siya naaliw ng kaniyang relihiyon.

Si Ciarán, na lumaki sa gitna ng karahasan sa Hilagang Ireland, ay nasusuklam sa doktrina ng maapoy na impiyerno. Sinasabi niya noon na kinapopootan niya ang sinumang Diyos na may kagagawan ng gayong labis na kasamaan. Sinasabi rin niya na kung may Diyos, sana patayin na lang niya ako. Hindi lamang si Ciarán ang nakadarama ng ganito tungkol sa gayong malupit na mga turo ng simbahan. Sa katunayan, maaaring ang mga turo ng simbahan ang naging dahilan ng paglitaw ng teoriya ng ebolusyon. Ayon kay Alister McGrath, ang “labis na pagkasuklam” ni Darwin sa doktrina ng maapoy na impiyerno​—hindi ang paniniwala niya sa ebolusyon​—ang dahilan ng pag-aalinlangan niya sa pag-iral ng Diyos. Binanggit pa ni McGrath “ang matinding pagdadalamhati [ni Darwin] sa pagkamatay ng kaniyang anak na babae.”

Para sa ilan, ang pagiging relihiyoso ay katumbas ng pagiging mangmang at panatiko. Si Irina, na nainis na sa walang kakuwenta-kuwentang sermon at paulit-ulit na panalangin, ay nagsabi: “Sa palagay ko, ang mga taong relihiyoso ay hindi nag-iisip.” Galít na galít si Louis sa labis-labis na kalupitan ng mga panatiko sa relihiyon, kaya nasabi niya: “Sa loob ng maraming  taon, nakita kong parang walang nagagawa ang relihiyon, pero ngayon nakikita ko na may napakasamang impluwensiya ito sa mga tao. Isinusumpa ko ang lahat ng relihiyon.”

Mas Mapapabuti Kaya ang Tao Kung Walang Diyos?

Kaya hindi nakapagtataka na maraming tao ang nagsasabi na ang relihiyon ay isang hadlang sa pagsulong at kapayapaan. Nagtanong pa nga ang ilan kung mas mapapabuti kaya ang tao kung walang Diyos at relihiyon. Pero hindi kaya makasasamâ rin kung tatanggihan ang lahat ng relihiyon?

Matinding tinutulan ng pilosopo noong ika-18 siglo na si Voltaire ang pang-aabuso ng tiwaling simbahan noong panahon niya. Pero itinuturing niyang napakahalaga sa ating moralidad ang paniniwala sa Kataas-taasang Persona. Nang maglaon, sinabi naman ng pilosopong Aleman na si Friedrich Nietzsche na ang Diyos ay patay, pero ikinatatakot niya ang kawalan ng moralidad at ang posibleng pinsala ng ateistikong kaisipan. Makatuwiran ba ang gayong pagkatakot?

Binanggit ng awtor na si Keith Ward na kahit na sa kasalukuyang panahon, hindi pa rin nabawasan ang kalupitan, “lalo pa nga itong lumala higit kailanman.” Hindi rin napalaya ng ateismo ang sangkatauhan mula sa mga pagkukulang ng tao, gaya ng katiwalian at pagtatangi. Dahil dito, natanto ng maraming palaisip na tao, maging ng mga ateista, ang kahalagahan ng paniniwala sa Diyos.

Idiniin ni Keith Ward na kapaki-pakinabang ang paniniwala sa Diyos. Sinabi niya: “Ang pananampalataya ay nakatutulong para patuloy tayong makadama ng pananagutan na alagaan ang daigdig na nilikha ng Diyos.” Ipinakikita ng maraming pag-aaral kamakailan na dumarami sa mga relihiyoso ang nakikipagkapuwa-tao. Ang pakikipagkapuwa-tao naman ay nagdudulot ng kaligayahan. Pinatutunayan nito ang kahalagahan ng simulaing sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Isang dating ateista at social worker ang humanga sa kakayahan ng Bibliya na baguhin ang buhay ng mga tao. Sinabi niya: “Gumugol ako ng maraming taon upang tulungan ang mga tao na baguhin ang mga paggawing nakapipinsala sa kanila at sa iba, pero hindi ako gaanong nagtagumpay. Gayunpaman, kapansin-pansin na makita ang malaking pagbabago ng mga tao sa tulong ng Bibliya. Nakita ko rin na ang mga pagbabagong ito ay nagpapatuloy.”

Pero sa ilang ateista, ang paniniwala sa Diyos ay naging dahilan ng mas maraming lansakang pagpatay at alitan sa halip na kabutihan at pakikipagkapuwa-tao. Maaaring aminin nila na may mabuting epekto sa ilan ang pananampalataya, pero nag-aalinlangan pa rin sila. Bakit?

Iba Pang Dahilan ng Hindi Paniniwala sa Diyos

Itinuro sa marami na ang ebolusyon ay may matibay na saligan. Halimbawa, si Anila ay nag-aral sa Albania na isang bansang hindi naniniwala sa Diyos. “Itinuro sa amin sa paaralan na ang paniniwala sa Diyos ay isang kamangmangan at makaluma,” ang sabi niya. “Marami akong natutuhang kamangha-manghang mga bagay tungkol sa mga halaman at bagay na may buhay, pero naniniwala akong ang lahat ng ito ay bunga ng ebolusyon. Para bang ang tatalino namin dahil ang paniniwala namin ay kaayon ng siyensiya.” Inamin niya ngayon, “ang mga itinuro sa amin ay kailangang tanggapin nang hindi kinukuwestiyon.”

 Maaari ding maging dahilan ng hindi paniniwala sa Diyos ang mapait na karanasan. Madalas makatagpo ang mga Saksi ni Jehova ng mga taong may ganitong saloobin kapag sila ay nagbabahay-bahay at nagbabahagi ng pag-asa mula sa Bibliya. Si Bertil na binanggit kanina ay dinalaw ng isang kabataang Saksi. Natatandaan pa ni Bertil ang sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Kawawang panatiko. Ako pa ang nilapitan mo!’ Sinabi niya: “Pinapasok ko siya at ibinulalas ko sa kaniya ang aking galit sa Diyos, sa Bibliya, at sa relihiyon.”

Si Gus, mula sa Scotland, ay nababahala sa kawalang-katarungan. Noong una, nakikipagdebate siya at hinahamon niya ang mga Saksi ni Jehova. Itinanong niya sa kanila ang katulad ng tanong ng propetang Hebreo na si Habakuk sa Diyos: “Bakit mo ipinakikita sa akin yaong nakasasakit, at patuloy kang tumitingin sa kabagabagan?”​—Habakuk 1:3.

Ang waring pagwawalang-bahala ng Diyos sa kasamaan ay matagal na ring ikinababahala ng mga tao. (Awit 73:2, 3) Ganito ang sinabi minsan ni Simone de Beauvoir, isang manunulat na Pranses: “Mas matatanggap ko pa ang ideyang walang lumalang sa daigdig kaysa sa may lumalang nga, punung-puno naman ito ng kaguluhan.”

Gayunman, dahil ba sa hindi maipaliwanag ng maraming relihiyon kung bakit may kaguluhan, nangangahulugan na hindi na ito maipaliliwanag? Sinabi ni Gus na sa wakas ay nasumpungan niya ang “kasiya-siyang paliwanag kung bakit pansamantalang pinahihintulutan ng pinakamakapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ang pagdurusa.” Sinabi niya na ang paliwanag na ito ay “malaking tulong sa akin.” *

Ang ilang indibiduwal na nag-aangking ateista ay maaaring nag-aalinlangan din sa ebolusyon, nakadarama ng pangangailangan sa espirituwal, at nananalangin pa nga. Tingnan natin kung ano ang nagpakilos sa ilang ateista at agnostiko na pag-isipang mabuti ang tungkol dito at sa dakong huli ay nagkaroon ng malapít na kaugnayan sa kanilang Maylalang.

Ano ang Tumulong sa Kanila na Magkaroon ng Pananampalataya sa Maylalang?

Sa pamamagitan ng mahusay na pangangatuwiran, ipinakita ng kabataang lalaki na dumalaw kay Bertil na may napakalaking pagkakaiba  ang tunay na Kristiyanismo at ang relihiyong nag-aangking Kristiyano. Sinabi ni Bertil kung ano ang nakatawag ng pansin niya, bukod pa sa mga paliwanag na may lumalang: “Hanga ako sa kaniyang tiyaga kahit na mahirap akong kumbinsihin. . . . Napakahinahon niya, lagi siyang may dalang literatura para sa akin, at handang-handa siya sa aming talakayan.” *

Si Svetlana, na naimpluwensiyahan ng ebolusyon at Komunismo, ay kumbinsido sa ideyang matira ang matibay. Pero nababagabag siya sa malupit na ideyang ito. Nakalito pa sa kaniya ang natutuhan niya sa paaralan ng medisina: “Noong nag-aaral ako ng ateismo, natutuhan ko ang ideyang matira ang matibay. Pero sa aming pag-aaral ng medisina, tinuruan kami na dapat naming tulungan ang mahihina.” Nagtataka rin siya kung bakit ang tao na sinasabing nagmula pero superyor sa unggoy ay may emosyonal na mga problema na hindi nararanasan ng mga unggoy. Nakuha ko ang paliwanag sa mga pagkakasalungatang ito sa isang di-inaasahang tao: “Gamit ang Bibliya, ipinaliwanag ng lola ko na tayo ay nakadarama ng emosyonal na mga problema dahil sa ating di-kasakdalan.” Tuwang-tuwa rin si Svetlana na malaman ang sagot ng Bibliya sa tanong na bakit nagdurusa ang mga taong tapat.

Si Leif, na taga-Scandinavia, ay naniniwala sa ebolusyon at itinuturing niya ang Bibliya na isa lamang aklat ng mga kuwentong pambata. Pero isang araw, kinuwestiyon ng isang kaibigan ang paniniwala niya: “Alam mo ba na inuulit mo lamang ang sinasabi ng iba, nang hindi nalalaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya?” Dahil sa sinabing iyon sa kaniya, nasabi tuloy ni Leif: “Natanto ko na hindi ko kailanman kinuwestiyon ang turo ng ebolusyon, basta ko na lamang tinanggap ito. . . . Sa palagay ko, ang kaalaman tungkol sa mga hula ng Bibliya at ang katuparan nito, bukod pa sa ibang bagay, ay makatutulong sa mga ateista na mag-isip.”​—Isaias 42:5, 9.

Si Ciarán, na binanggit kanina, ay nadismaya dahil sa maraming taon na pakikisangkot sa pulitika. Kapag pinag-iisipan niya ang tungkol sa buhay, ito ang pumapasok sa isip niya: Isang makapangyarihan at maibiging Diyos lamang ang makalulutas sa mga problema ng daigdig at makatutulong sa kaniya na malampasan ang kaniyang mga pagdurusa. ‘Sana’y makilala ko ang gayong Diyos,’ ang nasabi niya sa sarili. Dahil sa labis na kalungkutan, nanalangin siya: “Kung naririnig mo ako, magparamdam ka sa akin, at tulungan mo akong makayanan ang aking problema at ang kirot na nagpapahirap sa mga tao.” Pagkaraan ng ilang araw, isang Saksi ni Jehova ang kumatok sa kaniyang pinto. Ipinaliwanag ng Saksi kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa masamang impluwensiyang nasa likod ng mga pamahalaan ng tao. (Efeso 6:12) Pinatunayan ng paliwanag na ito ang mismong obserbasyon ni Ciarán at nag-udyok ito sa kaniya na magsuri pa. Pagkatapos ng higit pang pag-aaral sa Bibliya, tumibay ang kaniyang pananampalataya sa maibiging Maylalang.

Ikaw at ang Maylalang ng Sangkatauhan

Marami ang nag-aalinlangan o hindi pa nga naniniwala na mayroong Maylalang dahil sa pagpapaimbabaw ng relihiyon, mga turo ng ateismo gaya ng ebolusyon, at paglaganap ng kasamaan. Pero ang Bibliya ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa iyong mga tanong. Isinisiwalat din nito ang kaisipan ng Diyos, “mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.” (Jeremias 29:11) Para kay Bernadette, na ang anak ay may kapansanan at na nag-aalinlangan sa pag-iral ng isang Maylalang, ang pag-asang iyan ay nakaaaliw.

Ang paliwanag ng Bibliya kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa ay nakaantig sa isip at puso ng maraming dating ateista. Kung maglalaan ka ng panahon na alamin ang sagot ng Bibliya sa gayong mahahalagang tanong, makukumbinsi ka rin na may Diyos, at sa katunayan, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:27.

[Mga talababa]

^ par. 6 Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Dapat Bang Sumali sa Digmaan ang mga Kristiyano?” sa pahina 29-31.

^ par. 22 Para sa detalyadong paliwanag kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan, tingnan ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, pahina 106 hanggang 114.

^ par. 25 Para sa mga paliwanag tungkol sa paglalang, tingnan ang Gumising! ng Setyembre 2006, “Mayroon Bang Maylalang?,” inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 13]

Mga Tanong na Hindi Masagot ng Ebolusyon

• Paano magkakaroon ng buhay mula sa isang bagay na walang buhay?​—AWIT 36:9.

• Bakit ang mga hayop at halaman ay nagluluwal lamang ng kani-kanilang uri?​—GENESIS 1:11, 21, 24-28.

• Kung ang mga tao ay galing sa mababang-uring mga unggoy, bakit walang isa mang nabubuhay na superyor na taong-bakulaw ngayon?​—AWIT 8:5, 6.

• Paano maipaliliwanag ng ideyang matira ang matibay ang pakikipagkapuwa-tao?​—ROMA 2:14, 15.

• May tunay na pag-asa ba sa hinaharap ang sangkatauhan?​—AWIT 37:29.

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Paano magagawa ng isang maibiging Diyos na lumikha ng isang daigdig kung saan nagdurusa ang mga bata?

Dahil sa pagpapaimbabaw ng relihiyon, marami ang lumayo sa Diyos