Ayon kay Juan 21:1-25

21  Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad, sa Lawa ng Tiberias. Nagpakita siya sa ganitong paraan. 2  Magkakasama si Simon Pedro, si Tomas (ang tinatawag na Kambal),+ si Natanael+ na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo,+ at ang dalawa pa sa mga alagad. 3  Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: “Mangingisda ako.” Sinabi nila: “Sasama kami.” Umalis sila at sumakay sa bangka, pero wala silang nahuli nang gabing iyon.+ 4  Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon.+ 5  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mga anak, may makakain ba kayo?” Sumagot sila: “Wala!” 6  Sinabi niya: “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may mahuhuli kayo.” Kaya inihagis nila iyon pero hindi na nila maiahon dahil sa dami ng isda.+ 7  Pagkatapos, sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus:+ “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, isinuot* niya ang damit niya dahil nakahubad siya, at tumalon siya sa lawa. 8  Pero sinundan siya ng ibang alagad habang nakasakay sa maliit na bangka at hinahatak ang lambat na punô ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa dalampasigan. 9  Pagdating nila sa dalampasigan, may nakita silang nagbabagang uling na may isda sa ibabaw, at mayroon ding tinapay. 10  Sinabi ni Jesus: “Dalhin ninyo ang ilan sa isdang kahuhuli lang ninyo.” 11  Kaya sumakay si Simon Pedro sa bangka, at hinatak niya sa dalampasigan ang lambat na punô ng malalaking isda, 153 ang mga iyon. Pero kahit napakarami ng isda, hindi nasira ang lambat. 12  Sinabi ni Jesus: “Halikayo, mag-almusal muna kayo.”+ Walang isa man sa mga alagad ang nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong kay Jesus kung sino siya, dahil alam nilang siya ang Panginoon. 13  Kinuha ni Jesus ang tinapay at ibinigay iyon sa kanila, pati ang isda. 14  Ito ang ikatlong pagkakataon+ na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang buhaying muli.* 15  Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon na anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero.”*+ 16  Sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot siya: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.”+ 17  Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Lungkot na lungkot si Pedro dahil ikatlong beses nang itinanong ni Jesus sa kaniya: “Mahal mo ba ako?” Kaya sumagot siya: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.+ 18  Sinasabi ko sa iyo, noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa sarili mo at nagpupunta ka kahit saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at ibang tao ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.”+ 19  Sinabi niya ito para ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan luluwalhatiin ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Patuloy kang sumunod sa akin.”+ 20  Paglingon ni Pedro, nakita niyang papalapit ang alagad na minamahal ni Jesus.+ Siya ang sumandig sa dibdib ni Jesus noong hapunan at nagsabi: “Panginoon, sino ang magtatraidor sa iyo?” 21  Kaya pagkakita sa kaniya, sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kaniya?” 22  Sumagot si Jesus: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo? Patuloy kang sumunod sa akin.” 23  Kaya kumalat ang pananalitang ito sa gitna ng mga tagasunod* na hindi mamamatay ang alagad na iyon. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?” 24  Ito ang alagad+ na nagpapatotoo tungkol sa mga ito at sumulat ng mga ito, at alam natin na ang patotoo niya ay totoo.+ 25  Sa katunayan, marami pang ibang ginawa si Jesus, na kung sakaling naisulat nang detalyado, sa palagay ko, hindi magkakasya sa mundo ang mga isinulat na balumbon.+

Talababa

O “ibinigkis.”
Lit., “ibangon mula sa mga patay.”
O “batang tupa.”
O “kapatid.”

Study Notes

Mga anak: O “Maliliit na anak.” Ang salitang Griego na pai·diʹon (pangmaliit na anyo ng pais, “anak”) ay isang magiliw na pagtawag na posibleng nagpapahiwatig ng nadarama ng isang ama sa kaniyang anak. Dito, ginamit ito para ipakita ang pagkagiliw sa mga kaibigan.

makakain: O “isda.” Dito lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na pro·sphaʹgi·on. Sa sekular na mga akda, ginagamit ito para tumukoy sa anumang puwedeng ipares sa tinapay. Pero sa kontekstong ito, dahil mga mangingisda ang kausap ni Jesus, maliwanag na tumutukoy ito sa isda.

alagad na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang ikaapat sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago.—Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; Ju 21:2; para sa paliwanag kung bakit sinasabing ito si apostol Juan, tingnan ang study note sa Ju 13:23; 21:20.

nakahubad: Ang salitang Griego na gy·mnosʹ ay puwedeng mangahulugang “nakasuot lang ng panloob.”—Mar 14:52, tlb.; tingnan ang study note sa Mat 25:36.

mga 90 metro: Mga 300 ft. Lit., “mga 200 siko.” Ang salitang Griego na peʹkhys (isinaling “siko” sa Apo 21:17) ay isang yunit ng pagsukat na ang haba ay mula siko hanggang dulo ng gitnang daliri. Karaniwan nang ginagamit ng mga Israelita ang siko na mga 44.5 cm (17.5 in).—Tingnan sa Glosari, “Siko,” at Ap. B14.

sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Nangyari ito hindi pa natatagalan matapos ikaila ni Pedro si Jesus nang tatlong beses. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro tungkol sa nadarama nito hanggang sa puntong “lungkot na lungkot [na] si Pedro.” (Ju 21:17) Sa ulat ni Juan sa Ju 21:15-17, dalawang pandiwang Griego ang ginamit: a·ga·paʹo at phi·leʹo, na parehong isinaling mahal. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro: “Mahal mo ba ako?” Tatlong beses ding tiniyak ni Pedro na mahal niya si Jesus. Sa bawat sagot ni Pedro, idiniin ni Jesus na dapat mapakilos si Pedro ng pagmamahal na iyon na pakainin at “pastulan” sa espirituwal na paraan ang mga alagad ni Jesus, na tinukoy rito bilang kaniyang mga kordero, o “maliliit na tupa.” (Ju 21:16, 17; 1Pe 5:1-3) Pagkatapos bigyan ni Jesus ng pagkakataon si Pedro na tiyakin ang pagmamahal nito nang tatlong beses, pinagkatiwalaan niya ito ng pananagutang alagaan ang mga tupa. Sa ganitong paraan, binura ni Jesus ang anumang pag-aalinlangan ni Pedro kung napatawad na siya ni Jesus dahil sa pagkakaila niya rito nang tatlong beses.

Juan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang ama ni apostol Pedro ay tinawag ditong Juan. Sa ibang sinaunang manuskrito naman, tinawag siyang Jona. Sa Mat 16:17, tinawag ni Jesus si Pedro na “Simon na anak ni Jonas.” (Tingnan ang study note sa Mat 16:17.) Ayon sa ilang iskolar, ang Griegong anyo ng mga pangalang Juan at Jona(s) ay posibleng tumutukoy sa iisang pangalang Hebreo pero magkaiba ng ispeling.

mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?: Batay sa gramatika, iba-iba ang puwedeng maging ibig sabihin ng ekspresyong ito. Para sa ilang iskolar, ang ibig sabihin nito ay “mas mahal mo ba ako kaysa sa mga alagad na ito?” o “mas mahal mo ba ako kumpara sa pagmamahal sa akin ng mga alagad na ito?” Pero ang malamang na ibig sabihin nito ay “mas mahal mo ba ako kaysa sa mga bagay na ito?” o sa mga nahuli nilang isda o sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo nilang pangingisda. Kaya lumilitaw na ito talaga ang ibig sabihin ng talatang ito: ‘Mas mahal mo ba ako kaysa sa materyal na mga bagay o tunguhin? Kung oo, pakainin mo ang aking mga kordero.’ Angkop lang ang tanong na iyan dahil sa nakaraan ni Pedro. Kahit isa siya sa mga unang alagad ni Jesus (Ju 1:35-42), hindi siya agad sumunod kay Jesus nang buong panahon. Sa halip, bumalik siya sa pangingisda. Pagkalipas ng ilang buwan, tinawag siya ni Jesus para iwan ang malaking negosyo niya at maging “mangingisda ng tao.” (Mat 4:18-20; Luc 5:1-11) Pero hindi pa natatagalan pagkamatay ni Jesus, sinabi ni Pedro na gusto niya ulit mangisda at sumama ang ibang mga apostol sa kaniya. (Ju 21:2, 3) Kaya lumilitaw na gusto ni Jesus na maintindihan ni Pedro na kailangan niyang magdesisyon: Uunahin ba niya sa buhay niya ang negosyo niyang pangingisda, na kinakatawan ng maraming isda sa harap nila, o uunahin niya ang espirituwal na pagpapakain sa mga kordero, o tagasunod, ni Jesus?—Ju 21:4-8.

mahal: Tingnan ang study note sa Ju 21:15.

maliliit na tupa: Ang salitang Griego na pro·baʹti·on, na isinaling “maliliit na tupa” dito at sa talata 17, ay ang pangmaliit na anyo ng salitang Griego para sa “tupa.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, madalas na ginagamit ang pangmaliit na anyo para magpahiwatig ng pagmamahal at pagiging pamilyar.—Tingnan sa Glosari, “Pangmaliit na anyo.”

ikatlong pagkakataon: Ikinaila ni Pedro ang Panginoon niya nang tatlong beses; binigyan naman siya ngayon ni Jesus ng tatlong pagkakataon para tiyakin na mahal niya ang Panginoon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya na ipakita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng pag-una sa sagradong paglilingkod. Kasama ang iba pang mga kapatid na nangunguna, papakainin, papatibayin, at papastulan ni Pedro ang kawan ng tapat na mga tagasunod ni Kristo. Pinahiran ang mga ito pero kailangan pa ring pakainin sa espirituwal.—Luc 22:32.

ang alagad na minamahal ni Jesus: Ang isa na mahal na mahal ni Jesus. Ito ang huli sa limang pagbanggit sa alagad na “minamahal ni Jesus.” (Ju 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Naniniwala ang marami na ang alagad na ito ay si apostol Juan, ang anak ni Zebedeo at kapatid ni Santiago. (Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; Ju 21:2) Gaya ng makikita sa konteksto ng Ju 21:20-24, “ang alagad na minamahal ni Jesus” ay “ang alagad [din] na . . . sumulat ng mga ito,” ang manunulat ng Ebanghelyo ni Juan.—Tingnan ang study note sa Ju Pamagat; 1:6; 13:23.

ang sumandig sa dibdib ni Jesus: Tingnan ang study note sa Ju 13:23.

Juan: Katumbas sa Tagalog ng pangalang Hebreo na Jehohanan o Johanan, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Hindi nagpakilala ang manunulat ng Ebanghelyong ito. Pero noong ikalawa o ikatlong siglo C.E., kinikilala na ng marami na si apostol Juan ang sumulat nito. Kapag nababanggit ang pangalang Juan sa Ebanghelyong ito, tumutukoy ito kay Juan Bautista, maliban sa Ju 1:42 at 21:15-17, kung saan tinawag ni Jesus na Juan ang ama ni Pedro. (Tingnan ang study note sa Ju 1:42 at 21:15.). Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ni apostol Juan, pero tinukoy siya at ang kapatid niyang si Santiago bilang “mga anak ni Zebedeo.” (Ju 21:2; Mat 4:21; Mar 1:19; Luc 5:10; tingnan ang study note sa Ju 1:6.) Sa huling mga talata ng Ebanghelyo, tinukoy ng manunulat ang sarili niya bilang “ang alagad na minamahal ni Jesus” (Ju 21:20-24), at may makatuwirang mga dahilan para isiping si apostol Juan ito.​—Tingnan ang study note sa Ju 13:23.

hanggang sa dumating ako: Mula sa pananalitang ito, posibleng naunawaan ng iba pang apostol na mas matagal na mabubuhay sa kanila si apostol Juan. Ang totoo, mula nang sabihin ito ni Jesus, halos 70 taon pa siyang nakapaglingkod nang tapat at malamang na siya ang huling apostol na namatay. Posibleng naalala rin ng mga alagad ni Jesus sa ekspresyong “hanggang sa dumating ako” ang sinabi niya tungkol sa “Anak ng tao na dumarating sa kaniyang Kaharian.” (Mat 16:28) At masasabing nanatili talaga si Juan hanggang sa dumating si Jesus. Noong malapit na siyang mamatay habang isa siyang tapon sa isla ng Patmos, may nakita siyang kamangha-manghang pangitain. Tungkol ito sa mga mangyayari sa “araw ng Panginoon” kung kailan darating si Jesus bilang Hari ng Kaharian. Naging totoong-totoo kay Juan ang kamangha-manghang mga pangitaing ito, kaya nang sabihin ni Jesus: “Oo, malapit na akong dumating,” sumagot si Juan: “Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.”—Apo 1:1, 9, 10; 22:20.

marami pang ibang ginawa si Jesus: Gumamit si Juan ng eksaherasyon nang sabihin niyang hindi magkakasya sa mundo ang lahat ng balumbon (katumbas noon ng aklat) na kailangan para maisulat ang bawat detalye tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. Ang terminong Griego na ginamit dito ni Juan para sa “mundo” (koʹsmos) ay puwedeng tumukoy sa buong lipunan ng tao (kasama na ang mga aklatan nila), pero ginagamit din ito kung minsan sa sekular na mga akdang Griego para tumukoy sa buong uniberso, o sa pinakamalaking espasyo na abot ng isip ng tao. (Ihambing ang study note sa Gaw 17:24.) Sinasabi lang ni Juan na marami pa sanang puwedeng isulat tungkol kay Jesus, pero sapat na ang nasa “balumbon” niya at ang iba pang Kasulatan para patunayang “si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos.” (Ju 20:30, 31) Masasabing maikli lang ang ulat ni Juan, pero makikita rito ang isang napakagandang paglalarawan sa Anak ng Diyos.

Media

Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea
Mga Labí ng Bangkang Pangisda sa Galilea

Dahil sa tagtuyot noong 1985/1986, bumaba ang tubig sa Lawa ng Galilea kaya lumitaw ang katawan ng isang sinaunang bangka na nakabaon sa putik. Ang labí ng bangka ay 8.2 m (27 ft) ang haba at 2.3 m (7.5 ft) ang lapad at ang pinakamataas na bahagi ay 1.3 m (4.3 ft). Ayon sa mga arkeologo, ang bangka ay mula pa noong mga unang siglo B.C.E. hanggang unang siglo C.E. Ang bangkang ito ay nakadispley sa isang museo sa Israel. Makikita sa video ang posibleng hitsura ng bangka habang naglalayag mga 2,000 taon na ang nakakalipas.

Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo
Bangkang Pangisda Noong Unang Siglo

Ang larawang ito ay batay sa bangkang pangisda noong unang siglo na nakitang nakabaon sa putik malapit sa pampang ng Lawa ng Galilea at batay sa mosaic na nakita sa isang unang-siglong bahay sa Migdal, isang bayan na nasa baybayin. Ang ganitong bangka ay may palo at (mga) layag at malamang na may limang tripulante—apat na tagasagwan at isang timonero, na nakatayo sa maliit na kubyerta sa likurang bahagi ng bangka. Mga 8 m (26.5 ft) ang haba ng bangka, at ang gitna ay may lapad na mga 2.5 m (8 ft) at lalim na 1.25 m (4 ft). Posibleng kaya nitong magsakay ng 13 tao o higit pa.

Mga Isda sa Lawa ng Galilea
Mga Isda sa Lawa ng Galilea

Maraming beses na binabanggit sa Bibliya ang isda, pangingisda, at mangingisda may kaugnayan sa Lawa ng Galilea. Mga 18 uri ng isda ang makikita sa Lawa ng Galilea, pero mga 10 uri lang ang hinuhuli ng mga mangingisda. Ang 10 uri na ito ay maikakategorya sa tatlong grupo kapag ibinebenta. Ang isang grupo ay ang binny, na tinatawag ding barbel (makikita rito ang Barbus longiceps) (1). Ang tatlong uri ng binny ay may balbas sa gilid ng bibig nito; kaya ang Semitikong pangalan nito ay biny, na nangangahulugang “buhok.” Kumakain ito ng mga mollusk, susô, at maliliit na isda. Ang longheaded barbel ay umaabot nang 75 cm (30 in) at maaaring tumimbang nang mahigit 7 kg (15 lb). Ang ikalawang grupo ay tinatawag na musht (makikita rito ang Tilapia galilea) (2), na nangangahulugang “suklay” sa Arabiko, dahil ang limang uri nito ay may tulad-suklay na palikpik sa likod. Ang isang uri ng musht ay umaabot nang mga 45 cm (18 in) at maaaring tumimbang nang mga 2 kg (4.5 lb). Ang ikatlong grupo ay ang Kinneret sardine (makikita rito ang Acanthobrama terrae sanctae) (3), na mukhang maliit na herring. Noon pa man, pinepreserba na ang isdang ito sa pamamagitan ng pagbababad sa sukà.