Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Mo Bang Suriin ang Ibang Relihiyon?

Dapat Mo Bang Suriin ang Ibang Relihiyon?

Dapat Mo Bang Suriin ang Ibang Relihiyon?

“NAKADALO na ako sa mga Kristiyanong pagpupulong nang halos isang taon, at nasisiyahan akong makipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos,” sabi ni Miguel, na ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova sa Timog Amerika. “Pagkatapos ay nagsimula akong makinig ng mga relihiyosong programa sa radyo at manood ng mga relihiyosong mangangaral sa telebisyon. Akala ko ang gayong mga programa ay makatutulong sa akin na higit na maunawaan ang mga tao na may ibang relihiyon. Natanto ko na ang kanilang mga turo ay hindi kasuwato ng Bibliya, ngunit gusto kong mag-usisa.”

Sa lupain ding iyon, si Jorge ay masigasig sa pagtuturo sa iba tungkol sa tunay na pagsamba. Gayunman, sa isang pagkakataon, siya rin ay nagsimulang makinig sa mga relihiyosong programa sa radyo at telebisyon. “Kailangan mong malaman kung ano ang iniisip ng iba,” ang sinasabi niya dati. Kapag tinanong tungkol sa maaaring maging mga panganib ng gayong paglantad sa maling mga turo, sinasabi niya: “Walang makapagpapahina sa pananampalataya ng isa na nakaaalam sa katotohanan ng Bibliya.” Ibinabangon ng mga karanasang ito ang isang mahalagang katanungan, Matalino ba na makinig sa kung ano ang pinaniniwalaan ng iba?

Pagkilala sa Tunay na Kristiyanismo

Pagkatapos mamatay ang mga apostol, nadungisan ang tunay na pagsamba dahil sa pag-unlad ng maraming uri ng huwad na Kristiyanismo. Yamang nakikini-kinita ito, binanggit ni Jesus ang isang paraan upang makilala ang mga huwad na uring ito ng Kristiyanismo mula sa tunay na Kristiyanismo. Una, nagbabala siya: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob sila ay mga dayukdok na lobo.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mateo 7:15-23) Ikinakapit ng mga tunay na tagasunod ni Jesus ang kaniyang itinuro, at madali silang makikilala sa pamamagitan ng kanilang maiinam na gawa. Gaya ng ginawa ni Jesus mismo, dinadalaw nila ang mga tao upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos mula sa Kasulatan. Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, hindi sila nakikibahagi sa mga alitan sa pulitika at lipunan ng sanlibutan. Tinatanggap nila ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at iginagalang ito bilang ang katotohanan. Ipinakikilala nila ang pangalan ng Diyos. At yamang nagsisikap sila na ikapit ang pag-ibig na itinuturo ng Diyos, hindi sila nakikibahagi sa mga digmaan. Sa halip, itinuturing nila ang isa’t isa bilang magkakapatid.​—Lucas 4:43; 10:1-9; Juan 13:34, 35; 17:16, 17, 26.

Ayon sa Kasulatan, maaaring ‘makita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’ (Malakias 3:18) Ang mga tunay na mananamba sa ngayon ay nagkakaisa sa isip at gawa, tulad ng mga unang-siglong Kristiyano noon. (Efeso 4:4-6) Minsang nakilala mo ang gayong kalipunan ng tunay na mga Kristiyano, bakit ka pa mag-uusisa o mag-uusyoso tungkol sa mga paniniwala ng iba?

Mag-ingat sa mga Huwad na Guro

Kinikilala ng Bibliya na kahit pagkatapos matutuhan ang katotohanan sa Bibliya, nariyan ang panganib na madungisan sa espirituwal mula sa mga huwad na turo. Nagbabala si apostol Pablo: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.” (Colosas 2:8) Anong linaw nga na paglalarawan ang ipinakikita ng tekstong ito! Gaya ng mga hayop na gustung-gustong sumila at lumamon sa iyo, talagang mapanganib ang mga huwad na guro.

Totoo, tiningnan din ni Pablo kung ano ang paniniwala ng iba. Minsan ay sinimulan niya ang isang pahayag sa pagsasabi: “Mga lalaki ng Atenas, nakikita ko na sa lahat ng bagay ay higit kayong matatakutin sa mga diyos kaysa sa iba. Bilang halimbawa, habang nagdaraan at maingat na pinagmamasdan ang mga bagay na inyong pinakukundanganan ay nakasumpong din ako ng isang altar na doon ay nakasulat ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ ” (Gawa 17:22, 23) Gayunman, hindi regular na pinakain ni Pablo sa kaniyang isipan ang mga pilosopiya ng mga Griegong mananalumpati.

Isang bagay ang alamin mo ang tungkol sa mga pinagmulan at mga paniniwala ng mga huwad na relihiyon ngunit ibang-iba naman ang pakainin ang iyong isipan ng mga ito. * Inatasan ni Jehova “ang tapat at maingat na alipin” upang maglaan ng turo salig sa kaniyang Salita. (Mateo 4:4; 24:45) Isinulat mismo ni Pablo: “Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo. O ‘pinupukaw ba natin si Jehova sa paninibugho’?”​—1 Corinto 10:20-22.

Ang ilang huwad na guro ay baka dating mga tunay na Kristiyano, ngunit sa isang pagkakataon ay lumihis sila mula sa katotohanan tungo sa kamalian. (Judas 4, 11) Hindi natin dapat pagtakhan ito. Pagkatapos sabihin ang tungkol sa “tapat at maingat na alipin” na kumakatawan sa lupon ng mga pinahirang Kristiyano, binanggit ni Jesus ang tungkol sa “masamang alipin,” isang uri na nagrereklamo, “ang aking panginoon ay nagluluwat,” at nagpasimulang bugbugin ang mga kapuwa nito alipin. (Mateo 24:48, 49) Kadalasan, ang mga indibiduwal na ito at ang kanilang mga tagasunod ay walang maliwanag at sariling mga turo; interesado lamang sila sa pagsira ng pananampalataya ng iba. Tungkol sa kanila, sumulat si apostol Juan: “Kung may sinumang dumating sa inyo at hindi dala ang turong ito, huwag ninyong tanggapin siya sa inyong mga tahanan o magsabi ng isang pagbati sa kaniya.”​—2 Juan 10; 2 Corinto 11:3, 4, 13-15.

Makabubuting maingat na isaalang-alang ng mga taimtim na tao na nagsasaliksik ng katotohanan kung ano ang kanilang naririnig mula sa iba’t ibang relihiyon. Sa kalaunan, pagpapalain ng Diyos ang tapat-pusong mga indibiduwal na naghahanap ng katotohanan. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa makadiyos na karunungan: “Kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon . . . masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:4, 5) Yamang nasumpungan na ang kaalamang ito sa Diyos sa pamamagitan ng Bibliya at ng Kristiyanong kongregasyon at yamang nakikita kung paano pinagpapala ni Jehova yaong mga ginagabayan ng kaalamang iyon, hindi ipinagpapatuloy ng mga tunay na Kristiyano ang pakikinig sa mga huwad na relihiyosong turo.​—2 Timoteo 3:14.

[Talababa]

^ par. 10 Ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., ay naghaharap ng saligang impormasyon tungkol sa pinagmulan at mga turo ng marami sa mga relihiyon ng daigdig.