Nakasumpong Kami ng Isang Bagay na Mas Mainam
Nakasumpong Kami ng Isang Bagay na Mas Mainam
AYON SA SALAYSAY NI FRANCIS DEL ROSARIO DE PÁEZ
Noong 1988, nagtanghal ako at ang aking mga kapatid na lalaki, kasama ang iba pang banda, sa harap ng libu-libong manonood sa Madison Square Garden sa lunsod ng New York. Mainit ang pagtanggap sa aming grupo, na nagtampok ng aking pagsasayaw. Ilang taon bago nito, gumawa ng mga hakbang si Itay para magtagumpay kami.
YAMANG siya rin mismo ay isang musikero, napansin ng aming tatay na may talento sa musika ang aking pitong kuya. Kaya ibinenta niya ang aming bahay at bumili ng mga instrumento sa musika at ng mga gamit na kailangan para makabuo ng banda. Maliit pa ako noon, dahil kapapanganak pa lang sa akin mga ilang taon bago nito noong 1966. Nang panahong iyon, nakatira ang aming pamilya sa bayan ng Higüey sa Dominican Republic.
Ang unang musikal na pagtatanghal ng aking mga kuya ay noong 1978 sa munisipyo sa Higüey. Nang maglaon, lumipat at nagtanghal sila sa kabisera, sa Santo Domingo. Nagsimula silang tumugtog at umawit ng bagong istilo ng merengue at, bunga nito, sumikat sila nang husto. a Nakilala ang grupo bilang Los Hermanos Rosario (Ang Magkakapatid na Rosario).
Yamang matagal ko nang pangarap na maging tanyag na mananayaw, gusto kong sumama sa aking mga kuya. Inanyayahan akong sumayaw ng aking kapatid na si Pepe, na lider noon ng grupo, sa isang parti, at nagsabi: “Si Francis ay isa sa mas nakababata kong kapatid na babae, ang bunso, at marunong siyang sumayaw.” Humanga sa sayaw ko ang mga naroroon. Para samantalahin ang pagkakataon, sinabi ko kay Pepe na gusto kong sumayaw sa harap ng grupo. Kaya sa edad na 16, nagsimula akong sumayaw sa lahat ng pagtatanghal ng Los Hermanos Rosario.
Tagumpay Bilang Propesyonal
Bago nito, may mga babaing mang-aawit na kasama ang mga grupong tumutugtog ng merengue subalit wala pang babaing nagsasayaw sa gitna ng entablado sa harap ng grupo ng mga lalaki. Ako ang nag-iisip ng lahat ng aking galaw, na gumagamit ng bagong istilo ng pagsasayaw sa tugtog ng aming merengue. Nang makilala ang aking istilo ng pagsasayaw, tinawag itong a lo (ayon kay) Francis Rosario.
May awitin kaming merengue na tinatawag na “Cumandé,” na ang bahagi ng liriko ay nagsasabi: “Y ahora todo el mundo como Francis Rosario” (At ngayon ang lahat ay gumaya kay Francis Rosario). Pagkatapos ay gagayahin ng mga tao ang istilo ng aking pagsasayaw. Kung minsan ay nakasalampak na lamang sila sa sahig upang panoorin ako sa halip na sumayaw rin. Nang bandang huli, ang litrato ko na lamang ang ginagamit na pang-anunsiyo sa pagtatanghal ng aming grupo. Alam ng lahat na nangangahulugan iyon na magkokonsyerto ang Los Hermanos Rosario.
Nang magsimula akong magtanghal kasama ng aking mga kapatid, may iba pang musikero na nadagdag sa grupo, kabilang na ang tatlong magkakapatid na ang apelyido ay Páez. Ang isa sa kanila, na tumutugtog ng trumpeta at nagngangalang Roberto,
ay napangasawa ko nang dakong huli. Natikman din ng magkakapatid na Páez ang tagumpay ng grupo. Nakatanggap ang Los Hermanos Rosario ng maraming paanyaya na magtanghal sa telebisyon sa Santo Domingo, at magkonsyerto sa ibang bansa.Noong 1988, naglibot kami sa Estados Unidos at Canada. Isa sa aming pagtatanghal ay yaong nabanggit kanina sa Madison Square Garden. Marami sa pinakapopular na mga grupong tumutugtog ng merengue ang nagtanghal doon, at ang aming grupo ang pinakamainit na tinanggap. Pagkatapos ng pagtatanghal na iyon, inihuhuli kami palagi ng mga nag-aanunsiyo ng konsyerto bilang pangwakas sa programa. Higit kailanman, umaagaw ng atensiyon ang aking pagsasayaw at dumarami ang mga tagahanga ng Los Hermanos Rosario. Di-hamak na dumami rin ang naibebentang rekording ng mga tugtugin namin.
Malawak ang aming nilakbay, anupat dumalaw kami sa Colombia, Ecuador, Panama, Puerto Rico, Curaçao, Espanya, Alemanya, at iba pang bansa. Di-nagtagal at isa kami sa naging pinakahinahangaang banda sa daigdig ng mga Latino. Ang pagsasayaw, ang entablado, ang mga kostiyum, at ang makeup ang pawang naging pinakamahalaga sa aking buhay.
Noong dalaga pa ako, sinasabi ko na kapag may nagkagusto sa akin ngunit hindi siya mahilig sumayaw, iiwan ko siya bago ko iwan ang pagsasayaw. Gayunman, malapit nang magbago ang aking saloobin hinggil sa mga priyoridad ko sa buhay.
Espirituwal na Pagkamulat
Nagsimula ang pagbabagong ito noong naglalakbay kami sa Canary Islands noong 1991. Bagong kasal kami noon ni Roberto. Ang kapatid niyang si Freddy, na nagtatanghal din kasama ng grupo, ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at lagi siyang may dalang mga publikasyon nila.
Isang araw, nakita ko sa silid ni Freddy ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, at sinimulan kong basahin iyon. Naakit ako sa kabanatang “Ano bang Uri ng Lugar ang Impiyerno?” Nakatawag ito ng pansin ko sapagkat sinabi ni Inay na ang taong nakagawa ng masasamang bagay ay masusunog sa impiyerno. Kaya natatakot akong mapunta roon.
Pagkaraan ng ilang linggo, noong nasa Canary Islands pa kami, nakunan ako. Nang dalhin nila ako sa ospital, sinabi ko kay Roberto na kunin kay Freddy ang aklat na nakita ko sa silid niya. Gusto kong basahin iyon habang nagpapagaling ako. Gustung-gusto ko ang aklat na iyon. Bukod sa iba pang bagay, nalaman ko na ang impiyerno sa Bibliya ay pangkaraniwang libingan lamang ng sangkatauhan at na hindi kailanman pumasok sa puso ng Diyos na pahirapan ang sinuman. (Jeremias 7:31) Humanga ako sa turo ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang anumang alam.—Eclesiastes 9:5, 10.
Nang bumalik kami sa Dominican Republic, nagpapunta si Freddy ng isang Saksi ni Jehova para dumalaw sa amin. Ibinahagi niya sa amin ang pag-asa sa Bibliya na walang-hanggang buhay sa paraisong lupa, at napukaw rin nito ang interes ng aking asawa. (Awit 37:29; Lucas 23:43) Hiniling namin na pagdausan kami ng pag-aaral sa Bibliya.
Pagbabago ng mga Simulain at Priyoridad
Habang sumusulong ako sa kaalaman sa Bibliya, unti-unting nagbago ang pananaw ko hinggil Roma 12:2) Itinatanong ko sa aking sarili: ‘Paano ko nagagawang sumayaw nang ganito rito habang pinanonood ako ng mga taong ito? Hindi ito ang gusto ko.’ Ipinanalangin ko sa Diyos, “Tulungan po ninyo akong makaalis sa kalagayang ito.” Ipinakipag-usap ko sa aking asawa ang aking nadarama, at gayundin ang nadama niya. “Kaunting tiis lang, Sweetheart,” ang sabi niya. “Mauna kang umalis sa grupo, at susunod ako pagkatapos.”
sa aking trabaho na napakahalaga sa akin. Unti-unti nang nahuhubog ng mga simulain ng Bibliya ang aking pag-iisip. (Nagdalang-tao ako ulit, at yamang nalimitahan nito ang aking pagsasayaw, malaya akong dumalo nang mas madalas sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall. Nagpalakas ito sa akin, gayundin kay Roberto, na dumadalo rin, anupat natanto namin ang kahalagahan ng pagtitipon na kasama ang bayan ni Jehova. Napag-unawa namin na upang patuloy na sumulong sa daan ng katotohanan sa Bibliya, kailangan namin ang pagtuturo at pampatibay na inilalaan ng mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Kahit noong nagtatrabaho kami sa labas ng Dominican Republic, naghanap kami ni Roberto ng Kingdom Hall at dumalo sa mga pulong.
Nang manganak ako, bumalik ako sa trabaho, subalit wala na ang puso ko roon. Nahalata ang pagbabagong ito, at pinuna ako ng mga peryodista. Lagi akong tinatanong, “Bakit hindi ka sumayaw na tulad ng dati?” Palagi kong ipinananalangin kay Jehova na ipakita sa akin ang daang malalabasan nang sa gayon ay hindi ako magkaroon ng anumang suliranin sa aking mga kapatid. Isa na ako noon sa may-ari ng grupo, at ayaw kong makipagtalo sa kanila.
Nang magdalang-tao ako muli, sinabi ko kay Rafa, ang direktor ng grupo mula nang pumanaw ang aming mahal na kapatid na si Pepe, na nais kong gumugol ng higit na panahon sa aking mga anak at na hindi na ako babalik sa trabaho. Sinabi niya sa akin na gawin ko kung ano ang iniisip kong pinakamabuti. Isa man sa mga kapatid ko ay hindi sumalansang sa aking pag-aaral ng Bibliya. Malaki ang pasasalamat ko sa bagay na ito.
Panibagong Buhay ng Paglilingkod kay Jehova
Noong 1993, pagkatapos ng sampung taon kasama ng grupo, huminto ako sa aking karera ng pagsasayaw, at nag-alay ako ng aking sarili nang walang pasubali kay Jehova. Naging mamamahayag ako ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at pagkaalis ni Roberto sa grupo, nabautismuhan kami noong 1994. (Mateo 24:14) Kapuwa si Freddy at ang isa pang kapatid ni Roberto, si Julio, ay naging mga Saksi, gayundin si Manuel Pérez, isa pang miyembro ng grupo. Hanggang sa araw na ito, silang lahat ay tapat na naglilingkod kay Jehova.
Hindi maunawaan ng maraming tao kung bakit ko iniwan ang industriya ng musika, yamang wiling-wili ako sa aking trabaho. Iniisip ng ilan, tulad ng akala ng isang kilalang prodyuser sa telebisyon sa aming bansa, na dumaraan lamang ako sa isang yugto ng aking buhay. “Tulad ng iba pang mga alagad ng sining, malalampasan niya ito at babalik sa grupo,” ang hula niya. Subalit hindi iyan nangyari. Determinado akong italaga nang lubus-lubusan hangga’t maaari ang aking sarili sa paglilingkod kay Jehova.
May tatlong anak na kami ngayon: sina Katty, Roberto, at Obed. Sinisikap naming ituro sa kanila na ang pinakamahahalagang bagay sa buhay ay espirituwal at hindi materyal. Nasa kalagayan kami para babalaan sila laban sa mapandayang impluwensiya ng sanlibutan at para bigyan sila ng mainam na patnubay sa buhay. Talagang kapaki-pakinabang ang aming lingguhang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, at tumutulong ito upang panatilihin kaming nagkakaisa sa isang daigdig na lalong nababaha-bahagi ang mga pamilya.
Sinisikap naming ituro sa aming mga anak na ituring si Jehova bilang totoong persona na mapagkakatiwalaan nila. (Kawikaan 3:5, 6; Hebreo 11:27) Ipinakikita rin namin sa kanila ang kahalagahan ng pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano. Isang di-matutumbasang kaloob na makita ang aming mga anak na lumalaki sa daan ng katotohanan sa Bibliya. Nitong nakaraang dalawang taon, naglilingkod ako bilang auxiliary pioneer, ang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa mga gumugugol ng 50 oras o higit pa buwan-buwan sa pagbabahagi sa iba ng kanilang mga paniniwalang salig sa Bibliya. At matagal na ngayong naglilingkod bilang matanda sa kongregasyong Kristiyano ang aking asawa.
Itinuturing ko pa ring magandang anyo ng pagsasayaw ang merengue. Subalit nakalulungkot, ibang-iba na ang karamihan sa merengue na popular ngayon kaysa noon. Sa pangkalahatan, kaayaaya ito noon. Ngayon, upang makahanap ng katanggap-tanggap na musika ng merengue, kailangan naming maging pihikan.
Ang Kahigitan ng Paglilingkod kay Jehova
Maraming iniaalok ang sanlibutan, ngunit dapat tingnan ng isa kung ano ang nasa likod ng lahat ng ito. Totoo ito sa industriya ng musika, na sa panlabas ay waring kaakit-akit at hindi nakapipinsala. Pero, hindi ito gayon. Maraming tao na nasa industriyang ito ang sangkot sa droga at imoralidad. Sa pagtatanghal ng isang palabas, ang isa ay may makikilalang mga taong nabubuhay lamang para sa kasalukuyan at walang budhi.—1 Corinto 15:33.
Natanto namin na ang pinakamainam na magagawa ng sinuman ay ang paglingkuran si Jehova. Natatandaan ko noon na umuwi ako sa otel pagkatapos ng isa sa aming pinakamalaking pagtatanghal at damang-dama kong walang kabuluhan ang buhay. Napagtanto ko na ngayon na nadama ko iyon sapagkat hindi namin sinasapatan ang aming pinakamahalagang pangangailangan, ang aming espirituwal na pangangailangan.—Mateo 5:3.
Nakatuon na ngayon ang aming buhay sa pagpapalugod sa ating Maylalang, lalo na sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (Mateo 24:14; Gawa 20:35) Ang paggawa nito ay nagbibigay sa aming pamilya ng kaligayahan at kasiyahan. Malaki ang aming pasasalamat na maging bahagi ng bayan ng Diyos at magkaroon ng tunay na mga kaibigan—mga kapatid sa pananampalataya—na kasama naming may kamangha-manghang pag-asa na buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Marcos 10:29, 30; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
Malaki ang naging pinansiyal na pakinabang namin sa daigdig ng libangan. Subalit sa pagkakilala sa ating Diyos, si Jehova, nasumpungan namin ang espirituwal na kayamanan na makapupong higit sa anumang materyal na kasaganaan. Maligayang-maligaya kami na nakapaglilingkod kami sa Diyos na may layunin, isang maligayang Diyos na nag-aanyaya sa atin na magtiwala sa kaniya! (Awit 37:3) Talagang kumbinsido kami na nakasumpong kami ng isang bagay na mas mainam kaysa sa katanyagan at materyal na kayamanan, at ipinananalangin namin na tulungan sana kami ni Jehova at ang aming pamilya na gawin ang kaniyang kalooban magpakailanman.
[Talababa]
a Ang merengue ay musikang pansayaw na ang tiyempo ay 2/4. Sa tradisyonal na anyo nito, ang merengue ay tinutugtog ng isang maliit na grupo ng mga musikero sa akordiyon, guiro (metal scraper), at tambora (maliit na tambol na may dalawang uluhan). Sa paglipas ng panahon, nabuo ang mas malalaking grupo (kilala rin bilang mga orquesta sa Dominican Republic). Sa kasalukuyan, maraming grupong tumutugtog ng merengue ang gumagamit ng keyboard, saksopono, trumpeta, at mga conga drum, at iba pang instrumento.
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ang iba pang miyembro ng aming grupo sa simula ng aking karera
[Larawan sa pahina 21]
Pagtatanghal sa lunsod ng New York, mga 1990
[Larawan sa pahina 23]
Sa harap ng Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 23]
Nakasingit na larawan: Habang idinaraos ang aming pampamilyang pag-aaral sa Bibliya