Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Kung Makatagpo Ako ng Isang Kaeskuwela Habang Ako’y Nangangaral?

Paano Kung Makatagpo Ako ng Isang Kaeskuwela Habang Ako’y Nangangaral?

“Ang pagpasok muli sa paaralan sa Lunes ay isang parusa. Kung nakita ako ng sinuman sa aking mga kaibigan sa gawaing pangangaral, mag-iimbento ako ng mga kuwento. Halimbawa, sasabihin ko sa aking mga kaibigan na ako’y nasa labas na nangongolekta ng pera para sa Partido ng Manggagawa.”​—James, Inglatera.

“Sa paaralan, ako’y kinutya ng mga tao na nakakita sa akin. Nakadama ako ng maraming panggigipit.”​—Débora, Brazil.

BAKIT ang mga kabataang ito’y takot na takot na makita ng kanilang mga kaibigan? Sila ba’y nakikibahagi sa ilang uri ng ilegal na gawain? Sa kabaligtaran, sila’y nakikibahagi sa pinakamarangal at pinakamahalagang gawain na isinasagawa sa lupa ngayon. Ginagawa nila ang gawaing ipinag-utos ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

Ayon sa isang surbey ng Gallup sa Estados Unidos, mahigit sa 90 porsiyento ng mga tin-edyer ay naniniwala sa Diyos. Ang humigit-kumulang sa kalahati ay nagsisimba bawat linggo. At samantalang maraming kabataan ang kasangkot sa mga gawain na sinusuportahan ng simbahan, gaya ng pagkanta sa koro, kakaunti lamang ang nakikipag-usap sa kanilang mga kaeskuwela hinggil sa Diyos. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa buong daigdig sa kanilang gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Libu-libong kabataang Saksi ang nakikibahagi sa gawaing ito.

Kung ikaw ay isang kabataang Saksi, walang alinlangang ikaw man ay nakibahagi na rin sa gawaing ito ng pangangaral. Ngunit hindi naman ibig sabihin nito na madali para sa iyo na gawin ang gayon. Katulad ng mga kabataan na binanggit sa pasimula, ang posibilidad na makatagpo mo ang iyong kaeskuwela sa pinto ay nakababalisa. “Ang isa sa pinakamasasamang bagay,” ang pag-amin ng isang kabataang Britano na nagngangalang Jennie, “ay ang makita ako ng isa kong kaeskuwela na nakabihis, naka-palda, may dala-dalang portpolyo​—na mas maayos ang pananamit kaysa sa isinusuot ko sa paaralan.”

Ang pagkatakot na makatagpo ng isang kaeskuwela ay maaaring maging napakatindi anupat ang ilang kabataang Kristiyano ay bumaling sa pagkukunwari. Isang kabataan na nagngangalang Leon ang nagsabi: “May alam akong isang kabataang Saksi na nakasuot ng diyaket na may talukbong habang siya’y nasa ministeryo, kaya maaari niya itong ilagay sa kaniyang mukha kung sa di-inaasahan ay makakita siya ng mga kaibigan sa paaralan.” Gayunman, ang ilang kabataan ay basta na lamang umiiwas na mangaral sa ilang pamayanan. “Naaalaala ko ang pananalangin na sana’y hindi kami gagawa sa isang kalye,” gunita ng isang kabataan na nagngangalang Simon, “dahil alam kong maraming tao mula sa paaralan ang nakatira sa kalyeng iyon.”

Normal lamang na hindi ka mapakali sa posibilidad na makatagpo ka ng kakilala mo kapag ikaw ay nangangaral. Gayunman, makapipinsala lamang sa iyo na hayaang mangibabaw ang gayong pagkatakot. “Nagkaroon ako ng gayong masamang saloobin hinggil sa pangangaral,” ang pag-amin ng isang kabataang Aleman na nagngangalang Alicia, “anupat iyon ay nagkaroon ng masamang epekto sa aking espirituwalidad.”

Kung gayon, bakit kailangan mo pang mangaral​—lalo na kung mahirap para sa iyo na gawin iyon? Bilang kasagutan, ating isaalang-alang kung bakit iniatang sa iyo ng Diyos ang pananagutang ito. Pagkatapos, aming ipakikita kung paano, taglay ang pagsisikap at determinasyon, maaari mong mapagtagumpayan ang iyong mga pagkatakot.

Ang Pananagutan na Mangaral

Una sa lahat, makatutulong sa iyo na isaalang-alang ang katotohanan na hindi bago o di-pangkaraniwan na ibahagi sa iba ang iyong pananampalataya. Mula noong unang panahon, gayon ang ginawa ng mga lalaki at babaing may takot sa Diyos. Halimbawa, si Noe ay kilala bilang ang tagapagtayo ng isang napakalaking arka. (Genesis 6:14-16) Subalit sang-ayon sa 2 Pedro 2:5, siya rin ay isang “mangangaral ng katuwiran.” Si Noe ay nakadama ng pananagutan na babalaan ang iba tungkol sa nalalapit na pagkapuksa.​—Mateo 24:37-39.

Nang maglaon, bagaman ang mga Judio ay hindi binigyan ng espesipikong mga kautusan na mangaral sa mga di-Judio, ibinahagi ng marami sa iba ang kanilang pananampalataya. Kaya, isang banyaga na nagngangalang Ruth ang natuto hinggil kay Jehova. Palibhasa’y nagpapasalamat sa kaniyang biyenang-babae na Judio, si Noemi, sinabi ni Ruth sa kaniya: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Pagkaraan, ipinahiwatig ni Haring Solomon na maraming di-Judio ang makaririnig ng “dakilang pangalan” ni Jehova at sasamba sa Kaniyang templo.​—1 Hari 8:41, 42.

Ngayon kung ang sinaunang mga lingkod na ito ng Diyos ay nagsalita sa iba​—sa kabila ng walang-tuwirang kautusan na gawin ang gayon​—lalo nang dapat madama ng mga Kristiyano sa ngayon ang obligasyon na mangaral! Tutal, tayo’y inutusan na ipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Tayo ay katulad ni apostol Pablo, sa bagay na ang pangangailangan ay iniatang sa atin upang ipahayag ang mabuting balitang ito. (1 Corinto 9:16) Ang atin mismong kaligtasan ang nakataya. Ang sabi ng Roma 10:9, 10: “Kung hayagan mong sinasabi yaong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, . . . ikaw ay maliligtas. Sapagkat sa pamamagitan ng puso ang isa ay nananampalataya ukol sa katuwiran, ngunit sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.”

Saan mo ba maaaring gawin ang gayong “pangmadlang pagpapahayag”? Bagaman ang di-pormal na pangangaral ay may angkop na dako, ang ministeryo sa bahay-bahay ay isa pa rin sa pinakamabisang pamamaraan ng pag-abot sa iba. (Gawa 5:42; 20:20) Dahil ba sa bata ka pa, malilibre ka na sa pagkakaroon ng bahagi sa gawaing ito? Hinding-hindi. Ibinibigay ng Bibliya ang ganitong utos sa Awit 148:12, 13: “Kayong mga binata at kayo ring mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova.”

Ang Hamon ng Pangangaral sa mga Kasamahan

Totoo, maaaring nakahihiya at nakababalisa na lumabas sa ministeryo at makatagpo ng isang tao na pumapasok sa iyong paaralan. Kung sa bagay, natural lamang ang pagnanais na tanggapin ng iba. Walang sinuman ang nagnanais na siya’y biruin, tuyain, o hamakin. At gaya ng paliwanag dito ng isang kabataan na nagngangalang Tanya, “ang mga bata sa paaralan ay maaaring maging napakasama!” Kaya natural lamang na maisip mo kung ano ang maaaring maging reaksiyon ng iyong mga kaeskuwela kung makita ka nilang nakabihis na may hawak na Bibliya. Nakalulungkot, posible talaga na kutyain ka nila. “May isang batang lalaki sa aming klase na nakatira sa aming gusali,” gunita ng isang kabataang taga-Brazil na nagngangalang Felipe. “Sasabihin niya, ‘Narito ka pala na dala-dala ang Bibliyang iyan! Ano naman ang laman ng iyong portpolyo?’”

Ang maging biktima ng gayong panunukso ay hindi isang biro. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Isaac, ang anak ni Abraham, ay aktuwal na tumanggap ng napakasamang panunukso mula sa kaniyang kapatid sa ama, si Ismael. (Genesis 21:9) Hindi minalas ni apostol Pablo ang masamang pagtratong ito bilang walang kabuluhan. Sa Galacia 4:29, may kawastuang tinawag ito ng apostol na ‘pag-uusig.’

Sa katulad na paraan, si Jesus ay nagbabala na mapopoot ang ilang tao sa kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alam ninyo na napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo. Kung kayo ay bahagi ng sanlibutan, kagigiliwan ng sanlibutan ang sa kaniya. Ngunit sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.”​—Juan 15:18, 19.

Kung gayon bilang isang Kristiyano, kailangang ikaw ay maging handa na magtiis ng ilang pag-uusig. (2 Timoteo 3:12) Kahit hindi ka kailanman nagsasalita tungkol sa Bibliya sa iyong mga kasamahan, maaaring pag-usigin ka pa rin ng ilan dahil lamang sa pagpapanatili mo ng matataas na pamantayan ng paggawi at hindi pagsama sa kanilang kalokohan. (1 Pedro 4:4) Gayunman, iniaalok ni Jesus ang ganitong nakaaaliw na mga pananalita: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.” (Mateo 5:11) Paano ka maaaring maging maligaya yamang ikaw ay tinutukso o tinutuya? Sapagkat alam mo na iyong pinasasaya ang puso ng Diyos na Jehova! (Kawikaan 27:11) At sa pamamagitan ng pagpapalugod sa Diyos, iniaayon mo ang iyong sarili upang tumanggap ng gantimpalang buhay na walang hanggan!​—Lucas 10:25-28.

Mabuti na lamang, marahil hindi naman lahat​—o kahit karamihan​—ng iyong mga kaeskuwela ay magagalit sa iyo kapag makatagpo mo sila sa ministeryo. Isang kabataang Britano na nagngangalang Angela ang nagpaalaala sa atin: “Kapag nakatagpo ka ng isang kaeskuwela sa pinto, kadalasa’y mas takot sila kaysa sa iyo!” Sa katunayan, ang ilan ay maaaring maging mausisa sa kung ano ang iyong sasabihin. Sa paano man, maraming kabataang Kristiyano ang nagtatamasa ng malaking tagumpay sa pagpapatotoo sa kapuwa nila mga estudyante. Tatalakayin ng ating susunod na artikulo sa seryeng ito ang ilang paraan na magagawa mo rin ito.

[Larawan sa pahina 21]

Maraming kabataan ang takot na makatagpo ng isang kapuwa estudyante habang nasa ministeryo

[Larawan sa pahina 23]

Huwag hayaan kailanman na ikahiya mo ang iyong pananampalataya dahil sa panunukso