Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ipakipaglaban Mo ang Mainam na Pakikipaglaban ng Pananampalataya”

“Ipakipaglaban Mo ang Mainam na Pakikipaglaban ng Pananampalataya”

“Ipakipaglaban Mo ang Mainam na Pakikipaglaban ng Pananampalataya”

MAYROON bang kawal sa panahon ng digmaan na hindi matutuwa kapag siya’y inutusan na: “Umuwi ka sa iyong tahanan at gumugol ng panahon kasama ng iyong asawa at pamilya”?

Isang kawal noong panahon ni Haring David ng Israel ang tumanggap ng gayong utos. Ipinatawag mismo ng hari si Uria na Hiteo at hinimok na umuwi. Gayunman, tumangging umuwi sa kaniyang bahay si Uria. Nang tanungin tungkol sa kaniyang kakaibang tugon, sinabi ni Uria na ang kaban ng tipan, na kumakatawan sa presensiya ng Diyos, at ang hukbo ng Israel ay nasa larangan ng digmaan. “At ako,” ang tanong niya, “papasok ba ako sa aking sariling bahay upang kumain at uminom at sumiping sa aking asawa?” Para kay Uria, hindi ito nararapat gawin sa gayon kapanganib na panahon.​—2 Samuel 11:8-11.

Nagbabangon ng mahahalagang tanong ang iginawi ni Uria, sapagkat tayo rin ay nabubuhay sa panahon ng digmaan. Isang digmaan ang nasa kasagsagan ngayon na hindi katulad ng anumang digmaan na ipinakipaglaban ng mga bansa sa daigdig. Walang kuwenta ang dalawang digmaang pandaigdig kung ihahambing dito, at kasali ka sa digmaang ito. Malaki ang nakataya at nakatatakot ang kalaban. Sa digmaang ito, walang baril na pinapuputok, walang bomba na inihuhulog, ngunit matindi pa rin ang estratehiya sa digmaan.

Bago sumali sa digmaang ito, dapat mo munang malaman kung ito ba ay tama sa moral at kung ano ang iyong ipinakikipaglaban. Sulit bang maghirap sa pakikidigma? Niliwanag ni apostol Pablo ang layunin ng natatanging labanan na ito sa kaniyang liham kay Timoteo: “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.” Oo, sa digmaang ito, hindi kuta ang dapat mong ipagtanggol kundi ang “pananampalataya”​—ang buong katotohanang Kristiyano na isiniwalat sa Bibliya. Maliwanag, dapat mong lubos na paniwalaan ang “pananampalataya” upang maipaglaban ito at magwagi.​—1 Timoteo 6:12.

Sinisikap ng matalinong mandirigma na makilala ang kaniyang kaaway. Sa labanang ito, ang kaaway ay may maraming taon nang karanasan sa estratehiya ng digmaan, at marami siyang kakayahan at sandata. Nakahihigit din siya sa tao. Siya ay mabalasik, marahas, at walang prinsipyo; siya ay si Satanas. (1 Pedro 5:8) Walang silbi ang pisikal na mga sandata at ang katusuhan at pandaraya ng tao laban sa kaaway na ito. (2 Corinto 10:4) Ano ang magagamit mo upang makipaglaban sa digmaang ito?

Ang pangunahing sandata ay “ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17) Ipinakikita ni apostol Pablo kung gaano ito kabisa: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:11, 12) Ang isang sandata na napakatalas at hindi nagmimintis, anupat nakatatagos sa kaibuturan ng kaisipan at motibo ng isang indibiduwal ay tiyak na dapat gamitin nang may kasanayan at pag-iingat.

Alam mo marahil na maaaring may pinakamodernong mga sandata ang isang hukbo, ngunit walang silbi ang mga sandatang iyon kung hindi sanay ang mga kawal kung paano gamitin ang mga iyon. Kailangan mo rin ang tagubilin upang magamit nang mabisa ang iyong tabak. Mabuti na lamang, maaari kang sanayin ng pinakamakaranasang mga mandirigma. Tinawag ni Jesus ang mga mandirigmang guro na ito na “tapat at maingat na alipin,” na pinagkatiwalaan ng pananagutang maglaan ng napapanahong espirituwal na pagkain, o tagubilin, para sa kaniyang mga tagasunod. (Mateo 24:45) Makikilala mo ang kalipunang alipin na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa masipag na pagtuturo at napapanahong mga babala nito hinggil sa mga taktika ng kaaway. Ipinakikita ng katibayan na ito ang pinahiran-ng-espiritung mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.​—Apocalipsis 14:1.

Ang kalipunang alipin na ito ay hindi lamang nagtuturo. Ipinakikita nito ang espiritu ni apostol Pablo, na sumulat sa kongregasyon sa Tesalonica: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” (1 Tesalonica 2:7, 8) Pananagutan na ng bawat Kristiyanong kawal kung paano sasamantalahin ang maibiging pagsasanay na inilalaan.

Ang Kumpletong Kagayakang Pandigma

Inilalaan ang isang kumpletong kagayakang pandigma para sa iyong proteksiyon. Masusumpungan mo kung anu-ano ang mga kabilang sa kagayakang pandigmang ito sa Efeso 6:13-18. Ang isang maingat na kawal ay hindi hahayo sa larangan kung ang ilang bahagi ng kaniyang espirituwal na baluti ay nawawala o kinakailangang kumpunihin.

Kailangan ng isang Kristiyano ang lahat ng kaniyang nagsasanggalang na baluti, ngunit lalo nang mahalaga ang malaking kalasag ng pananampalataya. Kaya naman sumulat si Pablo: “Higit sa lahat, kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot.”​—Efeso 6:16.

Ang malaking kalasag, na maaaring tumakip sa buong katawan, ay kumakatawan sa kalidad ng pananampalataya. Dapat kang magkaroon ng matibay na pananampalataya sa patnubay ni Jehova, anupat tinatanggap nang walang pag-aalinlangan na matutupad ang lahat ng kaniyang mga pangako. Dapat mong madama na para bang natupad na ang mga pangakong iyon. Huwag mag-alinlangan kahit sandali na malapit nang mapuksa ang buong sistema ng sanlibutan ni Satanas, na babaguhin ang lupa upang maging paraiso, at na isasauli sa kasakdalan ang mga taong matapat sa Diyos.​—Isaias 33:24; 35:1, 2; Apocalipsis 19:17-21.

Subalit sa nagaganap na pambihirang labanan na ito, higit pa ang kailangan mo​—isang kaibigan. Sa panahon ng digmaan, nabubuo ang matalik na pagkakaibigan habang pinatitibay-loob at ipinagsasanggalang ng mga mandirigma ang isa’t isa, at kung minsan pa nga ay inililigtas ang isa’t isa sa kamatayan. Bagaman mahalaga ang mga kasama, upang makaligtas sa labanang ito, kailangang maging kaibigan mo ang isa na walang iba kundi si Jehova mismo. Iyan ang dahilan kung bakit tinapos ni Pablo ang kaniyang talaan ng mga bumubuo sa kagayakang pandigma sa mga salitang ito: “Samantalang sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo ay nagpapatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu.”​—Efeso 6:18.

Gustung-gusto nating makasama ang isang matalik na kaibigan. Sinisikap nating makasama siya. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap kay Jehova sa panalangin, nagiging tunay siya sa atin, isang mapagkakatiwalaang kaibigan. Pinasisigla tayo ng alagad na si Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”​—Santiago 4:8.

Mga Taktika ng Kaaway

Ang pakikipagbaka sa sanlibutang ito ay nakakatulad kung minsan ng paglakad sa isang parang na tinamnan ng mga bomba. Maaaring manggaling sa lahat ng panig ang pagsalakay, at sinisikap ng kaaway na mahuli kang hindi nagbabantay. Subalit makatitiyak ka na inilalaan ni Jehova ang lahat ng proteksiyong kailangan mo.​—1 Corinto 10:13.

Maaaring ibuhos ng kaaway ang kaniyang mapaminsalang mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagsalakay sa mga katotohanan sa Bibliya na saligan ng iyong pananampalataya. Maaaring gamitin ng mga apostata ang madulas na pananalita, labis na papuri, at pilipit na pangangatuwiran upang sikaping daigin ka. Ngunit walang malasakit ang apostata sa iyong kapakanan. Sinasabi ng Kawikaan 11:9: “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinapahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang mga matuwid.”

Maling isipin na kailangan mong pakinggan ang mga apostata o basahin ang kanilang mga akda upang mapabulaanan ang kanilang mga argumento. Ang kanilang pilipit at nakalalasong pangangatuwiran ay makapipinsala sa espirituwal at makasisira ng iyong pananampalataya na gaya ng mabilis na pagkalat ng ganggrena. (2 Timoteo 2:16, 17) Sa halip, tularan ang tugon ng Diyos sa mga apostata. Sinabi ni Job tungkol kay Jehova: “Sa kaniya ay walang apostatang makahaharap.”​—Job 13:16.

Maaaring sumubok ng ibang taktika ang kaaway, isa na nagkaroon na ng kaunting tagumpay. Kung mahihikayat na maghiwa-hiwalay ang isang nagmamartsang hukbo upang magtaguyod ng mahalay at imoral na paggawi, maaari itong magdulot ng kaguluhan.

Ang makasanlibutang libangan, tulad ng imoral na mga pelikula at palabas sa telebisyon at magulong musika, ay mabisang pain. Sinasabi ng ilan na maaari silang manood ng imoral na mga eksena o magbasa ng imoral na literatura nang hindi naiimpluwensiyahan. Ngunit ganito ang prangkahang inamin ng isang taong regular na nanonood ng mga pelikulang lantarang nagpapakita ng seksuwal na gawain: “Hindi mo malilimutan kailanman ang mga eksenang iyon, habang lalo mong pinag-iisipan ang mga iyon, lalo ka namang napupukaw na gawin ang iyong napanood . . . Pinaiisip sa iyo ng pelikula na talagang may kasiya-siyang bagay na hindi mo nararanasan.” Sulit bang manganib na masugatan dahil sa tusong pagsalakay na ito?

Ang isa pang suligi sa arsenal ng kaaway ay ang pang-akit ng materyalismo. Hindi madaling mahalata ang panganib dahil tayong lahat ay may materyal na mga pangangailangan. Kailangan natin ng tahanan, pagkain, at damit, at hindi masama na magkaroon ng magagandang pag-aari. Ang panganib ay nasa pangmalas ng isa. Baka maging mas mahalaga ang salapi kaysa sa espirituwal na mga bagay. Maaari tayong maging maibigin sa salapi. Makabubuting paalalahanan ang ating sarili na may mga limitasyon ang kayamanan. Pansamantala lamang ito, samantalang ang espirituwal na mga kayamanan ay namamalagi magpakailanman.​—Mateo 6:19, 20.

Kapag humina ang loob ng isang hukbo, nababawasan ang mga tsansang magtagumpay. “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Ang panghihina ng loob ay isang sandata na mabisang ginagamit ni Satanas. Ang pagsusuot ng ‘pag-asa ng kaligtasan bilang helmet’ ay tutulong sa iyo na mapaglabanan ang panghihina ng loob. (1 Tesalonica 5:8) Sikaping panatilihing matibay ang iyong pag-asa na gaya ng kay Abraham. Nang hilingang ihandog ang kaniyang bugtong na anak, si Isaac, bilang hain, hindi nag-atubili si Abraham. Naniwala siya na tutuparin ng Diyos ang Kaniyang pangakong pagpapalain ang lahat ng mga bansa sa pamamagitan ng kaniyang supling at na kayang ibangon ng Diyos si Isaac mula sa mga patay kung kinakailangan upang matupad ang pangakong iyon.​—Hebreo 11:17-19.

Huwag Mong Isuko ang Laban

Ang ilan na buong-katapangang nakipaglaban sa loob ng mahabang panahon ay baka nanghihimagod na at kung gayon ay hindi na nakikipaglaban taglay ang dating pagkamapagbantay. Ang halimbawa ni Uria, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito, ay makatutulong sa lahat ng kasali sa labanan na panatilihin ang tamang pangmalas. Marami sa ating mga kapuwa Kristiyanong mandirigma ay kinailangang magbata ng kahirapan, mahantad sa mga panganib, o dumanas ng ginaw at gutom. Tulad ni Uria, hindi natin nais isipin ang lahat ng kaginhawahang maaari nating tamasahin ngayon o bigyang-daan ang hangaring mamuhay nang maalwan. Nais nating manatili sa pangglobong hukbo ng matatapat na mandirigma ni Jehova at ipagpatuloy ang pakikipaglaban hanggang sa matamasa natin ang kahanga-hangang mga pagpapala na nakalaan para sa atin.​—Hebreo 10:32-34.

Mapanganib na itigil ang ating pagbabantay, marahil ay iniisip na matagal pa naman ang pangwakas na pagsalakay. Itinatampok ng halimbawa ni Haring David ang panganib. Sa di-malamang kadahilanan, hindi siya kasama ng kaniyang mga kawal sa digmaan. Dahil dito, nakagawa ng malubhang pagkakasala si David na nagdulot sa kaniya ng dalamhati at pagdurusa sa natitirang bahagi ng kaniyang buhay.​—2 Samuel 12:10-14.

Sulit bang sumali sa labanang ito, dumanas ng hirap sa digmaan, magbata ng pagtuya, at tumalikod sa kuwestiyunableng mga kaluguran sa sanlibutan? Yaong mga patuloy na nakikipaglaban nang matagumpay ay sumasang-ayon na maaaring maging tila kaakit-akit ang iniaalok ng sanlibutan, gaya ng kumikislap na palara, ngunit sa malapitang pagsusuri, wala pala itong gaanong halaga. (Filipos 3:8) Bukod dito, madalas na nauuwi sa kirot at kabiguan ang gayong mga kaluguran.

Ang Kristiyano sa espirituwal na labanang ito ay nagtatamasa ng matalik na pakikipagsamahan sa tunay na mga kaibigan, ng malinis na budhi, at ng kahanga-hangang pag-asa. Inaasam-asam ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu ang imortal na buhay sa langit kasama ni Kristo Jesus. (1 Corinto 15:54) Ang karamihan sa mga Kristiyanong mandirigma ay umaasam ng sakdal na buhay bilang tao sa isang makalupang paraiso. Ang gayong mga gantimpala ay siguradong sulit na paghirapan. At di-gaya ng makasanlibutang mga digmaan, ang kahihinatnan natin sa digmaang ito ay tiyak hangga’t nananatili tayong tapat. (Hebreo 11:1) Gayunman, ang kahihinatnan ng sistemang ito na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ay ganap na pagkapuksa.​—2 Pedro 3:10.

Habang ipinagpapatuloy mo ang pakikipaglabang ito, tandaan ang mga salita ni Jesus: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Nanaig siya sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay at tapat sa ilalim ng pagsubok. Magagawa rin natin ito.

[Blurb sa pahina 27]

Walang baril na pinapuputok, walang bomba na inihuhulog, ngunit matindi pa rin ang estratehiya sa digmaan

[Blurb sa pahina 30]

Ang kahihinatnan natin sa digmaang ito ay tiyak hangga’t nananatili tayong tapat

[Larawan sa pahina 26]

Tutulong ang helmet ng kaligtasan upang mapaglabanan natin ang panghihina ng loob

Gamitin ang malaking kalasag ng pananampalataya upang salagin ang “nag-aapoy na mga suligi” ni Satanas

[Larawan sa pahina 28]

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo”

[Larawan sa pahina 29]

Dapat tayong manampalataya sa katuparan ng mga pangako ng Diyos