Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Tatlong Tanong Para sa Diyos

Tatlong Tanong Para sa Diyos

NAGSIMULA ang mga tanong ni Susan tungkol sa Diyos sa edad na pito, nang ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na kaibigang si Al ay maospital dahil sa polio at ilagay sa loob ng isang iron lung. Isinulat niya ang kaniyang karanasan sa Enero 6, 2013, isyu ng The New York Times.

Matapos bisitahin si Al sa ospital, tinanong ni Susan ang nanay niya: “Bakit iyon ginawa ng Diyos sa isang munting bata?”

“Tiyak na sasabihin ng pari na may dahilan ang Diyos,” ang sagot ng nanay niya, “pero hindi ko alam kung ano iyon.”

Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1954, inilabas ang bakuna para sa polio na naimbento ni Jonas Salk, at sinabi ng nanay ni Susan na pinatnubayan siguro ng Diyos ang pananaliksik ni Salk.

“Kung gano’n, dapat noon pa pinatnubayan ng Diyos ang mga doktor para hindi sana nalagay sa iron lung si Al,” ang sagot ni Susan.

Ganito tinapos ni Susan ang kuwento tungkol sa kaniyang pagkabata: “Namatay si [Al] pagkatapos lang ng walong taon, at nang panahong iyon, isa na akong ganap na ateista.”

Tulad ni Susan, maraming nakaranas o nakasaksi ng trahedya ang hindi makahanap ng kasiya-siyang sagot sa kanilang mga tanong tungkol sa Diyos. Ang ilan ay naging ateista. At hindi man lubusang itinatanggi ng iba ang pag-iral ng Diyos, nag-aalinlangan naman sila.

Hindi naman masasabing walang alam sa relihiyon ang mga ateista at mga nag-aalinlangan. Sa katunayan, ang masamang karanasan nila sa relihiyon ang kadalasang nagtutulak sa kanila na mawalan ng paniniwala sa Diyos. Para sa kanila, hindi masagot ng mga relihiyon ang mahihirap na tanong sa buhay. Anong klaseng mga tanong? Nakapagtataka, kadalasang ito rin ang mga tanong ng mga taong nag-aangking naniniwala sa Diyos. Narito ang tatlong tanong ng maraming tao para sa Diyos, at ang sagot na ibinibigay ng Bibliya.

1 “BAKIT MO PINAHIHINTULUTAN ANG PAGDURUSA?”

Bakit dapat itanong iyan?

Marami ang nagsasabi, ‘Kung ang Diyos ay maibigin, hindi niya hahayaang mangyari ang mga trahedya sa buhay.’

PAG-ISIPAN ITO: Para sa atin, baka ang mga kaugalian at tradisyon ng ibang kultura ay kakaiba—marahil ay nakagugulat pa nga. Kaya naman napakadaling husgahan ang kanilang ikinikilos. Halimbawa, sa isang kultura, ang pagtingin sa mata ay tanda ng sinseridad; pero sa iba, itinuturing itong tanda ng kawalang-galang. Pero hindi masasabing mali sila. Sa halip, kailangan lang natin silang makilala pa nang higit.

Posible kayang ganiyan din ang nangyayari pagdating sa pagkaunawa natin tungkol sa Diyos? Marami ang naniniwalang ang laganap na pagdurusa ay patunay na walang Diyos. Pero ang mga nakauunawa kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa ay kumbinsidong umiiral siya.

ANG SABI NG BIBLIYA: Ang mga kaisipan at pagkilos ng Diyos ay ibang-iba sa atin. (Isaias 55:8, 9) Dahil diyan, baka hindi natin agad maintindihan ang kaniyang ikinikilos at ang kaniyang mga dahilan kung bakit hindi siya agad kumikilos.

Pero hindi sinasabi ng Bibliya na maniwala tayo sa sabi-sabing “Mahiwaga ang mga gawa ng Diyos at di-kayang abutin ng ating isip.” Sa halip, hinihimok tayo nitong kilalanin ang Diyos para maunawaan natin ang dahilan at panahon ng kaniyang pagkilos. * Puwede pa nga tayong mapalapít sa kaniya.—Santiago 4:8.

2 “BAKIT PUNÔ NG PAGKUKUNWARI ANG RELIHIYON?”

Bakit dapat itanong iyan?

Baka ikatuwiran ng ilan, ‘Kung mahalaga sa Diyos ang sinseridad, dapat sana’y hindi mapagpakunwari ang mga nag-aangking sumasamba sa kaniya.’

PAG-ISIPAN ITO: Ipagpalagay na tinalikuran ng isang anak ang magandang pagpapalaki sa kaniya ng tatay niya at naglayas para magpakasamâ. Bagaman hindi sang-ayon ang tatay sa desisyon ng anak, hinayaan niya itong gawin ang gusto nito. Tama bang isipin na masama ang tatay niya o na wala pa nga siyang tatay? Hindi! Sa katulad na paraan, ang pagkukunwari ng mga taong relihiyoso ay patunay lang na hinahayaan ng Diyos ang mga tao na pumili ng buhay na gusto nila.

ANG SABI NG BIBLIYA: Kinapopootan ng Diyos ang pagpapaimbabaw sa relihiyon. (Jeremias 7:29-31; 32:35) Pero hinahayaan din niya ang mga tao na magpasiya nang may kalayaan. Marami na nag-aangking naniniwala sa Diyos ang nagpapasiyang sumunod sa mga turong gawa ng tao at sa sarili nilang pamantayan pagdating sa moralidad.—Mateo 15:7-9.

Sa kabaligtaran, ang relihiyong sinasang-ayunan ng Diyos ay hindi mapagpakunwari. * Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na ito ay dapat na walang halong pagpapaimbabaw. (Roma 12:9) Hindi nasunod ng maraming relihiyon ang pamantayang iyan. Halimbawa, nang magkaubusan ng lahi sa Rwanda noong 1994, libo-libong taong relihiyoso ang pumatay ng kanilang mga kapananampalataya dahil lang sa iba ang tribo ng mga ito. Pero hindi nakibahagi rito ang mga Saksi ni Jehova, at pinrotektahan nila ang kanilang mga kapananampalataya pati na ang iba, kahit manganib pa ang kanilang buhay. Ang gayong pagsasakripisyo ay patunay na may relihiyong walang bahid ng pagkukunwari.

3 “BAKIT TAYO NARIRITO?”

Bakit dapat itanong iyan?

Nagtataka ang ilan: ‘Bakit 80 o 90 taon lang ang buhay ng tao, at pagkatapos ay namamatay na siya? Ano ang layunin ng gayon kaikling buhay?’

PAG-ISIPAN ITO: Marami na hindi naniniwala sa Diyos ang kumikilala sa pagiging masalimuot at maayos ng kalikasan. Nauunawaan nila na ang ating planeta, ang buwan, at ang iba pang planeta ay isinaayos nang tamang-tama para masustinihan ang buhay sa lupa. Sinasabi nila na ang mga batas ng kalikasan na kumokontrol sa uniberso ay saktong-sakto at tamang-tama, at kung magkaroon ng kahit bahagyang pagbabago, magiging imposible ang buhay sa lupa.

ANG SABI NG BIBLIYA: Para sa marami, ang ating maikling buhay ay patunay na walang Diyos. Pero ang kalikasan ay nagbibigay ng sapat na ebidensiya na mayroon ngang Maylikha. (Roma 1:20) May layunin siya sa paglikha ng mga bagay na ito, at ang pag-iral natin ay may malapít na kaugnayan sa kaniyang layunin. Nilikha ng Diyos ang mga tao para mabuhay sa lupa magpakailanman, at iyan pa rin ang kaniyang layunin.—Awit 37:11, 29; Isaias 55:11.

Sa pamamagitan ng kalikasan, malalaman natin ang pag-iral ng Diyos at ang ilan sa kaniyang mga katangian. Pero para malaman natin ang layunin ng Diyos at ang dahilan ng ating pag-iral, kailangan natin ang pakikipag-ugnayan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Bibliya, nakikipag-ugnayan siya sa atin sa simple at tuwirang paraan. * Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na pag-isipan ang mga sagot na iyan mula sa Bibliya.

^ par. 17 Para malaman kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl.

^ par. 23 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 15 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl.

^ par. 29 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl.