Mga Gawa ng mga Apostol 9:1-43
Talababa
Study Notes
Saul: Tingnan ang study note sa Gaw 7:58.
mataas na saserdote: Si Caifas.—Tingnan ang study note sa Gaw 4:6.
liham: Noong unang siglo C.E., ginagamit ang mga liham mula sa mapagkakatiwalaang mga tao para ipakilala ang isang estranghero o makumpirma ang pagkakakilanlan o awtoridad niya. (Ro 16:1; 2Co 3:1-3) Ganiyan ang liham na tinutukoy ng mga Judio noon sa Roma. (Gaw 28:21) Ang mga liham na hiningi ni Saul sa mataas na saserdote at ibinigay sa mga sinagoga sa Damasco ay nagbigay ng awtoridad sa kaniya na pag-usigin ang mga Judiong Kristiyano sa lunsod na iyon. (Gaw 9:1, 2) Lumilitaw na sa mga liham na hiningi ni Saul, hinihilingan ang mga sinagoga sa Damasco na makipagtulungan sa kaniya sa pag-uusig sa mga Kristiyano.
Damasco: Ang Damasco ay makikita ngayon sa Syria at sinasabing isa sa pinakamatatandang lunsod sa mundo na tinitirhan pa rin mula nang itatag ito. Posibleng dumaan dito ang patriyarkang si Abraham noong naglalakbay siya patimog papuntang Canaan. At noon niya kinuha si Eliezer, na “taga-Damasco,” para maging lingkod sa kaniyang sambahayan. (Gen 15:2) Makalipas ang halos isang libong taon, nabanggit ulit sa Bibliya ang Damasco. (Tingnan sa Glosari, “Aram; Arameano.”) Nang panahong iyon, nakipagdigma ang mga Siryano (Arameano) sa Israel, at naging magkaaway ang dalawang bansang ito. (1Ha 11:23-25) Noong unang siglo, ang Damasco ay parte ng Romanong lalawigan ng Sirya. Noon, may mga sinagoga na at mga 20,000 Judio sa Damasco. Posibleng pinuntirya ni Saul ang mga Kristiyano sa Damasco dahil nasa sentro ito ng pangunahing mga ruta at natatakot siyang mabilis na kumalat ang turo ng mga Kristiyano mula sa lunsod na iyon.—Tingnan ang Ap. B13.
Daan: Sa aklat ng Gawa, tumutukoy ito sa Kristiyanong paraan ng pamumuhay at sa kongregasyong Kristiyano noon. Posibleng galing ito sa sinabi ni Jesus sa Ju 14:6: “Ako ang daan.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay sinasabing miyembro ng “Daan,” dahil tinutularan nila ang paraan ng pamumuhay ni Jesus. (Gaw 19:9) Umikot ang buhay niya sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Para sa mga Kristiyano, ang ganitong paraan ng pamumuhay ay nakapokus din sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Mga ilang panahon pagkatapos ng 44 C.E. sa Antioquia ng Sirya, “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad [ni Jesus] sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.” (Gaw 11:26) Pero kahit tinatawag na sila noong mga Kristiyano, tinukoy pa rin ni Lucas ang kongregasyon bilang ang “Daan” o “Daang ito.”—Gaw 19:23; 22:4; 24:22; tingnan ang study note sa Gaw 18:25; 19:23.
may naririnig silang tinig: O “may naririnig silang tunog.” Ang terminong Griego na pho·neʹ ay puwedeng isaling “tunog” o “tinig,” depende sa gramatika. Lumitaw rin ang terminong ito sa Gaw 22:6-11 nang ilarawan ni Pablo ang karanasan niya sa daan papuntang Damasco. Kapag pinagsama ang dalawang ulat na ito, magiging mas malinaw ang buong pangyayari. Lumilitaw na tunog lang ang naririnig ng mga lalaking kasama ni Pablo sa paglalakbay, at hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang sinasabi ng nagsasalita, di-gaya ni Pablo.—Gaw 26:14; tingnan ang study note sa Gaw 22:9.
lansangan na tinatawag na Tuwid: Ito lang ang lansangan na pinangalanan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinasabing ito ang pangunahing kalsada mula silangan pakanluran ng Damasco, na may napakaayos na sistema ng mga kalsada noong unang siglo C.E. Ang lansangan ay mga 1.5 km (1 mi) ang haba at 26 m (85 ft) ang lapad, kasama na ang daanan ng mga tao. Posible ring may mga nakahilerang poste sa lansangang ito. Sa ngayon, mayroon pa ring malaking kalsada sa dating lunsod na ito ng Roma at binabaybay nito ang sinaunang Via Recta, o Tuwid na Daan, ng Roma.
sa pangitain: Makikita ang pananalitang ito sa maraming sinaunang manuskrito.
arestuhin: O “ibilanggo.” Lit., “igapos” sa bilangguan.—Ihambing ang Col 4:3.
mga Israelita: O “bayang Israel.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
malaking basket: Dito, ginamit ni Lucas ang salitang Griego na sphy·risʹ, na ginamit din sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos para sa pitong basket na pinaglagyan ng mga tirang pagkain matapos pakainin ni Jesus ang 4,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mat 15:37.) Ang salitang ito ay tumutukoy sa isang malaking basket o kaíng. Nang sabihin ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto ang tungkol sa pagtakas niya, ginamit niya ang salitang Griego na sar·gaʹne, na tumutukoy sa isang basket na gawa sa hinabing lubid o tangkay. Parehong puwedeng gamitin para sa ganitong klase ng malaking basket ang dalawang terminong Griegong ito.—2Co 11:32, 33.
Malaya siyang nakakakilos: Lit., “Pumapasok siya at lumalabas.” Isa itong idyomang Semitiko na tumutukoy sa paggawa ng pang-araw-araw na mga gawain o pakikisama sa ibang tao nang walang hadlang.—Ihambing ang Deu 28:6, 19; Aw 121:8, tlb.; tingnan ang study note sa Gaw 1:21.
mga Judiong nagsasalita ng Griego: Lit., “mga Helenista.” Malamang na mga Judio sila na wikang Griego ang ginagamit sa pakikipag-usap sa halip na Hebreo. Posibleng galing sa iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma ang mga Judiong ito na nagpunta sa Jerusalem. Sa Gaw 6:1, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga Kristiyano, pero dito sa Gaw 9:29, makikita sa konteksto na ang mga Judiong ito na nagsasalita ng Griego ay hindi mga alagad ni Kristo. Pinapatunayan ng Theodotus Inscription, na natagpuan sa burol ng Opel sa Jerusalem, na maraming Judiong nagsasalita ng Griego ang pumunta sa Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Gaw 6:1.
takot kay Jehova: Ang ekspresyong “takot kay Jehova” ay lumitaw nang maraming beses sa Hebreong Kasulatan. Kombinasyon ito ng salitang Hebreo para sa “takot” at ng Tetragrammaton. (Ang ilang halimbawa ay mababasa sa 2Cr 19:7, 9; Aw 19:9; 111:10; Kaw 2:5; 8:13; 9:10; 10:27; 19:23; Isa 11:2, 3.) Pero ang ekspresyong “takot sa Panginoon” ay hindi kailanman lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Para sa paliwanag kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “takot kay Jehova” sa mismong teksto ng Gaw 9:31, kahit na ang ginamit sa karamihan ng manuskritong Griego ay “takot sa Panginoon,” tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 9:31.
Tabita: Ang ibig sabihin ng pangalang Aramaiko na Tabita ay “Gasela,” at lumilitaw na katumbas ito ng salitang Hebreo (tsevi·yahʹ) na nangangahulugang “babaeng gasela.” (Sol 4:5; 7:3) Ang pangalang Griego na Dorcas ay nangangahulugan ding “Gasela.” Sa daungang gaya ng Jope, kung saan parehong may mga Judio at Gentil, posibleng kilalá si Tabita sa dalawang pangalan niya, depende sa wikang ginagamit. Pero posible ring isinalin ni Lucas ang pangalang ito para sa mga mambabasang Gentil.
mahabang damit: O “panlabas na damit.” Ang salitang Griego na hi·maʹti·on ay puwedeng tumukoy sa isang mahaba at maluwang na damit na ipinapatong, pero mas madalas itong tumutukoy sa isang balabal.
Tabita, bumangon ka!: Ginaya ni Pedro ang ginawa ni Jesus nang buhayin nito ang anak ni Jairo. (Mar 5:38-42; Luc 8:51-55) Ito ang unang iniulat na pagkabuhay-muli na isinagawa ng isang apostol, at marami ang naging mánanampalatayá sa buong Jope dahil dito.—Gaw 9:39-42.
Simon, na gumagawa ng katad: Tingnan ang study note sa Gaw 10:6.
Media

Malamang na ito ang hitsura ng lunsod ng Damasco noong unang siglo C.E. Sentro ito ng kalakalan, at dahil sa tubig na makukuha sa Ilog Barada (Abana sa 2Ha 5:12) na malapit dito, naging gaya ng oasis ang palibot ng lunsod. Maraming sinagoga sa Damasco. Nagpunta si Saul sa lunsod na iyon para arestuhin ang “sinumang mahanap niya na kabilang sa Daan,” isang ekspresyong tumutukoy sa mga tagasunod ni Jesus. (Gaw 9:2; 19:9, 23; 22:4; 24:22) Pero sa daan papuntang Damasco, nagpakita ang niluwalhating si Jesus kay Saul. Pagkatapos nito, nanatili si Saul nang ilang panahon sa Damasco sa bahay ng lalaking nagngangalang Hudas, na nasa lansangang tinatawag na Tuwid. (Gaw 9:11) Sa isang pangitain, inutusan ni Jesus ang alagad na si Ananias na magpunta sa bahay ni Hudas para ibalik ang paningin ni Saul. Pagkatapos, nabautismuhan si Saul. Kaya sa halip na arestuhin ang mga Judiong Kristiyano, naging isa pa si Saul sa kanila. Nagsimula siyang mangaral ng mabuting balita sa mga sinagoga sa Damasco. Pagkatapos magpunta ni Saul sa Arabia at bumalik sa Damasco, umuwi siya sa Jerusalem, malamang noong mga 36 C.E.—Gaw 9:1-6, 19-22; Gal 1:16, 17.
A. Damasco
1. Daan papuntang Jerusalem
2. Lansangang tinatawag na Tuwid
3. Pamilihan
4. Templo ni Jupiter
5. Teatro
6. Teatro Para sa Musika (?)
B. Jerusalem

Sa daan papuntang Damasco, natumba si Saul at nabulag nang suminag sa kaniya ang isang liwanag. Nakarinig siya ng tinig na nagsasabi: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” (Gaw 9:3, 4; 22:6-8; 26:13, 14) Hinadlangan ni Jesus ang plano ni Saul na arestuhin ang mga alagad ni Jesus sa Damasco at dalhin sa Jerusalem para litisin. Ibang-iba sa inaasahan ni Saul ang nangyari sa paglalakbay niya nang mga 240 km (150 mi) mula sa Jerusalem. Dahil sa mensahe ni Jesus, ang dating malupit na mang-uusig ng mga Kristiyano na si Saul (nakilala nang maglaon sa Romanong pangalan niya na Pablo) ay naging isa sa pinakamatatapang na tagapagtanggol ng Kristiyanismo. Detalyadong inilarawan ang sigasig ni Pablo sa ministeryo sa aklat ng Gawa.

Ang Tarso, kung saan ipinanganak si Saul (nakilala bilang si apostol Pablo), ang pangunahing lunsod sa rehiyon ng Cilicia sa timog-silangan ng Asia Minor, na nasa Türkiye ngayon. (Gaw 9:11; 22:3) Ang Tarso ay isang malaki at mayamang lunsod na kilalá sa pakikipagkalakalan. Maganda ang lokasyon nito dahil nasa ruta ito ng kalakalan sa pagitan ng silangan at kanluran, na dumadaan sa Kabundukan ng Taurus hanggang sa Cilician Gates (isang makitid na kalsada na inuka sa bato at madadaanan ng karwahe). May daungan din sa lunsod na nagdurugtong sa Ilog Cydnus at Dagat Mediteraneo. Ang Tarso ay sentro ng kulturang Griego, at maraming Judiong nakatira dito. Nasa larawan ang natitirang guho na makikita sa Tarso sa ngayon, mga 16 km (10 mi) mula sa lugar kung saan nagdurugtong ang Ilog Cydnus at ang Dagat Mediteraneo. Maraming kilaláng tao na bumisita sa Tarso noon, gaya nina Mark Antony, Cleopatra, Julio Cesar, at ilang emperador. Tumitira doon paminsan-minsan ang Romanong opisyal at manunulat na si Cicero habang siya ang gobernador ng Cilicia mula 51 hanggang 50 B.C.E. Kilaláng sentro ng edukasyon ang Tarso noong unang siglo C.E., at ayon sa heograpong Griego na si Strabo, daig pa nito kahit ang Atenas at Alejandria. Kaya tama lang na inilarawan ni Pablo ang Tarso na “isang kilalang lunsod.”—Gaw 21:39.

Ang mahahabang kalsada na ginawa ng mga Romano ay nakatulong sa mga Kristiyano noon para maipangaral ang mabuting balita sa buong imperyo. Siguradong milya-milya ang nalakbay ni apostol Pablo sa mga kalsadang ito. (Col 1:23) Makikita sa larawan kung paano karaniwang ginagawa ang isang Romanong kalsada na nilatagan ng mga bato. Una, minamarkahan ang daan. Pagkatapos, huhukayin ito at pupunuin ng bato, semento, at buhangin. Nilalatagan ito ng malalaking bato at nilalagyan din ng mga bato sa gilid para manatili itong siksik. Dahil sa mga materyales na ginamit at sa paumbok na disenyo nito, hindi naiipon ang tubig sa gitna ng kalsada. May mga butas din ito sa gilid para dumaloy ang tubig sa mga kanal na nasa tabi ng kalsada. Napakatibay ng pagkakagawa sa mga ito kaya ang ilan ay buo pa rin hanggang ngayon. Pero hindi ganito kaganda ang karamihan sa mga daan sa Imperyo ng Roma. Ang karaniwang kalsada ay gawa lang sa siniksik na graba.

Sa larawan, ang nakaukit sa isang piraso ng batong-apog na may habang 72 cm (28 in) at lapad na 42 cm (17 in) ay tinatawag na Theodotus Inscription. Nadiskubre ito noong pasimula ng ika-20 siglo sa burol ng Opel sa Jerusalem. Mababasa rito sa wikang Griego na si Theodotus, na isang saserdote, ang “nagtayo ng sinagoga para sa pagbabasa ng Kautusan at pagtuturo ng mga batas.” Ang inskripsiyon ay mula pa noong panahon bago wasakin ang Jerusalem noong 70 C.E. Pinapatunayan nito na mayroong mga Judiong nagsasalita ng Griego sa Jerusalem noong unang siglo C.E. (Gaw 6:1) Sinasabi ng ilan na ang sinagogang ito ang “Sinagoga ng mga Pinalaya.” (Gaw 6:9) Mababasa rin sa inskripsiyon na si Theodotus, pati na ang kaniyang ama at lolo, ay may titulong ar·khi·sy·naʹgo·gos (“punong opisyal ng sinagoga”). Maraming beses na ginamit ang titulong ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Mar 5:35; Luc 8:49; Gaw 13:15; 18:8, 17) Mababasa rin sa inskripsiyon na nagtayo si Theodotus ng mga tuluyan para sa mga bumibisita mula sa ibang bansa. Ang mga tuluyang binanggit sa inskripsiyon ay malamang na ginamit ng mga Judio na bumibisita sa Jerusalem, lalo na ng mga nagpupunta roon para sa taunang mga kapistahan.—Gaw 2:5.

Makikita sa video na ito ang daungan ng Jope, sa baybayin ng Mediteraneo at sa pagitan ng Bundok Carmel at Gaza. Naging isa ang Yafo (sa Arabic, Jaffa) at Tel Aviv noong 1950. Ngayon, makikita ang Tel Aviv-Yafo sa dating lokasyon ng Jope. Ang Jope ay nasa isang mabatong burol na may taas na mga 35 m (115 ft), at ang daungan nito ay may hilera ng bato na mga 100 m (330 ft) mula sa baybayin. Nagpaanod ang mga taga-Tiro ng pinagdugtong-dugtong na mahahabang kahoy mula sa kagubatan ng Lebanon papuntang Jope para magamit sa pagtatayo ng templo ni Solomon. (2Cr 2:16) Sa Jope rin sumakay ng barko papuntang Tarsis ang propetang si Jonas, na tumatakas sa atas niya. (Jon 1:3) Noong unang siglo C.E., may kongregasyong Kristiyano sa Jope. Miyembro nito si Dorcas (Tabita), na binuhay-muli ni Pedro. (Gaw 9:36-42) Dito rin natanggap ni Pedro ang pangitain na naghanda sa kaniya na mangaral sa Gentil na si Cornelio habang tumutuloy siya sa bahay ni Simon na gumagawa ng katad.—Gaw 9:43; 10:6, 9-17.

Ang ilang bahay sa Israel ay may ikalawang palapag. Puwedeng umakyat doon gamit ang hagdang kahoy sa loob ng bahay o hagdang kahoy o bato sa labas ng bahay. Ipinagdiwang ni Jesus ang huling Paskuwa kasama ng mga alagad niya at pinasimulan ang Hapunan ng Panginoon sa isang malaking silid sa itaas, na posibleng ganito ang hitsura. (Luc 22:12, 19, 20) Noong Pentecostes 33 C.E., lumilitaw na nasa isang silid sa itaas ng isang bahay sa Jerusalem ang mga 120 alagad nang ibuhos sa kanila ang espiritu ng Diyos.—Gaw 1:13, 15; 2:1-4.

Noong panahon ng Bibliya, ang damit ay isa sa pinakaimportanteng pag-aari ng isang tao. Ginagawan ni Dorcas ng “maraming kasuotan at mahabang damit” ang mga biyuda. (Gaw 9:39) Ang salitang Griego na isinaling “kasuotan” (khi·tonʹ) ay tumutukoy sa isang uri ng tunika; puwede rin itong isaling “panloob na kasuotan” (1). Ayon sa kostumbre ng mga Griego at Romano, karaniwan nang maikli ang tunika ng mga lalaki at hanggang bukung-bukong naman ang tunika ng mga babae. Ang salitang Griego na isinaling “mahabang damit” (hi·maʹti·on) ay puwede ring isaling “panlabas na kasuotan” (2) dahil karaniwan nang ipinang-iibabaw ito sa tunika, o panloob na kasuotan.

