Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Katotohanan Tungkol sa Armagedon

Ang Katotohanan Tungkol sa Armagedon

“Ang mga espiritung demonyo . . . [ay] pumaparoon sa mga hari ng buong daigdig . . . , at kanilang tinipon sila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Harmagedon.” (Amin ang italiko.)​—APOCALIPSIS 16:14, 16, New Revised Standard Version.

ANG Armagedon, na isinasalin ding “Harmagedon,” ay pangalan ng isang lugar. Kung gayon, bakit madalas iugnay ang salitang “Armagedon” sa isang pangyayari, gaya ng digmaan? Ano ba talaga ang kahulugan ng salitang ito?

Tinipon sa Lugar na Tinatawag na Armagedon

Ang orihinal na salitang Hebreo na Har–Magedon ay literal na nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Bagaman walang ganiyang bundok, may isang lugar naman na ang pangalan ay Megido. Ito ay nasa estratehikong lokasyon sa isang sangandaan sa hilagang-kanluran ng lupaing pinanirahan ng sinaunang bansang Israel. Maraming mahahalagang digmaan ang naganap malapit sa lugar na ito. Kaya naman iniugnay na sa digmaan ang pangalang Megido. *

Gayunman, ang talagang mahalaga sa Megido ay hindi kung ano ang mga labanang naganap doon, kundi kung bakit naganap ang mga labanang iyon. Ang Megido ay bahagi ng Lupang Pangako na ibinigay ng Diyos na Jehova sa mga Israelita. (Exodo 33:1; Josue 12:7, 21) Ipinangako niya sa mga Israelita na ipagsasanggalang niya sila mula sa mga kaaway, at gayon nga ang ginawa niya. (Deuteronomio 6:18, 19) Halimbawa, sa Megido naganap ang makahimalang pagsasanggalang ni Jehova sa mga Israelita laban sa sumasalakay na puwersa ni Haring Jabin ng Canaan at ng pinuno ng hukbo nito na si Sisera.​—Hukom 4:14-16.

Kaya ang salitang “Har–Magedon,” o “Armagedon,” ay may importanteng makasagisag na kahulugan. Iniuugnay ito sa isang digmaan, kung saan maghaharap ang dalawang makapangyarihang puwersa.

Ang hula sa Apocalipsis ay tumutukoy sa isang panahon sa malapit na hinaharap kapag inudyukan na ni Satanas at ng mga demonyo ang mga pamahalaan ng tao na tipunin ang kanilang mga hukbo, anupat magsisilbing banta sa bayan ng Diyos at sa kanilang gawain. Milyun-milyong tao ang mamamatay kapag tinalo na ng Diyos ang mga sumasalakay na kaaway.​—Apocalipsis 19:11-18.

Pero kung ang Diyos ay inilalarawan sa Bibliya bilang “maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan,” bakit niya papatayin ang napakaraming tao? (Nehemias 9:17) Para maunawaan ito, kailangan nating masagot ang tatlong tanong: (1) Sino ang nagpasimula ng digmaan? (2) Paano nasangkot ang Diyos? (3) Ano ang magiging permanenteng epekto ng digmaang ito sa lupa at sa mga naninirahan dito?

1. SINO ANG NAGPASIMULA NG DIGMAAN?

Ang digmaan ng Armagedon ay hindi isang pagsalakay mula sa Diyos. Sa halip, ipagtatanggol ng Diyos ang mabubuting tao mula sa mga gustong lumipol sa kanila. Ang sumasalakay sa labanang ito ay ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa,” ang mga tagapamahala ng daigdig. Bakit sila sasalakay? Dahil tulad ng isang nagpapagalaw sa puppet, mamaniobrahin ni Satanas ang mga pamahalaan at militar para salakayin ang mga mananamba ng Diyos na Jehova.​—Apocalipsis 16:13, 14; 19:17, 18.

Sa ilang bansa, pinahahalagahan ng mga tao ang kalayaan sa pagpapahayag at relihiyon. Kaya parang hindi magagawa ng mga pamahalaan na kontrolin o alisin ang anumang relihiyon. Pero nagkaroon ng ganiyang mga pagsalakay noong ika-20 siglo at maging sa ngayon. * Gayunman, may dalawa pa ring malaking pagkakaiba ang mga pagsalakay na iyon kumpara sa gagawing pagsalakay may kaugnayan sa Armagedon. Una, ang pagsalakay may kaugnayan sa Armagedon ay pambuong daigdig. Ikalawa, mas malawak ang gagawing pagkilos ng Diyos na Jehova sa Armagedon kaysa sa mga ginawa na niya noon. (Jeremias 25:32, 33) Inilalarawan sa Bibliya ang labanang ito bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”

2. PAANO NASANGKOT ANG DIYOS?

Inutusan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba na ibigin ang kanilang mga kaaway at maging mapagpayapa. (Mikas 4:1-3; Mateo 5:43, 44; 26:52) Kaya hindi sila makikipaglaban kapag sinalakay sila. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang kaniyang bayan, mauubos sila. Kung gayon, nakataya rito ang pangalan, o reputasyon, ng Diyos na Jehova. Kung malilipol ng mga sumasalakay ang Kaniyang bayan, si Jehova ay magmumukhang walang pag-ibig, di-makatarungan, o inutil. Hinding-hindi iyan mangyayari!​—Awit 37:28, 29.

Hindi gusto ng Diyos na puksain ang sinuman, kaya binababalaan niya ang lahat hinggil sa kaniyang gagawin. (2 Pedro 3:9) Sa pamamagitan ng mga ulat sa Bibliya, ipinaaalaala niya sa lahat na lagi niyang ipinakikipaglaban ang kaniyang bayan kapag sinasalakay ito. (2 Hari 19:35) Nagbababala rin ang Bibliya na sa hinaharap kapag sinalakay na ni Satanas at ng kaniyang mga puppet ang bayan ng Diyos, kikilos muli si Jehova at lilipulin ang mga ito. Sa katunayan, matagal nang inihula sa Salita ng Diyos na pupuksain ni Jehova ang napakasasamang tao. (Kawikaan 2:21, 22; 2 Tesalonica 1:6-9) Sa panahong iyon, malalaman ng mga sumasalakay na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kinakalaban nila.​—Ezekiel 38:21-23.

3. ANO ANG MAGIGING PERMANENTENG EPEKTO NG DIGMAANG ITO?

Ang digmaan ng Armagedon ay magliligtas ng milyun-milyong buhay. Sa katunayan, ito ay pasimula ng isang yugto ng kapayapaan sa lupa.​—Apocalipsis 21:3, 4.

Binabanggit sa aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa di-mabilang na “malaking pulutong” na makaliligtas sa digmaang ito. (Apocalipsis 7:9, 14) Sa patnubay ng Diyos, tutulong sila para maging paraisong muli ang lupa, gaya ng orihinal na layunin ni Jehova.

Kailan mangyayari ang pagsalakay sa bayan ng Diyos?

[Mga talababa]

^ par. 5 Karaniwan nang ginagawa ang ganitong pag-uugnay. Halimbawa, ang lunsod ng Hiroshima sa Japan na winasak ng bomba atomika ay isa na ngayong simbolo ng bantang nuklear na digmaan.

^ par. 12 Ang Holocaust ay isang halimbawa ng pagtatangka ng isang pamahalaan na burahin ang mga relihiyoso at etnikong grupo. Noong panahong Sobyet, ginipit din nang husto ang mga relihiyosong grupo sa U.S.S.R. Tingnan ang artikulong “Mapapayapang Tao na Nagtatanggol sa Kanilang Mabuting Pangalan,” na mababasa sa isyu ng Mayo 1, 2011 ng Ang Bantayan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 6]

Ipinagtanggol noon ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan

[Larawan sa pahina 7]

Ipagtatanggol muli ni Jehova ang kaniyang bayan sa digmaan ng Armagedon