Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Vatican Codex—Bakit Isang Kayamanan?

Ang Vatican Codex—Bakit Isang Kayamanan?

Ang Vatican Codex​—Bakit Isang Kayamanan?

NAPAKARAMING koleksiyon ng mahahalagang bagay ang Vatican, gaya ng magagandang fresco, eskultura, at arkitektura nito. Gayunman, itinago ang isa sa pinakamahalagang kayamanan nito sa loob ng mga dantaon. Nasa Aklatan ng Vatican ang pinakamahalagang manuskrito na nagbibigay ng higit na kaunawaan sa mga bahagi ng Salita ng Diyos na isinulat libu-libong taon na ang nakalipas. Ito ang Vatican Codex. *

Ang dalawang iba pang sinaunang mga manuskrito ng Bibliya na Alexandrine Codex at Sinaitic Codex ay napakahalaga sa mga iskolar. Kawili-wili ang ulat hinggil sa kung paano ito natuklasan at nailigtas mula sa pagkasira. Sa kabilang dako naman, wala gaanong nalalaman hinggil sa pinagmulan ng Vatican Codex.

Isang Nakatagong Kayamanan

Saan nagmula ang Vatican Codex? Una itong tinukoy sa isang katalogo noong ika-15 siglo sa Aklatan ng Vatican. Sinasabi ng mga iskolar na ito ay maaaring isinulat sa Ehipto, Cesarea, o sa Roma pa nga. Pero pagkatapos suriin ang mga teoriyang ito, ganito ang naging konklusyon ni Propesor J. Neville Birdsall ng University of Birmingham, Inglatera: “Sa madaling salita, hindi namin alam kung kailan at kung saan nagmula ang Codex Vaticanus, o sa kabila ng pagsisikap ng mga iskolar, hindi pa rin matiyak kung naisulat na ito bago ang ikalabinlimang siglo.” Gayunpaman, ito ay isa sa pinakamahalagang manuskrito ng Bibliya. Bakit?

Sa nakalipas na mga siglo, ang ilang tagakopya ay nagkamali sa kanilang pagkopya sa mga manuskrito ng Bibliya. Kaya naging problema ng mga tagapagsalin na makahanap ng mapananaligang mga manuskrito na katulad ng sa orihinal. Isipin ang pananabik ng mga iskolar nang suriin nila ang Vatican Codex, isang manuskritong Griego noong ikaapat na siglo C.E., wala pang 300 taon pagkatapos makumpleto ang Bibliya! Makikita sa codex na ito ang lahat ng Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan, maliban sa ilang bahagi na nawala sa paglipas ng panahon.

Sa loob ng mahabang panahon, atubili ang mga awtoridad ng Vatican na ipakita sa mga iskolar ng Bibliya ang codex. Ang kilalang iskolar ng Bibliya na si Sir Frederic Kenyon ay nagsabi: “Noong 1843, pinayagan [ang iskolar ng Bibliya na si Konstantin von] Tischendorf, pagkatapos maghintay ng ilang buwan, na makita ito sa loob ng anim na oras. . . . Noong 1845, pinayagan ang tanyag na iskolar na Ingles na si Tregelles na makita ito, pero hindi siya puwedeng kumopya ng kahit isang salita.” Sinubukang muli ni Tischendorf na humingi ng pahintulot para makita ang codex. Kaya noong Pebrero 1866, pinayagan siya ng papa na suriin ang codex nang tatlong oras bawat araw sa loob ng labing-apat na araw. Pero binawi ito ng papa pagkatapos ng walong araw dahil kinopya niya ang 20 pahina nito. Gaya ng iniulat ni Kenyon, “nang makiusap muli si Tischendorf, nakuha niya ang natitirang anim na araw. Sinamantala niya ang pagkakataong ito at noong 1867 nailathala niya ang pinakawastong edisyon ng manuskrito.” Nang maglaon, gumawa ang Vatican ng mas mahusay na kopya.

Maingat na Pagkopya

Anong uri ng manuskrito ang Vatican Codex? Sinasabi ng The Oxford Illustrated History of the Bible na “hindi nagbago ang pagbaybay at tumpak ang pagkakakopya [rito], anupat nakagawa ng magandang manuskrito.” Idinagdag pa nito: “Kaya posibleng sabihin na ang manuskritong ito ay produkto ng maingat na pagkopya.”

Humanga sa kahusayan ng Vatican Codex ang dalawang kilalang iskolar na sina B. F. Westcott at F.J.A. Hort. Inilabas nila ang New Testament in the Original Greek, noong 1881 at nakasalig ito sa mga manuskritong Vatican at Sinaitic. Ito pa rin ang pangunahing manuskrito para sa ilang modernong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, kasama na ang The Emphasised Bible, ni J. B. Rotherham, at ang Bagong Sanlibutang Salin.

Pero sinasabi ng ilang kritiko na sobra ang tiwala nina Westcott at Hort sa Vatican Codex. Ang codex bang ito ay tumpak na pagkakasalin ng orihinal na manuskrito? Ikinatuwa ng mga iskolar ang paglalathala ng papirong Bodmer sa pagitan ng 1956 at 1961 dahil makikita rito ang mga seksiyon ng aklat ng Lucas at Juan mula pa noong unang bahagi ng ikatlong siglo C.E. Sinusuhayan ba nito ang Vatican Codex?

“May malaking pagkakatulad ang Vatican Codex at ang natitirang manuskrito ng papirong Bodmer,” ang isinulat ni Philip B. Payne at Paul Canart sa Novum Testamentum. Ipinaliwanag pa nito na dahil sa pagkakatulad na ito, makatuwirang sabihin na kinopya ng orihinal na eskriba ang Vatican Codex sa napakalumang manuskrito na kahawig ng papirong Bodmer. Sinabi naman ni Propesor Birdsall: “Ang dalawang manuskritong ito ay magkatulad. . . . [Ang Codex] ay maingat na kinopya at inayos batay sa lumang mga manuskrito.”

Mahalaga sa mga Tagapagsalin

Siyempre pa, hindi laging ang pinakalumang manuskrito ang pinakamalapit na kopya ng orihinal na manuskrito. Gayunman, ang Vatican Codex, kung ikukumpara sa ibang manuskrito, ang nakatulong nang malaki sa mga iskolar upang malaman kung ano ang nasa orihinal na manuskrito. Halimbawa, wala sa natitirang bahagi ng Manuskritong Sinaitic, na inilabas din noong ikaapat na siglo C.E., ang karamihan sa mga aklat ng kasaysayan mula Genesis hanggang 1 Cronica. Pero lumitaw ito sa Vatican Codex. Dahil dito, napatunayan na bahagi ito ng kanon ng Bibliya.

Ayon sa The Oxford Illustrated History of the Bible, “ang mga talata na bumabanggit hinggil sa katauhan ni Kristo at sa santisima Trinidad” ay partikular nang pinagtatalunan ng mga iskolar. Paano nakatulong ang Vatican Codex upang maging malinaw ang mga talatang ito?

Kunin ang isang halimbawa. Ayon sa Juan 3:13, sinabi ni Jesus: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” Idinagdag ng ilang tagapagsalin ang mga salitang “nasa langit.” Ipinahihiwatig nito na si Jesus ay sabay na nasa langit at nasa lupa​—isang ideya na sumusuporta sa Trinidad. Lumitaw ang mga salitang iyan sa ilang manuskrito mula noong ikalima at ikasampung siglo C.E. Pero dahil hindi ito lumitaw sa mas naunang mga manuskritong Vatican at Sinaitic, inalis ito ng maraming modernong tagapagsalin. Sa gayon, naging maliwanag ang tungkol sa katauhan ni Kristo at naging kasuwato ito ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Sa halip na nasa dalawang lugar sa iisang panahon, si Jesus ay bumaba mula sa langit at di-magtatagal ay babalik sa langit, “aakyat” sa kaniyang Ama.​—Juan 20:17.

Binigyang-liwanag din ng Vatican Codex ang mga talata hinggil sa layunin ng Diyos sa lupa. Halimbawa, ayon sa King James Version, inihula ni apostol Pedro na “ang lupa rin naman at ang mga gawang naririto ay masusunog.” (2 Pedro 3:10) Ganiyan din ang mababasa sa ibang mga salin, na nakasalig sa ikalimang-siglong salin ng Alexandrine Codex at ng sumunod na mga manuskrito. Kaya naisip ng maraming taimtim na mambabasa ng Bibliya na wawasakin ng Diyos ang lupa.

Pero mga isang siglo bago lumabas ang Alexandrine Codex, isinalin ng Vatican Codex (at ng kasabay nito na Manuskritong Sinaitic) ang hula ni Pedro na “ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” Kasuwato ba ito ng iba pang bahagi ng Bibliya? Oo! Ang literal na lupa ay “hindi . . . makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Kaya paano “mahahantad” ang lupa? Ipinakikita ng ibang teksto na ang salitang “lupa” ay maaaring gamitin bilang sagisag. Ang “lupa” ay maaaring magsalita ng wika at umawit ng mga awit. (Genesis 11:1; Awit 96:1) Kaya ang “lupa” ay maaaring tumukoy sa sangkatauhan, o sa lipunan ng tao. Hindi ba nakaaaliw malaman na hindi wawasakin ng Diyos ang ating planeta kundi lubusang ihahantad at wawakasan ang kasamaan at ang mga gumagawa nito?

“Iyon ay Mananatili Hanggang sa Panahong Walang Takda”

Nakalulungkot, ipinagbawal na makita ang Vatican Codex sa loob ng mga dantaon, at kadalasan nang naililigaw ang mga mambabasa ng Bibliya sa tunay na kahulugan ng ilang talata sa Bibliya. Pero mula nang ilathala ang Vatican Codex at ang makabago at maaasahang mga salin ng Bibliya, nakatulong ang mga ito sa mga naghahanap ng katotohanan na malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.

Kadalasang isinasama ng sinaunang mga tagakopya sa kanilang mga manuskrito ang pananalitang ito: “Ang kamay na sumulat [nito] ay bulok na sa libingan, ngunit ang kanilang isinulat ay nananatili sa paglipas ng panahon.” Sa ngayon, pinahahalagahan natin ang pagsisikap ng di-kilalang mga tagakopyang iyon. Pero higit nating pinahahalagahan ang Awtor ng Bibliya na nag-ingat nito. Kinasihan niya ang kaniyang propeta na isulat: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Isaias 40:8.

[Talababa]

^ par. 2 Ang Vatican Codex ay tinatawag ding Vatican Manuscript 1209 o Codex Vaticanus. Binigyan ito ng simbolong “B” ng karamihan sa mga iskolar. Ang codex ay ang pinakaunang anyo ng modernong aklat. Tingnan ang “Balumbon na Naging Codex​—Kung Paano Naging Aklat ang Bibliya,” sa Hunyo 1, 2007, na isyu ng magasing ito.

[Kahon sa pahina 20]

Pagpepetsa ng Sinaunang mga Manuskrito

Bagaman itinala ng ilang tagakopya ang petsa kung kailan nila natapos ang kanilang ginawa, wala ito sa karamihan ng mga manuskritong Griego. Kaya paano natitiyak ng mga iskolar kung kailan natapos ang isang manuskrito sa Bibliya? Kung paanong naiiba ang wika at gawang-sining sa mga sali’t salinlahi, gayundin ang istilo ng sulat-kamay. Halimbawa, ang mga letrang unsyal, na nakakurba ang malalaking titik at pantay-pantay ang pagkakasulat, ay karaniwang ginagamit noong ikaapat na siglo C.E. at nagpatuloy sa loob ng daan-daang taon. Kapag ikinumpara ng maingat na mga iskolar ang manuskritong unsyal na walang petsa sa katulad na mga dokumentong may petsa, mas natitiyak nila kung kailan natapos ang mga ito.

Sabihin pa, may limitasyon ang pamamaraang ito. Ganito ang sinabi ni Propesor Bruce Metzger ng Princeton Theological Seminary: “Yamang ang istilo ng sulat-kamay ng isang tao ay maaaring hindi magbago sa buong buhay niya, mahirap magtakda ng petsa kung ang pagbabasihan nito ay mas maikli pa sa limampung taon.” Batay sa gayong maingat na pagsusuri, nagkakaisa ang mga iskolar na ang Vatican Codex ay ginawa noong ikaapat na siglo C.E.