Pananampalataya sa Ilalim ng Pagsubok sa Slovakia

Pananampalataya sa Ilalim ng Pagsubok sa Slovakia

Pananampalataya sa Ilalim ng Pagsubok sa Slovakia

AYON SA SALAYSAY NI JÁN BALI

ISINILANG ako noong Disyembre 24, 1910, sa Záhor, isang nayon ngayon sa silangang Slovakia. Nang panahong iyon ang aming nayon ay bahagi ng Imperyo ng Austria-Hungary. Noong 1913, dinala ako ni Inay sa Estados Unidos upang makasama ang aking ama, na naunang umalis sa Záhor. Dalawang taon pagdating namin ni Inay sa Gary, Indiana, ipinanganak ang aking kapatid, si Anna. Pagkatapos ay nagkasakit si Itay at namatay noong 1917.

Naging masigasig na estudyante ako at interesado ako lalo na sa relihiyon. Sa Simbahang Calvinista kung saan ako dumadalo ng Sunday school, napansin ng guro ang interes ko sa espirituwal na mga bagay. Upang bigyang-kasiyahan ang aking pagkagutom sa espirituwal, binigyan niya ako ng isang Bibliya na Edisyong Holman, na naglalaman ng mga 4,000 tanong at sagot. Nagbigay iyan ng maraming bagay para pag-isipan ng isang 11 taóng gulang.

‘Ito ang Katotohanan’

Noong sinaunang mga taóng iyon, ang ilan sa mga Slovak na nandayuhan sa lugar kung saan kami nakatira ay naging mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang isa sa kanila ay ang aking tiyo na si Michal Bali, na siyang nagbahagi sa amin ng mga katotohanan sa Bibliya. Subalit noong 1922, nagbalik si Inay sa Zahor kasama kami ng aking kapatid na babae, na noong panahong iyon ay naging bahagi na ng silangang Czechoslovakia.

Di-nagtagal, ipinadala sa akin ni Tiyo Michal ang kumpletong set ng Studies in the Scriptures, ni Charles Taze Russell, gayundin ang inimprentang-muli na mga magasing Watchtower mula noong unang labas nito ng Hulyo 1, 1879. Binasa ko ang mga ito, ang ilang bahagi ay ilang ulit kong binasa, at nakumbinsi ako na nasumpungan ko ang katotohanan ng Bibliya na hinahanap ko.

Halos kasabay nito, ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya na mga Slovak ay nagbalik sa kanilang lupang tinubuan mula sa Estados Unidos. Inorganisa nila ang unang mga grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa Czechoslovakia na nagsasalita ng Slovak. Dinaluhan namin ni inay ang mga pulong na ginanap noong mga panahong iyon sa aming nayon ng Záhor gayundin sa iba pang kalapit na mga lugar.

Ang mga pagpupulong na iyon ay kahawig ng mga pulong Kristiyano na ginanap noong unang siglo. Karaniwang nagtitipon kami sa isang tahanan ng isa sa mga Estudyante ng Bibliya, kung saan nauupo kami sa palibot ng isang mesa na may lamparang de-gas sa gitna. Yamang ako ang pinakabata, nauupo ako sa gawing likuran, na nakikinig sa dilim. Subalit kung minsan, ako’y inaanyayahang makibahagi. Kapag medyo hindi nauunawaan ng iba ang binabasa sa wikang Slovak, sasabihin nila: “Buweno, Ján, ano ba ang sinasabi sa wikang Ingles?” Sabik akong lumapit sa lampara at isalin sa Slovak ang sinasabi ng publikasyon sa Ingles.

Kabilang sa mga naging Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos at nagbalik sa naging Czechoslovakia ay si Michal Šalata. Nagbalik siya sa kalapit na nayon ng Sečovce, kung saan siya nakatira noon, at tumulong siya sa pag-organisa sa gawaing pangangaral sa Czechoslovakia. Isinama ako ni Brother Šalata sa mga paglalakbay para mangaral. Pagkatapos, noong 1924, sa gulang na 13, hiniling ko sa kaniya na bautismuhan ako. Bagaman ipinalagay ni Inay na napakabata ko pa para sa gayong seryosong hakbang, kinumbinsi ko siya na desidido talaga ako. Kaya, noong Hulyo na iyon sa isang-araw na kombensiyon na idinaos malapit sa Ilog Ondava, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig ng ilog na iyon.

Mahahalagang Pribilehiyo sa Paglilingkod

Nang ako’y 17 anyos, nabalitaan kong magkakaroon ng libing mga ilang kilometro ang layo sa nayon kung saan ako nangangaral. Ito ang kauna-unahang libing na pangangasiwaan ng mga Estudyante ng Bibliya sa lugar na iyon. Pagdating doon, nakipagsiksikan ako sa mausyosong mga taganayon para makalapit ako sa tagapagsalita. Nang makarating ako sa kaniya, tumingin siya sa akin at sinabi: “Mauuna akong magsalita, pagkatapos ay ipagpapatuloy mo.”

Ibinatay ko ang aking pahayag sa kasulatan na masusumpungan sa 1 Pedro 4:7, na kababasahan ng ganito: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” Ipinakita ko mula sa Kasulatan na maging ang wakas ng pagdurusa at kamatayan ay malapit na, at ipinaliwanag ko ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Sa kabila ng bagay na mas bata akong tingnan kaysa sa edad ko​—o marahil dahil sa mukhang bata nga talaga ako​—ang lahat ay matamang nakinig.

Kapana-panabik na balita ang nasa The Watchtower ng Setyembre 15, 1931, na nagpapaliwanag na ayaw na nating makilala bilang mga Estudyante ng Bibliya o sa ano pa mang ibang pangalan kundi nais nating makilala bilang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos mabasa ang impormasyong ito, ang mga Estudyante ng Bibliya sa aming lugar ay nagsaayos ng isang pantanging pulong. Mga 100 Estudyante ng Bibliya ang nagtipon sa nayon ng Pozdišovce. Doon ay nagkapribilehiyo akong magpahayag na may pamagat na “Ang Bagong Pangalan,” batay sa nabanggit na artikulo sa Watchtower.

Taglay ang malaking pagsasaya, ang lahat ng dumalo ay nagtaas ng kanilang mga kamay nang hilingan silang tanggapin ang resolusyon ding iyon na pinagtibay ng mga kapananampalataya sa iba pang bahagi ng daigdig. Pagkatapos ay ipinadala namin ang telegrama sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, na kababasahan ng ganito: “Kami, ang mga Saksi ni Jehova na nagkatipon sa araw na ito sa Pozdišovce, ay sumasang-ayon sa paliwanag ng The Watchtower hinggil sa bagong pangalan at tinatanggap namin ang bagong pangalang mga Saksi ni Jehova.”

Naging mabungang larangan para sa aming ministeryong Kristiyano ang malawak na rehiyon ng Slovakia at Transcarpathia, na bahagi ng Czechoslovakia bago ang Digmaang Pandaigdig II. Nangaral kami sa malaking teritoryong ito sa pamamagitan ng paglalakad at sa pamamagitan din ng tren, bus, at bisikleta. Nang panahong iyon, ipinalabas sa maraming lunsod ang “Photo-Drama of Creation,” isang pelikula at pagpapalabas ng slide na may kasabay na tunog. Pagkatapos ng bawat palabas, tinitipon ang mga adres ng mga taong interesado. Binigyan ako ng marami sa mga adres na ito at hinilingan akong organisahin ang mga Saksi na dadalaw sa mga taong interesado. Sa ilang lunsod, umarkila kami ng isang awditoryum kung saan nagbigay ako ng isang pantanging pahayag kasunod ng naunang palabas.

Noong dekada ng 1930, nagkapribilehiyo akong maging isang delegado sa mas malalaking kombensiyon sa kabiserang lunsod, ang Prague. Isinaayos ang unang internasyonal na kombensiyon sa Czechoslovakia noong 1932. Nagtipon kami sa Varieté Theatre. Nakatawag-pansin sa mga tao ang tema ng pahayag pangmadla, “Ang Europa Bago ang Pagkawasak,” at mga 1,500 ang dumalo. Isa pang internasyonal na kombensiyon ang idinaos sa Prague noong 1937, at nagkapribilehiyo ako sa pagbibigay ng isa sa mga pahayag. Naroon ang mga delegado mula sa maraming bansa sa Europa, at lahat kami ay tumanggap ng kinakailangang pampatibay-loob upang mabata ang mga pagsubok na kaagad dumating noong Digmaang Pandaigdig II.

Pag-aasawa, at Matitinding Pagsubok

Pagbalik namin sa Czechoslovakia, kami ni Inay ay lubusang nakipagtulungan sa gawaing pangangaral kasama ng kapuwa mga Estudyante ng Bibliya sa kalapit na Pozdišovce. Doon ko napansin ang isang kaakit-akit na babaing nagngangalang Anna Rohálová. Nang kami’y medyo nagka-edad na, natanto namin na ang aming mga damdamin ay higit pa sa basta Kristiyanong pagmamahal sa kapatid. Nagpakasal kami noong 1937. Mula noon, sinuportahan ako ni Anna, kahit na sa ‘maliligalig na kapanahunan’ na darating pa lamang.​—2 Timoteo 4:2.

Di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal, naging maliwanag na naghahanda para sa Digmaang Pandaigdig II ang Europa. Noong Nobyembre 1938, ang timugang bahagi ng Transcarpathia at Slovakia ay sinakop ng Hungary, na nakikipagtulungan sa Nazi na Alemanya. Ipinagbawal ng pulisya ng Hungary ang aming mga pagpupulong, at kailangan naming regular na magreport sa istasyon ng pulisya.

Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939, marami sa amin mula sa Záhor, kapuwa lalaki at babae, ay ikinulong at inilipat sa isang lumang kastilyo na malapit sa Mukacheve, nasa Ukraine ngayon. Nasumpungan namin doon ang maraming kapuwa mga Saksi mula sa mga kongregasyon sa Transcarpathia. Pagkatapos ng pagtatanong sa loob ng tatlo o apat na buwan at ng madalas na pambubugbog, kami’y nilitis ng pantanging hukumang militar. Iisa lamang ang itinanong sa aming lahat: “Handa ka bang makipagdigma para sa Hungary laban sa U.S.S.R.?” Yamang tumanggi kami, tumanggap kami ng mga sentensiya at sa dakong huli ay ipinabilanggo kami sa Budapest, Hungary, sa 85 Margit Boulevard.

Ang lahat ng bilanggo ay halos ginugutom. Di-nagtagal ay kumalat ang mga sakit at nangamatay ang mga bilanggo. Nakaaantig-puso nga nang ang aking asawa ay maglakbay mula sa Záhor upang makita ako! Bagaman mga limang minuto lamang kaming nakapag-usap sa mga rehas na bakal, nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagkakaroon ng matapat na kabiyak. a

Mula sa Bilangguan Tungo sa Kampo ng Sapilitang Pagtatrabaho

Mula sa bilangguan, dinala ako deretso sa Jászberény, Hungary, kung saan dinala ang mga 160 Saksi. Habang naroroon, inalok kami sa huling pagkakataon ng isang opisyal ng Hungary mula sa pamahalaan ng Hungary: “Kung gusto ninyong maglingkod sa hukbo, umabante kayo.” Walang sinuman ang umabante. Sinabi ng opisyal: “Bagaman hindi ako sumasang-ayon sa ginagawa ninyo, hinahangaan ko ang inyong pasiya na manatiling tapat.”

Pagkalipas ng ilang araw, sumakay kami sa isang barko sa Ilog Danube at nagsimula sa aming paglalakbay patungo sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho malapit sa lunsod ng Bor sa Yugoslavia. Samantalang kami ay nasa barko, paulit-ulit na sinikap ng mga sundalo at ng kanilang kumandante na ikompromiso namin ang aming pananampalataya. Ipinag-utos ng kumandante sa mga sundalo na bugbugin kami sa pamamagitan ng kanilang mga riple, sipain kami ng kanilang mga bota, at gamitin ang iba pang mga paraan ng pagpapahirap.

Nang iharap kami kay Tenyente Koronel András Balogh, ang kumandante sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Bor, sinabi niya sa amin: “Kung totoo ang sinabi sa akin tungkol sa inyo, mamamatay kayo kaagad.” Subalit pagkatapos basahin ang natatakang mensahe mula sa mga opisyal ng pamahalaan, pinakitunguhan niya kami nang may paggalang. Pinahintulutan kami ni Balogh na medyo makakilos nang malaya at pinayagan pa nga kaming magtayo ng aming baraks. Bagaman kakaunti ang pagkain, may sarili kaming kusina, kaya naipamamahagi ang pagkain nang walang pagtatangi.

Noong Marso 1944, sinakop ng Alemanya ang Hungary. Nang panahong iyon isang kumandanteng pabor sa Nazi na nagngangalang Ede Marányi ang pumalit kay Balogh. Ipinatupad niya ang mahigpit na disiplina, katulad niyaong sa mga kampong piitan. Subalit di-nagtagal, papalapit na ang mga hukbo ng Russia, at nilisan ang kampo sa Bor. Nang maglaon, noong panahon ng aming pagmamartsa, nasaksihan namin ang pagmasaker sa mga Judio sa Cservenka. Waring isang himala na kami ay nakaligtas.

Nang marating namin ang hanggahan sa pagitan ng Hungary at Austria, tumanggap kami ng utos na maghukay ng mapagpupuwestuhan ng mga machine gun. Ipinaliwanag namin na ang mismong dahilan ng aming pagkabilanggo ay sapagkat tumanggi kaming masangkot sa militar na mga gawain. Yamang ako ang nasa harap ng grupo, sinunggaban ako ng isang opisyal ng Hungary at pinaghahampas ako. “Papatayin kita!” ang sigaw niya. “Kung hindi ka magtatrabaho, susundan ng iba ang iyong masamang halimbawa!” Nailigtas lamang ang buhay ko nang may-katapangang mamagitan si András Bartha, isang may-edad nang Saksi na nanguna sa aming gawaing pangangaral. b

Pagkaraan ng ilang linggo, nagwakas ang digmaan at pauwi na kami ng bahay. Ibinalita ng ibang bilanggo, na mas naunang pinalaya mula sa Bor, na lahat kaming dinala sa Cservenka ay pinatay. Kaya sa loob ng mga anim na buwan, itinuring ng asawa ko ang kaniyang sarili na isang biyuda. Anong laking gulat niya nang isang araw ay makita niya ako sa baitang sa labas ng pinto! Umagos ang luha sa aming mga mata nang magyakap kami pagkatapos ng mga taon ng pagkakahiwalay.

Muling Inorganisa ang Gawain

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, muling pinagsama ang Slovakia at Czechia upang maging Czechoslovakia. Subalit ang Transcarpathia, na ang malaking bahagi ay dating bahagi ng Czechoslovakia bago ang digmaan, ay naging bahagi ng Ukraine sa Unyong Sobyet. Noong 1945, kami ni Michal Moskal ay nagpunta sa Bratislava, ang kabisera ngayon ng Slovakia, kung saan nakipagkita kami sa responsableng mga kapatid upang muling organisahin ang gawaing pangangaral. Bagaman pagód na pagód sa pisikal at emosyonal na paraan, sabik kaming magpatuloy sa pagtupad ng aming komisyong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14; 28:18-20.

Pagkatapos ng digmaan, malaking pampatibay-loob sa aming gawain ang mga kombensiyon. Noong Setyembre 1946, ang kauna-unahang kombensiyon para sa buong bansa ay idinaos sa lunsod ng Brno. Nagkapribilehiyo akong ipahayag ang paksang “Ang Pag-aani, ang Katapusan ng Sanlibutan.”

Noong 1947, isa pang pambansang kombensiyon ang idinaos sa Brno. Doon, sina Nathan H. Knorr, Milton G. Henschel, at Hayden C. Covington, na dumadalaw mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, ang nagbigay ng nakapagpapatibay-loob na mga pahayag. Nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang tagapagsalin ng kanilang mga pahayag. Bagaman mayroon kaming mga 1,400 tagapaghayag ng Kaharian sa Czechoslovakia nang panahong iyon, mga 2,300 ang dumalo sa pahayag pangmadla.

Pag-uusig sa Ilalim ng mga Komunista

Sinakop ng mga Komunista ang bansa noong 1948, at di-nagtagal ay ipinatupad ang pagbabawal sa aming gawaing pangangaral na tumagal nang 40 taon. Noong 1952, marami sa amin na itinuturing na mga lider ang ipinabilanggo ng mga awtoridad. Ang karamihan ay pinaratangan ng pagiging subersibo, subalit ang ilan sa amin ay pinaratangan ng matinding kataksilan. Ako ay ibinilanggo at pinagtatanong sa loob ng 18 buwan. Nang itanong ko kung sa anong paraan ako naging isang traidor, sinabi ng hukom: “Nagsasalita ka tungkol sa Kaharian ng Diyos. At sinabi mo na ito ang mamamahala sa daigdig. Kabilang din dito ang Czechoslovakia.”

“Kung gayon,” ang sagot ko, “kailangan din ninyong hatulan bilang mga traidor ang lahat niyaong nananalangin ng Panalangin ng Panginoon at humihiling sa ‘pagdating ng Kaharian ng Diyos.’ ” Gayunpaman, nasentensiyahan ako ng lima at kalahating taon at ipinadala ako sa bilangguang Komunista na bantog sa kasamaan na nasa Jáchymov, Czechoslovakia.

Pagkatapos kong pagdusahan ang karamihan sa itinakdang taon sa bilangguan, ako ay pinalaya. Matapat akong sinuportahan ng aking asawa, si Anna, sa pamamagitan ng mga sulat at pagdalaw gayundin ang pangangalaga niya sa aming anak, si Mária. Sa wakas, muli kaming nagkasama bilang isang pamilya, at ipinagpatuloy namin ang aming mga gawaing Kristiyano, na isinagawa namin nang palihim.

Isang Kasiya-siyang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova

Sa nakalipas na mahigit na 70 taon, ang mga Saksi ni Jehova sa aming lugar ay naglingkod sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, ang karamihan ng panahon ay sa ilalim ng pamamahalang Komunista. Totoo, matanda na ako at mahina na ang katawan, subalit nakapaglilingkuran pa ako bilang isang Kristiyanong elder sa Záhor, kasama ng mga tapat na kapatid na gaya ni Ján Korpa-Ondo, na buháy pa rin sa edad na 98. c Ang mahal kong asawa, isang tunay na regalo sa akin mula kay Jehova, ay namatay noong 1996.

Tandang-tanda ko pa rin ang tanawing inilarawan sa pahina 228 hanggang 231 ng aklat na The Way to Paradise, inilathala noong 1924. Ang mambabasa ay hinilingan na gunigunihin ang kaniyang sarili na nasa Paraiso at nakikinig sa dalawang tao na binuhay na muli. Nagtatanong sila kung nasaan kaya sila. Pagkatapos, ang taong nakaligtas sa Armagedon ay nagkapribilehiyo na ipaliwanag sa dalawa na sila ay binuhay na muli sa Paraiso. (Lucas 23:43) Kung sakaling makaligtas ako sa Armagedon, gusto kong ipaliwanag sa aking asawa, sa aking ina, at sa iba ko pang mahal sa buhay ang mga bagay na iyon kapag sila ay binuhay na muli. Subalit kung mamatay ako bago ang Armagedon, tumatanaw ako sa panahon kapag may magsasabi sa akin sa bagong sanlibutan tungkol sa mga pangyayari na naganap pagkamatay ko.

Patuloy ko ngayong pinahahalagahan ang natatangi at lubos na kagila-gilalas na pribilehiyo na makipag-usap sa Soberanong Panginoon ng sansinukob at maging malapít sa kaniya. Ang resolusyon ko ay patuloy na mamuhay na kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo sa Roma 14:8: “Kapuwa kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo kay Jehova, at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo kay Jehova. Kaya nga kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.”

[Mga talababa]

a Tingnan ang kuwento ni Andrej Hanák sa Gumising! ng Abril 22, 2002, pahina 19-23. Doon inilarawan ang mga kalagayan sa bilangguang ito gayundin ang mga pangyayari sa Cservenka, na binanggit sa dakong huli ng artikulong ito.

b Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 1993, pahina 11, para sa higit pang impormasyon tungkol kay András Bartha.

c Tingnan ang kaniyang talambuhay sa Setyembre 1, 1998, labas ng Ang Bantayan, pahina 24-8.

[Larawan sa pahina 21]

Kasama si Anna, isang taon pagkatapos ng aming kasal

[Mga larawan sa pahina 22]

Kasama si Nathan H. Knorr sa kombensiyon sa Brno noong 1947