Ang Pangmalas ng Bibliya

Kinunsinti ba ng Diyos ang Pangangalakal ng mga Alipin?

Kinunsinti ba ng Diyos ang Pangangalakal ng mga Alipin?

ANG maiitim at pawisang mga katawan ay halos nakabaluktot na habang pakaladkad na umaakyat sa mga andamyo na may dala-dalang pagkabibigat at pagkalalaking mga paldo ng bulak. Puwersahan silang pinagtatrabaho ng malulupit na tagapangasiwa na may mga latigong yari sa balat ng hayop. Sapilitang inaagaw ang nagpapalahaw na mga bata mula sa bisig ng kanilang umiiyak na mga ina at ipinagbibili sa pinakamataas na tumatawad sa mga subastahan. Malamang na ito ang napakalungkot at napakalupit na mga tanawin na mailalarawan sa isipan kapag iniisip mo ang tungkol sa pagkaalipin.

Balintuna naman, sinasabi na marami sa mga nagbibili ng mga alipin at mga may-ari ng alipin ay napakarelihiyosong mga tao. Sumulat ang istoryador na si James Walvin: “May daan-daang gayong mga tao, mga Europeo at mga Amerikano, na pumupuri sa Panginoon dahil sa kaniyang pagpapala, nagpapasalamat sa pinagtutubuan at ligtas na pangangalakal sa Aprika habang naglalayag sa karagatan ang kanilang mga barko na may dalang mga alipin at nagtutungo sa Bagong Daigdig.”

Sinabi pa nga ng ilang tao na binibigyang-katuwiran ng Diyos ang pangangalakal ng mga alipin. Halimbawa, sa isang talumpati sa General Conference of the Methodist Protestant Church noong 1842, sinabi ni Alexander McCaine na ang institusyon ng pagkaalipin ay “itinalaga ng Diyos Mismo.” Tama ba si McCaine? Sinang-ayunan ba ng Diyos ang pagkidnap at panghahalay ng mga batang babae, ang walang-pusong paghihiwalay sa pami-pamilya, at ang malulupit na pambubugbog na likas sa pangangalakal ng mga alipin noong kapanahunan ni McCaine? At kumusta naman ang milyun-milyon na sapilitang namumuhay at nagtatrabaho bilang mga alipin sa ilalim ng brutal na mga kalagayan sa ngayon? Kinukunsinti ba ng Diyos ang gayong di-makataong pagtrato?

Ang Pagkaalipin at ang mga Israelita

Sinasabi ng Bibliya na “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Ito marahil ay higit na kitang-kita sa mapanupil na mga anyo ng pagkaalipin na isinagawa ng tao. Hindi ipinagkikibit-balikat ng Diyos na Jehova ang pagdurusa na idinulot ng pagkaalipin.

Halimbawa, isaalang-alang ang situwasyon na naganap sa mga Israelita. Sinasabi ng Bibliya sa atin na ‘patuloy na pinapapait [ng mga Ehipsiyo] ang kanilang buhay sa mabigat na pagkaalipin sa argamasang luwad at mga laryo at sa lahat ng uri ng pagkaalipin sa bukid, oo, sa lahat ng uri ng pagkaalipin sa kanila na doon ay ginamit nila sila bilang mga alipin sa ilalim ng paniniil.’ Ang mga Israelita ay “patuloy na nagbubuntunghininga dahil sa pagkaalipin at humihiyaw nang may pagdaing, at ang kanilang paghingi ng tulong ay laging pumapailanlang sa tunay na Diyos.” Ipinagwalang-bahala ba ni Jehova ang kanilang mahirap na kalagayan? Sa kabaligtaran, “dininig ng Diyos ang kanilang pagdaing at inalaala ng Diyos ang kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.” Higit pa riyan, sinabi ni Jehova sa kaniyang bayan: “Talagang ilalabas ko kayo mula sa ilalim ng mga pabigat ng mga Ehipsiyo at ililigtas ko kayo mula sa pagkaalipin sa kanila.”​—Exodo 1:14; 2:23, 24; 6:6-8.

Maliwanag, hindi sinang-ayunan ni Jehova ang ‘panunupil ng tao sa tao’ sa pamamagitan ng mapang-abusong pang-aalipin. Subalit hindi ba’t pinahintulutan din ng Diyos sa bandang huli ang pang-aalipin sa kaniyang bayan? Oo, ipinahintulot niya iyon. Gayunman, ang pagkaalipin na umiral sa Israel ay ibang-iba mula sa mapaniil na mga anyo ng pagkaalipin na umiral sa buong kasaysayan.

Sinabi ng Kautusan ng Diyos na ang pagkidnap at pagbebenta ng tao ay may parusang kamatayan. Bukod pa riyan, nagbigay ng mga tagubilin si Jehova na ingatan ang mga alipin. Halimbawa, ang isang alipin na nabalda ng kaniyang panginoon ay dapat na palayain. Kung mamatay ang alipin dahil sa binugbog siya ng kaniyang panginoon, maparurusahan ng kamatayan ang panginoon. Ang mga babaing bihag ay maaaring maging mga alipin, o maaari silang kunin bilang mga asawa. Subalit hindi sila gagamitin para lamang sa seksuwal na kaluguran. Ang diwa ng Kautusan ay malamang na umakay sa mga Israelitang matuwid ang puso na pakitunguhan nang may paggalang at kabaitan ang mga alipin, na para bang ang mga ito’y upahang manggagawa.​—Exodo 20:10; 21:12, 16, 26, 27; Levitico 22:10, 11; Deuteronomio 21:10-14.

Nagkusa ang ilang Judio na maging mga alipin ng kanilang kapuwa mga Judio upang makabayad sa pagkakautang. Naingatan ng kaugaliang ito ang bayan mula sa pagkagutom at talagang nagpahintulot sa marami na makabawi mula sa karukhaan. Isa pa, sa mahahalagang panahon sa kalendaryong Judio, ang mga alipin ay mapalalaya kung nais nila. a (Exodo 21:2; Levitico 25:10; Deuteronomio 15:12) Sa pagkokomento hinggil sa mga kautusang ito may kinalaman sa mga alipin, sinabi ng Judiong iskolar na si Moses Mielziner na ang isang “alipin ay hindi kailanman itinuring na hindi tao, siya’y kinikilala bilang isang persona na nagtataglay ng likas na mga karapatang pantao, na hindi maaaring hadlangan maging ng panginoon nang hindi naparurusahan.” Anong laking pagkakaiba sa mapang-abusong sistema ng pagkaalipin na dumungis sa ulat ng kasaysayan!

Pagkaalipin at ang mga Kristiyano

Ang pagkaalipin ay bahagi ng sistema ng ekonomiya ng Imperyong Romano, na pinamuhayan ng mga Kristiyano noong unang siglo. Kaya naman, ang ilang Kristiyano ay naging mga alipin, at ang iba naman ay nagkaroon ng mga alipin. (1 Corinto 7:21, 22) Subalit nangangahulugan ba ito na ang mga alagad ni Jesus ay malulupit na may-ari ng alipin? Hinding-hindi! Anuman ang ipinahintulot ng Romanong batas, makapagtitiwala tayo na hindi minaltrato ng mga Kristiyano ang mga nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Hinimok pa nga ni apostol Pablo si Filemon na pakitunguhan ang kaniyang alipin na si Onesimo, na naging isang Kristiyano, bilang isang “kapatid.” b​—Filemon 10-17.

Hindi ipinahihiwatig sa Bibliya na ang pang-aalipin ng mga tao sa ibang tao ay bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Bukod pa riyan, walang mga hula sa Bibliya ang bumabanggit tungkol sa mga tao na magmamay-ari ng kapuwa niya sa pamamagitan ng pagkaalipin sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa halip, sa dumarating na Paraisong iyan, ang mga matuwid ay ‘uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.’​—Mikas 4:4.

Maliwanag, hindi kinukunsinti ng Bibliya ang malupit na pakikitungo sa iba sa anumang anyo. Sa kabaligtaran, hinihimok nito ang paggalang at pagkakapantay-pantay sa gitna ng mga tao. (Gawa 10:34, 35) Pinapayuhan nito ang mga tao na pakitunguhan ang iba sa paraang ibig nila na sila’y pakitunguhan. (Lucas 6:31) Isa pa, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na malasin ang iba na mas nakatataas, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan. (Filipos 2:3) Ang mga simulaing ito ay lubusang taliwas sa malulupit na anyo ng pagkaalipin na ginagawa ng maraming bansa, lalo na nitong nakalipas na mga siglo.

[Mga talababa]

a Ang bagay na may probisyon noon na nagpapahintulot sa ilan na manatili sa kanilang panginoon ay maliwanag na nagpapakita na hindi mapang-abuso ang pagkaalipin sa Israel.

b Katulad din naman, ang ilang Kristiyano sa ngayon ay mga amo; ang iba naman ay mga empleado. Kung paanong hindi pinagmamalupitan ng isang among Kristiyano ang mga nagtatrabaho sa kaniya, maaaring pinakitunguhan ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo ang mga alipin ayon sa mga simulaing Kristiyano.​—Mateo 7:12.