Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nadarama Mo Bang Mali ang Pagkaunawa sa Iyo?

Nadarama Mo Bang Mali ang Pagkaunawa sa Iyo?

Nadarama Mo Bang Mali ang Pagkaunawa sa Iyo?

BALISA si Antonio. Biglang-bigla at walang kadahilanan, naging malamig ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang mabuting kaibigan na si Leonardo. a Sa magkaibang pagkakataon, hindi pinansin ang mga pagbati ni Antonio, at kapag magkasama sila, waring may pader na ngayon sa pagitan nila. Nangangamba si Antonio na baka mayroon siyang nagawa o nasabi na doo’y mali ang pagkaunawa ng kaniyang kaibigan. Ngunit ano?

Karaniwan ang mga di-pagkakaunawaan. Marami sa mga ito ay maliliit lamang at madaling maituwid. Ang iba naman ay lubhang nakasisiphayo, lalo na kung nagpapatuloy ang mga maling impresyon sa kabila ng lahat ng pagsisikap na iwaksi ang mga ito. Bakit nagkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan? Paano nito naaapektuhan ang mga nasasangkot na indibiduwal? Ano ang magagawa mo kung mali ang pagkaunawa ng iba sa iyong ikinikilos? Talaga nga bang mahalaga kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa iyo?

Isang Katotohanang Hindi Maiiwasan

Yamang hindi nababasa ng ibang tao ang ating mga kaisipan at mga intensiyon, sa malao’t madali ay may magkakaroon ng maling pagpapakahulugan sa ating mga salita o pagkilos. Napakarami ang posibleng maging sanhi ng di-pagkakaunawaan. Kung minsan, hindi lamang natin naipahahayag ang ating iniisip sa malinaw at tumpak na paraan na nais ng iba. Ang ingay sa paligid at ang iba pang mga pang-abala ay maaaring magpangyari sa iba na mahirapang ituon ang kanilang buong pansin sa atin.

May ilang ugali at kilos din na maaaring bigyan ng maling pakahulugan. Halimbawa, ang isang taong mahiyain ay maaaring may-kamaliang ipalagay na malamig makitungo, hindi palakaibigan, o mayabang. Ang nakaraang mga personal na karanasan ay maaaring magbunga ng emosyonal sa halip na makatuwirang mga reaksiyon sa ilang situwasyon. Ang mga pagkakaiba ng kultura at wika ay nangangahulugan na hindi madaling magkaintindihan ang mga tao. Idagdag pa rito ang mga maling ulat at tsismis, at hindi rin natin dapat ipagtaka na ang mga pakahulugan sa mga bagay na sinabi o ginawa ay naiiba kung minsan sa totoong layon niyaon. Siyempre pa, ang lahat ng ito ay nagbibigay ng kaunting kaaliwan lamang sa mga nakadaramang mali ang pagkaunawa sa kanilang mga intensiyon.

Halimbawa, wala namang masamang motibo si Anna nang magkomento siya hinggil sa pagiging kilala ng isang kaibigan na hindi presente. Hindi tumpak ang pagkakaulit sa kaniyang komento, at pagkatapos, ang ikinabigla at ikinadismaya ni Anna, ang kaibigang iyon ay pagalit na nagparatang sa kaniya sa harap ng ilang nagmamasid na siya raw ay naiinggit lamang sa atensiyong natanggap nito mula sa isang kasamahang lalaki. Ang komento ni Anna ay binigyan ng maling-maling pakahulugan, at ang lahat ng pagsisikap niya upang tiyakin sa kaniyang kaibigan na wala siyang masamang intensiyon ay naging walang saysay. Ang situwasyong iyon ay nagdulot ng matinding kirot, at maraming panahon ang lumipas bago lubusang naituwid ni Anna ang di-pagkakaunawaan.

Ang pangmalas ng iba sa iyo ay madalas na depende sa kanilang pagkaunawa sa iyong mga intensiyon. Kaya likas lamang na magdamdam kapag mali ang pakahulugan ng mga tao sa iyong motibo. Baka magalit ka pa nga, anupat nadaramang wala namang dahilan para hindi ka maunawaan ng sinuman. Para sa iyo, ang gayong mga pangmalas ay may kinikilingan, mapamintas, o maling-mali, at maaaring lubhang makasakit ang mga ito​—lalo na kung pinahahalagahan mo ang opinyon niyaong mga gumagawa ng di-makatarungang mga palagay.

Bagaman maaari kang mainis sa paraan ng pagtaya ng tao sa iyo, angkop na igalang mo pa rin ang opinyon ng iba. Hindi maka-Kristiyano na ipagwalang-bahala ang iniisip ng iba, at hindi natin kailanman nanaisin na ang ating pananalita o pagkilos ay magkaroon ng nakapipinsalang epekto sa ibang tao. (Mateo 7:12; 1 Corinto 8:12) Kaya may pagkakataon na maaaring kailangan mong pagsikapang ituwid ang maling opinyon ng isang tao hinggil sa iyo. Gayunman, hindi rin naman mabuti ang sobrang pagkabahala sa pagsang-ayon ng iba, anupat aakay ito sa kawalan ng paggalang sa sarili o pagkadama na inaayawan ka. Tutal, ang iyong tunay na halaga ay hindi nakadepende sa iniisip ng iba.

Sa kabilang dako naman, maaaring matanto mo na ang kritisismo sa iyo ay may saligan. Maaari rin itong makasakit ng damdamin, ngunit kung bukal-sa-loob at may-katapatan mong tatanggapin ang iyong sariling di-kasakdalan, ang gayong mga karanasan ay maaaring maging kapaki-pakinabang, na gaganyak sa iyo upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.

Mga Negatibong Epekto

Ang mga di-pagkakaunawaan ay maaaring magdulot o maaaring hindi naman magdulot ng malulubhang resulta. Halimbawa, kung marinig mo ang isang lalaki na nagsasalita nang malakas sa isang restawran, baka isipin mong siya ay masayahin o mayabang. Baka mali ka. Marahil ang taong kinakausap niya ay may problema sa pandinig. O baka naman ang isang kawani sa isang tindahan ay tila suplado, ngunit marahil ay masama ang kaniyang pakiramdam. Bagaman ang gayong mga di-pagkaunawa ay umaakay sa negatibong mga impresyon, malamang na hindi ito magdudulot ng anumang malubha o nagtatagal na mga epekto. Gayunman, kung minsan, maaaring umakay sa kasakunaan ang mga di-pagkakaunawaan. Isaalang-alang ang dalawang pangyayari sa kasaysayan ng sinaunang Israel.

Nang si Nahas, hari ng Ammon, ay namatay, nagsugo si David ng mga mensahero upang aliwin ang anak na lalaki nito na si Hanun, na nagsimulang mamahala kapalit ng ama nito. Subalit, ang pagdalaw ng mga mensahero ay may-kamaliang binigyan ng pakahulugan bilang isang paniniktik sa teritoryo ng mga Ammonita para sa pakikipagdigma, anupat pinakilos nito si Hanun na una’y ipahiya ang mga mensahero at pagkatapos ay makipagdigma sa Israel. Bilang resulta, di-kukulangin sa 47,000 katao ang namatay​—pawang dahil lamang sa maling pagkaunawa sa mabubuting intensiyon.​—1 Cronica 19:1-19.

Sa mas maagang bahagi ng kasaysayan ng Israel, ang isa pang di-pagkakaunawaan ay nalutas sa lubhang naiibang paraan. Ang mga tribo ng Ruben at Gad at ang kalahating tribo ng Manases ay nagtayo ng isang kapansin-pansing altar sa may Ilog Jordan. Minalas ito ng iba sa Israel bilang isang gawa ng kawalang-katapatan, isang paghihimagsik laban kay Jehova. Kaya nagkatipon sila para sa aksiyong militar. Bago ang anumang dagliang pagkilos, ang ibang mga Israelitang ito ay nagsugo ng mga mensahero upang ipahayag ang pagkagalit sa itinuturing na pagtataksil. Mabuti na lamang at ganoon ang ginawa nila, sapagkat tumugon ang mga tagapagtayo ng altar na wala silang intensiyon na iwanan ang dalisay na pagsamba. Sa kabaligtaran pa nga, ang altar ay magsisilbing isang monumento ng kanilang katapatan kay Jehova. Ang di-pagkakaunawaang ito ay naging sanhi sana ng pagbububo ng dugo, ngunit nahadlangan ng karunungan ang gayong malulubhang resulta.​—Josue 22:10-34.

Linawin ang mga Bagay-bagay sa Espiritu ng Pag-ibig

May matutuhan sa paghahambing ng dalawang ulat na ito. Maliwanag, ang paglilinaw sa usapin ang matalinong bagay na dapat gawin. Sa pangyayaring katatalakay lamang, sino ang nakaaalam kung gaano karaming buhay ang nailigtas dahil lamang sa nag-usap ang dalawang panig? Kadalasan, hindi naman mga buhay ang maisasapanganib kung mabigo kang unawain ang tunay na mga intensiyon ng ibang tao, ngunit baka maisapanganib ang mga pagkakaibigan. Kaya kung nadarama mong may ikinilos na di-angkop ang isang tao sa iyo, sigurado ka ba na nauunawaan mo ang tunay na situwasyon, o binibigyan mo lamang ito ng maling pakahulugan? Ano ba ang mga motibo ng taong iyon? Tanungin mo siya. Nadarama mo ba na mali ang pagkaunawa niya sa iyo? Ipakipag-usap ito. Huwag hayaang ang pagmamapuri ang humadlang sa iyo na makipagtalastasan.

Nagbigay si Jesus ng mahusay na pangganyak upang malutas ang mga di-pagkakaunawaan: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mateo 5:23, 24) Kaya ang tamang bagay na dapat gawin ay kausapin ang tao nang sarilinan, na hindi isinasangkot ang iba. Lalo lamang lalala ang mga bagay-bagay kung unang maririnig ng nakasakit na panig ang iyong reklamo mula sa iba. (Kawikaan 17:9) Ang iyong tunguhin ay ang makipagpayapaan sa espiritu ng pag-ibig. May-kahinahunang ipabatid ang problema sa maliwanag, simple, at hindi nagpaparatang na pananalita. Ipaliwanag ang nadarama mo hinggil sa situwasyon. Pagkatapos ay makatuwirang makinig sa pangmalas ng kabilang panig. Huwag magmadaling maghinala sa mga motibo. Maging handang magtiwala na walang masamang intensiyon yaong isa. Tandaan, “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.”​—1 Corinto 13:7.

Siyempre pa, kahit nilinaw na ang mga di-pagkakaunawaan, baka mayroon pa ring nasaktang mga damdamin o nagtatagal na negatibong mga epekto. Ano ang maaaring gawin? Kapag kinakailangan, tiyak na angkop ang taimtim na paghingi ng paumanhin, kalakip na ang anumang iba pang pagkilos na maaaring makatuwirang gawin upang maituwid ang mga bagay-bagay. Sa lahat ng gayong situwasyon, dapat na sundin ng nasaktang panig ang kinasihang payo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:13, 14; 1 Pedro 4:8.

Hangga’t tayo’y di-sakdal, magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan at nasaktang mga damdamin. Kahit sino ay maaaring magkamali o magsalita sa paraang tila walang konsiderasyon o magaspang. Itinuturo ng Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Yamang alam na alam ito ng Diyos na Jehova, inilaan niya sa atin ang mga tagubiling ito: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal. Gayundin, huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao, upang hindi mo marinig ang iyong lingkod na sumusumpa sa iyo. Sapagkat nalalamang lubos ng iyong puso na marami pang ulit na ikaw mismo ay sumumpa sa iba.”​—Eclesiastes 7:9, 21, 22.

“Sinusukat ni Jehova ang mga Puso”

Paano kung waring imposibleng ituwid ang maling impresyon ng isang tao sa iyo? Huwag kang mawalan ng pag-asa. Patuloy na linangin at ipamalas ang mga katangiang Kristiyano sa pinakamainam na magagawa mo. Hilingin kay Jehova na tulungan kang sumulong sa mga bagay na kailangan mong pasulungin. Sa dakong huli, hindi ang ibang tao ang titiyak sa tunay mong halaga bilang isang tao. Si Jehova lamang ang makagagawa ng isang tumpak na ‘pagsukat sa mga puso.’ (Kawikaan 21:2) Maging si Jesus ay winalang-halaga at nilait ng mga tao, ngunit hindi iyan nakaapekto sa pangmalas ni Jehova sa kaniya. (Isaias 53:3) Bagaman maaaring mali ang palagay ng iba sa iyo, maaari mong ‘ibuhos ang iyong puso’ kay Jehova, na nagtitiwalang nauunawaan ka niya, “sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (Awit 62:8; 1 Samuel 16:7) Kung patuloy mong gagawin kung ano ang mahusay, sa kalaunan ay maaaring matanto niyaong mga nagkaroon ng masamang impresyon hinggil sa iyo ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang opinyon.​—Galacia 6:9; 2 Timoteo 2:15.

Naaalala mo pa ba si Antonio, na binanggit sa pasimula ng artikulo? Naglakas-loob siya na sundin ang payo ng Kasulatan, at nakipag-usap siya sa kaniyang kaibigan na si Leonardo, at itinanong kung ano ang nagawa niya na ikinainis nito. Ang resulta? Nagulat si Leonardo. Tumugon siya na wala namang ginawa si Antonio na ikinainis niya at tiniyak niya kay Antonio na hindi niya sinasadyang kumilos nang kakaiba rito. Kung naging tila malamig ang kaniyang pakikitungo, baka mayroon lamang siyang iniisip. Humingi ng paumanhin si Leonardo na walang kamalay-malay niyang nasaktan ang damdamin ng kaniyang kaibigan at pinasalamatan ito dahil sa ipinaalam sa kaniya ang bagay na iyon. Idinagdag pa niya na sa hinaharap, magiging mas maingat siya upang hindi siya makapagbigay ng gayunding impresyon sa iba. Naglaho na lamang ang lahat ng tensiyon sa pagitan nila, at ang dalawang magkaibigan ay naging mas malapit sa isa’t isa.

Hindi kailanman kaayaaya na madamang mali ang pagkaunawa sa iyo. Gayunman, kung gagawin mo ang lahat ng posibleng hakbang upang linawin ang mga bagay-bagay at ikakapit ang maka-Kasulatang mga simulain ng pag-ibig at pagpapatawad, malaki ang posibilidad na matatamo mo rin ang gayunding magagandang resulta.

[Talababa]

a Pinalitan ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang paglilinaw ng mga bagay-bagay sa espiritu ng pag-ibig at pagpapatawad ay makapagdudulot ng maliligayang resulta