Liham sa mga Taga-Roma 1:1-32

1  Ako si Pablo, isang alipin ni Kristo Jesus at tinawag para maging apostol, at ibinukod para sa mabuting balita ng Diyos,+ 2  na ipinangako Niya noon at ipinasulat sa Kaniyang mga propeta sa banal na Kasulatan.+ 3  Tungkol ito sa Kaniyang Anak, na supling ni David+ ayon sa laman,+ 4  pero ipinahayag na Anak ng Diyos+ nang buhayin siyang muli+ sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu. Siya si Jesu-Kristo na ating Panginoon. 5  Sa pamamagitan niya, tumanggap kami ng walang-kapantay na kabaitan at atas bilang apostol+ para ang mga tao sa lahat ng bansa+ ay manampalataya at maging masunurin, nang sa gayon ay maparangalan ang pangalan niya. 6  Mula kayo sa mga bansang ito at tinawag din para maging tagasunod ni Jesu-Kristo. 7  Sumusulat ako sa lahat ng minamahal ng Diyos na nasa Roma at tinawag para maging mga banal:+ Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 8  Una sa lahat, ipinagpapasalamat ko kayo sa aking Diyos sa ngalan ni Jesu-Kristo, dahil pinag-uusapan sa buong mundo* ang inyong pananampalataya. 9  Ang Diyos, na buong puso kong pinag-uukulan ng sagradong paglilingkod may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak, ang magpapatotoo na lagi ko kayong binabanggit sa mga panalangin ko+ 10  at na nagsusumamo ako na sana ay matuloy na ang pagpunta ko riyan kung posible at kung kalooban ng Diyos. 11  Dahil nananabik akong makita kayo para makapagbahagi sa inyo ng pagpapala mula sa Diyos na magpapatatag sa inyo; 12  o sa ibang salita, para makapagpatibayan+ tayo ng pananampalataya. 13  Pero gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na maraming beses kong binalak na pumunta sa inyo para makapangaral at makakita rin ng magagandang resulta gaya sa ibang mga bansa. Pero laging may pumipigil sa akin. 14  May utang ako sa mga Griego at mga banyaga, sa marurunong at mga mangmang;+ 15  kaya gustong-gusto ko ring ihayag ang mabuting balita sa inyo diyan sa Roma.+ 16  Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita;+ sa katunayan, ito ang makapangyarihang paraan ng Diyos para iligtas ang bawat isa na may pananampalataya,+ sa Judio muna+ at pagkatapos ay sa Griego.+ 17  Dahil sa pamamagitan nito, ang katuwiran ng Diyos ay naisisiwalat sa mga may pananampalataya at lalo pang napapatibay ang kanilang pananampalataya,+ gaya ng nasusulat: “Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya.”+ 18  Mula sa langit, ibinubuhos* ng Diyos ang galit niya+ sa lahat ng di-makadiyos at masasama na gumagamit ng likong paraan para hadlangan ang iba na malaman ang katotohanan;+ 19  dapat sana ay kilala na nila ang Diyos dahil marami na siyang isiniwalat sa kanila.+ 20  Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin* ang mundo, dahil ang mga ito, ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan+ at pagka-Diyos,+ ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya,+ kaya wala silang maidadahilan.+ 21  Dahil kahit nakilala nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos o pinasalamatan man siya, kundi naging walang saysay ang mga pangangatuwiran nila at nawalan ng pang-unawa ang mangmang nilang puso.+ 22  Kahit sinasabi nilang matalino sila, naging mangmang sila; 23  sa halip na luwalhatiin ang Diyos na walang kasiraan, niluwalhati nila ang mga imahen na kawangis ng tao, ibon, nilalang na may apat na paa, at reptilya,* na nabubulok ang katawan.+ 24  Kaya dahil gusto nilang sundin ang puso nila, pinabayaan na sila ng Diyos na gumawa ng karumihan at sa gayon ay mawalang-dangal ang katawan nila. 25  Pinili nila ang kasinungalingan sa halip na ang katotohanan tungkol sa Diyos, at sumamba sila at naglingkod* sa nilalang sa halip na sa Maylalang, na dapat purihin magpakailanman. Amen. 26  Kaya pinabayaan na sila ng Diyos na magpadala sa kanilang kahiya-hiyang seksuwal na pagnanasa,+ dahil ang mga babae sa kanila ay gumawi nang salungat sa likas na pagkakadisenyo sa kanila;+ 27  at ayaw na ng mga lalaki na makipagtalik sa mga babae, kundi naging napakatindi ng pagnanasa nila sa kapuwa lalaki+ at gumagawa sila ng kalaswaan, kaya pinagbabayaran nila ang kasalanan nila.+ 28  Dahil hindi sila naniniwalang dapat kilalanin ang Diyos,* pinabayaan na sila ng Diyos sa masasama nilang kaisipan para gawin ang mga bagay na hindi nararapat.+ 29  Sila ay punong-puno ng kawalang-katapatan,+ kalikuan, kasakiman,+ at kasamaan; sila ay mainggitin,+ mamamatay-tao,+ mahilig sa away, mapanlinlang,+ naghahangad na mapasamâ ang iba,+ mapagbulong, 30  naninira nang talikuran,+ galit sa Diyos, walang galang, mapagmataas, mayabang, nagpapakana ng masama,* masuwayin sa mga magulang,+ 31  walang unawa,+ hindi tumutupad sa mga kasunduan, walang likas na pagmamahal, at walang awa. 32  Kahit alam na alam nila ang matuwid na batas ng Diyos—na ang gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan+—hindi lang nila patuloy na ginagawa ang mga iyon, kundi tuwang-tuwa pa sila sa iba na gumagawa ng gayong mga bagay.

Talababa

O “sanlibutan.”
Lit., “isinisiwalat.”
O “likhain.”
O “gumagapang na hayop.”
O “nag-ukol ng sagradong paglilingkod.”
O “Dahil hindi nila sinang-ayunang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman.”
O “ng nakapipinsalang mga bagay.”

Study Notes

Liham sa mga Taga-Roma: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Maliwanag na idinagdag lang ang mga pamagat para malinaw na matukoy ang mga aklat. Ang ilang manuskrito sa ngayon na may ganitong pamagat ay ang Codex Vaticanus at Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo C.E. at ang Codex Alexandrinus at Codex Ephraemi Syri rescriptus ng ikalimang siglo C.E. Sa pinakamatandang natagpuang koleksiyon ng siyam na liham ni Pablo, ang papirong codex na tinatawag na P46, hindi makikita ang simula ng liham sa mga taga-Roma. Pero may pamagat ang walong iba pang liham sa koleksiyon na iyon, na nagpapakitang malamang na may pamagat din ang aklat ng Roma. Ang koleksiyong ito ng mga papiro, na pinaniniwalaang mula noong mga 200 C.E., ay nagpapatunay na mula pa noon, gumagamit na ng mga pamagat ang mga eskriba para tukuyin ang mga aklat ng Bibliya.​—Tingnan sa Media Gallery, “Unang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto.”

Ako si Pablo: O “Mula kay Pablo.” Ang istilo na ginamit ni Pablo sa introduksiyon niya, na hanggang talata 7, ay karaniwan sa mga liham noon. Kadalasan, mababasa sa simula ang pangalan ng nagpadala, ang (mga) padadalhan, at pagkatapos ay isang pagbati. (Ro 1:7) Ang introduksiyon ni Pablo, kung saan inilarawan niya ang pagtawag sa kaniya at ang mensaheng dala niya, ay mas mahaba kaysa sa normal (sa Griego, isang mahabang pangungusap ito mula talata 1 hanggang 7). Sinasabi ng ilan na mahaba ito dahil hindi pa nakakadalaw si Pablo sa kongregasyon sa Roma, kahit maraming Kristiyano doon ang nakakakilala na sa kaniya. (Ihambing ang study note sa Gaw 15:23; 23:26.) Unang ginamit sa Kasulatan ang Hebreong pangalan niyang Saul, pero mula sa Gaw 13:9, tinawag na siya sa Romanong pangalan niyang Pablo (Pauʹlos, ang anyong Griego ng karaniwang pangalang Latin na Paulus). Pablo ang ginamit niyang pangalan sa lahat ng liham niya maliban sa liham niya sa mga Hebreo, kung saan hindi nabanggit ang pangalan niya. Posibleng iniisip niya na mas magiging katanggap-tanggap ito sa mga di-Judio, na kailangan niyang pangaralan ng mabuting balita dahil siya ay “isang apostol para sa ibang mga bansa.”​—Ro 11:13; Gaw 9:15; Gal 2:7, 8; tingnan ang study note sa Gaw 7:58; 13:9.

isang alipin ni Kristo Jesus: Kadalasan na, ang terminong Griego na douʹlos, na isinasaling “isang alipin,” ay tumutukoy sa isang tao na pag-aari ng iba, karaniwan na, sa isang alipin na binili. (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27) Ginagamit din ang terminong ito sa makasagisag na paraan para tumukoy sa nakaalay na mga lingkod ng Diyos at ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:18; 4:29; Gal 1:10; Apo 19:10) Binili ni Jesus ang lahat ng Kristiyano nang ibigay niya ang buhay niya bilang haing pantubos. Kaya hindi na pag-aari ng mga Kristiyano ang sarili nila, kundi itinuturing nila ang sarili nila na “alipin ni Kristo.” (Efe 6:6; 1Co 6:19, 20; 7:23; Gal 3:13) Sa mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na naglalaman ng payo sa mga kongregasyon, tinukoy ng mga manunulat ang sarili nila bilang “alipin ni Kristo” nang di-bababa sa isang beses. Ipinapakita lang nito na nagpapasakop sila kay Kristo, na kanilang Panginoon.​—Ro 1:1; Gal 1:10; San 1:1; 2Pe 1:1; Jud 1; Apo 1:1.

apostol: Ang pangngalang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.” Si Pablo ay tinawag para maging apostol sa mga bansa, o sa mga di-Judio; ang binuhay-muling si Jesu-Kristo mismo ang pumili sa kaniya. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23) Pinagtibay ni Pablo ang pagiging apostol niya nang sabihin niyang nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo (1Co 9:1, 2) at nang gumawa siya ng mga himala (2Co 12:12). Naging daan din si Pablo para mabigyan ng banal na espiritu ang mga bautisadong mánanampalatayá, na karagdagang patunay na isa siyang tunay na apostol. (Gaw 19:5, 6) Madalas niyang mabanggit na apostol siya, pero wala tayong mababasa na sinabi niyang isa siya sa “12 apostol.”​—1Co 15:5, 8-10; Ro 11:13; Gal 2:6-9; 2Ti 1:1, 11.

ibinukod: Ang salitang Griego na a·pho·riʹzo, “ibukod,” ay ginamit dito para tumukoy sa pagpili sa isang tao para sa isang espesipikong atas. Dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang atas niya na ihayag ang mabuting balita ng Diyos, ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Luc 4:18, 43; Gaw 5:42; Apo 14:6) Sa aklat ng Roma, ginamit din ni Pablo ang mga ekspresyong ‘mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos’ (Ro 1:9) at “mabuting balita tungkol sa Kristo” (Ro 15:19).

banal na Kasulatan: Dito, tumutukoy ito sa Hebreong Kasulatan. Kaayon ng talatang ito, kasama sa pamagat ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “Banal na Kasulatan.” Ang iba pang ekspresyon na ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para sa Hebreong Kasulatan ay “Kasulatan” at “banal na mga kasulatan.” (Mat 21:42; Mar 14:49; Luc 24:32; Ju 5:39; Gaw 18:24; Ro 15:4; 2Ti 3:15, 16) Kung minsan, ginagamit din ang mga terminong “Kautusan” (Ju 10:34; 12:34; 15:25; 1Co 14:21) at “Kautusan at mga Propeta” (Mat 7:12; Luc 16:16) para tumukoy sa buong Hebreong Kasulatan.​—Mat 22:40; tingnan ang study note sa Mat 5:17; Ju 10:34.

supling: O “inapo.” Lit., “binhi.”​—Tingnan ang Ap. A2.

ayon sa laman: Dito, ang salitang Griego para sa “laman” (sarx) ay tumutukoy sa pinagmulang angkan ni Jesus bilang tao sa lupa. Si Maria ay mula sa tribo ni Juda at inapo ni David, kaya tama lang na sabihin na ang anak niyang si Jesus ay supling ni David ayon sa laman. Dahil sa kaniyang ina, siya ay naging “ugat at . . . supling ni David,” o kadugo nito, kaya may karapatan siya sa “trono ni David na kaniyang ama.” (Apo 22:16; Luc 1:32) At dahil si Jose, na inapo rin ni David, ang legal na ama ni Jesus, may legal na karapatan din si Jesus sa trono ni David.​—Mat 1:1-16; Gaw 13:22, 23; 2Ti 2:8; Apo 5:5.

ipinahayag: O “napatunayan.” Dito, sinasabi ni Pablo na napatunayang Anak ng Diyos si Jesus nang buhayin siyang muli. Sa Gaw 13:33, ipinaliwanag ni Pablo na ang pagbuhay-muli kay Jesus ay katuparan ng nakasulat sa Aw 2:7. Natupad din ang sinasabi sa talatang iyan noong bautismuhan si Jesus at sabihin ng Ama niya: “Ito ang Anak ko.”​—Tingnan ang study note sa Mat 3:17.

banal na espiritu: Lit., “espiritu ng kabanalan.” Ang literal na ekspresyong Griego na ginamit dito ay kahawig ng ekspresyong Hebreo na isinaling “banal na espiritu” sa Aw 51:11 at Isa 63:10, 11 (lit., “espiritu ng [iyong o kaniyang] kabanalan”). Si Jehova ang nagpapasiya kung paano niya gagamitin ang kaniyang espiritu, o aktibong puwersa, at lagi nitong naisasakatuparan ang gusto niya. Ito ay dalisay, malinis, sagrado, at ginagamit lang para sa mabubuting gawa ng Diyos.

kami: O “ako.” Dito, ang pagkakagamit ni Pablo ng “kami” ay lumilitaw na isang istilo ng pagsulat noon at tumutukoy lang sa sarili niya. Nang banggitin ni Pablo ang kaniyang atas bilang apostol, ang tinutukoy niya ay ang espesyal na atas niya bilang apostol sa mga bansa. Bukod diyan, wala siyang ibang binanggit na pinanggalingan ng liham na ito kundi ang sarili niya (Ro 1:1), at pang-isahang panghalip na nasa unang panauhan ang ginamit niya sa Ro 1:8-16. Kaya kahit puwedeng tumukoy sa maraming tao ang “kami,” makatuwirang isipin na ang tinutukoy lang niya ay ang sarili niya, at hindi ang iba pang apostol.

lahat ng . . . nasa Roma: Lahat ng Kristiyano sa lunsod ng Roma. Noong Pentecostes 33 C.E., nasa Jerusalem ang “mga dumadayo mula sa Roma, kapuwa mga Judio at proselita,” at nasaksihan nila ang resulta ng pagbubuhos ng banal na espiritu. Siguradong ang ilan sa kanila ay kasama sa 3,000 nabautismuhan noong araw na iyon. (Gaw 2:1, 10, 41) Malamang na pagkabalik nila sa Roma, naitatag ang isang kongregasyong Kristiyano doon na binubuo ng masisigasig na kapatid, na ang pananampalataya ay “pinag-uusapan sa buong mundo” ayon kay apostol Pablo. (Ro 1:8) Ang mga Kristiyano sa Roma ay binanggit din kahit ng mga Romanong istoryador na sina Tacitus (The Annals, XV, XLIV) at Suetonius (The Lives of the Caesars, Nero, XVI, 2), na parehong ipinanganak noong unang siglo C.E.

banal: Madalas na tukuyin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga espirituwal na kapatid ni Kristo sa mga kongregasyon bilang mga “banal.” (Gaw 9:13, tlb.; 26:10, tlb.; Ro 12:13, tlb.; 2Co 1:1; 13:13) Ang terminong ito ay tumutukoy sa mga nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng bagong tipan na nagkabisa dahil sa “dugo para sa walang-hanggang tipan,” ang dugo ni Jesus. (Heb 10:29; 13:20) Kaya sila ay nilinis ng Diyos at itinuring niyang “banal.” Sa mata ni Jehova, naging banal sila, hindi pagkamatay nila, kundi nang simulan nila ang kanilang malinis na pamumuhay sa lupa. Kaya walang basehan sa Bibliya para ideklara ng isang indibidwal o organisasyon ang isang tao na “banal,” o “santo,” ayon sa salin ng ibang Bibliya. Sinasabi ni Pedro na dapat silang maging “banal” dahil ang Diyos ay banal. (1Pe 1:15, 16; Lev 20:7, 26) Ang terminong “banal” ay tumutukoy sa lahat ng naging kaisa ni Kristo at kasama niyang tagapagmana. Mahigit limang siglo bago tawaging “banal” ang mga tagasunod ni Kristo, isiniwalat na ng Diyos na ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan” ay mamamahala sa Kaharian kasama ni Kristo.​—Dan 7:13, 14, 18, 27.

Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan: Ginamit ni Pablo ang pagbating ito sa 11 liham niya. (1Co 1:3; 2Co 1:2; Gal 1:3; Efe 1:2; Fil 1:2; Col 1:2; 1Te 1:1; 2Te 1:2; Tit 1:4; Flm 3) Halos ganito rin ang pagbati niya sa mga liham niya kay Timoteo, pero idinagdag niya ang katangiang “awa.” (1Ti 1:2; 2Ti 1:2) Napansin ng mga iskolar na sa halip na gamitin ni Pablo ang karaniwang salita para sa pagbati (khaiʹrein), madalas niyang gamitin ang katunog na terminong Griego (khaʹris) para ipakita ang kagustuhan niyang lubos na matanggap ng mga kongregasyon ang “walang-kapantay na kabaitan.” (Tingnan ang study note sa Gaw 15:23.) Ang pagbanggit niya ng “kapayapaan” ay kahawig ng isang karaniwang Hebreong pagbati, sha·lohmʹ. (Tingnan ang study note sa Mar 5:34.) Sa paggamit ng “walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan,” maliwanag na idiniriin ni Pablo ang naibalik na kaugnayan ng mga Kristiyano sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pantubos. Nang sabihin ni Pablo kung kanino galing ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan, binanggit niya nang magkahiwalay ang Diyos na ating Ama at ang Panginoong Jesu-Kristo.

walang-kapantay na kabaitan: Tingnan sa Glosari. Sa 14 na liham ni Pablo, mga 90 beses niyang binanggit ang “walang-kapantay na kabaitan” (sa Griego, khaʹris); di-hamak na mas marami ito kaysa sa pagbanggit dito ng ibang manunulat ng Bibliya. Halimbawa, binanggit niya ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos o ni Jesus sa pasimula ng lahat ng liham niya, maliban sa liham niya sa mga Hebreo, at tinapos niya ang bawat liham niya gamit ang ekspresyong ito. Binanggit din ng ibang manunulat ng Bibliya ang “walang-kapantay na kabaitan” sa pasimula at pagtatapos ng mga isinulat nila.​—1Pe 1:2; 2Pe 1:2; 3:18; 2Ju 3; Apo 1:4; 22:21; tingnan ang study note sa Gaw 13:43.

buong puso: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego na isinaling “puso” (pneuʹma) ay lumilitaw na tumutukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Dito, ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakitang ibinibigay niya ang buong makakaya niya sa paglilingkod.

pinag-uukulan ng sagradong paglilingkod: O “pinaglilingkuran (sinasamba).” Ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay pangunahin nang tumutukoy sa paglilingkod. Gaya ng pagkakagamit sa Kasulatan, tumutukoy ito sa paglilingkod sa Diyos o sa anumang gawain na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. (Mat 4:10; Luc 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3) Dito, iniugnay ni Pablo ang sagradong paglilingkod niya sa mabuting balita tungkol sa . . . Anak ng Diyos. Kaya ang pangangaral ng mga alagad ni Jesus ng mabuting balitang ito ay isang sagradong paglilingkod, o pagsamba sa Diyos na Jehova.

pagpapala mula sa Diyos: O “espirituwal na kaloob.” Dito, ang salitang Griego para sa “pagpapala,” o “kaloob,” ay khaʹri·sma, na kaugnay ng salitang khaʹris, na madalas na isinasaling “walang-kapantay na kabaitan.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 17 beses lumitaw ang khaʹri·sma, at tumutukoy ito sa isang regalo, pabor, o pagpapala na tinanggap ng isa dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos at hindi dahil sa pinaghirapan niya ito o karapat-dapat siya rito. Ang khaʹri·sma ay puwedeng tumukoy sa makahimalang kaloob ng espiritu (1Co 12:4, 9, 28-31), pero ipinapakita ng pagkakagamit ni Pablo sa pang-uring “espirituwal” (sa Griego, pneu·ma·ti·kosʹ) na ang tinutukoy niya ay ang pagpapatibay sa mga kapatid sa espirituwal. Gusto silang mapatatag ni Pablo sa pamamagitan ng pagpapatibay sa pananampalataya nila at kaugnayan sa Diyos. Kaya ang kakayahan ng mga Kristiyano na patibayin ang pananampalataya ng isa’t isa ay maituturing na espirituwal na kaloob, o pagpapala mula sa Diyos.​—Ihambing ang 1Pe 4:10, 11.

makapagpatibayan: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang pandiwang Griego na syn·pa·ra·ka·leʹo·mai. Pero madalas gamitin ni Pablo ang kaugnay na pandiwang pa·ra·ka·leʹo, na sa literal ay “tawagin ang isa para tabihan ka” at nangangahulugang “patibayin; aliwin.” (Ro 12:8; 2Co 1:4; 2:7; 7:6; 1Te 3:2, 7; 4:18; 5:11; Heb 3:13; 10:25) Idiniriin dito ni Pablo na hindi lang ang mga Kristiyano sa Roma ang makikinabang sa pagbisita niya, kundi pati siya. Mapapatibay silang lahat sa pananampalataya ng isa’t isa.

makakita rin ng magagandang resulta: Ginamit dito ni Pablo para sa salitang “resulta” ang pang-agrikulturang terminong Griego na kar·posʹ, “bunga,” na madalas lumitaw sa Kasulatan. Sa makasagisag na paraan, tumutukoy ito sa espirituwal na pagsulong at kasaganaan. (Mat 3:8; 13:8; Ju 15:8, 16; Fil 1:11, 22) Posibleng gusto ni Pablo na mapasulong pa ng mga kapananampalataya niya ang “mga katangian na bunga ng espiritu,” pero lumilitaw na hindi lang iyan ang nasa isip niya. (Gal 5:22, 23; Ro 1:11, 12) Ipinapakita ng pananalitang gaya sa ibang mga bansa na gusto rin ni Pablo na dumami pa ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo sa Roma at posibleng sa iba pang lugar.​—Ro 15:23, 24.

May utang ako: O “May obligasyon ako.” Sa Kasulatan, ang salitang Griego para sa “may utang” at iba pang termino na may kaugnayan sa pagkakautang ay hindi lang tumutukoy sa pinansiyal na utang, kundi pati sa iba pang obligasyon o pananagutan. Sa Ju 13:14 (tingnan ang study note), ang pandiwang Griego na isinaling “dapat” ay nangangahulugang “may utang; may obligasyon.” Ipinapahiwatig dito ni Pablo na may utang siya sa mga taong nakikilala niya, at mababayaran niya lang ito kung sasabihin niya sa kanila ang mabuting balita. (Ro 1:15) Sobra-sobra ang pasasalamat ni Pablo sa awang ipinakita sa kaniya, kaya napakilos siya na tulungan ang iba na makinabang din sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (1Ti 1:12-16) Para bang sinasabi niya: ‘Dahil sa ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan at sa akin, obligado ako at gustong-gusto kong ipangaral ang mabuting balita sa lahat.’

mga Griego: Sa kontekstong ito, ang “mga Griego,” na binanggit kasama ng “mga banyaga,” ay hindi lang tumutukoy sa mga taong mula sa Gresya o may lahing Griego, kundi pati sa mga nagsasalita ng wikang Griego at yumakap sa kulturang Griego, kahit na posibleng iba ang lahi nila. Lumilitaw na ginamit ni Pablo ang pariralang “mga Griego at mga banyaga” para tumukoy sa lahat ng tao.​—Tingnan ang study note sa banyaga sa talatang ito.

banyaga: O “di-Griego.” Sa ilang mas lumang salin ng Bibliya, isinaling “Barbaro” ang salitang Griegong barʹba·ros na ginamit dito. Ang pag-uulit ng pantig, “bar bar,” sa salitang Griegong ito ay nagpapahiwatig ng pagkabulol o di-maintindihang pagsasalita, kaya noong una, ginagamit ng mga Griego ang terminong ito para tumukoy sa isang dayuhan na nagsasalita ng ibang wika. Nang panahong iyon, hindi ito tumutukoy sa mga taong di-sibilisado, magaspang, o walang modo; hindi rin ito mapanlait na termino. Ginagamit lang ang salitang barʹba·ros para tukuyin ang isang tao na hindi Griego. Tinatawag ng ilang Judiong manunulat, gaya ni Josephus, ang sarili nila sa ganitong termino. Sa katunayan, tinatawag ng mga Romano na barbaro ang sarili nila bago nila yakapin ang kultura ng mga Griego. At ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong barʹba·ros sa ekspresyong tumutukoy sa lahat ng tao: “Mga Griego at mga banyaga.”

Griego: Noong unang siglo C.E., ang salitang Griego na Helʹlen (nangangahulugang “Griego”) ay hindi laging tumutukoy sa mga mula sa Gresya o may lahing Griego. Kaya nang gamitin ni Pablo ang ekspresyong bawat isa na may pananampalataya at banggitin niya nang magkasama ang “Griego” at “Judio,” lumilitaw na ginamit niya ang terminong “Griego” para tumukoy sa lahat ng di-Judio. (Ro 2:9, 10; 3:9; 10:12; 1Co 10:32; 12:13) Siguradong ginawa niya ito dahil sa lawak ng impluwensiya ng wika at kulturang Griego sa buong Imperyo ng Roma.

gaya ng nasusulat: Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito (sa Griego, ka·thosʹ geʹgra·ptai, anyo ng graʹpho, “sumulat”) bago sumipi mula sa Hebreong Kasulatan. (Ro 2:24; 3:10; 4:17; 8:36; 9:13, 33; 10:15; 11:26; 15:3, 9, 21; 1Co 1:31; 2:9; 2Co 8:15) Sa liham niya sa mga taga-Roma, mahigit 50 ekspresyon ang sinipi ni Pablo mula sa Hebreong Kasulatan, at maraming beses din siyang gumamit ng mga konsepto at kahawig na pananalita mula dito.

Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya: Sinasabi ng ilan na ang Ro 1:16, 17 ang temang teksto ng aklat ng Roma, dahil mababasa rito ang pinakadiwa ng aklat: Hindi nagtatangi ang Diyos at gusto niyang maligtas “ang bawat isa na may pananampalataya.” (Ro 1:16) Sa buong liham niya sa mga taga-Roma, idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pananampalataya; mga 60 beses niyang ginamit ang mga terminong Griego na kaugnay ng “pananampalataya.” (Ang ilang halimbawa ay Ro 3:30; 4:5, 11, 16; 5:1; 9:30; 10:17; 11:20; 12:3; 16:26.) Dito sa Ro 1:17, sumipi si Pablo mula sa Hab 2:4. At sa dalawa pang liham niya, sumipi rin si Pablo mula sa Hab 2:4 para pasiglahin ang mga Kristiyano na magpakita ng pananampalataya.​—Gal 3:11; Heb 10:38; tingnan ang study note sa dahil sa kaniyang pananampalataya sa talatang ito.

dahil sa kaniyang pananampalataya: Dito, sumipi si Pablo mula sa Hab 2:4, kung saan ang mababasa ay “mabubuhay sa kaniyang katapatan.” Sa maraming wika, may malapit na kaugnayan ang pagiging tapat sa pagkakaroon ng pananampalataya. Ang salitang Hebreo na isinaling “katapatan” (ʼemu·nahʹ) ay kaugnay ng terminong Hebreo na ʼa·manʹ (maging tapat; maging mapagkakatiwalaan), na puwede ring tumukoy sa pagkakaroon ng pananampalataya. (Gen 15:6; Exo 14:31; Isa 28:16) Kaya ang Hab 2:4 (tingnan ang tlb.) ay puwede ring isaling “mabubuhay sa kaniyang pananampalataya.” Posibleng sumipi si Pablo sa salin ng Septuagint sa Hab 2:4, kung saan ginamit ang salitang Griego na piʹstis. Ang salitang Griego na ito ay pangunahin nang nangangahulugan ng pagkakaroon ng kumpiyansa, tiwala, at matibay na paniniwala. Pinakamadalas itong isalin na “pananampalataya” (Mat 8:10; 17:20; Ro 1:8; 4:5), pero depende sa konteksto, puwede rin itong tumukoy sa “katapatan” o “pagiging mapagkakatiwalaan” (Mat 23:23, tlb.; Ro 3:3). Sa Heb 11:1, ginabayan ng Diyos si Pablo para ibigay ang kahulugan ng terminong “pananampalataya” (sa Griego, piʹstis).​—Tingnan ang study note sa Pero ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kaniyang pananampalataya sa talatang ito.

di-makadiyos: O “walang galang sa Diyos.” Ginagamit sa Kasulatan ang salitang Griego na a·seʹbei·a at mga kaugnay na termino nito para tumukoy sa kawalan ng paggalang sa Diyos at pagsuway pa nga sa kaniya. (Jud 14, 15) Kabaligtaran ito ng terminong eu·seʹbei·a, na isinasaling “makadiyos na debosyon; pagkamakadiyos.” Makikita ito sa paglilingkod, debosyon, at pagsamba ng isang tao sa Diyos.​—Gaw 3:12; 1Ti 2:2; 4:7, 8; 2Ti 3:5, 12.

lalangin ang mundo: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong Griego na koʹsmos (“mundo”) ay karaniwan nang tumutukoy sa buong sangkatauhan o bahagi nito. Sa kontekstong ito, lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang paglalang sa mga tao, dahil may nakakita lang sa mga di-nakikitang katangian ng Diyos noong may mga tao na sa lupa na makakapagmasid sa iba pang nilalang ng Diyos. Ang terminong Griegong ito ay ginagamit din sa sekular na mga akda para tumukoy sa uniberso at mga nilalang, at malamang na ganito ang pagkakagamit ni Pablo sa terminong ito sa Gaw 17:24 noong mga Griego ang kinakausap niya.​—Tingnan ang study note sa Gaw 17:24.

pagka-Diyos: Ang salitang Griego na thei·oʹtes ay kaugnay ng terminong Griego na The·osʹ (Diyos). Gaya ng makikita sa konteksto, ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga pisikal na nilalang ng Diyos na nagpapatunay ng pag-iral Niya. Kailangan ang Kasulatan para maintindihan ang layunin, pangalan, at maraming aspekto ng personalidad ng Diyos; pero makikita sa mga nilalang ang kaniyang di-nakikitang mga katangian (lit., “mga hindi nakikita sa kaniya”), pati na ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan, na ginamit niya para lalangin at alagaan ang uniberso. Makikita sa pisikal na paglalang ang kaniyang “pagka-Diyos”; pinapatunayan nito na Diyos talaga ang Maylalang at karapat-dapat siya sa ating pagsamba.​—Apo 4:11.

wala silang maidadahilan: Lit., “wala silang maipandedepensa.” Ang salitang Griego na a·na·po·loʹge·tos ay isang terminong ginagamit sa korte para tumukoy sa taong hindi makapagharap ng nakakukumbinsing ebidensiya para maipagtanggol ang sarili niya. Dito, tumutukoy ito sa mga taong hindi kumikilala sa Diyos. “Mula pa nang lalangin ang mundo” hanggang sa ngayon, pinapatunayan ng mga nilalang na talagang may Diyos. Dahil malinaw na nakikita ang mga katangian niya, hindi maipagtanggol ng mga hindi naniniwala sa Diyos ang paniniwala nila. Sinabi pa ni Pablo na ang mga katangian ng Diyos ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya. Ang terminong Griego na isinaling “nakikita” ay kaugnay ng termino para sa “isip” (sa Griego, nous); ipinapahiwatig nito na kailangan ang isip para ‘makita’ ang mga katangian ng Diyos. Ayon sa isang salin, ang mga katangian ng Diyos ay “nakikita ng mata ng pang-unawa.” Sa pagmamasid sa mga nilalang ng Diyos at pagbubulay-bulay sa mga ito, maraming matututuhan ang mga tao sa mga katangian ng Maylalang. At kapag sinamahan ito ng malalim na kaalaman sa layunin at kaisipan ng Maylalang sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, magkakaroon ng matibay na pananampalataya ang isang tao.

pinabayaan na sila ng Diyos na gumawa ng karumihan: Posibleng ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga apostatang Israelita, na daan-daang taóng namuhay nang salungat sa katotohanang natutuhan nila tungkol sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga utos. “Pinili nila ang kasinungalingan sa halip na ang katotohanan tungkol sa Diyos.” (Ro 1:16, 21, 25, 28, 32) Binabalaan ng Diyos ang mga Israelita laban sa idolatriya at seksuwal na imoralidad (Lev 18:5-23; 19:29; Deu 4:15-19; 5:8, 9; 31:16-18), pero paulit-ulit silang sumamba sa mga paganong diyos-diyusan na kamukha ng mga hayop o tao (Bil 25:1-3; 1Ha 11:5, 33; 12:26-28; 2Ha 10:28, 29; ihambing ang Apo 2:14). Kaya iniwan na sila ng Diyos at ‘pinabayaang gumawa ng karumihan.’ Makikita rin sa sinabi ni Pablo na dapat na naintindihan kahit ng mga tao ng ibang mga bansa na ang pagsamba sa mga hayop at mga tao ay hindi katanggap-tanggap at hinahatulan ng Diyos.​—Ro 1:22.

kasinungalingan: Tumutukoy sa idolatriya. Ang mga idolo ay huwad, o isang kasinungalingan. (Jer 10:14) Pinapatunayan ng mga nilalang na talagang may Diyos, pero may ilang ‘nakakakilala sa Diyos’ na nagtago ng katotohanan tungkol sa kaniya. (Ro 1:18, 21, 25) Kahit alam nila ang katotohanan tungkol sa kaniyang pagka-Diyos at walang-hanggang kapangyarihan, hindi nila siya pinaglingkuran; sa halip, gumawa sila ng mga idolo at sinamba ang mga ito. Dahil sa idolatriya, nahulog sila sa lahat ng uri ng maruruming gawain.​—Ro 1:18-31.

Amen: O “Mangyari nawa.” Ang salitang Griego na a·menʹ ay transliterasyon ng terminong Hebreo mula sa salitang-ugat na ’a·manʹ, na nangangahulugang “maging tapat; maging mapagkakatiwalaan.” (Tingnan sa Glosari.) Ang “Amen” ay sinasabi bilang pagsang-ayon sa isang panata, panalangin, o isang bagay na sinabi. Madalas itong gamitin ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan para ipahayag ang pagsang-ayon nila sa isang bagay nang may kasamang papuri sa Diyos, gaya ng ginawa dito ni Pablo. (Ro 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11) Minsan, ginagamit din ito para idiin ang kagustuhan ng manunulat na pagpalain ng Diyos ang makakatanggap ng liham. (Ro 15:33; Heb 13:20, 21) Ginagamit din ito para ipakita na talagang sang-ayon ang manunulat sa isang bagay na kasasabi lang.​—Apo 1:7; 22:20.

kahiya-hiyang seksuwal na pagnanasa: Ang salitang Griego na paʹthos ay tumutukoy sa matindi, o di-makontrol, na pagnanasa. Maliwanag sa konteksto na tumutukoy ito sa seksuwal na pagnanasa. Dito, ang ganitong pagnanasa ay tinawag na ‘kahiya-hiya’ (sa Griego, a·ti·miʹa, “kahihiyan”), dahil nagdudulot ito ng kahihiyan sa isang tao.

likas na pagkakadisenyo sa kanila: Likas na pagtatalik. Ang salitang Griego na isinaling “likas” (phy·si·kosʹ) ay tumutukoy sa itinakda o natural na gamit ng isang bagay. Para suportahan ang pangangatuwiran ni Pablo sa Ro 1:26, 27, posibleng ginamit niya ang mga pananalitang kahawig ng ulat ng paglalang sa Gen 1:27. Sa halip na gamitin ang karaniwang terminong Griego para sa “lalaki” at “babae,” ginamit niya ang mas espesipikong mga salita para sa mga ito. Ang mga salita ring ito ang ginamit sa salin ng Septuagint sa Gen 1:27 at sa mga pagsipi ng Mat 19:4 at Mar 10:6 sa tekstong ito. Sinabi sa Genesis na pinagpala ng Diyos ang unang mag-asawa at inutusan silang magpakarami at “punuin . . . ang lupa.” (Gen 1:28) Ang mga homoseksuwal na gawain ay salungat sa likas na pagkakadisenyo dahil hindi ito bahagi ng orihinal na kaayusan ng Maylalang para sa mga tao at hindi posibleng magkaanak ang mga gumagawa nito. Ikinumpara ng Bibliya ang mga homoseksuwal na gawain sa pakikipagtalik ng rebelyosong mga anghel, o mga demonyo, sa mga babae bago ang Baha noong panahon ni Noe. (Gen 6:4; 19:4, 5; Jud 6, 7) Ang ganitong mga gawain ay hindi likas sa paningin ng Diyos.​—Tingnan ang study note sa Ro 1:27.

ayaw na ng mga lalaki na makipagtalik: O “iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit.” Ang salitang Griego na isinaling “likas” (phy·si·kosʹ) ay tumutukoy sa itinakda o natural na gamit ng isang bagay. Ipinapakita sa talatang ito at sa naunang talata na hindi kaayon ng kalooban ng Diyos para sa mga tao ang seksuwal na gawain sa pagitan ng dalawang babae o dalawang lalaki. (Gen 1:27; tingnan ang study note sa Ro 1:26.) Sa Lev 18:22 ng Hebreong Kasulatan, maliwanag ang pananaw ng Diyos sa mga homoseksuwal na gawain. Ang pagbabawal na ito ay isa sa maraming batas sa moral na ibinigay sa bansang Israel. Sa kabaligtaran, talamak sa mga bansang nakapalibot sa Israel ang homoseksuwalidad, insesto, pakikipagtalik sa hayop, at iba pang gawaing ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko. (Lev 18:23-25) Dahil inulit ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ipinagbabawal niya ang mga homoseksuwal na gawain, ipinapakita nito na hinahatulan niya talaga ito, Judio man o hindi ang gumagawa nito.​—1Co 6:9, 10.

kalaswaan: Ang salitang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “kahiya-hiyang mga bagay.”

pinagbabayaran nila ang kasalanan nila: O “tinatanggap nila ang lubos na kabayaran dahil sa pagkakasala nila.” Ang salitang Griego para sa “pinagbabayaran” ay nangangahulugan ng pagtanggap ng isang tao sa isang bagay na nararapat sa kaniya. Dito, tumutukoy ito sa nararapat na kaparusahan o negatibong resulta ng paggawa ng isang bagay. Sa 2Co 6:13, tumutukoy ito sa angkop na pagkilos.

kasakiman: O “kaimbutan.” Ang salitang Griego na ple·o·ne·xiʹa ay literal na nangangahulugang “pagkakaroon ng higit” at tumutukoy sa di-masapatang pagnanasa. Ginamit din ang terminong ito sa Efe 4:19; 5:3. Sa Col 3:5, sinabi ni Pablo na ang “kasakiman” ay “isang uri ng idolatriya.”

mapagbulong: O “tsismoso.” Ang salitang Griego ay lumilitaw na tumutukoy sa isa na mahilig sa mapanirang tsismis at posibleng nagkakalat nito.​—Tingnan ang study note sa 2Co 12:20.

hindi tumutupad sa mga kasunduan: O “ayaw makipagkasundo.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay hindi lang tumutukoy sa isang tao na hindi tumutupad sa kasunduan; puwede rin itong tumukoy sa isa na hindi maaasahan o hindi tumutupad sa pangako. Ayon sa isang reperensiya, tumutukoy rin ito sa “isa na hindi nakikipagtulungan para masolusyunan ang isang di-pagkakaunawaan.”

walang likas na pagmamahal: Sa pariralang ito, na isinaling “walang puso” sa ilang Bibliya, ginamit ang salitang Griego na aʹstor·gos, na may unlaping a, na nangangahulugang “wala,” at stor·geʹ, na nangangahulugang “likas na pagmamahal.” Tumutukoy ang terminong ito sa kawalan ng likas na pagmamahal sa pagitan ng magkakapamilya, lalo na sa pagitan ng mga magulang at mga anak. Hindi natin maaasahan ang isang tao na mapanatili ang magandang kaugnayan sa iba kung wala siyang likas na pagmamahal sa mga kapamilya niya. Kaayon ng sinabi ni Pablo, iniulat ng mga istoryador mula sa panahon ng mga Griego at Romano ang tungkol sa mga pamilyang inabandona ng mga ama; matatandang magulang na pinabayaan ng mga anak; at mga anak na pinatay ng mga magulang dahil hindi sila gusto ng mga ito kasi mahina sila o may diperensiya. Ginamit ni Pablo ang terminong ito dito sa Ro 1:31 para ilarawan kung gaano na kalayo ang mga tao sa pagiging perpekto. Sa 2Ti 3:3, ginamit niya ito para ilarawan ang magiging ugali ng mga tao sa mga huling araw.

Media

Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Roma
Video ng Introduksiyon sa Aklat ng Roma
Mga Apartment Noon sa Roma
Mga Apartment Noon sa Roma

Makikita rito ang posibleng hitsura ng malalaking apartment noon sa Roma o sa kalapít na Ostia, ang daungang-lunsod ng Roma. Ang ganitong mga gusali ay may mga palapag, kadalasan nang itinatayo sa palibot ng isang malawak na espasyo, at napapalibutan ng kalsada sa lahat ng panig nito. Karaniwan nang nirerentahan ang mga silid sa unang palapag para gawing tindahan at tirahan; may kani-kaniyang pasukan ang mga ito galing sa kalsada. Sa ikalawang palapag, may mga apartment na maraming silid, na kadalasan nang nirerentahan ng mayayaman. Iba-iba ang laki ng mga silid sa pinakamataas na palapag; mas mura ang maliliit na silid, pero hindi ito gaanong gusto ng mga tao. Ang mga nakatira sa matataas na silid ay kailangang kumuha ng tubig sa pampublikong bukal at gumamit ng pampublikong paliguan. Karamihan ng tao sa Roma ay nakatira sa mga gusaling gaya ng makikita rito. Siguradong may mga Kristiyano sa Roma na nakatira sa ganitong mga apartment.

Lunsod ng Roma
Lunsod ng Roma

Ang lunsod ng Roma, na kabisera ng Imperyo ng Roma, ay makikita malapit sa Ilog Tiber at itinayo sa isang lugar na may pitong burol. Habang lumalakas ang imperyo, lumalawak din ang lunsod na ito. Noong kalagitnaan ng unang siglo C.E., posibleng mga isang milyon na ang nakatira sa Roma, at may malaking komunidad ng mga Judio rito. Ang mga unang Kristiyano sa Roma ay malamang na mga Judio at proselita na nasa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. at nakarinig sa pangangaral ni apostol Pedro at ng iba pang alagad. Posibleng dinala ng mga bagong alagad na ito ang mabuting balita sa Roma pagkabalik nila. (Gaw 2:10) Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma, na isinulat noong mga 56 C.E., sinabi niya na ang pananampalataya ng mga taga-Roma ay “pinag-uusapan sa buong mundo.” (Ro 1:7, 8) Makikita sa video ang posibleng hitsura ng ilang kilaláng lugar sa Roma noong panahon ni Pablo.

1. Via Appia

2. Circus Maximus

3. Burol ng Palatine at Palasyo ni Cesar

4. Templo ni Cesar

5. Mga Teatro

6. Pantheon

7. Ilog Tiber

Sinagoga sa Lunsod ng Ostia
Sinagoga sa Lunsod ng Ostia

Makikita rito ang labí ng isang sinagoga sa Ostia, ang daungang lunsod ng Roma. Ilang beses nang inayos at binago ang gusali, pero pinaniniwalaang itinayo talaga ito bilang isang sinagoga noong ikalawang bahagi ng unang siglo C.E. Dahil may sinagoga sa lugar na ito, ipinapakita nito na matagal nang may naninirahang mga Judio sa palibot ng Roma. Pinalayas ni Emperador Claudio ang mga Judio sa lunsod ng Roma noong mga 49 o 50 C.E., pero posibleng nanirahan pa rin ang mga Judio sa mga lugar na malapit dito. (Gaw 18:1, 2) Pagkamatay ni Claudio noong 54 C.E., maraming Judio ang bumalik sa lunsod ng Roma. Nang isulat ni Pablo ang liham niya para sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., ang kongregasyon doon ay binubuo ng mga Judio at Gentil. Ito ang dahilan kung bakit nagbigay si Pablo ng mga payo sa dalawang grupong ito na tutulong para makapamuhay sila nang may pagkakaisa.—Ro 1:15, 16.

1. Roma

2. Ostia