Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Kakambal Ko ba ang Kabiguan?

Kakambal Ko ba ang Kabiguan?

“Dati, pakiramdam ko ay talunan ako. Meron kasi akong kaibigan na parang hindi naman nagsisikap pero nakukuha niya ang lahat ng gusto niya! Inisip ko tuloy kung ano ang problema sa ’kin. Sarili ko ang pinakamatindi kong kaaway.”​—Annette. *

TAKÓT ka bang sumubok ng bagong mga bagay dahil pakiramdam mo’y hindi mo kayang gawin ang mga ito? Nababawasan ba ang iyong kumpiyansa sa sarili dahil sa sinasabi ng mga taong iginagalang mo? Ayaw mo na bang gawin ang isang bagay dahil nagkamali ka na noon? Kung gayon, paano mo haharapin ang pagkabigo​—totoo man ito o nasa isip lang?

Makikinabang ka kung malalaman mo ang sagot sa huling tanong dahil lahat naman tayo ay nabibigo. (Roma 3:23) Pero may mga tao na kayang bumangon kahit magkamali sila. Ibig sabihin, hindi nila gaanong dinidibdib ang kanilang pagkakamali kaya handa silang sumubok muli. At sa susunod, mas malamang na magtagumpay na sila! Tingnan kung paano mo mahaharap ang tatlong hamon​—ang posibleng pagkabigo, inaakalang pagkabigo, at aktuwal na pagkabigo.

POSIBLENG PAGKABIGO → KUNG ANO ANG PUWEDENG MANGYARI

Naiisip mo ang pinakamasamang posibleng mangyari kaya ayaw mo nang sumubok pa. Tutal, napakaliit naman ng tsansa na magtagumpay ka.

Alamin ang ikinababahala mo. Lagyan ng ✔ ang bagay na gusto mong gawin​—pero sa tingin mo ay mabibigo ka lang kung susubukan mo.

  • Pagtatanggol sa iyong mga paniniwala sa mga kaklase mo

  • Pag-aaplay ng trabaho

  • Pagsasalita sa harap ng maraming tao

  • Pagsali sa isang isport

  • Pagkanta o pagtugtog ng isang instrumento

  • Iba pa ․․․․․

Pag-isipan itong mabuti. Pag-isipan ang napili mo at ang posibleng mangyari sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na ito:

‘Ano ang gusto kong mangyari?’

․․․․․

‘Ano ang ikinatatakot kong mangyari?’

․․․․․

Isulat ang isang dahilan kung bakit dapat mong subukang gawin ang napili mo kahit posibleng mabigo ka.

․․․․․

Halimbawa sa Bibliya. Nang atasan ng Diyos na Jehova si Moises na manguna sa bansang Israel, ang unang naisip niya ay ang negatibong mga bagay na puwedeng mangyari. Itinanong niya sa Diyos: “Paano kung hindi sila maniwala o makinig sa akin”? Pagkatapos ay naisip naman niya ang kaniyang mga kahinaan, at sinabi: “Hindi po ako mahusay magsalita.” Sinabi pa niya: “Mahina po akong manalita at utal pa.” At kahit nangako na si Jehova na tutulungan siya, sinabi pa rin ni Moises: “Nakikiusap po akong iba na ang pagawin ninyo nito.” (Exodo 4:1, 10, 13, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Sa wakas, tinanggap din ni Moises ang atas. Sa tulong ng Diyos, 40 taon siyang nanguna sa mga Israelita.

Kung ano ang puwede mong gawin. Isinulat ni Haring Solomon: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan.” (Eclesiastes 9:10) Kaya gawin mo ang iyong buong makakaya sa halip na magpadala sa takot na mabigo. Mag-isip ng isang pagkakataon na mas mabuti ang nagawa mo kaysa sa iyong inaasahan. Ano ang napatunayan mo sa iyong sarili mula sa tagumpay na iyon? Paano ito makatutulong sa iyo na daigin ang takot na mabigo?

Mungkahi: Kung kailangan, magtanong sa iyong magulang o sa isang may-gulang na kaibigan na makatutulong para magkaroon ka ng higit na kumpiyansa sa sarili. *

INAAKALANG PAGKABIGO → KUNG ANO SA PALAGAY MO ANG NANGYARI

Kapag nagtagumpay ang ibang tao sa isang bagay na gusto mo ring gawin, ikinukumpara mo ang iyong sarili sa kaniya kaya pakiramdam mo ay bigo ka.

Alamin ang ikinababahala mo. Kanino mo ikinukumpara ang iyong sarili, at anong magandang bagay ang nagawa niya para madama mong bigo ka?

․․․․․

Pag-isipan itong mabuti. Talaga bang bigo ka dahil nagtagumpay siya? Isulat ang isang pangyayari kamakailan, halimbawa ay exam sa school, kung saan ayos naman ang nagawa mo pero may mas magaling sa iyo.

․․․․․

Isulat kung bakit sulit pa rin ang pagsisikap mo.

․․․․․

Halimbawa sa Bibliya. ‘Nag-init sa galit’ si Cain nang magpakita ng lingap si Jehova sa kapatid niyang si Abel. Binabalaan ni Jehova si Cain hinggil sa pagkainggit nito, pero ipinahiwatig din ni Jehova na may tiwala siya na puwedeng magtagumpay si Cain kung gugustuhin nito. “Kung gagawa ka ng mabuti,” ang sabi ni Jehova kay Cain, “hindi ba magkakaroon ng pagkakataas?” *​—Genesis 4:6, 7.

Kung ano ang puwede mong gawin. Sa halip na ‘makipagpaligsahan’​—kahit sa isip lang​—kilalanin ang mga tagumpay ng iba. (Galacia 5:26; Roma 12:15) Kasabay nito, pero hindi naman nagyayabang, kilalanin mo rin ang mga abilidad mo na wala sa iba. Sinasabi ng Bibliya: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang.”​Galacia 6:4.

AKTUWAL NA PAGKABIGO → KUNG ANO ANG TALAGANG NANGYARI

Naiisip mo ang isang pagkakamali na nagawa mo kaya parang ayaw mo nang magsikap na magtagumpay.

Alamin ang ikinababahala mo. Anong pagkakamali mo ang labis na nakapagpapahina ng iyong loob?

․․․․․

Pag-isipan itong mabuti. Ang pagkakamali bang iyon ay nangangahulugang bigo ka? Halimbawa, kung nagpadaig ka sa iyong kahinaan, ibig bang sabihin ay wala ka nang pag-asa? O baka kailangan mo lang ng tulong? Ipagpalagay na nabuwal ka habang naglalaro. Tiyak na tatanggap ka ng tulong para makatayo at makapagpatuloy sa paglalaro. Ganiyan din ang dapat mong gawin kapag may nagawa kang pagkakamali. Isulat sa ibaba ang pangalan ng tao na puwede mong kausapin tungkol sa iyong problema. *

․․․․․

Halimbawa sa Bibliya. May mga panahon na nasiraan ng loob si apostol Pablo dahil sa kaniyang mga kahinaan. “Miserableng tao ako!” ang isinulat niya. (Roma 7:24) Pero maliwanag na alam din ni Pablo na ang mga kahinaan at pagkakamali niya ay hindi naman nangangahulugang bigo siya. Isinulat niya: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.”​—2 Timoteo 4:7.

Kung ano ang puwede mong gawin. Sa halip na magpokus lang sa iyong mga pagkakamali, tingnan din ang iyong magagandang katangian. Ganiyan ang ginagawa ni Jehova sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang [iyong] gawa at ang pag-ibig na ipinakita [mo] para sa kaniyang pangalan.”​—Hebreo 6:10; Awit 110:3.

Tandaan: Walang taong perpekto. Ang lahat ay nagkakamali paminsan-minsan. Kung matututuhan mong bumangon sa tuwing magkakamali ka, magiging malaking tulong ito kapag adulto ka na. Sinasabi ng Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” Magagawa mo rin iyan!

 

^ par. 3 Binago ang pangalan.

^ par. 23 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, isyu ng Mayo 2010, pahina 26-28.

^ par. 31 Pinili ni Cain na sumuway kay Jehova. Ipinapakita ng nangyari sa kaniya na kailangang kontrolin mo ang anumang tendensiya na mainggit sa tagumpay ng iba.​—Filipos 2:3.

^ par. 36 Matutulungan ang isang Kristiyano na nakagawa ng malubhang kasalanan kung sasabihin niya ito sa isang elder sa kongregasyon.​—Santiago 5:14, 16.