Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naging Katunayan ang mga Pangitain Tungkol sa Kaharian ng Diyos

Naging Katunayan ang mga Pangitain Tungkol sa Kaharian ng Diyos

Naging Katunayan ang mga Pangitain Tungkol sa Kaharian ng Diyos

“Mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin [sa makahulang salita] na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.”​—2 PEDRO 1:19.

1. Anong pagkakaiba ang makikita natin sa daigdig ngayon?

SUNUD-SUNOD na krisis​—iyan ang pangunahing tema sa daigdig ngayon. Mula sa mga kasakunaan sa ekolohiya hanggang sa pangglobong terorismo, tila hindi na makontrol ang mga problema ng sangkatauhan. Maging ang mga relihiyon sa daigdig ay hindi makatulong. Sa katunayan, madalas na pinalulubha pa nga ng mga ito ang mga bagay-bagay habang ginagatungan ang pagkapanatiko, pagkapoot, at nasyonalismo na bumabahagi sa mga tao. Oo, gaya ng inihula, tinakpan ng “makapal na karimlan ang mga liping pambansa.” (Isaias 60:2) Subalit kasabay nito, milyun-milyon ang tumitingin sa hinaharap taglay ang pagtitiwala. Bakit? Sapagkat nagbibigay-pansin sila sa makahulang salita ng Diyos na “gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.” Hinahayaan nilang akayin ang kanilang mga hakbang ng “salita,” o mensahe, ng Diyos, na masusumpungan ngayon sa Bibliya.​—2 Pedro 1:19.

2. Ayon sa hula ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan,” sino lamang ang pagkakalooban ng espirituwal na kaunawaan?

2 Tungkol sa “panahon ng kawakasan,” sumulat si propeta Daniel: “Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana. Marami ang maglilinis ng kanilang sarili at magpapaputi ng kanilang sarili at mapadadalisay. At ang mga balakyot ay tiyak na gagawi nang may kabalakyutan, at walang sinumang balakyot ang makauunawa; ngunit silang may kaunawaan ay makauunawa.” (Daniel 12:4, 10) Ang espirituwal na kaunawaan ay ipagkakaloob lamang sa mga taimtim na ‘nagpaparoo’t parito,’ o masikap na nag-aaral, sa Salita ng Diyos, sumusunod sa kaniyang mga pamantayan, at nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban.​—Mateo 13:11-​15; 1 Juan 5:20.

3. Noong dekada ng 1870, anong mahalagang katotohanan ang naunawaan ng unang mga estudyante ng Bibliya?

3 Noon pa mang dekada ng 1870, bago magsimula ang “mga huling araw,” sinimulan na ng Diyos na Jehova na magpasikat ng higit pang liwanag tungkol sa “mga sagradong lihim ng kaharian ng langit.” (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 13:11) Bagaman salungat sa popular na paniniwala, naunawaan noon ng isang grupo ng mga estudyante ng Bibliya na hindi makikita ang pagbabalik ni Kristo. Matapos lumuklok sa trono sa langit, babalik si Jesus sa diwa na magtutuon siya ng pansin sa lupa bilang ang Hari nito. Malalaman ng kaniyang mga alagad na nagsimula na ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa pamamagitan ng isang nakikitang tanda na binubuo ng maraming bahagi.​—Mateo 24:3-14.

Nang Maging Katunayan ang Isang Pangitain

4. Paano pinatibay ni Jehova ang pananampalataya ng kaniyang mga lingkod sa makabagong panahon?

4 Ang pagbabagong-anyo ay isang maliwanag na pangitain hinggil sa Kristo taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian. (Mateo 17:1-9) Pinatibay ng pangitaing iyon ang pananampalataya nina Pedro, Santiago, at Juan sa panahong ang marami ay huminto na sa pagsunod kay Jesus sapagkat hindi niya ginawa ang kanilang di-makakasulatang mga inaasahan. Gayundin naman, sa panahong ito ng kawakasan, pinatibay ni Jehova ang pananampalataya ng kaniyang mga lingkod sa makabagong panahon sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na liwanag tungkol sa katuparan ng kagila-gilalas na pangitaing iyon at sa marami pang ibang kaugnay na mga hula. Pag-usapan natin ngayon ang ilan sa espirituwal na mga katunayang ito na nakapagpapatibay ng pananampalataya.

5. Sino ang napatunayang Bituing Pang-araw, at kailan at paano siya “sumikat”?

5 Tinutukoy ang pagbabagong-anyo, sumulat si apostol Pedro: “Dahil dito ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso.” (2 Pedro 1:19) Ang makasagisag na Bituing Pang-araw, o “maningning na bituing pang-umaga” na iyon ay ang niluwalhating si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 22:16) “Sumikat” siya noong 1914 nang itatag sa langit ang Kaharian ng Diyos, anupat nagsilbing hudyat ng pasimula ng isang bagong panahon. (Apocalipsis 11:15) Sa pangitain ng pagbabagong-anyo, nakita sina Moises at Elias sa magkabilang panig ni Jesus, na nakikipag-usap sa kaniya. Sino ang inilalarawan nila?

6, 7. Kanino lumalarawan sina Moises at Elias sa pagbabagong-anyo, at anu-anong mahahalagang detalye ang isinisiwalat ng Kasulatan tungkol sa mga inilalarawan nila?

6 Yamang nakibahagi sina Moises at Elias sa kaluwalhatian ni Kristo, dapat lumarawan ang dalawang tapat na mga saksing ito sa mga kasama ni Jesus na mamamahala sa kaniyang Kaharian. Ang pagkaunawa na may mga kasamang tagapamahala si Jesus ay kasuwato ng isang pangitain hinggil sa iniluklok na Mesiyas na ipinakita kay propeta Daniel. Nakita ni Daniel “ang isang gaya ng anak ng tao” na tumatanggap ng “isang pamamahalang namamalagi nang walang takda” mula sa “Sinauna sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova. Ngunit pansinin kung ano ang ipinakita kay Daniel di-nagtagal pagkatapos nito. Sumulat siya: “Ang kaharian at ang pamamahala at ang karingalan ng mga kaharian sa silong ng buong langit ay ibinigay sa bayan na siyang mga banal ng Kadaki-dakilaan.” (Daniel 7:13, 14, 27) Oo, mahigit na limang siglo bago ang pagbabagong-anyo, isiniwalat ng Diyos na may “mga banal” na makikibahagi sa maharlikang karingalan ni Kristo.

7 Sino ang mga banal sa pangitain ni Daniel? Tinutukoy ni apostol Pablo ang gayong mga indibiduwal nang sabihin niya: “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.” (Roma 8:16, 17) Ang mga banal ay walang iba kundi ang mga alagad ni Jesus na pinahiran ng espiritu. Sa Apocalipsis, sinabi ni Jesus: “Ang isa na nananaig ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, kung paanong ako ay nanaig at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono.” Ang mga ‘nanaig’ na ito na binuhay-muli, na may bilang na 144,000, ay mamamahala sa buong lupa kasama ni Jesus.​—Apocalipsis 3:21; 5:9, 10; 14:1, 3, 4; 1 Corinto 15:53.

8. Paano gumanap ang pinahirang mga alagad ni Jesus ng gawaing katulad ng ginampanan nina Moises at Elias, ano ang mga resulta?

8 Ngunit bakit inilalarawan nina Moises at Elias ang pinahirang mga Kristiyano? Sapagkat noong mga tao pa rito sa lupa ang gayong mga Kristiyano, gumanap sila ng isang gawaing katulad ng ginampanan nina Moises at Elias. Halimbawa, naglingkod sila bilang mga saksi ni Jehova, maging sa harap ng pag-uusig. (Isaias 43:10; Gawa 8:1-8; Apocalipsis 11:2-​12) Tulad nina Moises at Elias, lakas-loob nilang ibinunyag ang huwad na relihiyon samantalang pinapayuhan ang taimtim na mga tao na magbigay ng bukod-tanging debosyon sa Diyos. (Exodo 32:19, 20; Deuteronomio 4:22-​24; 1 Hari 18:18-​40) Nagbunga ba ang kanilang gawain? Oo! Bukod sa pagtulong na matipon ang lahat ng kabilang sa mga pinahiran, natulungan nila ang milyun-milyon na kabilang sa “ibang mga tupa” na kusang magpasakop kay Jesu-Kristo.​—Juan 10:16; Apocalipsis 7:4.

Nilulubos ni Kristo ang Kaniyang Pananaig

9. Paano inilalarawan ng Apocalipsis 6:2 kung ano na si Jesus ngayon?

9 Si Jesus ay hindi na isang tao lamang na nakasakay sa isang bisirong asno. Siya ay isa na ngayong makapangyarihang Hari. Inilalarawan siya na nakasakay sa isang kabayo​—isang simbolo ng pakikipagdigma ayon sa Bibliya. (Kawikaan 21:31) “Narito! isang kabayong puti,” ang sabi sa Apocalipsis 6:2, “at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” Karagdagan pa, ganito ang isinulat ng salmistang si David tungkol kay Jesus: “Ang tungkod ng iyong lakas ay isusugo ni Jehova mula sa Sion, na nagsasabi: ‘Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.’ ”​—Awit 110:2.

10. (a) Paano nagkaroon ng maluwalhating pasimula ang pagsakay ni Jesus upang manaig? (b) Paano naapektuhan ang sanlibutan sa pangkalahatan ng unang tagumpay ni Kristo?

10 Ang unang tagumpay ni Jesus ay laban sa kaniyang pinakamakapangyarihang mga kaaway​—si Satanas at ang mga demonyo. Matapos silang palayasin sa langit, inihagis niya sila sa lupa. Yamang batid na maikli na lamang ang kanilang natitirang panahon, ibinuhos ng balakyot na mga espiritung ito sa sangkatauhan ang kanilang marahas na galit, anupat lumikha ng matinding kaabahan. Inilalarawan sa Apocalipsis ang kaabahang ito sa pamamagitan ng pagsakay ng tatlo pang mangangabayo. (Apocalipsis 6:3-8; 12:7-​12) Gaya ng inihula ni Jesus tungkol sa “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” ang kanilang pagsakay ay nagbunga ng pakikipagdigma, taggutom, at nakamamatay na salot. (Mateo 24:3, 7; Lucas 21:7-​11) Tulad sa literal na mga hapdi ng panganganak, ang “mga hapdi ng kabagabagan” na ito ay tiyak na lalo pang titindi hanggang sa ‘malubos ni Kristo ang kaniyang pananaig’ sa pamamagitan ng paglipol sa lahat ng bakas ng nakikitang organisasyon ni Satanas. *​—Mateo 24:8.

11. Paano pinatutunayan ng kasaysayan ng kongregasyong Kristiyano ang maharlikang awtoridad ni Kristo?

11 Kitang-kita rin ang maharlikang awtoridad ni Jesus dahil naingatan niya ang kongregasyong Kristiyano upang maisakatuparan nito ang atas na ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa buong daigdig. Sa kabila ng malupit na pananalansang ng Babilonyang Dakila​—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon​—at ng napopoot na mga pamahalaan, hindi lamang nagpatuloy ang gawaing pangangaral kundi umabot pa ito sa lawak na ngayon pa lamang nangyari sa kasaysayan ng daigdig. (Apocalipsis 17:5, 6) Tunay ngang isang matibay na katunayan ito ng paghahari ni Kristo!​—Awit 110:3.

12. Bakit hindi nauunawaan ng karamihan sa mga tao ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo?

12 Subalit nakalulungkot, hindi nauunawaan ng karamihan sa mga tao, pati ng milyun-milyong nag-aangking Kristiyano, ang di-nakikitang mga katunayang nasa likod ng mahahalagang pangyayari sa lupa. Tinutuya pa nga nila ang mga naghahayag tungkol sa Kaharian ng Diyos. (2 Pedro 3:3, 4) Bakit? Sapagkat binubulag ni Satanas ang kanilang mga pag-iisip. (2 Corinto 4:3, 4) Sa katunayan, sinimulan na niyang lambungan ng espirituwal na kadiliman ang mga nag-aangking Kristiyano maraming siglo na ang nakalilipas, anupat inudyukan pa man din sila na talikuran ang kanilang mahalagang pag-asa sa Kaharian.

Tinalikuran ang Pag-asa sa Kaharian

13. Sa ano humantong ang lambong ng espirituwal na kadiliman?

13 Inihula ni Jesus na papasok sa kongregasyong Kristiyano ang mga apostata, tulad ng mga panirang-damo na inihasik sa gitna ng mga trigo, at ililigaw nila ang marami. (Mateo 13:24-​30, 36-​43; Gawa 20:29-​31; Judas 4) Nang maglaon, tinanggap ng di-umano’y mga Kristiyanong ito ang paganong mga kapistahan, gawain, at mga turo, anupat ipinahahayag pa nga na ang mga ito ay maituturing na “maka-Kristiyano.” Halimbawa, ang Pasko ay nagmula sa mga ritwal na may kaugnayan sa pagsamba sa paganong mga bathalang sina Mithra at Saturn. Ngunit ano ba ang gumanyak sa nag-aangking mga Kristiyano na tanggapin ang hindi makakristiyanong mga pagdiriwang na ito? Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica (1974): “Ang Pasko, ang kapistahan ng kapanganakan ni Jesu-Kristo, ay itinatag may kaugnayan sa paglaho ng pag-asa tungkol sa napipintong pagbabalik ni Kristo.”

14. Paano pinilipit ng mga turo nina Origen at Augustine ang katotohanan tungkol sa Kaharian?

14 Isaalang-alang din ang pagpilipit sa kahulugan ng salitang “kaharian.” Sinasabi ng aklat na The Kingdom of God in 20th-Century Interpretation: “Si Origen [isang teologo noong ikatlong siglo] ang naging dahilan kung bakit binigyang-kahulugan ng mga Kristiyano ang ‘kaharian’ bilang ang pamamahala ng Diyos na nasa puso.” Ano ang pinagbatayan ni Origen sa kaniyang turo? Hindi ang Kasulatan, kundi “ang balangkas ng isang pilosopiya at pangmalas ng sanlibutan na ibang-iba sa kaisipan ni Jesus at ng pinakaunang simbahan.” Sa kaniyang akdang De Civitate Dei (Ang Lunsod ng Diyos), sinabi ni Augustine ng Hippo (354-430 C.E.) na ang simbahan mismo ang siyang Kaharian ng Diyos. Ang gayong di-makakasulatang kaisipan ang nagbigay sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ng teolohikal na mga saligan upang tumanggap ng pulitikal na kapangyarihan. At sa loob ng maraming siglo, hinawakan nila ang gayong kapangyarihan at malimit na ginamit nang buong kalupitan.​—Apocalipsis 17:5, 18.

15. Paano natutupad ang Galacia 6:7 may kinalaman sa maraming simbahan ng Sangkakristiyanuhan?

15 Subalit sa ngayon, inaani na ng mga simbahan ang kanilang inihasik. (Galacia 6:7) Marami ang waring nawawalan ng kanilang kapangyarihan at maging ng kanilang mga miyembro. Kapansin-pansin ang ganitong kalakaran sa Europa. Ayon sa babasahing Christianity Today, “sa halip na mga bahay ng pagsamba, ang malalaking katedral sa Europa ay [nagsisilbi] ngayong mga museo, na pasyalan na lamang ng mga turista.” Napapansin ang kalakaran ding ito sa iba pang bahagi ng daigdig. Ano ang ibinabadya nito para sa huwad na relihiyon? Maglalaho na lamang ba ito dahil sa kawalan ng suporta? At paano maaapektuhan ang tunay na pagsamba?

Maging Handa Para sa Dakilang Araw ng Diyos

16. Bakit makahulugan ang tumitinding pagkapoot sa Babilonyang Dakila?

16 Kung paanong ang usok at abong bumubuga mula sa isang dating natutulog na bulkan ay nagpapahiwatig ng napipintong pagsabog, ang tumitinding pagkapoot laban sa relihiyon sa maraming bahagi ng daigdig ay isang pahiwatig na biláng na ang mga araw ng huwad na relihiyon. Malapit nang pakilusin ni Jehova ang pulitikal na mga elemento sa sanlibutan upang magkaisa sa pagsisikap na ilantad at wasakin ang espirituwal na patutot, ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 17:15-​17; 18:21) Dapat bang matakot ang tunay na mga Kristiyano sa pangyayaring ito at sa iba pang mga bahagi ng “malaking kapighatian” na kasunod nito? (Mateo 24:21) Hinding-hindi! Magkakaroon pa nga sila ng mga dahilan na magalak kapag kumilos na ang Diyos laban sa mga balakyot. (Apocalipsis 18:20; 19:1, 2) Tingnan ang halimbawa ng Jerusalem noong unang siglo at ng mga Kristiyano na naninirahan doon.

17. Bakit mahaharap nang may pagtitiwala ng tapat na mga lingkod ni Jehova ang katapusan ng sistemang ito?

17 Nang kubkubin ng mga puwersang Romano ang Jerusalem noong 66 C.E., hindi nabigla ni nangilabot man ang mga Kristiyanong gising sa espirituwal. Palibhasa’y masisipag na estudyante ng Salita ng Diyos, alam nila “na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” (Lucas 21:20) Alam din nila na gagawa ang Diyos ng paraan para makatakas sila tungo sa kaligtasan. Nang mangyari iyon, tumakas nga ang mga Kristiyano. (Daniel 9:26; Mateo 24:15-​19; Lucas 21:21) Gayundin naman sa ngayon, ang katapusan ng sistemang ito ay mahaharap nang may pagtitiwala ng mga nakakakilala sa Diyos at sumusunod sa kaniyang Anak. (2 Tesalonica 1:6-9) Sa katunayan, kapag sumiklab na ang malaking kapighatian, buong-kagalakan silang ‘titindig nang tuwid at itataas ang kanilang ulo, sapagkat alam nila na ang kanilang katubusan ay nalalapit na.’​—Lucas 21:28.

18. Ano ang magiging resulta ng lubusan at panghuling pagsalakay ni Gog sa mga lingkod ni Jehova?

18 Pagkatapos ng pagpuksa sa Babilonyang Dakila, maglulunsad si Satanas, bilang Gog ng Magog, ng lubusan at panghuling pagsalakay sa mapayapang mga Saksi ni Jehova. Palibhasa’y darating na “tulad ng mga ulap na tatakip sa lupain,” aasa ang mga pulutong ni Gog sa isang madaling tagumpay. Pero magugulat sila! (Ezekiel 38:14-​16, 18-​23) Sumulat si apostol Juan: “Nakita kong bukás ang langit, at, narito! isang kabayong puti. At ang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo . . . Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang kaniyang saktan ang mga bansa sa pamamagitan nito.” Ililigtas ng di-malulupig na ‘Haring ito ng mga hari’ ang matapat na mga mananamba ni Jehova at lilipulin niya ang lahat ng kanilang mga kaaway. (Apocalipsis 19:11-21) Tunay ngang isang sukdulang katuparan ng pangitain ng pagbabagong-anyo!

19. Paano maaapektuhan ng lubusang tagumpay ni Kristo ang kaniyang matapat na mga alagad, at ano ang dapat nilang sikaping gawin ngayon?

19 Si Jesus ay ‘ituturing na kamangha-mangha sa araw na iyon may kaugnayan sa lahat niyaong mga nanampalataya.’ (2 Tesalonica 1:10) Nais mo bang mapabilang sa mga tatayong may pagpipitagan sa harap ng matagumpay na Anak ng Diyos? Kung gayon, patuloy na patibayin ang iyong pananampalataya at ‘maging handa ka, sapagkat sa oras na hindi mo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.’​—Mateo 24:43, 44.

Panatilihin ang Inyong Katinuan

20. (a) Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa paglalaan ng Diyos ng “tapat at maingat na alipin”? (b) Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?

20 Regular na pinapayuhan ng “tapat at maingat na alipin” ang bayan ng Diyos na manatiling mapagbantay sa espirituwal at panatilihin ang kanilang katinuan. (Mateo 24:45, 46; 1 Tesalonica 5:6) Pinahahalagahan mo ba ang napapanahong mga paalaalang ito? Ginagamit mo ba ang mga ito sa pagtatakda ng iyong mga priyoridad sa buhay? Bakit hindi tanungin ang iyong sarili: ‘Mayroon ba akong malinaw na espirituwal na paningin anupat nakikita ko ang Anak ng Diyos na namamahala sa langit? Nakikita ko bang handa na siyang maglapat ng hatol ng Diyos laban sa Babilonyang Dakila at sa nalalabing bahagi ng sistema ni Satanas?

21. Bakit kaya hinayaan ng ilan na lumabo ang kanilang espirituwal na paningin, at ano ang dapat nilang gawin kaagad?

21 Hinayaan ng ilan na nakikisama ngayon sa bayan ni Jehova na lumabo ang kanilang espirituwal na paningin. Dahil kaya sa wala silang pagtitiis o pagbabata, gaya ng ilan sa unang mga alagad ni Jesus? Naapektuhan kaya sila ng mga kabalisahan sa buhay, materyalismo, o pag-uusig? (Mateo 13:3-8, 18-​23; Lucas 21:34-​36) Marahil ay nahihirapan ang ilan na maintindihan ang ilang impormasyong inilathala ng “tapat at maingat na alipin.” Kapag nangyari sa iyo ang alinman dito, hinihimok ka naming mag-aral ng Salita ng Diyos taglay ang panibagong sigasig at magsumamo kay Jehova upang muli kang magkaroon ng matibay at malapit na kaugnayan sa kaniya.​—2 Pedro 3:11-15.

22. Paano nakaapekto sa iyo ang pagtalakay sa pangitain ng pagbabagong-anyo at sa kaugnay na mga hula?

22 Ang pangitain ng pagbabagong-anyo ay ipinakita sa mga alagad ni Jesus noong kailangan nila ng pampatibay-loob. Ngayon, taglay natin ang isang bagay na higit na magpapatibay sa atin​—ang katuparan ng kagila-gilalas na pangitaing iyon at ang marami pang kaugnay na mga hula. Habang binubulay-bulay natin ang maluwalhating mga katunayang ito at ang kahulugan ng mga ito sa hinaharap, ipahayag din sana natin nang buong puso ang gaya ng nadama ni apostol Juan nang sabihin niya: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”​—Apocalipsis 22:20.

[Talababa]

^ par. 10 Sa orihinal na Griego, ang salitang isinaling “mga hapdi ng kabagabagan” ay literal na nangangahulugang “mga hapdi ng panganganak.” (Mateo 24:8, Kingdom Interlinear) Ipinahihiwatig nito na tulad sa mga hapdi ng panganganak, ang mga suliranin ng sanlibutan ay lalo pang dadalas, titindi, at tatagal, na ang kasukdulan nito ay sa malaking kapighatian.

Naaalaala Mo Ba?

• Noong dekada ng 1870, ano ang naunawaan ng isang maliit na grupo ng mga estudyante ng Bibliya tungkol sa pagbabalik ni Kristo?

• Paano natupad ang pangitain ng pagbabagong-anyo?

• Ano ang naging epekto sa sanlibutan at sa kongregasyong Kristiyano ng pagsakay ni Jesus upang manaig?

• Ano ang dapat nating gawin upang mapabilang sa mga makaliligtas kapag nilubos ni Jesus ang kaniyang pananaig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Naging katunayan ang pangitain

[Mga larawan sa pahina 18]

Alam mo ba ang nangyari nang simulan ni Kristo ang kaniyang pananaig?