Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ba ang Masama sa Pagganti?

Ano ba ang Masama sa Pagganti?

“Ininsulto niya ako.”​—Conneel, edad 15, nakabilanggo dahil sa pagpaslang.

Si Andrew, edad 14, na pumatay ng isang guro sa isang sayawan sa paaralan, ay umamin na napopoot sa mga guro at sa kaniyang mga magulang at galít sa mga babae dahil sa pagtanggi sa kaniya.

TINATAWAG ito ng magasing Time na “isang nakamamatay na kausuhan.” Isang galít na kabataan ang nagpuslit ng isang nakamamatay na sandata sa kaniyang paaralan at pinagbabaril ang kaniyang mga kaeskuwela at mga guro. Ang gayong kalunus-lunos na mga insidente ay waring nagiging lubhang pangkaraniwan sa Estados Unidos anupat inilarawan ng isang balita sa TV ang kausuhang ito na “isang pagsabog ng karahasan.”

Mabuti na lamang, ang mga pamamaril sa paaralan ay masasabing iilan pa lamang. Magkagayon man, isinisiwalat ng mga krimen ng pagngangalit kamakailan kung gaano talaga katindi ang galit ng ilang kabataan. Ano sa wari ang sanhi ng gayong silakbo ng galit? Maliwanag na ang ilan sa mga kabataang ito ay nagngangalit sa naranasan nilang kawalang-katarungan o pag-abuso sa kapangyarihan ng mga taong nasa awtoridad. Ang iba ay maliwanag na nagngangalit sa panunukso ng kanilang mga kasamahan. Binaril ng isang 12-anyos na lalaki ang isang kaklase​—at pagkatapos ay nagbaril sa sarili​—dahil sa tinukso siya sa pagiging mataba.

Totoo, malamang na hindi seryosong pag-iisipan ng karamihan sa mga kabataan ang paggawa ng gayong labis na karahasan. Gayunman, hindi madaling paglabanan ang nasaktang damdamin at kirot na bumabangon kapag ikaw ay isang biktima ng pagtatangi ng lahi, pang-aapi, o malupit na panunukso. Sa paggunita sa mga panahong siya’y nag-aaral pa, sinabi ni Ben: “Lagi akong mas mababa kaysa sa karamihan ng mga batang kasing-edad ko. At dahil sa ahít ang ulo ko, palagi akong tinutukso at binabatukan ng ibang bata. Galit na galit ako. Ang masama pa riyan ay kapag humihingi ako ng tulong sa mga taong nasa awtoridad, hindi nila ako pinapansin. Lalo akong nagpupuyos sa galit!” Sabi pa ni Ben: “Ang tanging pumipigil sa akin sa pagkuha ng baril at sa pamamaril sa mga taong ito ay ang bagay na wala akong makuhang baril.”

Paano mo dapat malasin ang mga kabataang nagnanais na saktan yaong mga nakasakit sa kanila? At ano ang dapat mong gawin kung ikaw mismo ay maging biktima ng masamang pagtrato? Bilang sagot, isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos.

Pagpipigil sa Sarili​—Isang Tanda ng Kalakasan!

Hindi na bago ang masamang pagtrato at kawalang-katarungan. Isang manunulat ng Bibliya ang nagpayo ng ganito: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.” (Awit 37:8) Madalas, ang pagngangalit ay nagsasangkot ng kawalan ng pagpipigil sa sarili at ipinahahayag nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Ang pagpapahintulot sa iyong sarili na “mag-init” ay maaaring magbunga ng pagsabog ng pagngangalit! Ano ang maaaring maging resulta?

Isaalang-alang ang halimbawa sa Bibliya tungkol kina Cain at Abel. “Si Cain ay nag-init sa matinding galit” sa kaniyang kapatid na si Abel. Bunga nito, “nang sila ay nasa parang, dinaluhong ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at pinatay niya ito.” (Genesis 4:5, 8) Ang isa pang halimbawa ng di-mapigil na pagngangalit ay may kinalaman kay Haring Saul. Palibhasa’y naninibugho sa militar na mga tagumpay ng kabataang si David, aktuwal na sinibat niya hindi lamang si David kundi ang kaniya rin namang sariling anak na si Jonatan!​—1 Samuel 18:11; 19:10; 20:30-34.

Totoo, may mga pagkakataon na tama ang magalit. Subalit magkagayon man, ang matuwid na pagkagalit ay maaaring magbunga ng masama kung hindi ito susupilin. Halimbawa, sina Simeon at Levi ay tiyak na may karapatang magalit kay Sikem nang malaman nila na hinalay nito ang kanilang kapatid na si Dina. Subalit sa halip na manatiling mahinahon, pinukaw nila ang marahas na galit, gaya ng makikita sa kanilang huling pananalita: “Nararapat bang pakitunguhan ng sinuman ang aming kapatid na babae na tulad ng isang patutot?” (Genesis 34:31) At nang tumindi ang kanilang galit, sila ay “kumuha ng kani-kaniyang tabak at pumaroon sa lunsod sa di-kahina-hinalang paraan at pinatay ang bawat lalaki” na nakatira sa nayon ni Sikem. Ang kanilang pagngangalit ay nakahahawa sapagkat “ang iba pang mga anak ni Jacob” ay nakisama sa mapamaslang na pagsalakay. (Genesis 34:25-​27) Kahit na pagkalipas ng maraming taon, tinuligsa ni Jacob, ang ama nina Simeon at Levi, ang kanilang di-mapigil na galit.​—Genesis 49:5-7.

Mula rito ay matututuhan natin ang isang mahalagang punto: Ang di-mapigil na galit ay isang tanda hindi ng kalakasan kundi ng kahinaan. Ang Kawikaan 16:32 ay nagsasabi: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”

Ang Kahangalan ng Pagganti

Sa gayon, ang Kasulatan ay nagpapayo ng ganito: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Huwag ipaghiganti ang inyong sarili.” (Roma 12:17, 19) Ang pagganti​—ito man ay nagsasangkot ng pisikal na karahasan o malulupit lamang na salita​—ay di-makadiyos. Kasabay nito, ang gayong paghihiganti ay talagang di-praktikal at di-katalinuhan. Una sa lahat, ang karahasan ay karaniwang nagbubunga ng higit pang karahasan. (Mateo 26:52) At ang malulupit na salita ay kadalasang nagbubunga ng higit pang malulupit na salita. Tandaan din, na ang galit ay kadalasang di-makatuwiran. Halimbawa, talaga bang nalalaman mo na may galit sa iyo ang taong nakasakit sa iyo? Maaari kayang ang taong iyon ay walang-ingat o bastos lamang? At kahit na kung may malisyang nasasangkot, talaga bang ginagawang tama ng situwasyon ang pagganti?

Isaalang-alang ang pananalita ng Bibliya sa Eclesiastes 7:21, 22: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao, upang hindi mo marinig ang iyong lingkod na sumusumpa sa iyo. Sapagkat nalalamang lubos ng iyong puso na marami pang ulit na ikaw mismo ay sumumpa sa iba.” Oo, hindi kaayaaya na ang mga tao ay magsabi ng masasamang bagay tungkol sa iyo. Subalit kinikilala ng Bibliya na ito ay isang katotohanan sa buhay. Hindi ba’t totoo na malamang na ikaw ay nagsabi ng mga bagay tungkol sa iba na mas mabuti pang hindi na lamang sinabi? Kaya bakit ka magagalit kung may magsabi ng hindi mabuting bagay tungkol sa iyo? Kadalasan, ang pinakamabuting paraan upang pakitunguhan ang panunukso ay basta huwag itong pansinin.

Kasuwato nito, hindi katalinuhan na magalit kung inaakala mong ikaw ay pinakitunguhan nang masama. Naalaala ng isang tin-edyer na nagngangalang David ang nangyari nang maglaro siya ng basketbol kasama ng ilang kapuwa Kristiyano. “Nabato ako ng bola ng isang manlalaro mula sa kabilang koponan,” ang sabi ni David. Dahil agad na naghinuhang ito’y sinasadya, gumanti si David at binato ng bola ang manlalaro. “Galit na galit ako,” inamin ni David. Ngunit bago pa lumalâ ang mga bagay-bagay, nanalangin si David kay Jehova. Sinabi niya sa kaniyang sarili, ‘Ano ba ang ginagawa ko at gusto kong makipag-away sa isang kapatid na Kristiyano?’ Nang maglaon, humingi sila ng tawad sa isa’t isa.

Sa gayong mga kalagayan, makabubuting alalahanin ang halimbawa ni Jesu-Kristo. “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta.” (1 Pedro 2:23) Oo, kapag nasa ilalim ng kaigtingan, sa halip na gumanti, manalangin sa Diyos at hingin na tulungan kang mapanatili ang pagpipigil sa sarili. Bukas-palad siyang “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Sa halip na gumanti kapag may nakasakit sa iyo, marahil ang dapat gawin ay lapitan ang taong iyon at pag-usapan ito. (Mateo 5:23, 24) O kung ikaw ay biktima ng isang anyo ng malubhang panliligalig, marahil mula sa isang maton sa paaralan, huwag sikaping makipagkomprontasyon. Sa halip, kailangan mong gumawa ng praktikal na mga hakbang upang pangalagaan ang iyong sarili. a

Isang Kabataan na Inalis ang Pagngangalit

Ikinapit ng maraming kabataan ang mga simulaing ito sa Bibliya taglay ang magagandang resulta. Halimbawa, si Catrina ay ipinaampon sa maagang gulang. Sabi niya: “May problema ako sa pagngangalit sapagkat hindi ko maunawaan kung bakit ipinaampon ako ng aking tunay na ina. Kaya itinutuon ko ang aking galit sa inang umampon sa akin. Sa isang hangal na kadahilanan, inakala ko na kung sasaktan ko siya, ako’y nakagaganti sa aking tunay na ina sa paano man. Kaya ginawa ko ang lahat ng bagay​—berbal na pang-aabuso, pagdarabog, at pag-aalburoto. Paborito ko ang malalakas na pagsara ng pinto. Madalas ko ring sabihin noon, ‘Kinasusuklaman kita!’​—dahil lamang sa galit na galit ako. Sa pagbabalik-tanaw, hindi ako makapaniwala na nagawa ko ang mga bagay na iyon.”

Ano ang tumulong kay Catrina na masupil ang kaniyang galit? Siya ay tumugon: “Pagbabasa ng Bibliya! Napakahalaga nito sapagkat nalalaman ni Jehova ang nadarama natin.” Nakasumpong din si Catrina ng kaaliwan nang mabasa niya at ng kaniyang pamilya ang mga artikulo sa Gumising! tungkol sa partikular na kalagayan ng kaniyang pamilya. b “Lahat kami ay naupong magkakasama at naunawaan ang damdamin ng isa’t isa,” ang gunita niya.

Maaari mo ring masupil ang mga damdamin ng pagngangalit. Kapag tinutukso, inaapi, o tinatrato nang masama, alalahanin ang mga pananalita sa Bibliya sa Awit 4:4: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala.” Ang mga salitang iyon ay makatutulong sa iyo na maiwasang padala sa mapangwasak na pagngangalit.

[Mga talababa]

a Para sa praktikal na payo tungkol sa pakikitungo sa mga gurong di-makatarungan, mga maton sa paaralan, at mga manliligalig, tingnan ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na lumitaw sa Hulyo 8, 1984; Enero 22, 1986; at Agosto 8, 1989, na mga labas ng Gumising!

b Tingnan ang seryeng pinamagatang “Pag-ampon​—Ang mga Kagalakan, ang mga Hamon,” na lumilitaw sa labas ng Mayo 8, 1996 ng Gumising!

[Larawan sa pahina 15]

Kadalasan, ang pinakamabuting paraan upang pakitunguhan ang panunukso ay basta huwag itong pansinin