Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?

Paano Ko Kaya Masasabi sa Kaniya ang Aking Nadarama?

“Nais ko sanang malaman ang sagot sa tanong na, Sino ang dapat magtapat ng pag-ibig​—ang lalaki o ang babae?”​—Laura. *

KAMAKAILAN mo lamang siya nakilala o baka matagal-tagal mo na rin siyang kilalá​—at gusto mo na maging higit pa kayo sa magkaibigan. Kumbinsido ka na pareho ang inyong nadarama ngunit nauumid lamang siya o nahihiyang magsabi ng anuman. Kaya iniisip mo kung makabubuti kaya na ikaw na ang unang magsabi ng iyong nadarama. *

Bago mo gawin iyan, isaalang-alang muna natin ang damdamin ng mga tao sa paligid mo​—ang iyong pamilya at ang mga nasa komunidad ninyo. Halimbawa, kaugalian ba sa inyo na mga magulang mo ang pipili ng iyong mapapangasawa? * Totoo, baka para sa iyo ay personal na bagay ang pakikipagligawan at pag-aasawa. Gayunman, sinisikap iwasan ng mga Kristiyano na masaktan nang di-kinakailangan ang damdamin ng iba. Nais din nilang isaalang-alang ang damdamin ng kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.

Subalit sa maraming lupain sa ngayon, karaniwan nang ang lalaki at babae ang nagpapasiya sa ganang sarili kung magliligawan sila bago magpasiyang magpakasal o hindi. Mali kaya na mauna ang babae sa pagpapahayag ng romantikong interes sa lalaki? Muli, kailangang isaalang-alang ang damdamin ng pamilya at ng komunidad. Ikagugulat kaya o ipagdaramdam ng marami ang gayong hakbangin?

Ano pa ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa tanong kung wasto ba para sa isang babae na maunang magsabi ng kaniyang nadarama? Noong panahon ng Bibliya, kinausap ng isang babaing may takot sa Diyos na nagngangalang Ruth ang lalaking nagngangalang Boaz tungkol sa pag-aasawa. At pinagpala ng Diyos na Jehova ang kaniyang pagsisikap! (Ruth 3:1-13) Sabihin pa, hindi na bata noon si Ruth; isa siyang balo, maliwanag na nasa hustong gulang na para mag-asawa. Hindi rin siya nakipagligaw-biro o umalembong kay Boaz. Sa halip, maingat niyang sinunod ang mga kautusan ng Diyos hinggil sa pag-aasawa.​—Deuteronomio 25:5-10.

Marahil ay nasa hustong gulang ka na para isaalang-alang ang pag-aasawa, at interesado ka sa isang binata. Magkagayunman, isang sensitibong bagay at pagbabaka-sakali ang pagpapahayag ng damdamin sa isa na baka wala namang gusto sa iyo. Para bang kinukuha mo ang iyong puso at ipinahahawak ito sa iba. Maingat ba niya itong hahawakan o basta bibitiwan na lamang? Ang pinakamabisang paraan upang hindi mapahiya o masaktan ang damdamin nang di-kinakailangan ay sundin ang mga simulain ng Bibliya.

Kumilos Nang May Katalinuhan

Madaling magpadala sa romantikong pangangarap nang gising. Baka naguguniguni mo pa nga ang araw ng iyong kasal at ang mga mangyayari kasunod nito. Gayunman, bagaman kasiya-siya ang ganitong mga pangangarap nang gising, ito ay mga ilusyon lamang. Maaari itong pumukaw ng matitinding pagnanasa na hindi mo naman masasapatan. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Maaari ka ring magkamali sa iyong pasiya dahil sa pangangarap nang gising. Subalit sinasabi ng Kawikaan 14:15: “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” Ang ibig sabihin ng matalino ay ginagamit mo ang iyong sentido-kumon at matinong pagpapasiya. Paano ka magiging matalino kapag mayroon kang romantikong interes sa isang indibiduwal?

Una, sikaping ‘gumawi nang may kaalaman.’ (Kawikaan 13:16) Gaya ng sinabi ng isang kabataang babae, “talagang hindi mapapamahal sa iyo ang isang tao hangga’t hindi mo siya nakikilalá.” Bago mo mahalin ang isang tao, obserbahan mo muna ang kaniyang ginagawa at ang paraan ng kaniyang pagsasalita. Pagmasdan kung paano siya nakikitungo sa mga tao. “Magtanong sa mga kaibigan niya tungkol sa kaniya, sa mga adultong lubos na nakakakilala sa kaniya,” ang mungkahi ng isang kabataang lalaki. Siya ba ay “may mabuting ulat” mula sa mga kasama niya sa kongregasyong Kristiyano? (Gawa 16:2) Iminungkahi rin ng isang kabataang babae na nagngangalang Isabel, “lubhang makatutulong ang pamamasyal bilang isang grupo at pagkilala sa kaniyang pamilya.” Ang pagiging nasa grupo ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na magmasid nang hindi gaanong napapansin.

Kailangan ang panahon at pagtitiyaga para makilala ang isa sa ganitong paraan. Ngunit tutulong ito sa iyo na makita ang mga saloobin, ugali, at mga katangian na magbibigay-katiyakan o magpapabago sa iyong nadarama. Sinasabi ng Kawikaan 20:11: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata [o ng kabataang lalaki] kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.” Oo, sa dakong huli ay isisiwalat ng kaniyang mga gawa ang tunay niyang pagkatao.

Kung gayon, isang katalinuhan na pigilin muna ang matinding pagnanais na ipahayag kaagad ang iyong nadarama. Kapag nagmadali ka at tinugon niya ang pagmamahal mo, baka matuklasan mo sa dakong huli na hindi pala siya angkop na maging kabiyak. * Yamang naipahayag mo nang mahal mo siya, ang pagputol sa inyong ugnayan ay maaaring makasakit​—marahil nang malubha​—sa damdamin ng binata.

Ang Impresyon na Nililikha Mo

Malamang na pinagmamasdan ka rin ng binatang ito! Inihaharap mo ba ang iyong sarili sa paraang naipamamalas ang iyong makadiyos na mga katangian? “Napansin ko na maraming babae ang nagbibihis nang di-angkop,” ang sabi ni Isabel. “Kung gusto mong mapansin ka ng taong mahusay ang espirituwalidad, kailangang mahinhin ang iyong pananamit.” Anuman ang uso sa kasalukuyan, magiging mas kaakit-akit ka sa isang lalaking makadiyos kung gagayakan mo ang iyong sarili “ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”​—1 Timoteo 2:9.

Hinihimok din ng Bibliya ang mga kabataang Kristiyano na “maging halimbawa . . . sa pagsasalita.” (1 Timoteo 4:12) Malaki ang isinisiwalat tungkol sa iyo ng iyong paraan ng pagsasalita. Ano ang dapat mong gawin kapag nagkaroon ka ng pagkakataong makausap ang binata? Kung mahiyain siya, baka siya ay di-mapakali at ninenerbiyos. Ganito ang sinabi ng kabataang babae na nagngangalang Abbie, “Baka kailangang ikaw ang magbukas ng pag-uusap upang makita kung paano siya tutugon.”

Paano? Kung magsasalita ka nang magsasalita tungkol sa iyong sarili, baka isipin niya na ikaw ay makasarili at mababaw. Inirerekomenda ng Bibliya na ‘ituon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ (Filipos 2:4) Matutulungan mo siyang magsalita kung magbabangon ka ng ilang angkop na tanong tungkol sa kaniya o sa mga kinawiwilihan niya.

Hindi ito panahon upang gumamit ng “mapandayang dila” o “mga labing bulaan” para sa labis na pagpuri. (Awit 120:2) Mahahalata ng lalaking may pang-unawa na hindi taimtim ang gayong pananalita. Kasabay nito, iwasan ang pagsasabi ng mga bagay-bagay dahil lamang sa iniisip mong gusto niyang marinig ang mga ito. Totoo ito lalo na kapag mas seryoso na ang inyong usapan at tinatalakay na ninyo ang mga bagay na tulad ng inyong sariling espirituwal na mga tunguhin. Magpakatotoo ka sa pamamagitan ng pagiging taimtim, matapat, at tunay. Sa gayong paraan mo lamang matitiyak kung magkapareho ang inyong mga tunguhin.

Kung Hindi Siya Tumugon

Subalit paano kung sa kabila ng gayong mahinhing pagsisikap, hindi siya nagpakita ng romantikong interes sa iyo? Marahil ay ilang linggo​—o buwan​—na ang lumipas at hindi pa rin siya nagpapakita ng interes sa iyo. Dapat mo bang ituring lamang iyon na pagkamahiyain? Maaari mong itanong sa iyong sarili: ‘Kung ganoon siya kaumid, handa ba siya sa pag-aasawa? Kung pakakasalan ko siya, kaya na ba niyang maging ulo ng pamilya, o ako ang aasahan niyang gagawa nito?’ (1 Corinto 11:3) Ang isa pang tanong na dapat pag-isipan ay, ‘Talaga bang mahiyain siya o hindi lamang siya interesado sa akin?’ Masakit isipin ang huling nabanggit. Ngunit kung tatanggapin mo ito, maiiwasan mo ang kahihiyang dulot ng pagpapahayag ng romantikong damdamin sa isa na wala namang interes sa iyo.

Baka sa tingin mo ay may katibayan na may gusto siya sa iyo. Sa palagay mo ay masyado lamang siyang mabagal sa pagpapahayag nito at magtatapat din siya kung pahihiwatigan pa siya nang kaunti. Marahil nga. Ngunit kung magpasiya kang maunang magpahayag ng damdamin, dapat mong tandaan na nagbabaka-sakali ka lamang. Dapat mong pag-isipang mabuti hindi lamang kung ano ang sasabihin mo kundi kung kailan ang tamang panahon ng pagsasabi nito.

Halimbawa, maaaring mas gugustuhin mong ipahiwatig na nalulugod ka sa atensiyong iniuukol niya sa iyo sa halip na ibulalas na “umiibig ka sa kaniya.” Sa isang relaks at angkop na tagpo, maaari mong sabihin na gusto mong higit pa siyang makilala. Huwag kang mag-alala kung waring nakaaasiwa ang mga sinasabi mo. Ang taimtim na damdaming mahahalata sa iyong mga salita ay baka mas matimbang kaysa sa mismong mga sinasabi mo. Tandaan din na ipinahahayag mo lamang ang hangaring simulan ang pakikipagligawan, hindi ka nag-aalok ng kasal. Gayunpaman, maaaring ikagulat niya ito, kaya bigyan siya ng panahon para pag-isipan ang sinabi mo.

Kung talagang kilalá mo na ang binatang ito at napatunayan mong mabait at makonsiderasyon siya, hindi ka dapat mangamba na magiging magaspang ang pagtugon niya o ipapahiya ka niya. Ngunit paano ka tutugon kung may-kabaitan niyang tiniyak na wala siyang pagtingin sa iyo? At paano dapat gumawi ang isang kabataang lalaki sa gayong situwasyon? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap ang mga tanong na ito.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 4 Bagaman para sa mga kabataang babae ang artikulong ito, makatutulong din ang maka-Kasulatang payo sa mga kabataang lalaki at sa iba pa na nagbabalak manligaw.

^ par. 5 Hindi naman laging bigo ang kinauuwian ng ipinagkasundong pag-aasawa. Halimbawa, noong panahon ng Bibliya, ipinagkasundo si Rebeka na maging asawa ni Isaac, at ‘inibig ni Isaac si Rebeka.’ (Genesis 24:67) Ang aral? Huwag ipagwalang-bahala kaagad ang lokal na mga kaugalian hangga’t hindi salungat ang mga ito sa kautusan ng Diyos.​—Gawa 5:29.

^ par. 13 Makatutulong sa iyo ang mga kabanata 28 hanggang 31 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, upang matiyak kung ang isa ay magiging angkop na kabiyak.

[Larawan sa pahina 22]

Maaaring magbago ang damdamin mo sa kaniya kung oobserbahan mo kung paano siya gumagawi

[Larawan sa pahina 22]

Kung mayroon kang romantikong interes sa isang indibiduwal, makipag-usap sa responsableng mga adulto na nakakakilala sa kaniya