Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinutularan Mo ba si Jehova sa Pagmamalasakit sa Iba?

Tinutularan Mo ba si Jehova sa Pagmamalasakit sa Iba?

Tinutularan Mo ba si Jehova sa Pagmamalasakit sa Iba?

‘IHAGIS ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:7) Napakamaibiging paanyaya! Ang Diyos na Jehova mismo ay nagmamalasakit sa kaniyang bayan. Panatag tayo sa kaniyang pangangalaga.

Dapat nating linangin at ipakita ang gayong pagmamalasakit sa iba. Yamang hindi tayo sakdal, kailangan tayong mag-ingat laban sa ilang panganib kapag nagpapakita ng personal na interes sa iba. Bago talakayin ang ilan sa mga ito, tingnan muna natin ang ilang paraan kung paano ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pagmamalasakit sa kaniyang bayan.

Sa paggamit sa isang pastol bilang halimbawa, inilarawan ng salmistang si David ang pangangalaga ng Diyos: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. . . . Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko.”​—Awit 23:1-4.

Palibhasa’y isa ring pastol, alam ni David kung paano pangangalagaan ang kawan. Ipinagsasanggalang ng pastol ang kaniyang mga tupa laban sa mga maninila, gaya ng mga leon, lobo, at mga oso. Iniingatan niyang huwag mangalat ang kawan, hinahanap ang nawawalang tupa, binubuhat sa kaniyang dibdib ang pagód na mga kordero, at ginagamot ang mga maysakit at nasugatan. Araw-araw niyang pinaiinom ang kawan. Hindi ito nangangahulugan na kinokontrol ng pastol ang bawat galaw ng tupa. Malayang nakakakilos ang mga tupa pero naroroon pa rin ang kaniyang proteksiyon.

Ganiyan mangalaga si Jehova sa kaniyang bayan. Ganito ang paliwanag ni apostol Pedro: ‘Iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos.’ Dito, ang salitang “iniingatan” ay literal na nangangahulugang “binabantayan.” (1 Pedro 1:5) Dahil sa tunay na pagmamalasakit, palagi tayong binabantayan ni Jehova at handa siyang tumulong kailanma’t hilingin natin ito. Gayunman, nilalang tayo ni Jehova na may kalayaang magpasiya, kaya hindi niya pinakikialaman ang bawat kilos at pasiya natin. Paano natin matutularan si Jehova sa bagay na ito?

Tularan ang Diyos sa Pangangalaga sa Inyong mga Anak

“Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.” Kaya dapat ingatan at pangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak. (Awit 127:3) Maaaring kasama rito ang pagpapasigla sa mga anak na sabihin ang kanilang niloloob at pagkatapos ay isaalang-alang ang kanilang kaisipan at damdamin kapag nakikitungo sa kanila. Kung kokontrolin ng mga magulang ang bawat galaw ng kanilang mga anak at lubusang ipagwawalang-bahala ang kagustuhan ng mga ito, para silang isang pastol na kumokontrol sa kaniyang mga tupa sa pamamagitan ng tali sa leeg. Walang pastol ang mangangalaga sa kaniyang kawan sa gayong paraan; at tiyak na hindi ito gagawin ni Jehova sa atin.

Inamin ni Mariko: * “Sa loob ng maraming taon, lagi kong sinasabi sa mga anak ko, ‘Ito ang gawin mo’ at ‘Huwag mong gawin iyan.’ Naniwala ako na obligasyon ko ito bilang magulang. Hindi ko sila pinupuri at hindi kami taimtim na nag-uusap.” Napakatagal makipag-usap sa telepono ang anak ni Mariko sa mga kaibigan nito, pero hindi ganoon katagal kapag si Mariko na ang kaniyang kausap. “Noon ko nakita ang pagkakaiba,” ang pagpapatuloy ni Mariko. “Kapag nakikipag-usap sa kaniyang mga kaibigan, gumagamit ang aking anak ng mga salitang nagpapakita ng empatiya, gaya ng ‘Oo nga’ o ‘Ako rin.’ Sinimulan kong gamitin ang gayong mga pananalita para mapasigla ang aking anak na sabihin ang kaniyang niloloob, at di-nagtagal, naging mas mahaba at kasiya-siya ang aming mga pag-uusap.” Itinatampok nito ang kahalagahan ng mabuting pag-uusap, na karaniwan nang nagsasangkot ng pagsasalita at pakikinig ng dalawang panig, hindi ng isa lamang.

Dapat pasiglahin ng mga magulang ang kanilang mga anak na sabihin ang niloloob ng mga ito at kailangang maunawaan ng mga anak kung bakit isang proteksiyon sa kanila ang pagmamalasakit ng kanilang mga magulang. Pinapayuhan ng Bibliya ang mga anak na sundin ang kanilang mga magulang; at pagkatapos ay sinabi nito ang dahilan: “Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.” (Efeso 6:1, 3) Ang mga anak na talagang kumbinsido sa mga kapakinabangan ng pagpapasakop ay hindi nahihirapang maging masunurin.

Sa Pangangalaga sa Kawan ni Jehova

Ang maibiging pangangalaga ni Jehova ay makikita sa kongregasyong Kristiyano. Bilang Ulo ng kongregasyon, inuutusan ni Jesu-Kristo ang matatanda na pangalagaan ang kaniyang kawan. (Juan 21:15-17) Ang Griegong salita para sa tagapangasiwa ay may kaugnayan sa pandiwang nangangahulugang “bantayang mabuti.” Upang idiin kung paano ito dapat gawin, tinagubilinan ni Pedro ang matatanda: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.”​—1 Pedro 5:2, 3.

Oo, ang atas ng matatanda ay katulad ng sa mga pastol. Dapat tulungan at ituwid ng Kristiyanong matatanda ang mga may sakit sa espirituwal upang maipakita ng mga ito sa kanilang buhay ang matuwid na mga pamantayan. Ang matatanda ang may pananagutan sa pag-oorganisa sa mga gawain ng kongregasyon, pagsasaayos ng mga pagpupulong, at pagpapanatili ng kapayapaan sa kongregasyon.​—1 Corinto 14:33.

Pero binababalaan tayo ng mga salita ni Pedro sa itaas hinggil sa isang panganib​—ang ‘mamanginoon’ ang matatanda sa kongregasyon. Ang isang halimbawa nito ay ang paggawa ng isang matanda ng di-kinakailangang mga tuntunin. Dahil sa matinding pagnanais na ipagsanggalang ang kawan, baka sumobra naman ang isang tagapangasiwa. Sa isang kongregasyon sa Silangan, gumawa ang matatanda ng mga tuntunin kung paano babatiin ang iba sa Kingdom Hall​—gaya ng kung sino ang dapat na unang magsalita—​anupat naniniwalang ang pagsunod sa mga tuntuning ito ay magdudulot ng kapayapaan sa kongregasyon. Bagaman talagang mabuti naman ang mga motibo nila, tinutularan kaya ng matatandang iyon ang pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan? Kapansin-pansin, ang saloobin ni apostol Pablo ay mababanaag sa kaniyang mga salita: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Corinto 1:24) May tiwala si Jehova sa kaniyang bayan.

Bukod pa sa pag-iwas sa pagtatakda ng mga tuntunin nang walang batayan sa Kasulatan, ipinakikita ng matatanda ang kanilang pagmamalasakit sa pamamagitan ng hindi pagsasabi sa iba ng kompidensiyal na mga bagay. Lagi nilang tinatandaan ang babala ng Diyos: “Huwag mong isiwalat ang lihim na usapan ng iba.”​—Kawikaan 25:9.

Itinulad ni apostol Pablo ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano sa katawan ng tao: “Binuo ng Diyos ang katawan . . . upang huwag magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan, kundi ang mga sangkap nito ay magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.” (1 Corinto 12:12, 24-26) Ang Griegong pananalitang “magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa” ay literal na nangangahulugang ‘dapat mabahala sa kapakanan ng isa’t isa.’ Ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay dapat na maging lubhang interesado sa isa’t isa.​—Filipos 2:4.

Paano maipakikita ng mga tunay na Kristiyano na sila ay ‘nababahala sa kapakanan ng isa’t isa’? Maaari nilang ipakita ang kanilang pagmamalasakit sa ibang miyembro ng kongregasyon sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin at pagbibigay ng praktikal na tulong sa mga nangangailangan. Nakatutulong ito upang lumitaw ang mabubuting katangian ng iba. Isaalang-alang kung paano natulungan si Tadataka ng gayong maibiging pagmamalasakit. Nang siya ay mabautismuhan sa edad na 17, siya lamang sa kanilang pamilya ang naglilingkod kay Jehova. Ganito ang sabi niya: “Madalas akong inaanyayahan ng isang pamilya sa aming kongregasyon na kumaing kasama nila sa kanilang bahay at sa mga salu-salo. Halos tuwing umaga bago pumasok sa paaralan, nagpupunta muna ako sa kanilang bahay para sumama sa kanilang pagtalakay sa teksto sa Bibliya sa araw na iyon. Pinapayuhan nila ako kung paano ko haharapin ang mga problema sa paaralan, at magkakasama naming idinadalangin ito. Sa pamilyang ito, natutuhan ko ang pagiging mapagbigay.” Sa ngayon, ikinakapit ni Tadataka ang natutuhan niya sa pamamagitan ng paglilingkod sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.

Nagbabala si apostol Pablo hinggil sa isang panganib na may kaugnayan sa pagpapakita ng interes sa iba. Binanggit niya ang ilang babaing naging “mga tsismosa . . . at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1 Timoteo 5:13) Bagaman wasto namang maging interesado sa kapakanan ng iba, dapat tayong mag-ingat na hindi tayo manghimasok sa kanilang personal na buhay. Ang sobrang pagpapakita ng interes sa iba ay mapapansin sa ‘pagsasalita ng mga bagay na hindi dapat,’ gaya ng mapanghatol na mga pananalita.

Dapat nating tandaan na ang mga Kristiyano ay nagkakaiba-iba sa pag-aasikaso sa kanilang personal na buhay, sa gusto nilang kainin, at sa pagpili ng kaayaayang paglilibang. Ang bawat isa ay may kalayaang magpasiya kung ano ang kaniyang gagawin hangga’t hindi ito lumalampas sa mga simulain ng Bibliya. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma: “Huwag na tayong maghatulan pa sa isa’t isa. . . . Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:13, 19) Ang ating taimtim na pagmamalasakit sa isa’t isa sa kongregasyon ay dapat ipakita, hindi sa panghihimasok sa buhay ng iba, kundi sa ating pagnanais na tulungan sila. Kapag nagmamalasakit tayo sa isa’t isa sa ganitong paraan, mananagana ang pag-ibig at pagkakaisa sa pamilya at sa kongregasyon.

[Talababa]

^ par. 9 Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 19]

Pasiglahin ang iyong mga anak na sabihin ang kanilang niloloob sa pamamagitan ng pagbibigay ng komendasyon at pagpapakita ng empatiya