ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Ebolusyon
Sinasabi ng ilan na ang buhay ay resulta ng ebolusyon. Iginigiit naman ng iba na sinimulan ito ng Diyos sa pamamagitan ng paglalang, at pagkatapos ay hinayaan niyang ipagpatuloy ito ng ebolusyon. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Ipinakikita ba ng ulat ng Bibliya na imposibleng nagsimula ang uniberso sa pamamagitan ng big bang?
Ito lang ang sinasabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Hindi nito sinasabi kung paano eksaktong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kaya kung ang uniberso man ay resulta ng pagsabog sa kalawakan, hindi iyan magiging salungat sa sinasabi ng Bibliya. Sa halip, sinasagot ng Genesis 1:1 ang tanong na, Sino ang sanhi ng big bang?
Siyempre pa, naniniwala ang maraming siyentipiko na ang big bang ay basta na lang nangyari, at dahil dito, ang mga partikula ng materya ay kusang nagsama-sama at bumuo ng mga bituin at planeta sa loob ng mahabang panahon. Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang paniniwalang iyan. Pero sinasabi nito na ang uniberso ay nabuo dahil tuwiran itong ginawa ng Diyos, gumamit man siya ng isang uri ng pagsabog sa kalawakan o iba pang pamamaraan ng paglalang.
“Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Genesis 1:1.
Ipinahihiwatig ba ng Bibliya na posibleng magbago ang buháy na mga bagay paglipas ng panahon?
Oo. Sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang buháy na mga bagay “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:11, 12, 21, 24, 25) Puwede bang magkaroon ng pagbabago sa gitna ng magkakauri? Oo. Pero pinatutunayan ba ng nakikitang pagbabago sa gitna ng magkakauri na sa paglipas ng panahon ay may mga bagong uri na puwedeng mag-evolve? Hindi.
Pansinin ang isang halimbawa: Noong dekada ng 1970, pinag-aralan ng mga mananaliksik ang mga ibong finch na nasa Galápagos Islands. Napansin nila na dahil sa pagbabago ng klima, mas nabubuhay ang mga finch na bahagyang mas mahaba ang tuka. Para sa ilan, ito ay katibayan ng ebolusyon. Pero katibayan nga ba ito ng ebolusyon, o pakikibagay lang? Pagkaraan ng ilang taon, mas marami na naman ang mga finch na maliliit ang tuka. Dahil sa eksperimentong ito, sinabi ni Jeffrey H. Schwartz, isang propesor ng antropolohiya, na bagaman ang pakikibagay ay nakatutulong sa isang species na mabuhay sa nagbabagong kalagayan, “hindi ito lumilikha ng panibagong bagay.”
Puwede bang pagtugmain ang Bibliya at ang teoriya ng ebolusyon?
Sinasabi ng Bibliya na “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Nagsimula lang siyang “magpahinga” nang matapos na ang paglalang. (Genesis 2:2) Maliwanag: Ang Diyos ay hindi lumikha ng simpleng organismo at saka nagpahinga, o naghintay na lang, habang ang organismong iyon ay nag-e-evolve sa loob ng milyon-milyong taon at naging iba’t ibang uri ng isda, unggoy, at tao. * Ang ideyang iyan, tinatawag na macroevolution, ay hindi kumikilala sa papel ng isang Maylikha, na ayon sa Bibliya ay siyang ‘gumawa ng langit at ng lupa, ng dagat at lahat ng naroroon.’—Exodo 20:11; Apocalipsis 10:6.
“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 4:11.
Matuto pa nang higit: Sinasabi ng Bibliya na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.” (Roma 1:20) Ang pagkakilala sa Diyos ay tutulong para maging makabuluhan ang buhay, dahil mayroon siyang magandang layunin para sa lahat ng humahanap sa kaniya. (Eclesiastes 12:13; Hebreo 11:6) Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa aming website na www.jw.org/tl o makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.
^ par. 12 Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang sinasabi ng mga creationist na nilikha ng Diyos ang lupa sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 24-27 ng brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at mada-download nang libre sa www.jw.org/tl.