Liham kay Filemon 1:1-25

 Ako si Pablo, isang bilanggo+ alang-alang kay Kristo Jesus, at kasama ko si Timoteo,+ na ating kapatid. Sumusulat ako kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa,  at kay Apia, na kapatid naming babae, at kay Arquipo,+ na kapuwa namin sundalo, at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay:+  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.  Lagi kong pinasasalamatan ang aking Diyos kapag binabanggit kita sa mga panalangin ko,+  dahil lagi kong naririnig ang tungkol sa pananampalataya mo at pag-ibig sa Panginoong Jesus at sa lahat ng banal.  Ipinapanalangin ko na ang pananampalatayang pareho nating taglay ay magpakilos sa iyo na gumawa ng mabuti, dahil alam mong tayo mismo ay tumanggap ng maraming mabubuting bagay dahil sa pagiging kaisa ni Kristo.  Tuwang-tuwa ako at talagang napatibay nang marinig ko ang tungkol sa pag-ibig mo, dahil naantig mo ang puso ng mga banal, kapatid ko.  Kaya kahit puwedeng-puwede kitang utusan na gawin kung ano ang tama dahil isa akong apostol ni Kristo,  mas gusto kong makiusap sa iyo salig sa pag-ibig mo,+ dahil akong si Pablo ay matanda na at isa na ring bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus. 10  Nakikiusap ako sa iyo alang-alang sa anak kong si Onesimo,+ dahil naging ama niya ako+ habang nasa bilangguan* ako. 11  Wala siyang silbi sa iyo noon, pero ngayon ay malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12  Pinababalik ko siya sa iyo, oo, siya, na talagang napalapít sa puso* ko. 13  Gusto ko sanang manatili siyang kasama ko para maalalayan niya ako, gaya ng gagawin mo kung narito ka, habang nakabilanggo ako dahil sa mabuting balita.+ 14  Pero ayokong gumawa ng anumang bagay kung walang permiso mo, para hindi maging sapilitan ang gagawin mong kabutihan, kundi bukal sa puso.+ 15  Baka ito talaga ang dahilan kaya siya humiwalay sa iyo sandali, para makasama mo siyang muli magpakailanman, 16  hindi na bilang alipin+ kundi higit pa sa alipin, bilang minamahal na kapatid.+ Minahal ko siya nang husto, pero mas mamahalin mo siya, dahil alipin mo siya at kapananampalataya sa Panginoon. 17  Kaya kung itinuturing mo akong kaibigan, malugod mo siyang tanggapin gaya ng gagawin mo sa akin. 18  At kung may kasalanan o utang siya sa iyo, singilin mo iyon sa akin. 19  Ako mismong si Pablo ang sumusulat nito: Babayaran ko iyon, kahit na utang mo rin sa akin ang buhay mo. 20  Oo, kapatid, gawin mo sana ang hinihiling ko sa iyo alang-alang sa Panginoon; paginhawahin mo ang puso ko alang-alang kay Kristo. 21  Nagtitiwala akong gagawin mo ang hiling ko, kaya sumusulat ako sa iyo, dahil alam kong higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo.+ 22  Pero bukod diyan, maghanda ka rin ng tutuluyan ko, dahil umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo, makababalik ako sa inyo.+ 23  Kinukumusta ka ni Epafras,+ na kapuwa ko bihag dahil kay Kristo Jesus, 24  pati nina Marcos,+ Aristarco,+ Demas, at Lucas,+ na mga kamanggagawa ko.+ 25  Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.

Talababa

Lit., “nakagapos.”
O “na mahal na mahal.”

Study Notes

Liham kay Filemon: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat sa Bibliya. Sa kilaláng manuskrito na Codex Sinaiticus noong ikaapat na siglo C.E., ginamit ang pamagat na “Kay Filemon” sa dulo ng liham.

Ako si Pablo . . . at kasama ko si Timoteo: O “Mula kay Pablo . . . at Timoteo.” Si Pablo ang sumulat ng liham na ito kay Filemon, pero isinama niya si Timoteo sa panimulang pagbati, gaya ng ginawa niya sa iba pa niyang liham. (2Co 1:1; Col 1:1; 1Te 1:1; 2Te 1:1) Kasama ni Pablo si Timoteo nang isulat niya ang liham na ito noong unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Tingnan ang study note sa Fil 1:1.) Posibleng kilala ni Filemon si Timoteo dahil kasama ito ni Pablo sa Efeso nang maipangaral ang mabuting balita sa iba pang lunsod sa rehiyong iyon, kasama na ang Colosas.—Gaw 19:22; 1Co 4:17; 16:8-10; tingnan ang Ap. B13; tingnan din ang study note sa 1Co 16:9.

isang bilanggo: Sa maraming liham ni Pablo, tinawag niya ang sarili niya na “isang apostol” ni Kristo Jesus. (Para sa halimbawa, tingnan ang 1Co 1:1; Efe 1:1; Col 1:1; 1Ti 1:1; Tit 1:1.) Pero lumilitaw na ayaw niyang mapilitan si Filemon na sundin siya dahil lang sa isa siyang apostol. Kaya ginamit niya rito ang salitang “bilanggo,” na ayon sa isang reperensiya ay “isang katawagang aantig sa puso ng kaibigan niya.” Ipapaalala nito kay Filemon ang mahirap na kalagayan ni Pablo, na posibleng makakatulong sa kaniya na tumugon nang positibo sa pakiusap ni Pablo sa liham na ito.—Flm 9-12, 17.

isang bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus: Lit., “isang bilanggo ni Kristo Jesus.” Ibinilanggo si Pablo sa Roma dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo.—Flm 9; tingnan ang study note sa 2Ti 1:8.

Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa: Si Filemon ay miyembro ng kongregasyon sa Colosas, isang lunsod sa lalawigan ng Asia. (Col 4:9) Posibleng si Pablo ang nagpatotoo sa kaniya para maging Kristiyano. (Flm 19) Hindi nangaral si Pablo sa Colosas, pero malamang na nakilala niya si Filemon sa Efeso nang “[marinig] ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon.” (Gaw 19:10) Hindi nakasama ni Pablo si Filemon sa mga paglalakbay niya bilang misyonero, pero itinuturing niya itong kamanggagawa dahil tumulong ito na mapalaganap ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 16:3; 1Co 3:9.

Prisca at Aquila: Napalayas sa Roma ang tapat na mag-asawang ito dahil sa utos ni Emperador Claudio laban sa mga Judio noong 49 C.E. o unang bahagi ng 50 C.E. Namatay si Claudio noong 54 C.E., at nang isulat ni Pablo ang liham niya sa mga Kristiyano sa Roma, noong mga 56 C.E., nakabalik na roon sina Prisca at Aquila. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:2.) Tinawag sila ni Pablo na mga kamanggagawa niya. Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang 12 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na ang karamihan ay makikita sa mga liham ni Pablo. (Ro 16:9, 21; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Kapansin-pansin na sa 1Co 3:9, sinabi ni Pablo: “Kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.”

isang malaking pinto na umaakay sa gawain: Isa ito sa tatlong pagkakataon na ginamit ni Pablo sa makasagisag na diwa ang terminong Griego para sa “pinto.” (2Co 2:12; Col 4:3; tingnan ang study note sa Gaw 14:27.) Malaking tulong ang mga ginawa ni Pablo sa Efeso para lumaganap ang mabuting balita sa buong rehiyon. Ang isang magandang resulta ng pananatili niya nang mga tatlong taon sa Efeso (mga 52-55 C.E.) ay ang paglaganap ng mabuting balita ng Kaharian sa Romanong lalawigan ng Asia. (Gaw 19:10, 26; tingnan sa Glosari, “Asia.”) Umabot pa nga ang mabuting balita sa mga lunsod ng Colosas, Laodicea, at Hierapolis, kahit lumilitaw na hindi naman nakapunta si Pablo sa mga lugar na iyon. Posibleng isinugo niya si Epafras para simulan ang gawaing pangangaral doon. (Col 4:12, 13) Lumilitaw na nakaabot din ang mabuting balita sa mga lunsod ng Filadelfia, Tiatira, at Sardis sa panahong ito ng malawakang pangangaral.

bilanggo alang-alang sa kaniya: Lit., “bilanggo niya.” Itinuturing ni Pablo ang sarili niya na bilanggo alang-alang sa Panginoong Jesu-Kristo, ibig sabihin, bilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo at paghahayag ng mabuting balita. Gumamit din ang apostol ng katulad na mga ekspresyon sa ilang liham na isinulat niya noong una siyang mabilanggo sa Roma. (Efe 3:1 at study note; 4:1; Flm 1, 9) Isinulat ni Pablo ang ikalawang liham niya kay Timoteo sa huling pagkabilanggo niya sa Roma, na posibleng noong mga 65 C.E.—2Ti 4:6-8.

kamanggagawa ng Diyos: Ang salitang Griego para sa “kamanggagawa,” sy·ner·gosʹ, ay lumitaw nang mahigit 10 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at karamihan nito ay nasa mga liham ni Pablo. Tumutukoy ito sa lahat ng nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. (Ro 16:9, 21; 2Co 1:24; 8:23; Fil 2:25; 4:3; Col 4:11; Flm 1, 24) Dito, idiniriin ni Pablo ang malaking pribilehiyo ng mga ministrong Kristiyano na maging “kamanggagawa ng Diyos.” (Tingnan ang study note sa 1Co 3:6.) Ganito rin ang punto ni Pablo sa 2Co 6:1 nang tawagin ng apostol ang mga Kristiyano na “mga kamanggagawa niya,” o ng Diyos.—2Co 5:20; tingnan ang study note sa Ro 16:3.

Akong si Pablo at si Timoteo: Si Pablo ang sumulat ng liham na ito sa mga taga-Filipos, pero isinama niya si Timoteo sa kaniyang panimulang pagbati. Kasama ni Pablo si Timoteo sa Roma noong unang mabilanggo si Pablo doon. Binanggit din ni Pablo si Timoteo sa dalawa pang liham na isinulat niya sa Roma noong mga panahong iyon—ang liham niya sa mga taga-Colosas at kay Filemon. (Col 1:1, 2; Flm 1) Lumilitaw na nabilanggo rin si Timoteo sa Roma noong isinusulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Filipos at bago niya isulat ang liham sa mga Hebreo.—Fil 2:19; Heb 13:23.

kongregasyong nagtitipon sa bahay nila: Kadalasan nang sa bahay nagtitipon ang mga mánanampalatayá noong unang siglo. (Ro 16:3, 5; Col 4:15; Flm 2) Ang salitang Griego para sa ‘kongregasyon’ (ek·kle·siʹa) ay tumutukoy sa isang grupo ng mga tao na nagsasama-sama para sa isang layunin. (1Co 12:28; 2Co 1:1) May ilang Bibliya na gumamit ng “simbahan” para ipanumbas sa salitang Griego na ek·kle·siʹa sa talatang ito at sa iba pang teksto. Pero mas naiisip ng mga tao sa salitang “simbahan” ang mismong gusali na ginagamit sa pagsamba sa halip na ang grupo ng mga taong sumasamba, kaya mas tumpak ang saling ‘kongregasyon.’

Apia . . . Arquipo: Bukod kay Filemon, ang dalawang miyembrong ito lang ng kongregasyon na nagtitipon sa bahay ni Filemon ang nabanggit ni Pablo sa pangalan sa liham na ito. Kaya sinasabi ng maraming iskolar na si Apia ay asawa ni Filemon at si Arquipo naman ay anak nila. Sinasabi rin ng ilan na binanggit ni Pablo sina Apia at Arquipo dahil naging alipin ng pamilya si Onesimo. Kung gayon, lahat sila ay dapat magbigay-pansin sa sinabi ni Pablo sa liham na ito. Magkakapamilya man sila o hindi, may magandang dahilan si Pablo na banggitin sina Apia at Arquipo. Binigyang-dangal ni Pablo si Apia nang tawagin niya itong kapatid naming babae. Malamang na ang Arquipo sa liham na ito ay ang Arquipo rin na binanggit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Colosas. (Tingnan ang study note sa Col 4:17.) At tinawag niya si Arquipo na kapuwa namin sundalo, na nagdiriin ng malapít na kaugnayan niya rito at ng pagiging tapat nito at matapang na lingkod ni Kristo.—Ihambing ang Fil 2:25.

at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay: Pangunahin nang kay Filemon patungkol ang liham na ito ni Pablo, pero para din ito kina Apia at Arquipo at sa buong kongregasyon. Madalas na sa mga bahay nagtitipon ang mga Kristiyano noong unang siglo. (Col 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 16:19.) Kahit na pangunahin nang si Filemon ang kausap ni Pablo sa buong liham, kapansin-pansin na gumamit siya ng mga Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan na isinaling “sumainyo,” “ninyo,” at “kayo” sa talata 3, 22, at 25. Kaya posibleng gusto ni Pablo na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Siguradong makikinabang sila sa mahahalagang kaisipan at prinsipyong nasa liham.

Arquipo: Lumilitaw na ito rin ang Arquipo na tinawag ni Pablo na “kapuwa namin sundalo” sa liham niya kay Filemon. Isinulat niya ang maikling liham na iyon para “kay Filemon, . . . kay Apia, na kapatid naming babae, at kay Arquipo,” at sa kongregasyong nagtitipon sa bahay ni Filemon. (Flm 1, 2) Sinasabi ng maraming iskolar ng Bibliya na magkakapamilya ang tatlong Kristiyanong ito at nakatira sila sa iisang bahay. Walang matibay na ebidensiya ang konklusyong ito pero makatuwiran itong isipin. Bukod sa detalyeng may tinanggap na ministeryo si Arquipo, halos wala nang binanggit ang Bibliya tungkol sa kaniya. Nang sabihin ni Pablo kay Arquipo na ‘magpokus sa ministeryo,’ hindi naman ito nangangahulugang pinagsasabihan niya si Arquipo. Gusto lang ni Pablo na pahalagahan at gampanan ng lahat ng Kristiyano ang ministeryo nila.—Ihambing ang study note sa 2Co 4:7.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Tingnan ang study note sa Ro 1:7.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

kapag binabanggit kita sa mga panalangin ko: Maraming matututuhan mula sa pananalitang ito kung paano manalangin si Pablo. Makikita sa mga panalangin niya tungkol kay Filemon na mapagpasalamat siya (“pinasasalamatan ang aking Diyos”), madalas siyang manalangin (“Lagi kong”), at espesipiko ang panalangin niya (“binabanggit kita”). Gumamit dito si Pablo ng panghalip na nasa anyong pang-isahan, na nagpapakitang partikular niyang ipinapanalangin ang kaibigan niyang si Filemon.—Ihambing ang Ro 1:9; 1Co 1:4; Efe 1:16; Fil 1:3-5; 1Te 1:2.

pananampalataya mo at pag-ibig: Itinampok sa personal na liham na ito ang pananampalataya at pag-ibig. Madalas pag-ugnayin ni Pablo ang dalawang ito. (Efe 1:15; Col 1:4) Dito, kinomendahan niya si Filemon (na ang pangalan ay nangangahulugang “Mapagmahal”) sa pagkakaroon ng mga katangiang ito. Naipapakita ni Filemon ang pananampalataya at pag-ibig niya kay Jesus sa paraan ng pakikitungo niya sa mga banal, o sa mga kapananampalataya niya.

puso: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (splagkhʹnon), na isinaling “puso,” ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao o sa pinanggagalingan ng damdaming iyon. (Tingnan din ang study note sa 2Co 6:12.) Ginamit ulit ni Pablo ang salitang Griegong ito sa talata 12 at 20. Sinasabi sa isang reperensiya: “Makikita sa madalas na paggamit ni Pablo sa salitang ito sa maiksing liham niya kay Filemon kung gaano siya kaapektado sa isyung ipinapakipag-usap niya.”

kapatid: Madalas na “kapatid” ang tawagan ng unang mga Kristiyano. (Ro 16:1; 1Co 7:15; Flm 1, 2) Sa paggamit ng terminong ito, naipapakita ng mga Kristiyano ang pagkakaisa nila at malapít na ugnayan bilang isang espirituwal na pamilya, na ang Ama ay si Jehova. (Mat 6:9; 23:9; Efe 2:19 at study note; 1Pe 3:8) Ayon sa ilang iskolar, nang tawagin ni Pablo si Filemon na “kapatid” dito at sa talata 20, gumamit ang apostol ng anyo ng pantawag na nagpapakita ng napakalapít na ugnayan nila. Kaya naman puwede itong isaling “kapatid ko” o “mahal na kapatid,” gaya ng mababasa sa iba pang Bibliya.

mga miyembro na ng sambahayan ng Diyos: Ginamit ni Pablo ang ekspresyong “mga miyembro . . . ng sambahayan” para ipakitang ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay gaya ng isang pamilyang malapít sa isa’t isa. (1Ti 3:15) Sa isang makadiyos na pamilya, iginagalang ng mga miyembro ang ulo, pati na ang mga patakaran at pamantayang itinakda niya para sa pamilya. Sa katulad na paraan, malapít din sa isa’t isa ang mga miyembro ng mga kongregasyon noong unang siglo at iginagalang nila ang mga kaayusan ni Jehova sa kongregasyon.—Tingnan ang study note sa Gal 6:10.

pagmamahal: O “magiliw na pagmamahal.” Ang salitang Griego na ginamit dito, splagkhʹnon, ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Kaya sa Gaw 1:18, isinalin itong “laman-loob [bituka].” Sa konteksto (2Co 6:12), ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao, isang matinding emosyon. Isa ito sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.

puwedeng-puwede kitang utusan . . . dahil isa akong apostol ni Kristo: O “may malaking kalayaan ako sa pagsasalita may kaugnayan kay Kristo na utusan ka.” Ang salitang Griego na par·re·siʹa na ginamit sa ekspresyong ito ay pangunahin nang nangangahulugang “katapangan sa pagsasalita.” Puwede sanang gamitin ni Pablo ang awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jesus bilang isang apostol. Pero gaya ng ipinaliwanag niya sa sumunod na talata, hindi niya ito gagamitin para utusan si Filemon at hindi rin niya sasamantalahin ang kaugnayan nila bilang magkapananampalataya para pilitin itong gawin ang ayaw nito. (Flm 9, 14) Kaya sa kontekstong ito, malamang na ginamit ni Pablo ang termino para sa “kalayaan sa pagsasalita” para tumukoy sa tapatang pag-uusap ng isang magkaibigan.

mga embahador kami: Tinawag dito ni Pablo ang sarili niya at ang mga kamanggagawa niya na “mga embahador . . . na humahalili kay Kristo.” Noong panahon ng Bibliya, nagpapadala ng mga embahador at iba pang mensahero sa iba’t ibang dahilan. Halimbawa, kapag may gulo, ipinapadala ang mga embahador para makita kung puwede pang maiwasan ang digmaan o para makipagpayapaan kapag may digmaan na. (Isa 30:1-4; 33:7) Noong panahon ni Pablo, ang mga bayan, lunsod, o lalawigan ng Imperyo ng Roma ay nagpapadala ng mga embahador sa Roma para patibayin ang kaugnayan nila dito, tumanggap ng tulong, o humingi ng pabor. Dalawang beses lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pandiwang Griego para sa “maging embahador” (pre·sbeuʹo), dito at sa Efe 6:19, 20, kung saan tinawag ni Pablo ang sarili niya na embahador ng mabuting balita. Sa Luc 14:32 at 19:14, ang kaugnay nitong pangngalan na pre·sbeiʹa ay isinaling “grupo ng mga embahador.” Ang dalawang terminong ito ay parehong kaugnay ng salitang pre·sbyʹte·ros, na nangangahulugang “matandang lalaki.”—Mat 16:21; Gaw 11:30.

ako ay nakatanikalang embahador: Isinulat ni Pablo ang liham niyang ito sa mga taga-Efeso noong nakabilanggo siya sa Roma, kaya tinawag niya ang sarili niya na “nakatanikalang embahador.” (Efe 3:1; 4:1) Sa Bibliya, ang isang embahador ay kinatawan ng isang tagapamahala na isinugo niya sa isang espesyal na okasyon para sa isang espesipikong layunin. Bilang isa sa mga embahador ng Diyos na pinahiran ng espiritu, naghatid si Pablo sa mga tao noon ng mensahe ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Tingnan ang mga study note sa 2Co 5:20.

isang bilanggo: Sa maraming liham ni Pablo, tinawag niya ang sarili niya na “isang apostol” ni Kristo Jesus. (Para sa halimbawa, tingnan ang 1Co 1:1; Efe 1:1; Col 1:1; 1Ti 1:1; Tit 1:1.) Pero lumilitaw na ayaw niyang mapilitan si Filemon na sundin siya dahil lang sa isa siyang apostol. Kaya ginamit niya rito ang salitang “bilanggo,” na ayon sa isang reperensiya ay “isang katawagang aantig sa puso ng kaibigan niya.” Ipapaalala nito kay Filemon ang mahirap na kalagayan ni Pablo, na posibleng makakatulong sa kaniya na tumugon nang positibo sa pakiusap ni Pablo sa liham na ito.—Flm 9-12, 17.

isang bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus: Lit., “isang bilanggo ni Kristo Jesus.” Ibinilanggo si Pablo sa Roma dahil sa pagiging tagasunod ni Kristo.—Flm 9; tingnan ang study note sa 2Ti 1:8.

mas gusto kong makiusap sa iyo salig sa pag-ibig mo: Gaya ng nabanggit ni Pablo, kilalá si Filemon sa pag-ibig niya kay Kristo at sa mga kapananampalataya niya. (Flm 5, 7) Nagtitiwala ang apostol na dahil sa pag-ibig ni Filemon, mauudyukan siyang magpakita ng malaking kabaitan sa pagkakataong ito. (Flm 21) Pero alam ni Pablo na hindi niya mapupuwersa si Filemon na magpakita ng pag-ibig. Gaya nga ng sinasabi ng isang reperensiya tungkol sa talatang ito, “mauudyukan ang isa na magpakita ng pag-ibig, pero hindi siya mapipilit.”

matanda na: Posibleng nasa mga 50 o mahigit 60 anyos na si Pablo nang isulat niya ang liham na ito. Ayon sa ilang reperensiya, ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa “isang lalaki na 50-56 anyos.” Pero sa Griegong Septuagint, ginamit ang terminong ito para kina Abraham at Eli na di-hamak na mas matatanda. (Gen 25:8; 1Sa 2:22; LXX) Kaya hindi magagamit na basehan ang salitang ginamit dito ni Pablo para malaman ang edad niya nang sumulat siya kay Filemon. Mas makakatulong pa ang ibang impormasyon tungkol sa buhay ni Pablo. Halimbawa, naging Kristiyano siya noong mga 34 C.E., at isinulat niya ang liham na ito kay Filemon pagkalipas ng mga 25 taon, noong 60-61 C.E. Nang makumberte siya, nasa edad na siya para makilala at pagkatiwalaan ng mataas na saserdote. Sinasabi ng ilan na posibleng magkaedad sila ni Jesus o mas bata lang si Pablo nang kaunti. Sa ilang Bibliya, ang salitang Griego na ginamit dito ay isinaling “embahador.” Pero mas maraming iskolar ang pabor sa saling “matanda,” na kahawig ng pagkakasalin ng salitang ito sa Luc 1:18 at Tit 2:2.—Ihambing 2Co 5:20 at study note; Efe 6:20 at study note.

bilanggo alang-alang kay Kristo Jesus: Tingnan ang mga study note sa Flm 1.

Onesimo: Alipin si Onesimo ng Kristiyanong si Filemon, at posibleng ninakawan niya ito bago siya tumakas papuntang Roma, kung saan siya naging Kristiyano. (Flm 18; tingnan ang study note sa Col 4:9.) Kahit na tungkol kay Onesimo ang maikling liham na ito ni Pablo, dito pa lang siya unang nabanggit. Ipinaliwanag ni Pablo na noong nakabilanggo siya sa Roma, naging parang ama siya kay Onesimo. Tinawag pa nga siya ni Pablo na anak ko, na nagpapakitang posibleng ang apostol ang tumulong sa kaniya para maging Kristiyano.—Ihambing ang 1Co 4:15; Gal 4:19.

Onesimo: Siya rin ang Onesimo na tinukoy ni Pablo sa liham nito kay Filemon. Tumakas ang aliping si Onesimo sa amo niyang si Filemon, isang Kristiyano sa Colosas. Posibleng ninakawan din niya si Filemon bago tumakas papuntang Roma. (Flm 18) Naging Kristiyano siya sa Roma at itinuring ni apostol Pablo na parang anak. (Flm 10) Hinimok siya ni Pablo na bumalik sa amo niya sa Colosas. Sumama siya kay Tiquico, na nagdala ng mga liham ni Pablo para sa mga taga-Efeso at mga taga-Colosas. (Efe 6:21, 22; Col 4:7, 8) Posibleng si Onesimo ang nagdala ng sulat kay Filemon. Sumama si Onesimo kay Tiquico sa mahabang paglalakbay na ito papuntang Colosas posibleng para maprotektahan siya mula sa mga Romanong awtoridad, na nanghuhuli ng mga tumakas na alipin. Hiniling ni Pablo sa kongregasyon na mainit na tanggapin si Onesimo, na isang “tapat at minamahal [na] kapatid.”

singilin mo iyon sa akin: Karaniwan ang ekspresyong ito noon sa pagsagot sa utang ng iba, gaya ng makikita sa iba pang dokumento noong unang siglo C.E. Kaya sinasabi ng ilang iskolar na bago tumakas si Onesimo, posibleng nagnakaw siya sa panginoon niya at ikinatuwirang kailangan niya ng pambili ng pagkain at pambayad sa pamasahe sa barko. Gustong-gusto talaga ni Pablo na magkasundo ang dalawang Kristiyanong ito kaya naman handa siyang bayaran ang utang ni Onesimo.

Wala siyang silbi . . . noon, pero ngayon ay malaking tulong siya: Ipinakita dito ni Pablo ang malaking pagbabagong nangyari kay Onesimo. “Wala siyang silbi” noon; posibleng hindi talaga siya maaasahang alipin bago pa niya layasan ang panginoon niya. (Tingnan ang study note sa Flm 18.) Pero ngayong isa na siyang Kristiyano, “malaking tulong” na siya kay apostol Pablo at siguradong pati na rin kay Filemon.

Wala siyang silbi . . . malaking tulong siya: Ang pangalang Onesimo ay nangangahulugang “Kapaki-pakinabang; Malaking Tulong,” na ayon sa ilang reperensiya ay karaniwang pangalan noong unang siglo C.E., lalo na ng mga alipin. Sa talatang ito, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “malaking tulong” ay kasingkahulugan ng pangalang Onesimo. Gumamit din si Pablo ng magkasalungat pero magkatunog na mga salitang Griego para sa ‘walang silbi’ (aʹkhre·stos) at “malaking tulong” (euʹkhre·stos). Ang pinangalanang “malaking tulong” ay matagal na naging ‘walang silbi,’ pero ngayon, talagang “malaking tulong” na siya.—Tingnan ang study note sa Col 4:9; Flm 10.

Onesimo: Alipin si Onesimo ng Kristiyanong si Filemon, at posibleng ninakawan niya ito bago siya tumakas papuntang Roma, kung saan siya naging Kristiyano. (Flm 18; tingnan ang study note sa Col 4:9.) Kahit na tungkol kay Onesimo ang maikling liham na ito ni Pablo, dito pa lang siya unang nabanggit. Ipinaliwanag ni Pablo na noong nakabilanggo siya sa Roma, naging parang ama siya kay Onesimo. Tinawag pa nga siya ni Pablo na anak ko, na nagpapakitang posibleng ang apostol ang tumulong sa kaniya para maging Kristiyano.—Ihambing ang 1Co 4:15; Gal 4:19.

Onesimo: Siya rin ang Onesimo na tinukoy ni Pablo sa liham nito kay Filemon. Tumakas ang aliping si Onesimo sa amo niyang si Filemon, isang Kristiyano sa Colosas. Posibleng ninakawan din niya si Filemon bago tumakas papuntang Roma. (Flm 18) Naging Kristiyano siya sa Roma at itinuring ni apostol Pablo na parang anak. (Flm 10) Hinimok siya ni Pablo na bumalik sa amo niya sa Colosas. Sumama siya kay Tiquico, na nagdala ng mga liham ni Pablo para sa mga taga-Efeso at mga taga-Colosas. (Efe 6:21, 22; Col 4:7, 8) Posibleng si Onesimo ang nagdala ng sulat kay Filemon. Sumama si Onesimo kay Tiquico sa mahabang paglalakbay na ito papuntang Colosas posibleng para maprotektahan siya mula sa mga Romanong awtoridad, na nanghuhuli ng mga tumakas na alipin. Hiniling ni Pablo sa kongregasyon na mainit na tanggapin si Onesimo, na isang “tapat at minamahal [na] kapatid.”

mga alipin: O “mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin.” Ang salitang “pamatok” ay kadalasan nang ginagamit noon sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagiging alipin o paglilingkod sa isang panginoon. (Tit 2:9, 10; 1Pe 2:18; tingnan sa Glosari, “Pamatok.”) Maraming alipin sa Imperyo ng Roma, kasama na ang ilang Kristiyano. Hindi itinaguyod at hindi rin binatikos ng mga tagasunod ni Jesus ang kaayusan ng gobyerno noon sa pagkakaroon ng alipin. (1Co 7:20, 21) Hindi nakialam si Jesus sa mga usaping panlipunan, at sinabi rin niya sa mga tagasunod niya na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:14) Nagpokus si Jesus sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos, na tatapos sa lahat ng uri ng kalupitan at kawalang-katarungan.—Tingnan ang study note sa Ju 18:36; tingnan din sa Media Gallery, “Trabaho ng Isang Alipin.”

Pinababalik ko siya sa iyo: Nang pabalikin ni Pablo si Onesimo kay Filemon, ipinakita niyang nagpapasakop siya sa gobyerno. (Ro 13:1) Totoo, pinasigla ni Pablo ang mga alipin na kung may legal na basehan sila para makalaya, “samantalahin” nila ito. (1Co 7:21) Pero alam din niya na hindi dapat pagsikapang baguhin ng mga Kristiyano ang nakatatag nang batas may kinalaman sa pang-aalipin dahil hindi sila binigyan ni Kristo ng awtoridad na gawin ito.—Ju 17:15, 16; 18:36 at study note; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:1.

na talagang napalapít sa puso ko: O “na mahal na mahal ko.”—Tingnan ang study note sa Flm 7.

puso: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (splagkhʹnon), na isinaling “puso,” ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao o sa pinanggagalingan ng damdaming iyon. (Tingnan din ang study note sa 2Co 6:12.) Ginamit ulit ni Pablo ang salitang Griegong ito sa talata 12 at 20. Sinasabi sa isang reperensiya: “Makikita sa madalas na paggamit ni Pablo sa salitang ito sa maiksing liham niya kay Filemon kung gaano siya kaapektado sa isyung ipinapakipag-usap niya.”

Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito: Hindi direktang sinagot ni Jesus ang tanong ni Pilato na “Ano ba ang ginawa mo?” (Ju 18:35) Nagpokus siya sa unang tanong ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” (Ju 18:33) Sa maikling sagot ni Jesus, tatlong beses niyang binanggit ang Kaharian kung saan siya aatasan bilang Hari. Sinabi niyang “hindi bahagi ng sanlibutang ito” ang Kaharian niya para linawin na hindi galing sa tao ang Kahariang iyon. Kaayon ito ng naunang mga pagtukoy sa Kahariang iyon, gaya ng “Kaharian ng langit” o “Kaharian ng Diyos.” (Mat 3:2; Mar 1:15) Sinabi rin ni Jesus na ang mga alagad niya ay “hindi . . . bahagi ng sanlibutan,” na tumutukoy sa di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos at sa mga lingkod niya. (Ju 17:14, 16) Makikita rin sa sinabi ni Jesus kay Pedro nang gabing iyon na hindi dapat makipaglaban ang mga tagasunod niya para ipagtanggol siya gaya ng gagawin ng mga tagasuporta ng isang taong hari.—Mat 26:51, 52; Ju 18:11.

maalalayan niya ako: Posibleng maraming naiisip si Pablo na paraan kung paano siya maaalalayan ni Onesimo. Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo (“maglingkod”) ay pangunahin nang tumutukoy sa mapagpakumbabang paglilingkod sa iba. Sa kontekstong ito, puwede itong tumukoy sa pagkuha at paghahanda ng pagkain para kay Pablo o pagtulong sa kaniya sa iba pang praktikal na paraan. Sa mapagpakumbabang paglilingkod ni Onesimo kay Pablo, nasusuportahan niya ang “mabuting balita.”—Tingnan ang study note sa Luc 8:3; 22:26.

naglilingkod: Ang pandiwang Griego na ginamit dito, di·a·ko·neʹo, ay kaugnay ng pangngalang di·aʹko·nos (ministro; lingkod), na tumutukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. Ginagamit ang termino para tumukoy kay Kristo (Ro 15:8); sa mga lingkod ni Kristo, babae man o lalaki (Ro 16:1; 1Co 3:5-7; Col 1:23); mga ministeryal na lingkod (Fil 1:1; 1Ti 3:8); mga alipin sa sambahayan (Ju 2:5, 9) at mga opisyal ng pamahalaan.​—Ro 13:4.

maglingkod sa kanila: O “sumuporta (maglaan) sa kanila.” Ang salitang Griego na di·a·ko·neʹo ay puwedeng tumukoy sa pag-aasikaso sa materyal na pangangailangan ng isa sa pamamagitan ng pagkuha ng pagkain, pagluluto, at paghahain, at iba pa. Ganiyan ang kahulugan ng salitang di·a·ko·neʹo sa Luc 10:40 (“paghahanda”), Luc 12:37 (“pagsisilbihan”), Luc 17:8 (“pagsilbihan”), at Gaw 6:2 (“mamahagi ng pagkain”), pero puwede rin itong tumukoy sa lahat ng iba pang paglilingkod para mailaan ang personal na pangangailangan ng isa. Sa tekstong ito, ipinaliwanag kung paano sumuporta kay Jesus at sa mga alagad niya ang mga babaeng binanggit sa talata 2 at 3. Nakatulong ang mga babaeng ito para matapos nina Jesus ang atas nila mula sa Diyos. Dahil diyan, naluwalhati ng mga babaeng ito ang Diyos, at ipinakita ng Diyos ang pagpapahalaga niya sa ginawa nila nang ipasulat niya sa Bibliya ang kanilang pagkamahabagin at pagkabukas-palad para mabasa ng mga susunod na henerasyon. (Kaw 19:17; Heb 6:10) Ito rin ang terminong Griego na ginamit para sa mga babaeng nakaulat sa Mat 27:55; Mar 15:41.​—Tingnan ang study note sa Luc 22:26, kung saan ipinaliwanag ang kaugnay na pangngalang di·aʹko·nos.

bukal sa puso: O “ayon sa kalayaan mong magpasiya.” Alam ni Pablo na si Filemon ang magdedesisyon kung ano ang dapat gawin kay Onesimo. Kaya sinabi ni Pablo: “Ayokong gumawa ng anumang bagay kung walang permiso mo.” Nagtitiwala siya na gagamitin ni Filemon nang tama ang kalayaan nitong magpasiya at kikilos ito udyok ng pag-ibig. (2Co 9:7) Mahalagang turo sa Kasulatan ang paggamit ng isang tao ng kalayaan niyang magpasiya pagdating sa personal niyang buhay. (Deu 30:19, 20; Jos 24:15; Gal 5:13; 1Pe 2:16) Ang salitang Griego na isinalin sa talatang ito na “bukal sa puso” ay ginamit nang maraming beses sa Septuagint para tumukoy sa kusang-loob na mga handog. (Lev 7:16; 23:38; Bil 15:3; 29:39) Hindi inoobliga ni Jehova ang mga lingkod niya na magbigay ng ganitong handog, at hindi rin niya pinaparusahan ang mga hindi nagdadala nito. Dahil ang mga handog na ito ay ekspresyon ng pag-ibig at pagpapahalaga sa Diyos, hindi ito puwedeng hingin nang sapilitan.

Baka ito talaga ang dahilan kaya siya humiwalay sa iyo: Parang ipinapahiwatig dito ni Pablo na may kinalaman si Jehova sa nangyari kay Onesimo, na naging Kristiyano matapos itong lumayas sa panginoon niya. Puwede na siyang tanggapin ulit ni Filemon, hindi bilang isang alipin, kundi bilang kapatid sa espirituwal. Ipinakita pa ni Pablo na anumang problema ang naidulot ng paglayas ni Onesimo, sandali (lit., “isang oras”) lang iyon kung ikukumpara sa nabuo nilang kaugnayan sa espirituwal na mananatili magpakailanman. “Walang hanggan” silang maglilingkod nang magkasama.—Jud 21; Apo 22:5.

Pinababalik ko siya sa iyo: Nang pabalikin ni Pablo si Onesimo kay Filemon, ipinakita niyang nagpapasakop siya sa gobyerno. (Ro 13:1) Totoo, pinasigla ni Pablo ang mga alipin na kung may legal na basehan sila para makalaya, “samantalahin” nila ito. (1Co 7:21) Pero alam din niya na hindi dapat pagsikapang baguhin ng mga Kristiyano ang nakatatag nang batas may kinalaman sa pang-aalipin dahil hindi sila binigyan ni Kristo ng awtoridad na gawin ito.—Ju 17:15, 16; 18:36 at study note; tingnan din ang study note sa 1Ti 6:1.

mga may-ari sa kanila kahit pa magkapatid sila sa pananampalataya: Ipinapaliwanag dito ni Pablo ang dapat gawin kapag parehong Kristiyano ang alipin at ang panginoon nito. Bilang “mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” kapantay lang ng mga alipin ang kanilang mga panginoon sa harap ng Diyos. (Ro 8:17) Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong alipin na huwag abusuhin ang kanilang panginoon—na kapatid din nila sa espirituwal—at ibigay pa rin ang buong makakaya nila sa pagtatrabaho. Dahil mahal ng alipin ang kapatid niya, mas lalo pa nga siyang dapat maging tapat at masipag sa paglilingkod. May pananagutan din ang mga Kristiyanong panginoon na pakitunguhan nang patas ang kanilang alipin.—Efe 6:9; Col 4:1.

higit pa sa alipin, bilang minamahal na kapatid: Ipinapakita dito ni Pablo na ang pangunahin nang ugnayan nina Filemon at Onesimo ay magkapatid na Kristiyano at magkamanggagawa sa ministeryo. (Mat 23:8; 28:19, 20) Posibleng naging alipin ulit si Onesimo sa sambahayan ni Filemon, pero posible ring pinalaya siya ni Filemon, gaya ng sinasabi ng ilang iskolar. (Tingnan ang study note sa Flm 12.) Kung nanatili mang alipin si Onesimo, siguradong naging mahusay na lingkod na siya dahil Kristiyano na siya at nagpapagabay na sa mga prinsipyo sa Kasulatan.—Efe 6:5-8; Col 3:22, 23; Tit 2:9, 10; tingnan ang study note sa 1Ti 6:2.

kaibigan: Ang salitang Griego na isinalin ditong “kaibigan” ay literal na nangangahulugang “kabahagi.” Ginamit niya ang terminong ito na puwede ring isaling “kasamahan; katuwang” para ipakitang magkapantay lang sila ni Filemon. Ginagamit din ang terminong ito noon para sa magkasosyo sa negosyo. (Luc 5:10; 2Co 8:23; 1Pe 5:1) Pero sa kontekstong ito, nagpapahiwatig ito ng malapít na pagkakaibigan. Ganito inilarawan ng isang reperensiya ang ugnayan nina Pablo at Filemon: “‘Magkaibigan’ sila . . . dahil iisa ang Panginoon nila. Dahil sa matibay na ugnayang ito, nasisiyahan silang gumawa nang magkasama habang nagpapakita ng pananampalataya at pag-ibig.” Kapansin-pansin din na ginamit ng sinaunang Griegong manunulat na si Aristotle ang terminong ito para ilarawan ang isang kaibigan. Sinabi niya: “Ang isang kaibigan ay isang kabahagi.”

malugod mo siyang tanggapin: Malaki ang tiwala ni Pablo kay Filemon na gagawin nito ang tama. Nang panahong iyon, hinahagupit, pinapaso, o pinapatay pa nga ng ilan ang masuwaying mga alipin nila—para maturuan ang iba pang alipin ng sambahayan nila na maging masunurin.

singilin mo iyon sa akin: Karaniwan ang ekspresyong ito noon sa pagsagot sa utang ng iba, gaya ng makikita sa iba pang dokumento noong unang siglo C.E. Kaya sinasabi ng ilang iskolar na bago tumakas si Onesimo, posibleng nagnakaw siya sa panginoon niya at ikinatuwirang kailangan niya ng pambili ng pagkain at pambayad sa pamasahe sa barko. Gustong-gusto talaga ni Pablo na magkasundo ang dalawang Kristiyanong ito kaya naman handa siyang bayaran ang utang ni Onesimo.

dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin: Ginamit dito ni Pablo ang isang karaniwang idyoma para idiin kung gaano siya kamahal ng mga taga-Galacia. Handa silang ibigay ang lahat para sa kaniya, kahit pa ang mga bagay na napakahalaga sa kanila gaya ng mata nila. Tamang-tama ang pagkakagamit niya sa ekspresyong ito lalo na kung may problema talaga siya sa mata, na posibleng ang “sakit” na kakabanggit lang niya.—Gal 4:13, 14; tingnan din ang Gaw 23:2-5; 2Co 12:7-9; Gal 6:11.

liham na ito, na isinulat ng sarili kong kamay: Karaniwan nang idinidikta ni Pablo sa isang tagasulat ang mga liham niya, pero lumilitaw na siya mismo ang nagsulat sa liham na ito.—Tingnan ang Ro 16:22 at study note.

Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa: Si Filemon ay miyembro ng kongregasyon sa Colosas, isang lunsod sa lalawigan ng Asia. (Col 4:9) Posibleng si Pablo ang nagpatotoo sa kaniya para maging Kristiyano. (Flm 19) Hindi nangaral si Pablo sa Colosas, pero malamang na nakilala niya si Filemon sa Efeso nang “[marinig] ng lahat ng naninirahan sa lalawigan ng Asia ang salita ng Panginoon.” (Gaw 19:10) Hindi nakasama ni Pablo si Filemon sa mga paglalakbay niya bilang misyonero, pero itinuturing niya itong kamanggagawa dahil tumulong ito na mapalaganap ang mabuting balita.—Tingnan ang study note sa Ro 16:3; 1Co 3:9.

Ako mismong si Pablo ang sumusulat nito: O “Ako, si Pablo, ang sumusulat nito gamit ang sarili kong kamay.” Malamang na si Pablo mismo ang sumulat ng maikling liham na ito, kahit na hindi niya iyon karaniwang ginagawa; dahil kung talagang may problema sa paningin si Pablo, mahihirapan siyang gawin iyon. (Tingnan ang study note sa Gal 4:15; 6:11.) Pero sinasabi ng ilang iskolar na posibleng gumamit lang dito si Pablo ng isang lagda niya at sumulat ng ilang salita gamit ang sarili niyang kamay. Alinman diyan ang totoo, ang sulat-kamay niya ay nagdagdag ng bigat sa kahilingan niya at nagsilbing garantiya sa pangako niyang bayaran ang anumang utang ni Onesimo.

utang mo rin sa akin ang buhay mo: Ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na tinulungan ni Pablo si Filemon na maging Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Flm 1.) Ipinapaalala dito ni Pablo kay Filemon na nalugi man siya sa pinansiyal, walang-wala ito kung ikukumpara sa mga pagpapalang natanggap niya.—Flm 18; ihambing ang Efe 1:18; 2:12.

puso ko: Tingnan ang study note sa Flm 7.

puso: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo (splagkhʹnon), na isinaling “puso,” ay literal na tumutukoy sa mga laman-loob. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa matinding damdaming nadarama sa kaloob-looban ng isang tao o sa pinanggagalingan ng damdaming iyon. (Tingnan din ang study note sa 2Co 6:12.) Ginamit ulit ni Pablo ang salitang Griegong ito sa talata 12 at 20. Sinasabi sa isang reperensiya: “Makikita sa madalas na paggamit ni Pablo sa salitang ito sa maiksing liham niya kay Filemon kung gaano siya kaapektado sa isyung ipinapakipag-usap niya.”

Nagtitiwala akong: Sigurado si Pablo na gagawin ni Filemon ang hiling niya. Gumamit siya rito ng isang salitang Griego na nagpapakita ng matibay na pagtitiwala, at madalas niya itong gamitin sa mga liham niya. Halimbawa, ginamit niya ito para ipakitang nagtitiwala siya na tutuparin ng Diyos ang layunin Niya para sa Kaniyang bayan. (Fil 1:6) Ginamit niya rin ito para tumukoy sa tiwala ni Jesus sa Diyos. (Heb 2:13) Sa Ro 8:38, isinalin ang salitang ito na “kumbinsido ako.” Sigurado si Pablo na gagawin ni Filemon ang hiling niya nang hindi napipilitan. Gaya nga ng sabi ni Pablo, higit pa sa sinabi ko ang gagawin mo. Malamang na dahil sa tiwala niyang ito, naudyukan si Filemon na makipagtulungan nang masaya at bukal sa puso at gawin pa nga ang higit sa hinihiling ni Pablo.

dahil umaasa akong sa tulong ng mga panalangin ninyo: Gumamit dito si Pablo ng Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan at isinalin itong “ninyo,” kaya posibleng tumutukoy ito sa panalangin ng buong kongregasyon na nagtitipon sa bahay ni Filemon. (Tingnan ang study note sa Flm 2.) Ipinapahiwatig ni Pablo na malaki ang magagawa ng ganitong mga panalangin—puwede siyang lumaya mula sa pagkabilanggo sa Roma. Kaya kinikilala ni Pablo na ang panalangin ng tapat na mga Kristiyano ay puwedeng makapagpakilos sa Diyos na Jehova na gawin nang mas maaga ang isang bagay o gawin pa nga ang isang bagay na hindi Niya sana gagawin.—Heb 13:19.

makababalik ako sa inyo: O “mapalalaya ako para sa inyo.” Gumamit dito si Pablo ng isang ekspresyon na puwedeng literal na isaling “ibabalik ako sa inyo dahil sa kabaitan,” ibig sabihin, bilang sagot sa mga panalangin ng kongregasyon sa Colosas. Sinabi ng isang reperensiya na gumamit dito si Pablo ng pandiwang nasa anyong passive, na nagpapahiwatig na “ang Diyos lang ang makakapagpalaya kay Pablo.”

at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay: Pangunahin nang kay Filemon patungkol ang liham na ito ni Pablo, pero para din ito kina Apia at Arquipo at sa buong kongregasyon. Madalas na sa mga bahay nagtitipon ang mga Kristiyano noong unang siglo. (Col 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 16:19.) Kahit na pangunahin nang si Filemon ang kausap ni Pablo sa buong liham, kapansin-pansin na gumamit siya ng mga Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan na isinaling “sumainyo,” “ninyo,” at “kayo” sa talata 3, 22, at 25. Kaya posibleng gusto ni Pablo na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Siguradong makikinabang sila sa mahahalagang kaisipan at prinsipyong nasa liham.

Epafras: Isang Kristiyano sa Colosas na posibleng naging malaking tulong sa pagtatatag ng kongregasyon doon. (Tingnan ang study note sa Col 1:7; 4:12.) Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma, pumunta doon si Epafras. Malamang na nanatili siya roon, dahil nang bumati si Pablo, tinukoy siya nito na “kapuwa ko bihag dahil kay Kristo Jesus.”

kapuwa ko bihag: O “kapuwa ko bilanggo.” Hindi lang kay Epafras ginamit ni Pablo ang terminong Griegong ito; sa iba niyang liham, ginamit niya rin ito para kina Aristarco, Andronico, at Junias. (Ro 16:7; Col 4:10) Posibleng nabilanggo talaga sila kasama ni Pablo. Pero sinasabi ng ilan na ginamit lang ni Pablo ang terminong ito para ipahiwatig na lakas-loob siyang dinalaw sa bilangguan ng mga kapananampalataya niyang ito at nanatili pa nga silang kasama niya.

marubdob: Ang pandiwang Griego na a·go·niʹzo·mai, na isinalin ditong “marubdob,” ay kaugnay ng pangngalang Griego na a·gonʹ, na kadalasang tumutukoy sa paligsahan ng mga atleta. (Tingnan ang study note sa Luc 13:24; 1Co 9:25.) Kung paanong ibinibigay ng mga atleta noon ang buong lakas nila sa palaro para matapos ang takbuhan o manalo, ibinuhos din ni Epafras ang puso at lakas niya sa pananalangin para sa mga kapatid sa Colosas. Lumilitaw na malaki ang naitulong ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon, kaya alam niya ang espesipikong kailangan ng mga kapananampalataya niya doon. (Col 1:7; 4:13) Gusto niya at ni Pablo na ang mga kapatid ay manghawakan sa pag-asa at manatiling may-gulang, o ganap na mga Kristiyanong may matibay na pananampalataya.—Col 1:5; 2:6-10.

Epafras: Isang tapat na lingkod sa Colosas na dumalaw kay apostol Pablo sa Roma noong una siyang mabilanggo doon. Lumilitaw na hindi pa nakarating si Pablo sa Colosas nang isulat niya ang liham na ito (Col 2:1) at na malaki ang papel ni Epafras para maitatag ang kongregasyon doon (Col 1:6-8; 4:12, 13). Ang pangalang Epafras ay pinaikling anyo ng Epafrodito. Pero hindi siya si Epafrodito na taga-Filipos. (Fil 2:25) Si Epafras na taga-Colosas ay binanggit din sa Flm 23.

mga tuli: Mga tuling Judiong Kristiyano. Tinulungan si Pablo ng mga kapatid na ito na binanggit niya sa pangalan. (Tingnan ang study note sa talagang napalalakas sa talatang ito.) Malamang na hindi sila nagdalawang-isip na makihalubilo sa mga di-Judiong Kristiyano, at siguradong masayang-masaya silang nangaral kasama ni Pablo sa mga di-Judio.—Ro 11:13; Gal 1:16; 2:11-14.

Epafras: Isang Kristiyano sa Colosas na posibleng naging malaking tulong sa pagtatatag ng kongregasyon doon. (Tingnan ang study note sa Col 1:7; 4:12.) Nang unang mabilanggo si Pablo sa Roma, pumunta doon si Epafras. Malamang na nanatili siya roon, dahil nang bumati si Pablo, tinukoy siya nito na “kapuwa ko bihag dahil kay Kristo Jesus.”

kapuwa ko bihag: O “kapuwa ko bilanggo.” Hindi lang kay Epafras ginamit ni Pablo ang terminong Griegong ito; sa iba niyang liham, ginamit niya rin ito para kina Aristarco, Andronico, at Junias. (Ro 16:7; Col 4:10) Posibleng nabilanggo talaga sila kasama ni Pablo. Pero sinasabi ng ilan na ginamit lang ni Pablo ang terminong ito para ipahiwatig na lakas-loob siyang dinalaw sa bilangguan ng mga kapananampalataya niyang ito at nanatili pa nga silang kasama niya.

ang kapatid: Hindi pinangalanan ni Pablo ang kapatid na ito pero binanggit niya na inatasan itong “sumama sa . . . paglalakbay” nila. (2Co 8:19) Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na isinaling “sumama sa . . . paglalakbay,” at ang isa pa ay mababasa sa Gaw 19:29, kung saan ginamit ang anyong pangmaramihan. Doon, binanggit si Aristarco na isa sa mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. Naging malapít na kasamahan siya ni Pablo. Kaya ipinapalagay ng ilang iskolar na ang “kapatid” na tinutukoy dito ay si Aristarco, pero posible ring si Tiquico ito o iba pang kapatid.—Gaw 20:2-4; 27:2; Col 4:7, 10.

Demas: Binanggit din ni Pablo ang kamanggagawa niyang ito sa liham niya kay Filemon. (Flm 24) Pero pagkaraan lang ng ilang taon, nang mabilanggo si Pablo sa Roma sa ikalawang pagkakataon, sinabi niya: “Pinabayaan ako ni Demas; inibig niya ang sistemang ito.” Bumalik si Demas sa Tesalonica, na malamang na sarili niyang bayan.—2Ti 4:10.

pinabayaan ako ni Demas: Tumutukoy ang salitang Griego na isinaling “pinabayaan” sa pag-iwan sa kapuwa sa panahon ng panganib. Malapít na kaibigan ni Pablo si Demas. Sa mga liham na isinulat niya noong unang pagkabilanggo niya sa Roma, ipinahiwatig niyang kasama niya si Demas. (Flm 24; tingnan ang study note sa Col 4:14.) Pero ngayon, nasa mas mahirap na kalagayan si Pablo. Iniwan na siya ng marami sa mga kapananampalataya niya. (2Ti 1:15) Hindi ipinahiwatig ni Pablo na naging mang-uusig o apostata si Demas. Pero sinayang niya ang napakagandang pribilehiyo na mapatibay ang tapat na apostol na ito sa panahon ng pangangailangan.

Lucas: Sa tatlong beses na paglitaw ng pangalan ni Lucas sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lagi itong galing kay apostol Pablo. (2Ti 4:11; Flm 24) Malamang na si Lucas ay isang Judio na nagsasalita ng Griego at naging Kristiyano pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Isinulat niya ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya, at pagkatapos ay ang aklat ng Gawa. (Tingnan ang study note sa Luc Pamagat.) Sinamahan niya si Pablo sa ikalawa at ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. At kasama siya ng apostol noong mabilanggo ito nang dalawang taon sa Cesarea. Kasama din siya ni Pablo sa paglalakbay papuntang Roma noong una itong mabilanggo doon. Noon isinulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ulit ni Pablo si Lucas noong huling mabilanggo ang apostol, na malamang na humantong sa pagpatay sa kaniya.—2Ti 4:11.

Marcos: Tingnan ang study note sa Col 4:10.

Aristarco: Isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica na naglakbay kasama ni Pablo. Malamang na isa siyang Judio. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Hindi niya iniwan si Pablo sa mapanganib na mga sitwasyon. Halimbawa, magkasama sila nang umugin sila sa Efeso at nang bumuo ng pakana laban kay Pablo ang mga Judio sa Gresya. (Gaw 19:29; 20:2-4) At nang ipadala si Pablo sa Roma bilang bilanggo, sumama ang tapat na kaibigan niyang ito. Sa paglalakbay, nawasak ang barko nila. (Gaw 27:1, 2, 41) Lumilitaw na patuloy na inalalayan ni Aristarco si Pablo noong nakabilanggo ito sa sarili nitong bahay sa Roma. (Gaw 28:16, 30) Malamang na nabilanggo rin si Aristarco nang ilang panahon kasama ng apostol, kaya nasabi ni Pablo na “talagang napalalakas” siya nito.—Col 4:10, 11; tingnan din ang study note sa Flm 23; 2Co 8:18.

Demas: Tingnan ang study note sa Col 4:14; 2Ti 4:10.

Lucas: Tingnan ang study note sa Col 4:14.

Marcos: Tinawag ding Juan sa Gaw 12:12, 25; 13:5, 13. (Tingnan ang study note sa Mar Pamagat; Gaw 12:12.) Hindi nagkasundo sina Pablo at Bernabe kung isasama nila si Marcos sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Nauwi ito sa “mainitang pagtatalo,” at naghiwalay sila ng landas. (Gaw 15:37-39) Pero sa 1Co 9:6, makikita sa sinabi ni Pablo na nagkaayos na sila ni Bernabe noong isinusulat ni Pablo ang liham niya sa mga taga-Colosas. Kasama ni Pablo si Marcos sa Roma noong una siyang mabilanggo, kaya ipinapakita nito na nagbago na ang tingin niya rito. Sinabi pa nga ni Pablo na “talagang napalalakas” siya ni Marcos. (Tingnan ang study note sa Col 4:11.) Posibleng isinulat ni Marcos ang Ebanghelyo na nakapangalan sa kaniya noong mga panahong dinalaw niya si Pablo sa Roma.—Tingnan din ang “Introduksiyon sa Marcos.”

at sa kongregasyong nagtitipon sa iyong bahay: Pangunahin nang kay Filemon patungkol ang liham na ito ni Pablo, pero para din ito kina Apia at Arquipo at sa buong kongregasyon. Madalas na sa mga bahay nagtitipon ang mga Kristiyano noong unang siglo. (Col 4:15; tingnan ang study note sa 1Co 16:19.) Kahit na pangunahin nang si Filemon ang kausap ni Pablo sa buong liham, kapansin-pansin na gumamit siya ng mga Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan na isinaling “sumainyo,” “ninyo,” at “kayo” sa talata 3, 22, at 25. Kaya posibleng gusto ni Pablo na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Siguradong makikinabang sila sa mahahalagang kaisipan at prinsipyong nasa liham.

habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian: O “habang nagpapakita kayo ng magagandang saloobin.” Ang terminong “saloobin” ay salin ng salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu.” Sa kontekstong ito, ang pneuʹma ay tumutukoy sa puwersa o sa nangingibabaw na takbo ng isip ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. Halimbawa, ginamit sa Kasulatan ang ekspresyong “tahimik at mahinahong espiritu.” (1Pe 3:4) May binanggit din si Pablo na “espiritu ng pagiging duwag” na kabaligtaran ng “kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.” (2Ti 1:7; tlb.) At sa katapusan ng liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang ekspresyong katulad ng nasa talatang ito. (2Ti 4:22) Ipinapakita nito na kaya ng isang indibidwal na magpakita ng isang partikular na saloobin, at kaya rin itong gawin ng isang grupo. Ganito rin ang konklusyon ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Filipos, pero gaya sa liham niya sa mga taga-Galacia, anyong pangmaramihan ng panghalip na Griego ang ginamit niya. Ipinapakita nito na gusto niyang ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay magpakita ng iisang saloobin na kaayon ng kalooban ng Diyos at ng halimbawa ni Kristo.—Fil 4:23.

nagpapakita kayo ng magagandang katangian: O “nagpapakita kayo ng magagandang saloobin.” Sa pagtatapos ng liham ni Pablo, gumamit siya ng Griegong panghalip na nasa anyong pangmaramihan, at malamang na para ito sa mga binanggit niya sa talata 1 at 2, kasama na ang “kongregasyong nagtitipon sa . . . bahay” ni Filemon. (Flm 2 at study note) Gusto ni Pablo na sumakanila ang walang-kapantay na kabaitan ni Jesu-Kristo habang nagpapakita sila ng magagandang saloobin. Dito, ang terminong “saloobin” ay salin ng salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu.” Sa kontekstong ito, ang pneuʹma ay tumutukoy sa puwersa o sa nangingibabaw na takbo ng isip ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Dahil sa pagpapala ni Kristo, patuloy silang makakapagsalita at makakapamuhay kaayon ng kalooban ng Diyos at ng halimbawa ni Kristo.—Gal 6:18 at study note; Fil 4:23.

Media

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Filemon
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Filemon
Bumalik si Onesimo sa Panginoon Niyang si Filemon
Bumalik si Onesimo sa Panginoon Niyang si Filemon

Pagdating ni Onesimo sa bahay ng panginoon niyang si Filemon sa Colosas, may dala siyang liham mula kay apostol Pablo, na nakabilanggo noon sa sarili nitong bahay sa Roma. Bago nito, tumakas si Onesimo papuntang Roma, kung saan siya nakilala ni Pablo at naging Kristiyano. Nang malaman ni Pablo ang ginawa ni Onesimo, pinayuhan niya itong bumalik kay Filemon. Posibleng nag-alala si Onesimo kung ano ang gagawin sa kaniya ni Filemon dahil may legal na karapatan itong parusahan siya nang matindi. Sa liham ni Pablo, pinakiusapan niya si Filemon na tanggapin si Onesimo, hindi lang bilang alipin, kundi bilang kapatid niya sa pananampalataya. (Flm 15-17) Sinabi rin ni Pablo na nagtitiwala siyang gagawin ito ni Filemon. (Flm 21) Ang liham na ito ay kaayon ng lahat ng iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung saan maraming beses na binanggit na dapat pakitunguhan ng lahat ng Kristiyano ang isa’t isa bilang magkakapatid—anuman ang estado nila sa buhay.—Ro 12:10; 1Co 16:20; Col 4:15; 1Te 4:9, 10.

Trabaho ng Isang Alipin
Trabaho ng Isang Alipin

Sa Imperyo ng Roma, karaniwan lang ang pagkakaroon ng alipin at pagiging alipin. May mga batas ang Roma para sa mga alipin at panginoon nila. Mga alipin ang gumagawa ng karamihan sa trabaho sa bahay ng mayayamang pamilya sa teritoryo ng Imperyo ng Roma. Ang mga alipin ay nagluluto, naglilinis, at nag-aalaga ng mga bata. Ang iba ay nagtatrabaho sa mga pagawaan, minahan, o bukid. Ang mga nakapag-aral na alipin ay naglilingkod bilang mga doktor, guro, o sekretarya. Ang totoo, puwedeng gawin ng mga alipin ang kahit anong trabaho, maliban sa pagsusundalo. Sa ilang pagkakataon, puwedeng mapalaya ang mga alipin. (Tingnan sa Glosari, “Malaya; Pinalaya.”) Hindi kinakalaban ng mga Kristiyano noong unang siglo ang batas ng gobyerno para sa mga alipin, at hindi rin nila pinapasigla ang mga alipin na mag-alsa. (1Co 7:21) Iginagalang ng mga Kristiyano noon ang legal na karapatan ng iba, kasama na ang mga kapuwa nila Kristiyano, na magkaroon ng alipin. Kaya pinabalik ni apostol Pablo ang aliping si Onesimo sa panginoon niya, si Filemon. Dahil isa nang Kristiyano si Onesimo, bukal sa puso siyang bumalik sa panginoon niya na Kristiyano rin at nagpasakop dito bilang alipin. (Flm 10-17) Pinayuhan ni Pablo ang mga alipin na maging tapat at masipag sa trabaho.—Tit 2:9, 10.